NAGPUPUYOS sa galit si Derek habang pinanonood sa malayo ang ginagawa ni Frank. Kampante siya kanina nang makitang nakabalabal ng sarong si Jessica, hindi tulad ni Monique na inilantad na sa lahat ang katawan nito. Minsan na rin niyang nadala upang maligo sa dagat ang asawa at talagang nakasarong nga ito kung maligo. Pero laking gulat niya nang matanaw na tila inuutusan ni Frank na alisin ni Jess ang suot nitong balabal. Nang sa wari ay hindi ito mapapayag ay ito na ang nagdesisyon para sa ‘kaniyang asawa.’
Ang lalo niyang ikinainis ay nang tila magtagal ang ginagawa nitong pagkakalag ng tali. Tila sinasadya talaga nitong pagtagalin iyon nang sa wari ay mayakap si Jessica.
“Honey?” untag ni Monique sa kaniya.
Naiinis na hinarap niya ito. “Ilang beses ko ba sa’yong huwag mo ‘kong tatawagin nang ganoon?”
Lumabi si Monique na sa halip na maging cute ay nakakainis pa sa tingin niya. Lumakad ito sa tubig at nagpunta sa likod niya, pagkatapos ay yumakap sa kaniyang katawan. Agad niyang nadama ang init ng basang katawan ng dalaga pero dahil nakikita niya ang pinaggagagawa ni Frank, hindi niya magawang pagtuunan ng pansin ang pang–aakit ni Monique.
Natanaw niyang lumusong sa dagat ang dalawa at mayamaya pa ay nagsasabuyan na ng tubig ang mga ito. Inis na inalis na lang niya ang tingin sa dalawa at itinuon ang pansin kay Monique. Hinapit niya ito sa beywang at saka dinala sa malalim na bahagi ng tubig. Kunwa’y nagagalit ito pero panay naman ang yakap sa kaniya. Panay rin ang paglilikot ng mga kamay nito sa ilalim ng tubig. Nang muli niyang lingunin si Jessica ay tila malungkot din itong nakatanaw sa kanila.
“YOU like hipon, honey? More pa, oh,” maarteng sabi ni Monique kay Derek sabay lagay ng ilang piraso ng hipon sa pinggan nito.
“May allergy siya sa hipon,” hindi napigilang sabad ni Jessica. Ibig niyang pagsisihan ang kakatihan ng dila nang makitang sabay–sabay na napatingin ang tatlo sa kaniya. “I mean, hindi ka naman talaga kumakain ng hipon ‘di ba, Derek? Baka kung mapaano ka,” dugtong niya.
“Sino ang nagsabi?” tanong nito na masuyong sumulyap sa katabing si Monique. Mayamaya pa ay nilalantakan na nito ang mga hipon na ibinigay ng dalaga.
Inis na napayuko na lang siya sa sariling pinggan. Saglit pa ay si Frank naman ang hinarap niya. Panay ang kuha niya ng mga sea food na nasa mesang kawayan at inilalagay niya ang mga iyon sa pinggan ng lalaki.
Isang malaking tilapia ang inilagay niya sa pinggan ni Frank na ikinatuwa nito. Nagulat pa siya nang bigla siya nitong hagkan sa ibabaw ng ulo at pagkatapos ay sa tungki ng ilong. Maging si Derek ay nagulat din at nakabadha sa anyo nito ang reaksiyong iyon.
Sa kaniyang pagtataka ay yumuko si Derek at hinagkan sa leeg ang tumitili pang si Monique. Doon na kumawala ang nadarama niyang inis. Tiningala rin niya si Frank at kunwa ay pinunasan ng daliri ang mga labi nito. Pagkuwa ay tumingkayad siya upang hagkan ito. Laking gulat niya nang may isang kamay na pumigil sa kaniyang beywang. Ang akala niya ay kay Frank iyon kaya nagulat siya nang sa halip na pahapit sa katawan ng lalaki ay inilayo pa siya ng mga kamay na iyon.
Nang tumingala ay namalayan na lang niyang nakakulong na pala siya sa mga bisig ng asawang si Derek. Tinangka niyang kumawala dito pero lalo lang humigpit ang pagkakayapos nito sa kaniya. Nagtataka ang mga tinging hinuli niya ang tingin nito at nanlaki ang mga mata niya nang bigla siyang niyuko upang hagkan ng asawa. Itinukod niya ang mga kamay upang lumayo rito pero hindi sumunod ang mga labi niya. Tinanggap niyon ang mainit na halik ng lalaki, na tila ba may sarili itong isip na gawin ang gusto.
“Pare, ano ang ibig sabihin nito?” maang na tanong ni Frank nang pawalan ni Derek ang mga labi niya.
“Hindi pa ba malinaw, pare? Binabawi ko na ang asawa ko,” tugon nito.
May humaplos na masarap na pakiramdam sa puso niya sa sinabi nito.
“Ano ang akala mo kay Jess, pusa? Ipamimigay mo kung hindi mo kailangan at babawiin kung gusto mo na? Hindi puwede ‘yan, pare! Anong klase kang kaibigan?” saad ni Frank sabay hatak sa isa niyang kamay.
