BAGO tuluyang umalis si Red sa gusali ng Publishing Company. Dumiretso ang mga paa niya sa loob ng banyo. Agad niyang binuksan ang gripo, sumalo ng tubig ang kanyang mga palad at naghilamos ng mukha. Tinitigan niya ang sarili sa salamin habang umaagos pa rin ang tubig sa kanyang pisngi.
“Hindi ko na maintindihan ang nangyayari? Sigurado akong patay na siya. Pero bakit? Bakit ako? Bakit ako? Bakit niya ako nilalapitan?” Kinakausap ni Red ang sarili sa salamin gamit ang kanyang isip. Nang biglang umatras ang kanyang mga paa dahil biglang umagos ang dugo sa salamin. Habang hindi kumukurap ang kanyang mga mata ay may mga letrang nabuo sa salamin na tila sumasagot sa bawat tanong sa kanyang isipan.
“Ikaw. Ikaw lang ang makakatuklas ng mga palaisipan. Ikaw lang ang makakatulong sa akin. Ikaw lang ang makakasubaybay sa akin. Ikaw lang ang makakahanap sa kanila.”
“Harapin mo ako. Hindi na ako natatakot sa ‘yo. Ano ba talagang gusto mong gawin ko?” sigaw ni Red habang nakakuyom ang mga kamao. Pero, napatalon siya sa gulat nang biglang tumunog ang cellphone niya. Mabilis niyang kinapa iyon sa bulsa ng pantalon niya habang nililibot ng kanyang paningin ang paligid. Malay ba niya kung ang babaeng kilala niya na nagmumulto sa kanya ay bigla na lang susulpot sa harapan niya. Nang inilabas niya ang kanyang cellphone ay agad niya itong sinagot habang humahakbang ang mga paa niya palabas ng banyo.
“Bumalik ka dito,” agad na utos ni Zer kay Red.
“Wala akong balak bumalik diyan. Makinig ka sa akin, Zer. Umalis ka na diyan at huwag mo nang pakinggan ang babaeng iyan. Ayoko sa kanya dahil naghihinala ako sa kanya kahit gaano pa kaganda ang mukha niya. Wala ka bang nakikita sa mga mata niya?” paliwanag ni Red at sa hindi niya malamang dahilan ay biglang tumakbo palabas ng building ang mga paa niya.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” pabulong na tanong ni Zer kahit nasa labas siya ng conference room.
“Hindi mo ba napapansin? Hindi mo ba nararamdaman? May kakaibang nangyayari sa paligid natin. O sadyang may nakita ka na rin na katulad ko at nagpasya kang tumahimik na lang?”
“Sandali lang… ‘Wag mong sabihing nakita mo rin ang babae—”
“Oo!”
“Where you are now? We need to talk. Yayayain ko na rin sina Briana at Drew na umalis dito,” sagot ni Zer at hindi siya nagdalawang isip na sumunod sa hiling ni Red.
“Nasa labas na ako ng building. Hihintayin ko na lang kayo dito sa labas. Bilisan niyo,” seryoso ang boses ni Red. Nang maputol ang pag-uusap nila ni Zer ay napalingon ang ulo nito. Agad na nahagip ng mga mata niya si Lucille na nakatingin sa bintana habang pinagmamasdan siya.
“Kung ikaw ang tunay na may-ari ng Publishing, bakit ngayon ka lang nagpakita sa amin? At sa tingin ko ay kasing edad ka lang namin. Ano ang kailangan mo sa amin?” Kinausap ni Red si Lucille gamit ang kanyang isip. Pero hindi niya inaasahan ang susunod na mangyayari.
“Sige, umalis ka na. Hindi kita pipigilan dahil alam kong balang araw sisisihin mo ang sarili mo sa pagkawala ng lahat ng kaibigan mo at iyon nga ang gusto kong mangyari,” sagot ni Lucille kay Red gamit din ang isip niya. Nanlaki ang mga mata ni Red at sumilay naman ang ngiti sa labi ni Lucille.
“H—Hindi!” Umiling si Red at habang tumatakbo siya pabalik sa gusali ay kusang sumara ang mga pinto. Habang umuurong muli ang kanyang mga paa upang muling tingnan si Lucille sa bintana, wala na ang dalaga. Naikuyom niya ang kanyang mga kamao at bumalik sa pinto. Buong lakas niya itong sinisipa ngunit hindi ito bumukas.
Samantala, sa loob ng conference room. Kung saan nakaupo si Lucille na nakaharap kay Zer. Nakatayo lang ang binata dahil nagpapaalam.
“Ah— kasi, hindi ko na talaga mapipilit si Red. So, susundan namin siya kasi leader siya ng grupo namin.”
“Ano?” Biglang tumayo si Drew. Pinalo pa niya ng kamay ang mesa.
“Kailan naging leader si Red?”
“Ngayon lang natin siya naging leader. Hindi naman siguro masamang pakinggan si Red, ‘di ba? Tumayo ka diyan, Briana. Tara na. I’m sorry, Ms. Lucille. Sa ngayon, hindi namin tatanggapin kung ano man ang magiging offer mo. Sana maintindihan mo rin na grupo kami.”
“Ano’ng ginagawa mo?” suway ni Drew kay Zer.
