“WE HAVE to celebrate,” masayang sabi ni Patrick sa telepono nang umagang tumawag ito sa kanya.
“At bakit?” kunwari ay pagtataray niya sa kabilang linya.
Hindi niya alam kung ano ba sila. Wala rin siyang pakialam kung tama o mali ba ang kanyang nararramdaman basta ang alam niya sa ngayon ay masaya siya sa atensiyong ipinapakita ng binata sa kanya.
“Jenny, Jenny, Jenn, nakapasa ka sa exam!” Masayang-masaya ang tinig nito.
Hindi pa nga nag-sink in agad sa utak niya ang tinuran ng kausap.
“A-ano `yon?” tanong niya.
“I said we have to celebrate! Nagbunga ang pag-aaral mo. Naipasa mo `yong exam kaya pwede ka nang mag-college.”
Napatulala siya sa balita ng binata. Naitakip pa nga niya ang isang kamay sa bibig dala ng pagkabigla. Natauhan lang siya nang muling magsalita ang lalaki sakabilang linya.
“Ano, celebrate tayo?”
“Saan naman?” Sobrang nabigla siya sa balita hindi niya akalaing maipapasa niya ang naturang exam.
“May company outing tayo at kailangan kong sumama. Kaya isasama kita. Sa Puerto Galera lang `yon.”
Nang mga panahon na nagsasalita si Patrick nais na sanang magtanong ni Jenny kung ano ba sila at bakit ganito ang ipinararamdam sa kanya ng binata. Pero minabuti niyang tumahimik na lang. Natakot siyang ma-reject o masaktan sa kung ano mang sasabihin nito.
Sino ba `ko para magtanong? Baka ikapahiya ko lang. Oo, ako, gusto ko na siya. Mali. Baka nga mahal ko na siya. Halos napakabilis ng panahon pero siya lang ang lalaking tiningnan ako nang walang halong pagnanasa. Hindi ko nakita iyon sa mga mata niya.
“Sige, mag-aayos na `ko.”
Dapat nga ba siyang maging masaya para sa panandaliang kaligayahan? Alam niyang kahit na lumalim pa nang lumalim ang nararamdaman niya kay Patrick ay wala itong patutunguhan. Malabo pa sa tubig ang pag-asang maging sila. Dahil siya ay kabit ng tiyuhin nito.
Nasa loob sila ng bus kasama ang ilan pang empleyado pero mukhang bale-wala kay Patrick ang mga matang nakatingin sa kanila. Todo asikaso kasi ito sa kanya.
“Sana mag-enjoy ka ro’n,” bulong pa nito sa tenga niya na siyang ikinatayo ng kanyang balahibo.
Bakit ba parang ang ano ko ngayon? Konting dantay ng kamay niya o ng katawan, parang ewan ako na gusto siyang halikan at yakapin.
Inalalayan pa siya nito nang bumababa sila ng bus at sumakay ng boat. Ayon dito ay nais sanang sumama ng tiyuhin nito pero sa pagbabantay ng asawa ay wala itong nagawa kundi ang tumambay sa malaki nitong bahay. Nagtataka siya kung bakit nang tanungin niya si Patrick tungkol kay Mr. Lee ay ganoon na lamang ang pagsimangot nito at mukhang pilit pa ang sagot na ibinigay sa kanya.
Malakas na hangin ang sumalubong sa kanila pagbaba nila ng bangka. Hinangin pa nga ang laylayan ng suot niyang summer dress.
Kaya naman si Patrick ay todo-bantay sa kanya dahil halos lahat ng kalalakihan sa kanilang opisina ay nakatingin sa kanya.
Kung hindi ko lang kilala si Patrick, iisipin kong may gusto siya sa `kin. Kaso malabo. Alam naman naming pareho kung anong klaseng babae ako.
Masayang nakihalubilo siya sa ilang kakilala sa opisina, nakitawa, nakipagkwentuhan at nakiinom ng alak. Masayang lumangoy kasama ang mga babaeng kapwa niya naka-two piece.
Dumilim na at halos lahat sa mga empleyado ay nalango sa dami ng alak. Maging siya ay ganoon din. Naging masaya siya nang araw na iyon. Nakasakay siya ng banana boat at jet ski na hindi kliyente ang kanyang kasama kundi ang kapwa niya empleyado. Walang mga matang nakatingin sa kanya ngayon at humuhusga. Sa paningin ng lahat isa lang siyang normal na babae at empleyado na labis niyang ikinatuwa.
Hanggang sa lahat ay nagkanya-kanya na. Sila ni Patrick ay naiwan sa harap ng dalampasigan at nagpaparamihan ng maiinom na beer.
“Jenny,” panimula nito.
“Ano?” tanong niya.
“Alam mo, hindi ko na alam kung ano `to—itong narararamdaman ko.” Tinapik pa ng binata ang dibdib sa tapat mismo ng puso nito.