Maagap na inalis ni Derek ang pagkakahawak ni Frank sa kaniya at sa galit na tinig ay nagsalita. “Ikaw ang anong klaseng kaibigan? Sa halip na itama mo ang takbo ng isip ko nang mga panahong nagkakalabuan kaming mag–asawa ay ibinuyo mo pa ako! Ni hindi mo tinangkang pag–ayusin kaming dalawa kahit minsan! Anong klaseng kaibigan ang tawag sa’yo?”
“Pero ang sabi mo ay hindi mo na siya mahal!”
“Asawa ko si Jessica sa loob ng halos sampung taon! Puwede bang bigla na lang na hindi ko na siya mahal? Nasabi ko lang ang mga iyon dahil binulag ako ng galit ko! Nasaktan ako sa mga nangyari sa pagsasama namin at dala ng pride ay nakapagsalita ako ng mga bagay na hindi naman totoo sa loob ko. Sorry, pare, but the game is over. I need my wife back!”
Nagsikip ang dibdib niya sa mga naririnig na sinasabi ni Derek. Gayon man ay ayaw niyang umasa. Paano kung masaktan lang siyang muli kung tatanggapin ito sa ikalawang pagkakataon?
Hinawakan niya ang kamay ni Derek at sa mahinang tinig ay nagsalita. “Derek, alam kong galit ka! Nasaling ko ang pride mo, all right! Sorry for that, but I don’t think this is wise to…”
Hindi makapaniwalang napatingin ang lalaki sa kaniya at sa nagdaramdam na tinig ay pinutol nito ang kaniyang sinasabi. “I don’t care even if you say that this is the most stupid thing I’ve ever done in my life, Jess. I know myself better at sigurado ako sa mga ginagawa ko! Hindi ko ito sinasabi dahil lang sa pride o sa kahit ano pa mang dahilang inaakala mo!”
“Honey?”
Sabay silang napalingon sa nagsalitang si Monique. Tila maiiyak na ito habang nanonood sa eksena nila.
“I’m sorry, Monique. Ginawa ko ang sinabi mo at pinilit ko namang ibaling ang pagtingin ko sa’yo pero ayaw sumunod ng puso ko. Para dito ay si Jess lang ang nag–iisang babaeng kaya nitong mahalin,” wika ni Derek habang ang isang kamay ay nasa tapat ng dibdib.
Nagyuko ng ulo si Monique pero hindi naman ito nagsalita kahit isang kataga.
“Bakit hindi mo tanungin si Jessica kung mahal ka pa niya? After everything you’ve done to her, don’t you think it’s not important to know what she feels?” Si Frank.
Napatingin siya kay Frank at pagkatapos ay sa kaniyang asawa.
“Derek…” nalilitong sambit niya.
“I love you, honey,” nagsusumamong anas nito na tila ano mang sandali ay maiiyak.
“I’m sorry, Derek…”
Nalaglag ang balikat nito pagkarinig sa sinabi niya kaya agad niyang dinugtungan iyon.
“I’m sorry kung naging mahina ako. Sa halip na makipag–ayos ay nakipagtikisan ako sa’yo. I’m really sorry, honey. I still love you, too,” nakangiti niyang wika sabay yakap dito.
Hindi makapaniwalang niyakap siya ni Derek at mariing siniil ng halik sa mga labi. Sa pakiwari niya ay iyon na yata ang pinakamatamis sa lahat nang iginawad nitong halik.
“Happy anniversary, honey,” halos panabay nilang pagbati sa isa’t–isa. Muli ay naglapat ang kanilang mga labi na tila hindi na iyon maaawat pa.
Nakakatuwa kung minsan ang tadhana kapag naglaro. Anibersaryo namin ni Derek nang magkabalikan kami. Ang akala ko ay masisira na nang tuluyan ang araw na iyon dahil kay Monique pero marunong ang Diyos sa lahat. Hindi niya hina-yaang tuluyang mawasak ang aming pagsasama ng aking asawa. Nanini-wala akong ginamit Niya sina Frank at Monique para ma–realize namin ang totoo naming damdamin sa isa’t–isa. Para maunawaan ang tunay na kahulugan ng kasal sa isang mag–asawa.
Ang pag–ibig ay laging handang magtiis at hindi naghihintay ng ano mang kapalit mula sa taong iniibig. Kung agad lang sana namin itong naunawaang mag–asawa, disin sana ay hindi na kami kapwa nahirapan pa. Hindi na sana kami nagkasakitan. Gayon man ay ipinagpapasalamat namin ang lahat ng ito sa Diyos. Dahil mula sa araw na ito, mas naunawaan na namin ang tunay na kahulugan ng salitang kasal.
Sa pagtatapos ng aking kuwento ay gusto ko sanang ipahatid ang aking pasasalamat sa dalawa kong kaibigan na sina Rina at Dorie. Mga tunay silang kaibigan dahil lingid sa akin ay sinadya pala nilang umisip ng paraan para itaboy akong pabalik sa aking asawa. Tuwang–tuwa sila at halos maiyak nang sabihin ko ang resulta ng planong ginawa nila. Maraming salamat sa inyo!
Hanggang dito na lamang po at maraming salamat sa paglalathala ng aking kuwentong–pag-ibig. Nawa ay magsilbi itong aral at inspirasyon sa marami.
-Jessica Rosales Dionisio-
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Well i wish it also works for my side pero ndi ehhhh and thats my reality