Jenny (Chapter 7) Romasanta

Bookmark (0)
Please login to bookmark Close

My BookmarksShare

  • No bookmark found

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

PUPUNGAS-pungas na bumangon si Jenny mula sa kanyang malambot na kama. Tiningnan niya ang sariling repleksiyon sa malaking salamin sa loob ng kanyang silid. Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita.

Ahh! Eyebags! Ayan, Jenny, kaiisip mo kay Patrick, hindi ka nakatulog nang maayos. Para kang loka-lokang teenager na nagde-daydream sa crush.

Naiiling na tinungo na lamang niya ang banyo upang makapaligo na. May pasok siya ngayon sa opisina. Naatasan siyang samahan si Patrick sa lahat ng lakad nito ngayon upang i-assist ito sa ano mang kailangan habang kausap ang kanilang mga kliyente.

Ano namang alam ko sa mga ganoong bagay? Wala naman akong natapos. Ang alam ko lang sumayaw, kumanta at mang-asar. Bahala na.

Maingat na pinili ni Jenny ang kanyang susuotin para sa araw na iyon. Hindi niya alam kung bakit nais niyang maging presentable sa harap ni Patrick. Binatukan na nga niya ang kanyang sarili dahil sa palagay niya ay panay kalokohan lang ang kanyang pinag-iisip.

Matapos makapag-ayos ay siya na ang nangunang i-text ang binata.

Saan tayo magkikita? Tnx.

Makalipas ang ilang minuto ay nakatanggap siya ng reply mula rito. Ibinigay lamang nito ang address ng lugar na pagkikitaan nila.

“Ano ba  `yan? Akala ko pa naman, susunduin ako.” Napamulagat si Jenny sa mga salitang lumabas sa sarili niyang bibig. Ano’t naiisip niya ang mga ganoong bagay? Para siyang timang.

Ano’ng palagay mo sa sarili mo, Jenny? Tanga! Hindi ka papatulan ni Patrick Kalaguyo ka ng ama-amahan niya. Engot!

Nang makalabas siya ng subdivision ay agad siyang pumara ng taxi at sinabi sa driver kung saan ang kanyang pupuntahan. Mag-iisang oras din ang biyahe at ganoon na lamang ang pagkabigla niya nang makitang masyado yatang mataas maningil ang metro ng taxing kanyang nasakyan.

“Aba, manong, may daya `ata `yang metro mo. Anong aabot nang apat na daan mahigit ang bill ko?” reklamo niya at binasa nang maigi ang metro.

“Hija, napakalayo ng pinanggalingan natin at isa pa, tumaas rin ang gasolina,” iritableng sagot naman ng driver sa kanya.

“Ganoon? Leche! Ang daya ng metro mo. Hindi por que nakamagandang damit ako at mukhang mayaman ay nagtatae na `ko ng pera. Sa susunod, pakiayos `yang metro mong halata namang may daya. Hindi mo ikakayaman ang baryang kikitain mo. Asar.” Gigil na ibinato niya ang limang daang buo sa driver na mukhang natigagal sa mga sinabi niya. Akmang magsasalita pa ito at susuklian siya nang muli siyang bumanat “Keep the change. Bwisit!” At padabog na isinara niya ang pintuan nito matapos niyang makababa. Natapilok pa nga siya sa suot na sapatos dahil sa sobrang asar.

Napakarami talagang manloloko ngayon. Imbes na maghanapbuhay nang maayos. Nakakatawa lang, akala mo naman naghahanapbuhay ako nang maayos. Nakakainis talaga.

“Romasanta Building,” basa niya sa limang palapag na gusali sa kanyang harapan.

“Jenny.”

Napaharap si Jenny sa direksiyon ng tumawag sa kanya. Walang iba kundi si Patrick.

“You’re late,” naiiling na sabi pa nito sa kanya.

Tila natulalang pinagmamasdan niya ang lalaking nakasandal sa pintuan nang dala nitong sasakyan at nakahalukipkip. Mukhang napakabango rin nito dahil sa maayos na pagkakatupi ng mga manggas ng suot nitong long sleeves.

“Come on, Jenny, nag-aantay na ang mga kliyente.” Pumitik pa ang lalaki sa kanyang harapan upang bumalik siya sa kanyang ulirat.

“Ay, sorry. Tayo na.” Ngumiti lang ito sa kanya kaya naman lumitaw ang malalalim nitong biloy.

Sumunod na lamang siya nang magsimula na  itong lumakad papasok sa Romasanta Building.

“Good morning, Sir, Ma’am,” bati ng receptionist.

