NAKAKALULA ang karangyaan ng Saeed Commercial Building. Pagpasok pa lang ay nakakalito na ang mga malalawak na entrada ng pasilyo. Sa atrium ay may nakaka-enganyong fountain na napapaligiran ng mga artificial plants. Para siyang nasa loob ng isang mall.
Nakaramdam ng pagkalito si Karina. Mabuti na lang at dalawang Filipina ang nasa reception area. Lumapit siya at nagtanong. Itinuro siya sa kaliwa. Malayo-layo ang kanyang nilakad bago may isa pang reception hall kung saan hiningan siya ng identification card.Isang Filipina at isang babaeng hindi niya niya mawari ang lahi ang nakapuwesto roon. Iprinisinta niya ang kanyang passport. Pinag-sign siya sa log book saka siya binigyan ng tila magnetic card.
“S—saan ang Executive Office ng Saeed Group?” tanong niya sa kababayang receptionist.
“To the right, straight ahead tapos kakaliwa ka. Sa dulo, may lift tapos 24th floor,” nakangiting sabi nito.
Tinitigan niya ang card na ibinigay nito sa kanya. Para iyong NOL card na ginagamit sa Metro train. Matingkad na berde nga lang iyon at may ensemble ng Saeed Group of Companies.
“Swipe mo ‘yan dun,” nakangiting inginuso ng babae ang steel bar. May tila big box na nakapagitna sa mga bars.
Ngumiti rin siya. “Salamat,” aniya bago tumalikod. Pinagmasdan muna niya ang dalawang lalaking sinusundan kung paano gamitin ang card na hawak. Madali lang naman. Ang siste, sobrang haba ng hallway na nilakaran niya bago marating ang lift na sinabi ng babae. Hingal na hingal siya sa paglalakad.
Naisip niya, gaano kaya kayaman si Mohammed Saeed? Parang malaking kaharian ang building na pag-aari nito.
Sa wakas ay narating din niya ang lift. May tatlong lalaki at dalawang babae siyang kasabay na pumasok. Ang dalawa sa lalaki ay nakasuot ng Kandura samantalang naka-suit ang isa. Ang dalawang babae ay ibang lahi na nag-uusap sa ibang lenggwahe. Sa unang tingin ay mukhang Russians ang mga ito. Kung ikukumpara ang suot siyang simpleng blusa at palda, mukha siyang alalay ng dalawang seksing babaeng iyon. Matatangkad ang mga ito. Ipinagpasalamat niyang may operator ng elevator at Filipina ito.
Matamis na ngiti ang ibinati nito sa kanya. “Saan ka Kabayan?”
“24th floor.” Matamis din ang ngiti niya kahit hinihingal pa rin siya. Naisip niya, okay na rin sa kanya ang gayong trabaho lalo na kung makikita niya araw-araw si Mohammed Saeed.
Nang nakalabas na sa kani-kanyang floor destinations ang mga kasabay niya ay kinausap niya ang elevator operator. “Matagal ka na rito?”
“Mag-wa-one year pa lang dito sa Saeed pero tatlong taon na na ako dito sa UAE. Sa isang mall sa Ras Al-Khaimah ako unang nagtrabaho.”
“Direct hire ka rito?”
“Oo. Nag-change visa lang ako ‘nung nag-finish contract ako sa dati kong trabaho. Ikaw?”
“Bago pa lang ako dito, eh. Mag-a-apply pa lang.”
“Sa Executive Office? Sa CEO’s Office? ‘Dun ang punta mo?” sunod-sunod na tanong nito sa tonong gulat na gulat.
“H—hindi. Naroon lang ang kakausapin ko.” Hindi niya sigurado kung tamang ikuwento niyang mismong ang CEO ang mag-i-interview sa kanya.
Tumango-tango ito.
“K—kilala mo si…si.. ‘yong CEO ditto?”
