HINDI malaman ni Patrick kung nakakailang ikot na ba siya sa sala ng sarili niyang condo unit. Wala siyang magawa. Matapos ang tawag na iyon ni Jenny, ilang araw niya itong hindi makontak. Sinubukan niyang pumunta sa apartment nito pero walang tao roon. Ayon sa mga kapitbahay na napagtanungan niya ay umalis ito na may kasamang matanda.
Ang ikinangingitngit niya, alam niyang ang kanyang uncle ang kasama ni Jenny sa kung saan. Napag-alaman din ni Patrick na nagpaalam ito sa kanyang asawa na may business trip sa Hong Kong sa loob ng dalawang linggo.
Business trip his ass.
Ilang ulit na niyang i-d-in-ial ngayong araw ang numero ng dalaga pero nakapatay pa rin ito. Halos madurog na nga ang kanyang cellphone sa sobrang gigil niya ngayong araw. Mag-iisang linggo na siyang walang balita kay Jenny at nag-aalala siya dahil sa pag-iyak nito noon.
Pero sinong niloko mo, Patrick? Nag-aalala ka ba talaga o nagseselos dahil alam mong magkasama ang dalawa at ngayon ay nasa kandungan ng bawat isa?
“Fuck this life!” Malakas na ibinato ni Patrick ang kanyang cellphone na tumama sa kanyang 32” LCD TV. Hindi niya ininda ang pagkabasag ng kagamitan. Dahil ngayon, mas importante sa kanya ang pagkabasag ng kanyang puso.
Wala na. Sigurado siyang mahal na niya si Jenny. Minahal niya ang isang babaeng bayaran. At wala na siyang magawa. Dahil nalulong na siya sa nararamdaman para dito.
Ano ba `ko para sa kanya? Isang play thing? Bullshit! Ano ba `tong pinasok ko?
Nanlulumong naupo na lang si Patrick sa sofa at iniisip ang mga eksenang maaring nangyayari ngayon sa dalawa.
Paano ko kaya mailalayo si Jenny? Siya mismo parang ayaw bumitiw kay Uncle.
“Stupid me.” IIling-iling at pagak na tumawa si Patrick habang kinakausap ang kanyang sarili. “Natural, mas marami siyang pera kesa sa`yo.” Pero sa pagsasama namin ni Jenny, naramdaman kong special ako para sa kanya. Ilang beses niya ring sinabing mahal niya ako.
Pilit na pinapalakas ni Patrick ang loob dahil para na siyang masisiraan ng ulo ngayon kakaisip sa dalawa. Buo na ang desisyon ni Patrick. Sa oras na makabalik si Jenny ay sasabihin na niya ang kanyang nararamdaman at yayayain niya itong lumayo. Kung ayaw ni Jenny? Kakaladkarin niya ito papasok ng kanyang sasakyan at magda-drive nang walang tigil bahala na kung saan sila mapunta.
PAGOD na pagod sa biyahe si Jenny. Ilang araw rin silang magkasama ng matanda. Halos buong linggo silang nagkulong lang sa pribadong silid na kanilang inokupa nang sila ay nasa El Nido, Palawan.
Matagal na niyang nais makarating sa lugar na iyon. Ang pangarap niya noon, kung pupunta siya roon ay sa mismong araw matapos ang kanyang kasal. Isang fairytale na binubuo niya sa kanyang isip. Nakita niya ang ganda ng Palawan pero parang hindi siya naging masaya. Paano siya magiging masaya kung naiwan sa Maynila ang taong nais niya sanang makasama sa lugar na iyon? Halos magdadalawang linggo niya ring tiniis na hindi buksan ang kanyang cellphone. Una, dahil baka tumawag si Patrick at pangalawa, baka mahuli pa siya ni Mr. Lee na may iba’t ibang stolen shots ng pamangkin nito.
Kapag kasi matutulog si Patrick sa kanyang apartment ay pasimpleng kinukunan niya ito ng larawan. Nais niya kasing maitabi kahit man lang ang larawan nito. Dahil alam niyang sa estado nilang dalawa ay malabo ang isang masayang buhay na kanyang inaasam kasama ang binata. Ano nga bang karapatan niyang mangarap ng mga bagay na masyadong mataas? Palagay niya ba ay seseryosohin siya ng isang kagaya ni Patrick? Ang lalaking may pinag-aralan, galing sa magandang pamilya at bukod pa roon ay alam ang kanyang baho?
Gumising ka sa kahibangan mo, Jen. Itigil mo na ang pantasya. Harapin mo ang realidad at kumalas ka na sa kanilang dalawa bago pa mahuli ang lahat.
Pabalibag na binuksan ni Jenny ang pinto ng kanyang apartment. Inihagis niya ang mga bitbit na kung ano-anong pasalubong na nabili. Wala siyang gana ngayong araw. Ang nais niya lang ay magpahinga.