“Good morning. We’re looking for Mr. Ramon Romasanta. May appointment kami sa kanya. I’m Mr. Patrick Lee.”

Ang kaharap na receptionist ay tila na-starstruck naman kay Patrick.

“Nagmamadali kami. Huwag kang tumunganga kay Patrick,” napairap na sabi ni Jenny.

Agad naman na binalingan siya ni Patrick na ngayon ay nakasimangot na.

“Be professional. Ano ba’ng problema mo?”

“Wala. Sorry.” Nagkibit-balikat lamang siya at kunwari ay nilibang ang sarili sa pagtingin sa paligid ng lugar na iyon.

“Sir, hinihintay na po kayo ni Mr. Romasanta sa fifth floor.” Nakangiti at namumula pa ang pisngi na saad ng receptionist.

“Thanks a lot, Myrna?”

Nakita ni Jenny na binasa pa ni Patrick ang name plate ng babae. Nagpatiuna na lamang siya sa may elevator. Nang makapasok sila sa loob ay agad siyang sinita ng binata.

“Umayos ka nga. You’re acting like brat. Nandito tayo para magtrabaho. Hindi ko alam kung ano’ng problema mo. Pasalamat ka nagtiyaga akong isama ka dahil sa bilin na rin ni Uncle.”

Nahihiyang napayuko na lamang si Jenny.

Bakit ba kasi ang pakialamera ko? Engot talaga ko. Ang akala ko, close na kami ni Patrick. Oo nga pala. Sino nga namang matutuwa sa `kin? Tanga. Nakakahiya!

“Im sorry.” Iyon lang ang tanging lumabas sa kanyang bibig.

Naiiling na lamang ang lalaking kanina lang ay maganda ang mood na sa palagay ni Jenny ay siya ang sumira. Narating nila ang fifth floor at agad silang sinalubong ng sekretarya ng kanilang kliyente at  inihatid sila sa opisina  nito.

 

“GOOD morning, Mr. Romasanta,” masiglang bati ni Patrick sa matandang nakasalamin at nakipagkamay pa sa binata.

“Same to you. Nakausap ko na ang uncle mo at ikaw nga raw ang katransaksiyon ko ngayon. Have a seat.”

Naupo naman sila. Habang nag-uusap ang dalawa tungkol sa kanilang pakay, tahimik na nakamasid lamang si Jenny.

“Hija, you look familiar,” mayamaya ay sabi ni Ramon Romasanta sa kanya.

Hala ka! Nakilala niya `ko? Naging kliyente ko ba to? Nakakahiya…

“Ah. Kayo rin po mukhang pamilyar sa `kin,” alanganing sagot niya.

“Mr. Romasanta, she’s Jenny, my uncle’s secretary.” Nagpapasalamat siya at sumingit si Patrick dahil matiim na pinagmamasdan na siya ng matandang Romasanta at halos lumubog na siya sa hiya dahil sa pag-aakalang naging isa ito sa mga parokyano ng kanilang club noon.

“Okay,” maikling tugon nito bago tumango at ipinagpatuloy ang pakikipag-usap kay Patrick.

Panaka-naka ay isinusulat niya sa dalang maliit na sticky pad ang mga bagay na naintindihan niya sa usapan ng dalawa.

“So we have a deal, then?” nakangiting tanong ni Patrick sa kausap.

“Yes, hijo, alam mo naman talagang kayo na ang official supplier namin,” sagot naman ni Mr. Romasanta.

 

Matapos ang kanilang pakay sa lugar na iyon ay tahimik na tinahak na nila ang daan palabas Wala silang kibuan ni Patrick. Marahil ay asar parin ito dahil sa kanyang inasal kanina.

“Sakay,” utos nito sa kanya matapos nilang makarating sa harap ng sasakyan nito.

“Isasabay mo `ko papuntang office?” nag-aalangang tanong niya rito.

“Ano pa nga ba? Doon rin naman ang punta ko,” masungit na sagot lang nito sa kanya.

Tahimik na sinunod na lamang niya ito. At iniisip niya ang mga bagay na nagawa niya kanina.

Bakit kaya nairita siya sa receptionist na halatang nagpapa-cute dito? Anoba ang karapatan niya?

Hindi kaya may gusto na `ko kay Patrick? Para naman akong tanga n’on. Kung mai-inlove ako sa taong ilang buwan ko pa lang na kilala. Porke ba nagmagandang-loob siyang lagyan ako ng jacket no’ng show ko,  type ko na siya? Nangangarap na naman ako nang gising.

 

 

 

 

 

 

 

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Jenny (Chapter 7) Romasanta

No time to Collect Free Denaro Coins?

Click Here

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Need Help?