a woman and a man without face standing behind her

Kailan Mali ang Magmahal (Chapter 1)

[ai_playlist id="654"]

Subscribe to read this story

Unlock exclusive stories with premium subscription today

Bookmark (0)
Please login to bookmark Close

Twenty years later…

“MAMA? Tutuloy na po ako.” Inabot ni Belinda ang kaliwa at nag–iisang kamay ni Delfin at saka nagmano rito.

“Sige, mag-iingat ka,” tugon naman nito.

Kasalukuyang ginagawa ng ama ang isang sasakyan habang ang kaniya namang inang si Marina ay nasa hardin at nagdidilig ng mga halaman.

“Belinda, diretso uwi pagkatapos ng klase ha. Huwag mo ring kalilimutan ang bilin ko.”

“Opo,” sagot niya.

Ibinilin ng ina na dumaan siya sa kanilang three-door-apartment sa kabilang kanto dahil araw ng paniningil. Huling Sabado ng buwan ang petsa ng pagbabayad ng mga taong nangungupahan doon at sa kaniya nakatoka ang apartment na iyon. Ang isa pa niyang kapatid na si Reynan naman ang siyang humahawak ng isa pang apartment nila na nasa kabilang bayan.

Ang apartment ang pangunahing pinakukuhanan nila ng ikabubuhay. Bukod doon ay may talyer na pinamamahalaan rin ang ama. May tatlong tauhan itong nakakatulong sa pag-aasikaso ng casa dahil nga sa kapansanan nito. Putol ang kanang kamay nito na ayon sa kaniyang ina ay naaksidente noong panahong sanggol pa siya.

Masikap si Delfin at sa kabila ng kapansanan nito ay nagawa nitong itaguyod sila at magawang pag-aralin. Nakapagpatayo ito ng dalawang paupahang apartment na kahit paano ay hindi naman nababakante mula nang maitayo.

“Sige po Mama, Papa, aalis na po ako,” aniya bago tuluyang lumabas ng pinto.

 

“GANOON po ba? Kung gayon ay babalik na lang ako bukas?” tanong ni Belinda sa nangungupahang si Aling Norma. Hindi raw kasi ito makakapagbayad ng upa sa umagang iyon dahil wala pa ang pera nito. Nasa ibang bansa kasi ang asawa nito at hinihintay ang buwanan nitong sustento.

“Oo sana, kung puwede. Siya nga pala, nawala sa loob kong sabihin sa Mama mo noong bumisita siya dito na may lalaking tumitingin diyan sa dulong silid. Naghahanap ng mauupahan at interesado yata.”

Napangiti siya. Talagang hindi nababakante ang apartment nila nang higit sa isang buwan. Kaaalis lang ng estudyanteng umupa sa dulong pinto at ngayon ay may mga tumitingin na ulit doon.

“Talaga po? Mabuti naman kung ganoon,” tugon niya sabay kuha ng tarheta sa loob ng kaniyang wallet. “Pakibigay na lang po ito sa sinumang magtatanong. Mainam kung lalaki pala ang uupa sa dulo para naman may kasama kayong barako dito,” biro niya. Babae rin kasi ang nakatira sa gitnang silid na nagngangalang Cely. Seaman ang asawa nito at madalang namang umuwi.

Ngumiti si Aling Norma at matapos ang ilang palitan ng salita ay nagpaalam na siyang uuwi. Tumawid siya ng kalsada subalit hindi pa man nararating ang kabilang panig ay tila nakaramdam siya ng kilabot. Tila nagtataasan ang kaniyang mga balahibo sa batok sa hindi niya batid na dahilan. Awtomatikong naglakbay ang kaniyang paningin sa paligid. Normal naman ang lahat liban sa bahagyang may kalamigan ang hanging dulot ng tag-ulan.

Bakante ang lote sa kabilang panig ng kalsada at walang anumang nakatayo roon bukod sa isang matandang puno ng mangga. Lalong nanindig ang kaniyang balahibo nang mapansin ang tila aninong nakakubli sa malaking puno. Napatigil siya sa paglalakad at saka sinipat ang kabuuan niyon. Kung hindi lang bahagya nang nagdidilim ay lalapitan niya ang puno at aalamin ang nasa likod niyon.

Gayunman ay napaisip siya. Sa hindi kalayuan ay may nakaparadang isang tricycle. Baka naman ang may-ari noon ang nasa likod ng puno at nakaramdam ng panunubig kaya naroon. Napailing siya sa sarili. Unti-unti na ring nawala ang kilabot niya at hindi nagtagal ay naging normal na ang tibok ng kaniyang puso.

 

“ONE month advance and one month deposit, iyan ang patakaran namin dito. Five thousand five hundred ang upa at babayaran tuwing huling Sabado ng buwan. May sariling kuntador ng tubig at kuryente kaya kung maaari ay bayaran sa takdang araw ang bills.”

Tumango ang lalaking sa tingin ni Belinda ay mahigit sa anim na talampakan ang taas. Matingkad ang kulay na tila sunog sa araw ang balat nito at mula sa patilya ay naglandas ang balbas nito at lumigid sa baba. Ang buhok ay magulo bagaman nakapusod iyon at nasa batok nito.

