“HI, Belinda.”
Ngumiti siya at tinugon ang pagbating iyon ni Abel. Papasok na siya sa eskuwelahan nang makasalubong niya ito sa labasan. May hawak itong canvas at ilang pintura.
“Pauwi ka na?” tanong niya rito.
“Oo. Bumili lang ako ng pintura diyan sa labas. Ikaw, papasok ka sa school?”
Tumango siya. “Oo. Kumusta na nga pala kayo? Hindi na ba naulit ang panloloob sa inyo noong nakaraang Linggo?”
“Hindi naman. Napansin mo ba si Kuya sa kanto namin? Ang usapan kasi namin ay magkikita kami rito para bumili ng bagong door knob,” wika nitong bahagyang luminga sa kalsadang pinanggalingan niya. Lumingon din siya pero wala kahit anino ni Dante roon.
“Hindi eh. Baka naman nasa inyo pa.”
“Siguro nga. Pero ang sabi niya ay alas-onse ang lakad niya ngayon. Ang dinig ko ay pupuntahan niya si Norisse dahil humihingi raw ito ng tulong sa kaniya.”
Napakunot ang noo niya. “Tulong? Bakit? May problema ba si Norisse?”
“Bumaha daw kasi sa kanila noong umulan kamakalawa at maraming nakahambalang na sanga ng puno sa daan. Biro nga ni Norisse ay matatakpan na raw ang bahay nila sa dami ng mga sanga ng puno.”
Sinikap niyang hindi manlaki ang mga mata sa narinig. Coincidence lang kaya ang lahat?
Kung totoong maraming sanga ang nasa bakuran ng dalaga, hindi kaya…hindi kaya may kinalaman si Norisse sa nangyari kay Reynan? Awtomatikong umangat ang kamay niya para supilin ang pagtayo ng mga balahibo sa kaniyang braso.
“KUNG si Norisse nga ang gumawa niyon, ano naman ang posibleng maging motibo niya?”
Natahimik si Belinda sa tanong na iyon ni Jim. Kasalukuyan silang kumakain sa isang cafeteria na nasa labas ng eskuwelahan. Nagulat siya nang sinundo nito pero hindi na siya nagtanong. Gayunman ay nagtataka siyang naiinis sa sarili. Bakit kailangan niyang makadama ng ganito kay Jim? Hindi niya maipaliwanag ang tuwa sa dibdib sa tuwing makikita ito. Pero hindi niya maitatanggaing ganito rin ang damdamin niya kung si Abel man o si Dante ang kasama.
Ah, marahil ay dahil iyon sa pagkakahawig ng magkakapatid kaya ganoon.
“Hindi ko rin alam, Jim, pero ang bagay na sigurado ako ay ang hindi pagkakaintindihan nina Papa at Mang Gener nang mga huling araw bago kami lumipat dito sa Cartemar. Si Mang Gener ang daddy ni Norisse.”
Napaangat ang kilay ni Jim, anyong nagtatanong. “Bakit? Nag-away ba sila?” tanong nito sa seryosong tinig. He was sincerely concerned.
“Hindi ko masabing away dahil hindi ko naman sila nakita. Pero natatandaan kong narinig ko noon na hindi raw makakaya ni Papa na makita pa si Mang Gener kaya kailangan naming lumipat.”
“Nabanggit nga ni Kuya Dante na dati palang pulis ang Papa mo. Pulis din ang Gener na iyon kung ganoon? Magkasama sila sa trabaho noon?”
“Oo. Pulis din siya at malamangay tungkol sa mga operasyon nila ni Papa noon ang ugat ng away nila. Kung anuman iyon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit kailangang gumawa ng ganito ni Norisse. Bakit kailangan niya kaming saktan o takutin?”
“Belinda, hindi naman siguro por que may mga nakahambalang na puno sa bakuran ng bahay ni Norisse ay siya na ang taong nasa likod ng misteryong sinasabi mo.”
Napaangat ang tingin niya sa kausap. May nahimigan siyang galit sa tinig nito, ngunit agad rin iyong naglaho nang mapatingin ito sa kanya at tila natauhan.
