BAON ang pag–asa sa dibdib ay sinubukang kausapin ni Jessica si Derek, pero gaya nang inaasahan ay negatibo ang naging tugon nito.
“Akala ko ba ay masaya ka sa akin? Na kuntento ka? Bakit ngayon ay binubuklat mo ‘yan?”
Nakagat niya ang pang–ibabang labi. Wrong timing yata siya. Kung bakit kasi hindi muna niya inalam ang mood ni Derek bago i–open ang issue. Bakit ba hindi niya napansin na kanina pa ito walang kibo at tila may malalim na iniisip.
“Honey, hindi naman sa hindi na ako masaya kaya ko ito binabanggit sa iyo. I was just trying to weigh some things up. Naisip kong tama rin naman si Frank na puwede naman akong mag–aral kahit nag–aasikaso dito sa bahay. Isa pa ay sobra–sobra ang oras ko para dito dahil dadalawa naman tayo.”
“Tama si Frank? So ako ngayon ang mali dahil tama si Frank, ganoon?”
Nagsalubong ang kilay niya sa pagtataka. Unang pagkakataon na nakita niyang nagsalita nang ganoon si Derek. Kahit noong magnobyo sila ay hindi siya pinagtataasan ng boses nito. Ni hindi siya nito ginagagad o inuuyam kaya bahagya siyang nagugulat sa ikinikilos nito ngayon.
“Hindi iyon ang sinabi ko! Can you please listen first, honey? Sa halip na manood ako ng mga movie kapag tapos na akong maglaba, bakit hindi ako mag–aral? Sa halip na makipagkuwentuhan lang ako sa ilang kapitbahay natin diyan sa labasan kapag na-bo–bore na ako dito sa loob, bakit hindi ako gumawa ng bagay na mas kapaki–pakinabang? Don’t you think it’s worth the time, honey?”
Napatigil siya nang tapunan ng matalim na sulyap ni Derek. Hindi siya nakakibo at napayuko na lang.
“I don’t think it is, and no is my final answer, Jess,” maikling tugon nito sabay labas ng silid. Malakas pa nitong isinara ang dahon ng pinto na ikinapitlag niya.
Mula noon ay kinalimutan ko na ang tungkol sa pag–aaral. Mahal ko si Derek at kung magiging problema sa pagitan namin ang tungkol doon ay wala kaming mahabang pag–uusapan. Hindi ko na rin iyon inungkat pa sa kaniya.
Pero isang araw ay may isang pangyayaring nagbunga ng munting hinanakit sa puso ko. Hindi kasi ako sanay nang binabale–wala. Naka–gisnan ko sa aking pamilya na ang lahat ng aking gusto ay nasusunod. Hindi man kami ganap na mayaman ay nagagawa ko namang makuha ang mga bagay na iniuungot ko sa aking mga magulang. Siyang dahilan marahil kung bakit hindi naging madali para sa akin ang kalimutan ang isang insidenteng tumanim nang husto sa isip at damdamin ko.
“ANONG oras na?” may pagmamadaling tanong ni Derek.
Sinulyapan niya ang alarm clock na nasa bedside table at saka ito sinagot.
“What? Bakit hindi mo ako ginising? I need to go now! Alas-diyes ang flight ko, hindi ba?”
Maang na napatingin siya sa asawa. “Alas-diyes? Hindi ba at sinabi mo sa akin noong isang araw na hapon ang flight? At saka, teka…kasama ako, hindi ba?” nagtatakang tanong niya.
Yumuko si Derek at ginawaran siya ng magaang na halik sa ibabaw ng ulo.
“I’m sorry, hon, kung hindi ko nabanggit sa’yo. Nabago kasi ang plano ng kompanya. Isa pa ay naisip kong wala ka namang gagawin doon kaya dito ka na lang sa bahay.”
“What? Pero nakaayos na ang mga damit ko…” disappointed niyang sabi.
“Don’t worry, dadalin kita sa Tagaytay oras na makauwi kami. Forgive me, honey, but I need to go now. I love you.”
Iyon lang at maliksi na itong tumayo. Ni hindi nito sineryoso ang situwasyon niya. Siya pa naman ang tipo ng taong madaling ma–depress sa tuwing hindi natutuloy ang mga bagay na naka–program na sa isip niya.
Halos dalawang linggo na nilang pinagpaplanuhan ng asawa ang tungkol sa business trip na iyon. Tatlong araw daw itong mananatili sa Singapore kaya naisipan nitong isama siya. Maiinip daw kasi ito sa kaniya dahil hindi pa nila nararanasan ang magkahiwalay sa pagtulog buhat nang ikasal.
Kagabi ay hinihintay niyang magkuwento ito tungkol sa biyahe pero wala naman itong nabanggit na kahit ano. Ni hindi nito tinanong kung ayos na ang mga gamit niya. Palibhasa ay nakita nitong naihanda na niya ang maleta nito kahapon nang umaga pa ay hindi na ito nag–abalang magtanong sa kaniya pagdating buhat sa opisina. Kaya naman pala ay hindi na siya isasama nito.