“Siyempre naman. Wala namang hindi nakakakilala sa kanya sa mga empleyado.”
Bumukas ang pinto sa 18th floor. May pumasok kaya hindi siya agad nakapagtanong kahit na-excite siyang lalo. Tutal ay ibang lahi ang dalawang pumasok, tinanong uli niya ang operator na Melba ang pangalan ayon sa nameplate na ngayon lang niya napansin. “Sumasakay siya sa elevator?”
Tumawa ito. “Malamang. Sa 24th floor ang office niya, eh. Alangan namang mag-stair ang may-ari?” pabiro nitong sagot.
Natawa rin siya. “Eh, di nakikita mo araw-araw?”
“How I wish!” pakli nito. “Pero ni minsan, di ko pa nakita ‘yon na sumakay dito. ‘Pag nangyari ‘yon, ikukulong ko siya rito na kaming dalawa lang.” Binuntutan nito ng maikling tawa ang sinabi. “May private elevator si Boss. Di ‘yon nakikipagsiksikan dito.”
Sa 21st floor bumaba ang dalawang pasahero.
“Ganoon katindi? May sarili siyang elevator?” Hindi siya makapaniwala. Na-a-amaze siya dahil ang lalaking nakabundol sa kanya ay ganoon pala ka-prominente.
“Ganoon katindi,” ani Melba. Nagbukas ang pinto. “Dito ka na. Good luck sa iyo kung anumang pakay mo dito. Ako nga pala si Melba.”
“Alam ko. Nabasa ko na pangalan mo. Ako si Karina. Sana nga matanggap ako pero baka hindi ako dito ma-assign kung sakali,” aniya pero hindi na nag-elaborate. “Sige. See you!”
Nang sumara ang elevator ay para na naman siyang nawala sa kalawakan paano’y walang katao-tao sa kaliwa at kanang pasilyo. Luminga siya. Mabuti na lang at may direksiyon na nakadikit sa wall. May arrow na nakaturo pa-kaliwa—To Executive Office. Sa pa-kanan naman ay may nakalagay na To Conference Halls.
Saglit niyang inayos ang kanyang buhok at ang pagka-tucked in ng kanyang blusa sa knee length na palda bago humakbang pakaliwa. Kinakabahan siyang hindi mawari. Panay ang buntong-hininga niya habang naglalakad. Samu’t sari ang naglalaro sa kanyang isipan.
Sa pinakadulo ay natagpuan niya ang Executive Office. Kusang bumukas ang automatic glass swing door na ikinamangha niya. Bumungad sa kanya ang marangyang reception hall kung saan may isang unipormadong babae ang nakaupo sa mesa sa gitna. She was busy attending to somebody. Nang igala niya ang paningin sa paligid ay napahanga siya sa tatlong sections ng reception sofas bukod sa lounge chairs sa kanang dulong bahagi ng reception hall. Tatlo ang nakita niyang nakaupo sa isang section. Ang ibang lugar ay libre.
Hindi pa siya nakakapasok sa mga five star hotels pero pakiramdam ni Karina ay nasa lounge siya ng marangyang hotel na tanging sa mga magazines lang niya nakikita. Bigla siya tuloy nakaramdam ng insecurity sa simpleng palda at blusa na suot niya. Sa pagmamadali ay hindi na niya rin nagawang magpalit ng bag. Dapat sana ay nakahiram siya ng branded na bag kay Liza. Kulay brown na mumurahing bag ang dala niya na dala pa niya galing sa Pilipinas. Wala sa loob na nayapos niya iyon saka tuluyang lumapit sa reception desk.
Lumakas ng bahagya ang loob niya nang makita ang pangalan na nakalagay sa acrylic glass na nakapatong sa ibabaw ng desk. Farah. Ito ang babaeng dalawang beses na niyang nakausap sa telepono. Maganda ito. Malinis na malinis ang pagkapusod ng buhok.
“H—hi. Kay…kay Miss Laida,” aniya.