“Sorry, Belinda, hindi ko sinasadya. Ang ibig ko lang namang sabihin ay mas maging maingat ka sa pagtitiwala sa mga tao sa paligid mo. Everybody is a suspect in this kind of situation.”
Diretso siyang napatingin sa mga mata nito. “And that includes you, Jim?” panunubok niya.
“Tumango naman ito. “ Pati ako. Pati si Kuya Dante o kaya ay si Abel. Si Aling Norma o kahit sino pa. Everybody is a suspect, Belinda.”
Marahan siyang napatango. Nababaghan man siya sa mga sinabi ng lalaki ay sang-ayon naman siya rito. “Tama ka. At hindi ako titigil hanggang hindi ko natutukoy ang taong nasa likod ng mga nangyayaring ito.”
Matapos nilang kumain ni Jim ay diretso na silang umuwi. Muli ay nilakad nila ang daan sa loob ng Cartemar at nang mapadaan sa kalye ng mga ito ay napahinto ang lalaki.
“Belinda, puwede ba tayong dumaan sandali sa bahay bago kita ihatid sa inyo?” tanong nito. Umiling siya at saka tumanggi rito. Kaya naman niyang umuwi dahil maaga pa.
Umangat ang kamay nito at hinawakan ang kaniyang nanlalamig na palad.
“Gusto kitang ihatid pero kung puwede sana ay samahan mo muna ako sa bahay. May kukunin lang ako saglit.”
Napahinuhod na rin siyang sumama dito sa apartment. Pagdating doon ay pinapasok siya ni Jim. Saktong kauupo lang niya sa sofa nang makarinig ng malakas na kalabog sa ikalawang palapag ng bahay.
“Kuya Dante? Ano ‘yan?” sigaw ni Jim. Napatayo naman siya at biglang kinabahan. Kung bakit kasi nagiging matatakutin siya nitong mga huling araw. Nang magpaalam si Jim na saglit na papanhik ay napilitan siyang tumango. Gayunman ay tinalasan niya ang pakiramdam at iniawang nang bahagya ang pinto ng bahay.
Muli siyang nakarinig ng kalabog at sinundan iyon ng malakas na tinig ni Dante. Tila nagagalit ito na hindi niya mawari. Bigla siyang kinabahan pagkarinig pa lamang dito. Inayos niya ang pagkakaupo nang mayamaya ay makarinig nang padabog na mga yabag sa hagdan.
“Dante?” Napatayo siya pagbaba nito.
Madilim na mukha naman ng lalaki ang bumungad sa kaniya.
“Saan kayo galing ni Jim?” mapanganib ang tinig nito. Napakislot siya nang ulitin nito ang tanong.
“Sinundo niya ‘ko sa school at…kumain lang kami,” bahagyang nahihintakutang tugon niya.
Nang lumakad ito palapit sa kaniya ay napapikit siya. Hindi niya magawang umaktong normal sa harap nito. Ipinagkakanulo siya ng sarili dahil ang totoo ay kasalukuyang tinatambol ang dibdib niya sa kaba sa mga sandaling iyon.
“School? Sigurado ka?”
Mabilis siyang napatango. Ano ba ang iniisip nito at bakit kailangan nitong magalit?
“May problema ba, Dante?”
“Ibinilin ko sa kaniya ang bahay dahil umalis si Abel! At dahil sinabayan niya ng alis ang utos ko, alam mo bang muntik na namang maulit ang nangyari nang nagdaang gabi? Inabutan kong sira ang lumang seradura ng bahay! Marahil ay nagibikan lang ako ng magnanakaw kaya nakatakas! Bukas ang bintana sa itaas nang makita ko. Walang tao!”
Natakpan niya ang bibig sa takot.
“May nawala ba?” nag-aalalang tanong niya.
“Ano sa tingin mo ang mawawala kung sa bintana dumaan ang magnanakaw? Painting? Natural na hindi niya iyon gugustuhing masira dahil wala rin siyang pakikinabangan doon!”