Sana man lang ay nakuha nitong mag-text o tumawag para hindi naman siya nagmukhang-tanga na nag–ayos pa ng mga gamit para sa trip na iyon. Sana ay naisip din nitong masasaktan siya at sana…sana man lang ay naisip nitong nakakapagtampo ang ginawa nito.
Masama ang loob ko nang umalis si Derek pero dahil ayokong makasagabal sa lakad niya ay hindi na ako kumibo. Ayoko ring pag–awayan pa namin ang tungkol doon. Baka isipin pa nito na ang ikinagagalit ko ay ang pagkaunsyaming makalabas ng bansa.
Nang umalis siya ay naiwan akong mag–isa sa bahay kaya naisipan kong umuwi muna sa amin sa Taguig. Hindi naman tumutol si Derek nang tawagan ko ito at sabihin ang tungkol sa plano ko. Natuwa pa nga ito dahil sa Taguig daw ay tiyak na malilibang ako kahit paano, dahil naroon ang mommy at dalawang kapatid ko.
Lalong sumakit ang loob ko dahil napaka–insensitive niya. Naisip ko, kung noon kayang bago pa lang kami ay ganito pa rin ang mangyayari? Hindi rin kaya niya ako isasama o nagbago lang ito dahil nasasawa nang makasama ako sa mga lakaran? Baon ang hinanakit sa dibdib ay sumakay na ako ng bus pauwi sa amin pero laking gulat ko nang makita ko si Frank sa loob niyon.
“FRANK?!” nanlalaki ang mga matang sabi ni Jessica. Naupo siya katabi ng mismong kinauupuan ni Frank.
“Jess…” maging ito ay nagulat rin.
“Hindi ka kasama sa business trip?” usisa niya.
“Oo eh. May lakad kasi ako. Kailangan kong balikan sa talyer ang kotse ko,” tugon nito. Pagkuwa’y biglang natigilan nang mapansing natulala siya. “Hey, anything wrong?” untag ni Frank sa kaniya.
Napasandal siya sa upuan at biglang nanlamig. “Puwede naman palang hindi sumama sa lakad na iyon?” hindi niya napigilang sabi. Agad na nanikip ang dibdib niya.
Sa wari ay naunawaan ni Frank ang kahulugan niyon, dangan nga lamang at hindi na nito alam ang sasabihin. Nilingon niya ito at saka muling tinanong.
“Sino–sino ang mga kasama sa biyahe?” nanghihinang tanong niya, hindi na nahiyang ipakita sa katabi ang kaniyang tampo.
“Ang alam ko ay kasama si Ricardo…”
Ang maikling sagot ni Frank ay lalong nagdagdag sa inis niya. Si Ricardo sa lahat ang pinaka-hindi niya gustong kaibigan ni Derek. Sa tingin niya ay lubhang maingay ito para sa isang lalaki. Matabil ang dila nito at madalas na nagkukuwento ng kung anu–anong bagay na sa tingin niya ay hindi na normal para sa isang lalaki. Idagdag pang kahit may asawa na ito ay nagagawa pa rin diumano nitong makipagmabutihan sa ibang babae, ayon na rin kay Derek.
“I’m sorry Jess, hindi ko sinasadyang…”
Itinaas niya ang isang kamay upang putulin ang sasabihin ni Frank. “It’s okay. Wala kang kinalaman doon.”
“Pero huwag kang mag–alala dahil talaga namang business trip ang…”
“Frank, it’s all right. Huwag mo nang pagtakpan ang kaibigan mo. Kung totoong business trip iyon ay bakit hindi ka kasama? Mataas ang posisyon mo sa kompanya kaysa kay Derek, hindi ba?”
“Pero totoong may proyekto silang pinuntahan doon. Personal nilang kakausapin ang kliyente dahil napakadalang nitong umuwi ng bansa.”
“Kung totoo ang sinasabi mo ay kasama niya sana ako. Wala siyang dapat ilihim at gaya nang dati ay isasama niya ako sa mga pupuntahan niyang may kinalaman sa trabaho niya, hindi ba?”
Napayuko si Frank na tila sising–sisi sa mga nasabi kaya hindi niya napigilang hawakan ang kamay nito. “Wala kang kasalanan dito, Frank. Kalimutan mong nagkita at nagkausap tayo…”
Bibitiwan na sana niya ang kamay ni Frank nang bigla niyang naramdaman na pagpisil nito sa kaniyang kamay. Nang tumingin ito sa kaniya ay tila nagsusumamo na hindi niya maintindihan ang anyo nito. Tila napapasong agad niyang binawi ang kamay at pinili na lang na ituon ang paningin sa daang tinatahak ng bus.
I felt betrayed. Alam ko, may motibo si Derek kung bakit sinadya niyang hindi ako isama sa lakad na iyon. Naisip kong marahil ay magbubuhay–binata ito kasama si Ricardo kaya labis akong nagtampo.
Nataon naman na kung kailan malapit na ang aming anibersaryo ay saka pa kami nagkaganito. Naka–kalungkot dahil ilang taon pa lang ang pagsasama namin ay nagkakaganito na si Derek. Paano pa kung bibilang ng maraming taon ang pagsasamang ito? Saan na kaya hahantong ang buhay namin?
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Kya dapat lng tlga me sariling buhay ang babae…. At ndi lng sa partner o asawa umiikot ang mundo