“Ha? Ang gulo mo. Lasing ka na ba?” natatawang tanong niya rito.
“Hindi ko na yata kayang pigilan,” mahinang sabi ng binata.
“Ang alin?” takang tanong ni Jenny.
“Alam ko naman, eh. Pero hindi ko na kaya, Jenny. Napakahirap mong hindi mapansin. Kapag malungkot o nasasaktan ka, hindi ko maipaliwanag pero nag-aalala ako. Kapag tumatawa ka, masaya na rin ako.”
Nasamid sa iniinom na alak si Jenny.
“Ano bang sinasabi mo? Baliw.” Sinapak niya pa ang balikat nito.
“Seryoso ako.” Iyon lang at nilagok na muli nito ang alak.
Nananaginip ba `ko ng gising? Ano bang sinasabi niya? Lasing na ba ako?
“I like you, Jenny. No, no. I think…” Hindi na nito naituloy ang ano pa mang sasabihin nang magawi ang paningin nito sa kanya. Abala kasi siya sa pagkagat ng kanyang pang-ibabang labi at pilit na ginigising ang sarili.
Mabilis na kinabig siya ni Patrick at hinalikan. Si Jenny naman ay parang ewan na natulala at pilit na ginigising pa rin ang sarili. Naramdaman na lang niya ang pag-angat ng kanyang katawan mula sa buhanginan. Malamig na tubig ng dagat ang dumapi sa kanyang katawan pero hindi pa rin natapos si Patrick sa paghalik sa kanya at naging malikot na rin ang kamay nito.
Inilibot niya ang paningin sa buong lugar. Halos wala nang tao dahil sa dilim. At naroon sila sa pinakatagong bahagi ng dagat kung saan naroon mga batong nagsisilbi nilang harang sa sino mang daraan.
“Jenny, I care for you and I like you.”
Masyado siyang nabilisan sa mga pangyayari. Naramdaman na lang niya na pumapayag na siya sa kung ano mang mangyayari sa kanila sa ilalim ng malamig na tubig dagat sa Puerto Galera. Bawat halik at yakap ng binata ay walang pag-aalinlangang tinugon ni Jenny.
Wala namang mawawala sa `kin. At isa pa, mahal ko na rin siya. Hindi ko alam kung panaginip ito pero hindi ako nagsisisi. Mahal ko na siya.
Narating nila ang silid na inokupa ni Patrick nang magkahawak-kamay habang hindi nila hinihiwalayan ng tingin ang bawat isa. Matapos ang nangyari sa dagat ay nasundan agad ito nang isarado ng binata ang pinto ng kanyang silid.
Sabik na hinalikan niyang muli ang labi ni Jenny. Ganoon din si Jenny hindi na niya inisip ang mga pwedeng maging bunga ng kanyang ginagawa ngayon. Ang alam lang niya ay masaya siya.
Ano naman kung like lang ako ni Patrick at sinasabi niya lang `yon para makuha ko? Basta ko mahal ko siya.
“Oh, Jenny,” he moaned.
“Patrick, I Love you,” sambit niya at sabay nilang narating ang isang lugar kung saan talagang pinangarap niyang marating nang walang bayarang nangyayari.
Pareho silang walang imik matapos ng nangyari. Hinahaplos lang ni Patrick ang kanyang buhok habang siya ay nakapikit at nag-iisip.
“Aalis na `ko. Doon na `ko sa room namin,” sabi ni Jenny at saka bumangon mula sa pagkakahiga.
“Mamaya na lang, baby.” Niyakap siya nito mula sa likuran.
“Kailangan kong umalis baka may makakita satin. Baka… baka malaman niya.” Halos bulong lang ang huli niyang sinabi pero malakas iyon sa pandinig ni Patrick.
“So, ano tayo ngayon? Secret lovers? Is that what you want?” Bakas sa boses ng binata ang pagkainis.
“Ano pa nga ba? Patrick, tingnan mo `ko. Ano ba `ko? Hindi ba, kabit ako ng uncle mo? Tanggap ko naman, eh. Hindi totoo lahat ng `to, panaginip ko lang `to. Hindi mo ako kahit kailan magugustuhan tulad ng pagkagusto ko sa`yo. Marumi ako. Bayaran. May anak na ko. `Yon ako.” Dali-daling dinampot niya ang basang two piece at isinuot sa harap mismo ng tulalang si Patrick.
Nang makalabas siya ng silid ay huminga siya nang malalim.
Kalimutan mo na `yon, Jenny. Magkaro’n ka ng kahihiyan at huwag kang umasa sa wala. Tama nang isang maybahay lang ang niloloko mo. Baka mahuli pa kayo at pati si Patrick napahamak.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Kaya unalis ka na sa putik na kinasasadlakan mo