Ang Manunulat (Chapter 14) – Imahinasyon

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

“RED!” sigaw ni Drew nang sasaksakin na ni Red si Marie. Mabilis na tumakbo si Zer para kunin ang kutsilyong hawak ni Red. Tinulungan ni Briana si Marie na bumangon sa sahig.

“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?” sigaw ulit ni Drew habang hinahawakan ang damit ni Red. Nanlaki ang mata ni Red habang nakatitig kay Drew. Laking gulat ni Drew dahil hindi niya inaasahan ang nadatnan nila.

Oo! Totoong may balak na naman silang kalokohan kay Marie, para takutin ito sa loob ng Publishing Company building, pero wala silang balak na patayin ang dalaga. At hindi nila alam kung bakit magkasama sina Red at Marie.

“Sandali!” Pinigilan ni Marie si Drew.

“Hindi alam ni Red ang ginagawa niya. May sakit si Red,” sabi ni Marie sa kanila.

“A—Ano?” nauutal na sabi ni Drew.

“May sakit sa pag-iisip si Red at—“

Hindi na naituloy ni Marie ang sasabihin nang biglang itulak ni Red si Drew palayo sa kanya.

“Umalis ka na dito Drew. Baka bumalik na ang demonyo,” sabi ni Red sa kapwa miyembro.

“Huh?”

“R-Red,” sabi ni Marie. Tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Umatras ang mga paa ni Red palayo sa kanila, lalo na nang matanaw niya ang magkasintahang sina Zer at Briana.

“Ano’ng ginagawa niyo dito? Sumama kayo sa demonyo. Patay na kayo!” wika ni Red.

“Red,” tawag ni Marie sa pangalan niya. Nang humakbang ang paa ni Marie ay umatras din ang isang paa ni Red.

“Wag kang lalapit, multo ka. Nasaan ang kapatid mo? Nasaan si Lucille?”

“Sino si Lucille?” sagot ni Zer. Tumingin si Red sa kanya.

“Ano’ng nangyayari? Bakit ka nandito?” sigaw ni Red at napahawak sa ulo niya. Naawa si Marie sa kalagayan ni Red.

“Kailangan mong magpagamot, Red. May sakit ka. Makinig ka sa akin, ang mga pangyayaring nakita mo ay mula lamang sa iyong imahinasyon. Lahat nasa isip mo. Sino si Lucille? Wala akong kapatid na ang pangalan ay Lucille,” paliwanag ni Marie. Umiling si Red. Tumakbo siya sa kinaroroonan nina Zer at Briana. Niyakap ni Briana ang braso ni Zer.

“Sabihin mo sa kanila, nakita mo rin ang babaeng putikan!” Pilit na pinapaamin ni Red si Zer. Nagkatinginan ang magkasintahan.

“Red, yung babae—“

“Tama ba ako? May isang babaeng putikan na umatake sa atin at si Lucille iyon,” paliwanag ni Red.

“Ang babaeng putikan na sinasabi mo ay isang character sa bago mong horror story na sinusulat mo, Red. Baka Lucille ang ipapangalan mo sa kanya,” diretsong sagot ni Zer kay Red.

“H–Hindi. Nahulog ka sa hagdan dahil sa babaeng putikan na umatake sayo at—“

“Red, kami ni Zer ang bida sa kwento mo, ‘di ba?” sagot ni Briana.

“Halika na, Red. Sasamahan kita. Dadalhin kita sa iyong doktor,” anyaya ni Marie at patuloy sa pag-iyak.

“Wala akong sakit!” sigaw ni Red.

“Totoo ang lahat ng sinasabi ko. Patay ka, pinatay kita. Pinatay kami ni Lucille at ng demonyo. Si Drew lang ang nabuhay,” dagdag ni Red. Natigilan si Drew sa kanyang nasaksihan. Sa wakas, lumapit na rin si Red sa harap ni Marie. Hinawakan pa niya ang mga kamay ni Marie.

“‘Di ba sabi ko sa ‘yo, sasamahan kita sa kabilang buhay. Pinatay kita, Marie. Patawarin mo ako! Sumama ka na lang sa—“

“Red! Makinig ka sa akin. Lahat ng nakikita mo ay epekto ng sakit mo. Guni-guni mo lang ang lahat. Walang katotohanan ang mga pangyayaring nakita mo. Naguguluhan ka lang dahil sa iba’t ibang boses na naririnig ng isip mo, Red. Hindi ko alam kung paano mo nalaman na nandito ako, pero ako, sigurado ako na hindi mo ako kayang patayin. Matagal ko nang alam ang sakit mo noong sinundan kita. Kaya–“

“Lumayo ka sa akin!” Tinulak ni Red si Marie. Nasalo ni Drew si Marie.

“Wala akong sakit! Wala!” sigaw ni Red. Nang sinubukan niyang tumakbo ay agad siyang pinigilan nina Zer at Drew. Iyak nang iyak si Marie.

“Bitawan niyo ako!”