Nagulat na lang kasi siya nang hindi na umuwi ang matanda nang minsang natulog ito sa kanyang kwarto at kinabukasan ay nagyaya ito sa Palawan. Nakapagpaalam hindi umano ito sa asawa na may business trip sa Hong Kong. Wala na siyang nagawa kundi ang pumayag dahil na rin sa natakot siya sa ipinakita nito ng isang umaga. Humugot ito ng baril at itapat sa kanya. Panigurado raw na patay siya at walang makikinabang na iba. Hangga’t hindi ito sawa kay Jenny ay hindi siya maaring kumalas.
“Nakakapagod.” Ipinikit niya ang mga mata at sumandal sa upuan. Hindi na nag-abalang isara muna ang pinto na maluwag ang pagkakabukas.
“Buti naisipan mo pang umuwi.”
Nagulat siya sa may kalakasang boses ni Patrick kasabay ng pagsarado ng pinto. Nakita niya pa na pinindot nito ang lock.
“Ngayon lang siya nag-ayang umuwi,” nahihiyang sagot niya sa binata na ngayon ay maigi niyang pinagmamasdan. May eyebags ito at mukhang ilang araw na hindi nakatulog.
Anong nangyari kay Patrick? Nagkasakit ba ito?
“Nagkasakit ka ba?” Nag-aalalang tanong niya sa binatang ngayon ay nakalapit na sa sofang kanyang inuupuan.
“Oo. Sobrang pagkakasakit. Halos ikamatay ko.”
Nanlaki ang kanyang mga mata sa narinig at agad siyang napatayo upang hawakan ito sa braso.
“Ano’ng nangyari? Ano raw ang sakit mo sabi ng doktor?” Sinalat pa niya ang noo nito at iginaya paupo sa sofa.
“Sakit sa puso. Sobra,” walang kagana-ganang sagot nito.
“Hindi ko alam na mayroon ka pala n’on,” nagtatakang sabi naman ni Jenny.
“Manhid ka ba?” Nagulat siya nang biglang sumigaw ang binata.
“Ha? Bakit?” naguguluhang tanong niya.
“Jenny, mahal na kita,” madamdaming pahayag ni Patrick na nakapagpalaki ng kanyang mga mata. Tila nawala lahat ng kanyang pagod at lungkot sa ilang araw na pag-alis.
“P-Patrick, huwag mo naman akong paglaruan.” Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng binata kaya naman panay ang iling niya.
Ngunit hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi at saka siya binigyan ng isang halik na para bang sa pamamagitan nito ay maipaparamdam ng binata ang tunay niyang nararamdaman.
“Hindi ako nakikipaglaro, Jenny. Mahal kita. Seryoso ako. Run away with me,” pagkatapos ay sabi ni Patrick.
Tatakas ako kasama siya? Pero sisrain ko lang si Patrick. Hindi ako karapat-dapat.
“Patrick, Patrick, hindi pwede,” mahinang usal niya.
Tumayo ang binata buhat sa pagkakaupo at sinabunutan ang sariling buhok bago muling humarap sa kanya.
“Jenny, alam ko, alam ko, hindi ako kasing yaman ni Uncle, pero kaya kitang buhayin. Kaya kong suportahan ang mga kailangan mo. Mahal kita. Hindi pa ba sapat `yon?” Mukhang frustrated na frustrated na ang hitsura ng binata.
Patrick, pagmamahal mo lang sapat na sapat na. Sobra pa nga. Pero hindi ko kayang sirain ka. Marumi ako. Paano kung isang araw maisip mo rin `yon?
“Patrick, lasing ka ba? Alam mo ba `yang pinagsasasabi mo? Tingnan mo `ko, Patrick. Ito ako! Alam mo kung saan tayo nagkakilala at alam mo kung anong mga pinagdaanan ko. Itigil mo `yan. Hindi tayo pwede.” Pilit niyang pinapatapang ang sarili at kinokontrol ang emosyon.
“Wala akong pakialam! Mahal kita at iyon ang alam ko! Wala akong pakialam sa nakaraan mo, sa mga pinagdaanan mo o kahit na may anak ka na. Mahal kita, Jenny!” malakas na sigaw nito na siyang nakapagpaluha sa kanya. “Mahal kita, Jenny, iyon ang totoo. Hindi ko alam kung kailan nagsimula pero hindi ko na makontrol. Tanggap kita. Lalayo tayo. Pupunta sa lugar kung saan pwede tayong magsimula, `yong walang nakakakilala sa`yo.”
Nang mga oras na iyon ay nais na niyang tanggapin ang mga sinasabi ng binata pero nabigla siya sa salitang lumabas sa sarili niyang bibig.
“Hindi tayo pwede, Patrick.”
Natulala lang sa kanyang harapan ang binata.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




One Response
Naisip mo kasi ang pagbabanta ng matandang hayok sa laman