Natahimik siya pero saglit lang ay hinarap niya ang lalaki.
“Sabihin mo nga sa akin, Dante, bakit kailangan mong laging sumigaw sa tuwing kinakausap ako? Mukha ba akong mangmang sa paningin mo?”
Hindi ito kumibo at sa halip ay lumakad palapit sa pinto.
Inulit niya ang tanong pero nanatiling hindi sumasagot ang lalaki kaya hinawakan niya ito sa braso upang iharap. Gayunman ay ni hindi niya ito natinag.
“May problema ka ba sa akin? Magkatapatan na nga tayo rito!”
Nang humarap si Dante ay napaatras naman siya. “Ano ba ang sinasabi mo?”
“Ano ang sinasabi ko? Tinatanong ko kung ano ang galit mo sa akin para tratuhin mo nang ganyan? Lagi mo akong sinisindak! Sinusungitan!”
“Hindi kita naiintindihan!”
“Mabuti pa ang mga kapatid mo! Umaasta silang normal at totoong tao, hindi gaya mo! Para kang bato!”
Nagtagis ang bagang ni Dante sa narinig at bahagya naman siyang natigilan. Unti-unti itong humakbang palapit sa kaniya habang siya naman ay unti-unti ring napapaurong. Gayunman ay hindi siya nagpasindak nang ganap dito. Patuloy pa rin siya sa panunumbat dito hanggang sa marating na nila ang kabilang dingding ng bahay. Naramdaman niya ang malamig na pader sa kaniyang likuran at napasandal roon.
“Ikaw, Belinda? Bakit ganyan ka kung manumbat? May pagtingin ka ba sa kapatid ko?” ganting tanong ni Dante.
“Ang dumi ng isip mo! Kumain lang kami ni Jim! Ano ba ang masama roon?!”
Umangat ang mga kamay nito at humawak sa kaniyang mga balikat. Ang akala niya ay sasaktan siya nito pero sa halip ay biglang bumaba ang mga labi nito sa kaniya. Saglit siyang natigilan at may kung ilang sandaling hindi alam ang gagawin. Tinatambol nang malakas ang dibdib niya sa pinaghalo-halong emosyon habang ang kaniyang mga labi ay sakop ng mga labi ni Dante. Ibig niyang panawan ng ulirat. Bahagyang marahas iyon bagaman nakapagtatakang hindi siya nasasaktan at sa halip ay tila nga naipalalim pa sa mahika ng halik na iyon.
Natauhan lang siya nang biglang bitiwan ng lalaki. Ang mga mata nito ay nagbabadya ng pang-uuyam subalit saglit siyang natigilan nang may masilip na isang uri pa ng emosyon sa mga matang iyon. Pagmamahal ba iyon? Simpatya o panghihinayang?
“Sa susunod ay alam mo na marahil kung ano ang ikinagagalit ko,” wika nito.
Nakipagsukatan siya ng tingin dito bago sumagot. “Pero hindi por que alam ko na ay hindi ko na iyon ulit gagawin.”
Naumid ang dila niya nang kumilos ang isang kamay nito at haplusin ang kaniyang pisngi. Bahagya nitong inilapit na muli ang mukha sa kaniya at saka bumulong.
“Huwag mo akong subukan, Belinda…dahil masama ako kung magalit,” wika nito bago siya muling pinawalan. Binuksan nito nang tuluyan ang pinto at saka nagpatiunang lumabas.
“Halika na. Ihahatid na kita bago tuluyang gumabi,” sa malamig na tinig ay sabi nito. “Jim! Ayusin mo ang mga kalat diyan bago dumating si Abel! Ako na ang maghahatid kay Belinda!” sigaw nito na nakatingin sa gawi ng hagdan. Hindi na nito hinintay ang sagot ng kapatid at mabilis na siyang hinatak nito palabas ng bahay. Tila naulinigan naman niya ang pagsang-ayon ni Jim bago sila tuluyang makalabas. Ilang saglit pa ay magkaagapay na silang naglalakad ni Dante.