“Patawarin mo kami, Red. Pero kailangan mong magpagamot,” sabi ni Drew.

“Gumising ka!” Sabay suntok ni Zer sa pisngi ni Red. Ibinaon ni Marie ang mukha sa dibdib ni Briana.

“Buhay na buhay kami. Buhay ka! Hindi man lang kami makapaniwala sa sinasabi ni Marie na may sakit ka, pero kailangan mong makinig sa amin. Walang nangyaring patayan, walang Lucille at walang demonyo, Red. Ang babaeng putikan na sinasabi mo ay ang bagong character mo sa story mo. Iyong mga ibang kaganapan na nakita mo sa amin ni Briana, dahil kami ang ginawa mong bida sa bago mong kuwento.”

“H—Hindi! Hindi!” sigaw ni Red at hinampas ang sariling ulo.

“Ano’ng ginagawa mo? Alam mo namang hindi kita gusto bakit mo ako niyayakap? Pero palalampasin ko ang araw na ito. Imbes na magmukmok ka diyan sa dibdib ko, lapitan mo si Red. I think, ikaw lang ang makakatulong sa kanya para kumalma siya,” bulong ni Briana kay Marie. Umalis si Marie sa katawan ni Briana.

“Kasalanan niyo, kung hindi niyo lang ako—“

“Hindi ito ang oras para pagalitan kami. Saka ka na magalit sa amin kapag tapos mo ng tulungan si Red. Ang mahalaga ngayon ay si Red, kung sinasabi mong may sakit siya sa pag-iisip,” sagot agad ni Briana at itinulak si Marie palapit kay Red.

Nakaluhod si Red sa sahig at nakaramdam siya ng matinding sakit ng ulo. Umupo si Marie sa harap ni Red at marahang hinawakan ang kamay ng binata. Nang iwasan ni Red ang kamay ni Marie, tumanggi ang dalaga. Hindi niya binitawan ang kamay ni Red.

“Tanggap kita kung sino ka at kung ano ka. Kaya tanggapin mo ang sarili mo. Tanggapin mo ang sakit mo na hindi mo na kayang ipaglaban. Nandito lang ako sa tabi mo, Red. Tutulungan kita at hindi kita iiwan dahil totoong mahal kita,” sabi ni Marie at hinaplos niya ang ulo ni Red. Kinuha ni Marie ang kanang kamay ni Red at inilagay niya sa kanyang pisngi.

“Nahahawakan mo ako, ‘di ba? Ang init ng balat ko. Buhay ako, Red. Buhay tayo. Maniwala ka,” dagdag pa ni Marie, kahit punong-puno ng luha ang kanyang mga mata, nakangiti pa rin ang kanyang mga labi.

“B–Buhay ka!” sagot ni Red. Lalong ngumiti ang labi ni Marie at tumango siya. Tinulungan niya si Red na makatayo.

“Sabi mo, makakasama kita hanggang kabilang buhay. Sabi mo, sasamahan kita kahit saan ka magpunta. Kaya p’wede mo ba akong tulungan, may pupuntahan lang ako,” pakiusap ni Marie.

Kahit mahirap para kay Marie na dalhin si Red sa mental hospital, gagawin niya ito para gumaling ang taong mahal niya. Biglang ngumiti ang labi ni Red at tumango siya.

“Let’s go,” huling sabi ni Marie at tahimik na sumunod sa kanya si Red. Naiwan sina Zer, Briana at Drew sa loob ng building. Silang tatlo ay nagsisihan.

“Kasalanan niyo ‘to!” sisi ni Zer kina Drew at Briana.

“Pwede ba, huwag mo na kaming sisihin. At ikaw, ano ang ginagawa mo dito? Hindi ba, nagustuhan mo din ang plano namin kay Marie? Aminin mo, gagamitin mo lang ang pagkakataong ito para mapalapit sa kanya,” sagot agad ni Drew habang magkadikit ang dalawang kilay niya.

“Ano ang sabi mo? Ginagawa ko lang kasi ang gusto ni Briana. At–“

“Gusto mo si Marie? Hindi mo p’wedeng sabihin at aminin dahil ang gusto niya ay si Red. Subukan mong saktan ang damdamin ni Briana, hinding-hindi kita mapapatawad!”

“Tama na! Isipin niyo na lang na dumating tayo sa tamang oras. Kundi, may nangyaring krimen dito!” sigaw ni Briana. Hindi gumagalaw ang dalawa. Napatingin sila sa isa’t isa.

“Mali tayong lahat dito! Sa mga nangyayari ngayon, may gana pa kayong mag-away. Bahala kayo sa buhay niyo! Babawi na lang ako kay Marie. I’ll follow and help her,” dagdag ni Briana at tumakbo ang mga paa niya para habulin sina Marie at Red. Huminga nang malalim sina Drew at Zer. Wala silang nagawa kundi sumunod kay Briana.

 

Next to: Ang Manunulat (Chapter 15) – Finale


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Ang Manunulat (Chapter 14) – Imahinasyon

3 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.