Sa anyong ito ng lalaki ay diskumpiyado siyang makakabayad ito. Tila kasi kahit pambili ng damit o pampagupit ay wala man lang ito. Napaangat ang kilay niya nang kuhanin nito mula sa likurang bulsa ng suot na pantalon ang wallet nito. Naglabas ito ng labing-isang piraso ng lilibuhin at saka iniabot sa kaniya. Marahil ay nahalata nitong pinag-aaralan niya ang kabuuan nito. Bahagya siyang napahiya sa sarili.

“Ano nga pala ang pangalan mo?” tanong niya matapos abutin ang pera sa kamay nito. Palihim niyang hinagod ang batok dahil may pakiramdam siyang muli ay nagtataasan na naman ang kaniyang mga balahibo.

“Dante. Dante Villarivera ang pangalan ko. Hindi ako masamang tao,” tugon nito.

Alanganin siyang ngumiti at saka lumakad para samahan itong ikutin ang kabuuan ng dalawang palapag na unit.

“Kung gusto mong makisabay sa pagbabayad ng bills ay pakibigay na lang ang due mo kay Aling Norma. Diyan siya nakatira sa unang pinto at tuwing…”

“Kaya kong magbayad mag-isa,” putol nito sa sasabihin niya.

Bahagyang napakunot ang kaniyang noo sa iginawi nito. May pagkasuplado ang lalaki at halata iyon sa paraan nito ng pagtingin maging sa istilo nito ng pagdadala ng sarili. Palaisipan din sa kaniya kung saan ito nagmula. Hindi tuloy maiwasang pagmasdan niyang muli ang kabuuan nito. Isang puting kamiseta lang na hapit sa malaki nitong pangangatawan ang suot nito at may sira sa magkabilang tuhod ang suot na pantalon.

“NBI at barangay clearance, ID sa pinapasukan kong kompanya at permanent address ko ang mga nariyan. Pakitingnan na lang lahat.”

Iniabot nito sa kaniya ang isang mahabang brown envelope. Mabuti naman kung ganoon. Hindi na siya mahihirapang magtanong dito ng kung anu-ano dahil may kusa naman pala ito.

“Salamat. Nakasaad nga pala sa kontrata na hindi maaari ang anumang klase ng hayop dito sa apartment. Bawal din ang alak at hindi rin puwede ang maraming bisita na dito makikitulog.”

“Tatlo lang kaming magkakapatid. Estudyante ang isa at pintor naman ang isa pa. Hindi kami mahilig sa hayop at hindi rin mahilig uminom o magpapasok ng kung sino-sino. Iyon lang ba?” tanong nito.

Nagbaba siya ng tingin nang magsalubong ang kanilang mga mata. Hindi niya matagalan ang mga titig nito.

“Nakasaad din sa kontrata na maaari naming pasukin ang silid na ito para sa inspection at…”

“Kahit hindi ko alam?” agap nito.

Tumango siya. “Kahit hindi mo alam.”

“Hindi naman marahil kalabisang hilingin na alisin sa kontrata ang bagay na iyon? Hindi ko sana gustong maabala ang privacy ko.”

“Iyon ang polisiya namin dito.”

“Iyon din ang polisiya ko. Hindi ko gustong may makikialam ng mga gamit ko. Kung hindi maaari ay marami pa naman siguro akong makikitang ibang apartment sa tabi-tabi. Sabihin mo lang nang maaga para hindi tayo kapwa naaabala.”

Napamaang siya sa narinig. Sa unang pagkakataon ay may kumontra sa nilalaman ng kontratang sadya pa nilang pinagawa sa isang abogado sa bayan. Gayunman ay napaisip siya. Hawak na niya ang perang ibinayad nito at sayang naman kung pawawalan niya ang pagkakataong iyon. Tamang-tama dahil bayaran pa naman ng tuition sa eskuwelahang pinapasukan niya. Baka naman niloob ng Diyos na dumating sa kanilang buhay si Dante at kung anu-ano lang ang naiisip niya dahil na rin sa anyo nito.

Sabagay ay wala naman sa uri ng pananamit ang pagbabayad. Sa kabilang apartment nga kung saan ang kapatid na si Reynan ang nangangasiwa ay may isang okupante na napakahirap singilin. Maganda naman ito kung manamit pero talagang pahirapan ang pagbabayad nito. Hindi naman nila ito magawang paalisin dahil kahit paano ay nakakabayad pa rin naman.

“Sige, payag na ako. Ako na ang bahalang magpaliwanag kila Mama. Isa pa nga palang bagay na nasa kontrata ay ang…”

“Babasahin ko na lang,” agaw nito sa sinasabi niya. Lihim siyang napapikit kasabay ng paglalapat ng mga labi. Arogante rin pala ang lalaki. Bagay ang ugali nito sa anyo nitong iyon.

“Okay. Kailan ka maglilipat? Ipapahanda ko na ang contract.”

“Bayad na ako, hindi ba? Dito na ako matutulog ngayong gabi.”