“Makinig ka na lang at sumunod ka, okay?” Iba ang tono ng boses ni Zer. Parang may paramdam ito kina Drew at Briana. At dahil nobya niya ang dalaga ay agad niya itong sinundan kahit nalilito. Naningkit ang mga mata ni Drew. Ayaw niyang pakinggan ang desisyon ni Zer. Para sa kanya, gusto niyang magdesisyon para sa kanyang sarili. Gusto niyang humiwalay sa grupo. Gayunpaman, bago pa niya masagot si Zer, narinig na naman nila ang boses ni Lucille.
“Naiintindihan kita. Sige, p’wede na kayong umalis. Pero tandaan niyo ito, kung sa tingin niyo kailangan niyo ako at ang publishing na ito, ang pinto ay laging bukas para sa inyo.”
“Maraming salamat, Ms. Lucille!” Agad namang hinawakan ni Zer ang kamay ni Briana at kinaladkad palabas ng conference room. Naiwan si Drew sa loob, pero binalikan siya ni Zer.
“Drew, tara na!”
Hindi kumikibo si Drew at hindi ipinaglaban ang tunay niyang nararamdaman o desisyon. Pagbalik ni Zer ay naramdaman niyang mahalaga siya sa binata. Na hindi siya nito iiwan. Kaya naman ang pagkakaibigan nila ang una niyang pinili. Lumingon lang siya kay Lucille at magalang na humingi ng tawad. Nang tuluyan na silang umalis, si Mr. Reyes at biglang nagbago ang hitsura nito. Mula sa pagtanda siya ay naging isang malakas na binata.
“Sigurado ka ba sa desisyon mo? Na pabayaan silang apat? Lalo na’t nagpakita ka na ng intensyon sa isa sa kanila.”
“Hindi ako kailanman nagkamali sa lahat ng ginagawa ko at ito ang naging desisyon ko. Alam kong babalik sila rito. Lalo na si Red. Maghintay ka lang,” sagot ni Lucille sa misteryosong binata. Tumayo siya sa kinauupuan niya at lumapit kay Lucille. Inabot niya ang isang panulat. Bago ito kunin ni Lucille ay tumulo ang luha sa kanyang mga mata.
“Tapos na ang drama. Simulan mong isulat ang kanilang kapalaran. Pero, huwag mong kalimutan ang kapalit,” sabi ng lalaki at hinaplos ang pisngi ni Lucille. Lalong tumulo ang luha ni Lucille at dahan-dahan niyang itinaas ang kanang kamay. Kinuha niya ang panulat. Tinulungan siyang makaupo ng binata. Inilapag ng lalaki ang malinis na papel sa kanyang harapan.
“Handa ka na bang magsulat ng bagong kwento? ‘Yung nakakakuha ng atensyon at kapana-panabik na eksena? Iyong magiging totoo ang lahat ng isinulat mo?” dagdag pa ng misteryosong lalaki at tumango lang si Lucille.
Sa kabilang banda, habang naglalakad ang tatlong magkakaibigan, huminto si Drew. Napansin iyon ng magkasintahan kaya hinarap siya. Bakas sa mukha ni Drew ang panghihinayang. Siya ay sikat, ngunit hindi sapat para sa kanya. Napakataas talaga ng kanyang ambisyon. Siguro naranasan niyang maliitin ng mga tao sa paligid niya. Lumapit si Zer sa kanya.
“Tama ang desisyon mo na sumama sa amin. Ipapaliwanag namin ni Red sa inyong dalawa kung bakit kami tumatanggi ngayon,” paliwanag ni Zer at tinapik ang balikat ni Drew.
“Ano ba talagang nangyayari sa ‘yo? Naospital ka lang, nagbago ka na. Nakakagulat naman na nakikinig ka kay Red. Kailan pa kayo naging close? May bonding moment ba kayong dalawa na hindi namin alam ni Briana?”
“Naghihintay si Red sa labas. Hindi ito ang tamang lugar para mag-usap tayo. Ang mahalaga ay makaalis na tayo,” simpleng sagot ni Zer at nagsimulang maglakad muli. Nagkatinginan lang sina Drew at Briana. Wala silang nagawa kundi sumunod. Nang malapit na sila sa pinto ay bigla itong bumukas at bumagsak si Red sa sahig. Tumakbo si Zer para tulungan siyang tumayo. Si Red ay pawis na pawis at hinihingal.
“Ano bang nangyayari sa ‘yo?”
“Buti na lang at nabuksan na ang pinto. Umalis na tayo dito,” mahinang sabi ni Red kay Zer. Labag man sa kalooban ni Drew na tulungan si Red, pero ginawa niya pa rin. Nakikita niya kung gaano ito nahirapan.
“Bilisan natin,” muling sabi ni Red kay Zer, nang makita niya ang babaeng nagmumulto sa kanya na gumagapang sa sahig na puno ng dugo.
Next to: Ang Manunulat (Chapter 6) – Ikalimang Miyembro
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





2 Responses
Lkas mkaweb toon
Astig SI Lucile na nagkajatootoo mga panulat at SI Mr Reyes na naging malakas na binata aba ibang twist Anong drama mo Lucile pati mga tapat mong manunulat e kinukupal mo🤣🤣🤣 inggit ba Yan edi wow