“May I know your name, Ma’am?” magalang na tanong nito.
“Karina. Karina Maranan. In-i-expect niya ako.”
Nagbago ang ekspresyon nito bigla sabay ng panlalaki ng mga mata. “Ay…ikaw ‘yong masuwerteng nilalang. OMG! Oy…talaga namang napakasuwerte mo.”
“H—ha? Bakit?”
“Eh, di ba nga… nabangga ka ni Sir tapos ngayon inalok ka pa ng work.”
“Alam mo na?”
“Akala mo sa Pilipinas lang may tenga ang lupa at pakpak ang balita? Dito rin sa Dubai, meron. Na-i-tsika na sa akin ng assistant ni Ma’am Laida na kukunin kang reliever ni Nurse Violeta. Na-mild stroke kasi ang asawa niya kaya kailangang umuwi sa Pilipinas. Kaya suwerte mo talaga na nabangga ka ni Sir Mohammed.”
“Masuwerte ba ‘yong muntik na akong mamatay kung napuruhan ako?” Hinaplos niya ang bandage sa kanyang noo. “Tignan mo nga.” Palagay niya’y makakasundo niya ang madaldal na receptionist. “Saan nga ang office ni Miss Laida? Baka maunsiyami ang suwerteng sinasabi mo kapag hindi ako na-interview ngayon,” biro niya.
“Sa pangalawang room. Pasok ka lang. Sinabihan na nga niya ako na darating ka. Tatawagan ko na rin siya.”
“Thanks.” Tumalikod na siya.
“Karina..”
Lumingon siya.
“Yes?”
“Akin lang si Boss ha?” nakangiting biro nito.
“Sinabi mo eh.” Medyo nawala na ang kabang nararamdaman niya kanina. Feeling niya ay maganda ang samahan ng mga empleyado sa kompanyang iyon. Masayahin ang receptionist tapos okay ding kausap ang nauna niyang nakausap kanina pati na ang elevator girl. Good vibes.
Sa pintong itinuro ni Farah ay nakasabit ang naka-engraved na pangalang Laida Villareal. Sa ilalim niyon ay may nakasulat Chief Executive Assistant.
Kumatok muna siya ng tatlong beses bago pinihit ang seradura. Dalawang office desk ang nabungaran niya na may dalawa ring nakaupong Filipina. Parehong napatingin sa kanya ang mga ito,
“Si…si Miss Laida po?” untag niya.
Agad na tumayo ang nakaupo sa kanan. “Ikaw si Karina?”
“Opo.”
Nilapitan siya nito. “Wala si Ma’am pero ibinilin ka niya. May biglaan siyang meeting sa Conference Hall. Samahan na lang kita sa office ni Sir. Ako si Ann, assistant ni Ma’am Laida.” Ipinakilala rin nito ang isang pang naroon na Beth naman ang pangalan.
Kung doon siya sa opisina magtatrabaho, madali siyang makakampante. Puro friendly ang mga ito. “S—saan ba ang office ng may-ari?”
“Dito rin sa 24th floor. Hindi na tayo lalabas sa hallway. May short cut dito papunta sa CEO’s Office. Halika na. Naghihintay na siguro si Sir.”
Kung kanina ay naging kampante ang pakiramdam niya, ngayo’y bumalik ang uneasiness. Makakaharap na niya ang lalaking nakabunggo sa kanya at ngayon ay magiging boss na niya. Iyon ay kung sakaling makakapasa siya sa interview nito.
Pumasok sila ni Ann sa isang bakanteng kuwarto bago lumabas sa isang tila lounge area pagkuwa’y kumanan sa isang pasilyo. Sa dulo niyon ay may glass sliding door.
“Dito na ang office ni CEO,” ani Ann. Bahagya siyang nagtaka nang mapatingin rito.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Nakakatuwa talaga Ang mga kapwa Pinoy sa iBang bansa hehe