Napamaang siya. Hindi niya kasi inaasahan iyon dahil wala namang kahit anong gamit na dala si Dante. Ang akala niya ay sa susunod na araw pa ito lilipat doon.

“Nasaan ang mga gamit mo?” Hindi man niya gustong magtanong ay kusa nang lumabas iyon sa kaniyang bibig.

“Nasa kontrata din ba ‘yan?” madilim ang anyong tanong nito. Itinikom na niya ang mga labi at saka bahagyang napailing.

“Hindi bale na. Sige, tutuloy na ako. Bahala ka nang mag-ikot sa itaas,” wika niya saka tumalikod at tinungo ang pinto ng silid. Saktong nahawakan na niya ang seradura ng pinto nang muling magsalita ang lalaki. Nilingon niya ito nang nakataas ang mga kilay at nagtatanong ang mga mata.

“Salamat…Belinda.” Iyon lang at tuluyan na rin itong tumalikod at pumanik sa ikalawang palapag ng bahay.

 

“MANIWALA ka sa akin, ang weird niya talaga!” hindi pa rin makapaniwalang kuwento ni Belinda sa kapatid nang madatnan itong nasa likurang bahagi ng bahay at abala sa pag-aayos ng motorbike nito.

“Ate naman! Para iyon lang, weird na?” napapantastikuhan nitong tanong habang patuloy sa ginagawa.

“Rey, hindi ko natatandaang tinanong niya ang pangalan ko at natural na hindi ko naman kusang ipapakilala ang sarili ko sa kaniya. Basta! Ang weird talaga!” Hindi pa rin niya maialis sa isip ang anyo ni Dante at sa tuwing sumasagi sa kaniyanga alaala ang mga napag-usapan nila ay hindi pa rin niya maiwasan ang magtaka.

“Ikaw lang ba ang nakakaalam ng pangalan mo? Natural ay maaaring nagtanong na iyon kay Aling Norma o kaya ay kay Ate Cely. Alam din naman nila ang pangalan mo ah,” pabirong sagot ng kapatid na ang tinutukoy ay ang mga okupante ng dalawang natitirang silid na katabi ng unit nito.

“Puro ka talaga biro kahit kailan! Basta, sigurado akong may kakaiba sa taong iyon. Kung ano ay hindi ko pa alam sa ngayon pero ikaw ang unang makakaalam kung sakaling matuklasan ko na.”

Sumaludo nang pabiro sa kaniya si Rey saka nagsalita. “Good luck, Ate.”

Sinuklian naman niya ng irap ang birong iyon.

 

“HI! Nariyan ba si Dante sa loob?” tanong ni Belinda sa isang lalaking lumabas sa unit ng lalaki. Nakasuot ito ng uniporme at may kipkip na handy bag. Napatingin sa kaniya ang lalaki at saka tumango. Namilog ang kaniyang mga mata nang makilala ito.

“Dante?” tanong niya subalit agad ding napailing nang makita ang kaibahan nito sa lalaki.

“No. Hindi ako si Dante. Sino po sila?” tanong nito.

Napatango naman siya kasabay ng paghingi ng paumanhin. “Sorry. Ang akala ko kasi ay ikaw si Dante. Kamukhang-kamukha mo kasi siya liban lang sa mas higit kang batang tingnan sa kaniya.”

Wala din itong balbas hindi gaya ng lalaki. At ang pinaka-visible na pagkakaiba ng dalawa ay ang pagiging palangiti ng kaharap. Hindi ganito si Dante. Aroganteng tingnan ang huli sa anyo nitong tila parating galing sa gitna ng talahiban.

“Okay lang, no problem. Ang kaso ay wala si Kuya rito. Lumabas siya kanina pang madaling-araw. May kailangan ka ba?” tanong nitong muling tinanggal sa pagkakakawit ang tarangkahan.

“No, okay lang. Babalik na lang ako sa ibang pagkakataon. Gusto ko lang sanang ipakita sa kaniya ang kontratang ginawa ko kagabi,” nakangiti niyang sabi.

“Kung ganoon ay ikaw ang pala ang anak ng may-ari ng apartment? My name is Jim.” Inilahad nito ang kamay na tinanggap naman niya.

“Oo, ako nga. Ako nga pala si Belinda.”

“Nice meeting you…Belinda.”

Ilang saglit siyang natigilan nang marinig ang sariling pangalan mula sa mga labi ng kaharap.

Salamat…Belinda.

Tila narinig niya ang tinig ni Dante. Weird. Napailing siya nang marahan. Kung anu-ano ang pumapasok sa isip niya nitong mga huling araw. Hindi kaya epekto iyon ng ilang gabi niyang pagpupuyat?

“Kung puwede ay pakibanggit na lang sa Kuya mo na nagsadya ako,” pagkuwa’y sabi niya.

Muli siyang sinuklian ng ngiti ng lalaki at saka yumukod.

“Makakarating. O paano, mauna na ‘ko? See you next time!” Kumaway pa ito bago tuluyang makalayo. Habol naman niya ng tanaw ang papalayong lalaki.

 

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Kailan Mali ang Magmahal (Chapter 1)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Need Help?