MALALIM na sa gabi pero hindi pa rin magawang matulog ni Belinda. Naiisip niya si Dante at ang paraan nito ng pagtrato sa kaniya. He was really unpredictable. May mga pagkakataong magagalitin ito at may mga pagkakataon din namang magiliw sa kaniya. He had this impressive ability to sway his emotions from one to another. Bagay na nakapagpapalito sa kaniya.
Dante was calm, but cold and dangerous. Tila ito tubig sa dagat na tahimik subalit malalim. Na kung hindi ka mag-iingat sa pakikitungo ay ikapapahamak mo. Pero hindi niya maitatanggi ang damdaming unti-unting umuusbong para dito.
Gayunman ay may kasamang pangamba ang emosyong iyon. Hindi niya ganap na kilala ang lalaki at hindi tamang basta na lamang mahulog ang loob niya rito.
Isa pa ay ano ba ang hinihintay niya? Minsan man ay hindi siya nito tinrato nang higit sa inaasahan niya. Sa tuwina ay malamig ang lalaki at nasasaktan siya sa mga ganoong pagkakataon. Kung maaari niya nga lang sanang hilingin na maging katulad na lang ito ng sinuman sa dalawang kapatid. But she knew it was beyond the impossible.
Ipinikit niya ang mga mata at sinubukang matulog subalit muli siyang napadilat makalipas ang ilang sandali. Sadyang mailap ang antok sa kaniya nang gabing iyon. Napailing siya at saka tumayo mula sa kama. Tinungo ang kusina at hindi na nag-abalang buhayin ang ilaw roon. Dahil kabisado ang kinalalagyan ay nagawa niyang lapitan ang ref kahit mabining liwanag lang ng poste mula sa labas ang tumatanglaw roon. Binuksan niya ang ref upang kumuha ng malamig na tubig at saka kumuha ng plastic cup sa ibabaw niyon. Nagsalin siya ng tubig at saka uminom. Bahagya siyang nahimasmasan matapos iyon.
Babalik na sana siya sa silid nang mula sa dilim ay may narinig siyang kaluskos. Natigilan siya. Papalapit ang yabag na nagmumula sa labas at bigla siyang nanigas sa kinatatayuan dahil doon. Sino ang maglalakad sa bakuran nila sa ganoong dis-oras nang gabi? Bigla ay tila nakalimutan na niyang gumalaw. Hindi niya maigalaw ang mga paa at matinding takot ang kaagad na lumukob sa kaniya.
Tinalasan niya ang pakiramdam at mula sa dilim ay sinipat niya ang isang aninong naglalakad. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang mula sa malamlam na liwanag ay nasinagan niyon ang anyo ng taong papalapit. Si Nancy!
Bigla siyang nanlata. Hindi yata at ito ang aninong nagkukubli sa dilim? Paano nitong magagawa ang gayon samantalang mula pagkabata ay kinupkop na nila ito? Ang sa kaniya ay itinuring niyang para na rin dito dahil hindi na ito iba sa kaniya. Ano ang motibo nito para gawan sila ng masama?
Dahan-dahan, iniangat niya ang mga paa at maingat iyong inihakbang palapit sa sulok ng bintana kung saan malaya niyang makikita kung saang bahagi ng bahay ito papasok. Pero taliwas sa inaasahan niya ay hindi ito lumapit man lamang sa bahay. Huminto ito sa tabi ng poste ng ilaw at nadagdagan ang kaniyang pagkagulat nang makita ang kanyang ama na palapit rito. Nagsalubong sa gitna ng dilim ang dalawa at nang magtagpo ay agad na nagyakap.
Kitang-kita ng kaniyang dalawang mata kung paano hinagkan ng ama ang buhok ni Nancy. Agad na nangilid ang kaniyang mga luha dahil sa magkakahalong pagtataka, poot at sakit ng loob. Kung gayon ay may lihim pala itong relasyon sa kaniyang ama? Matagal na ba silang niloloko ng mga ito?
Mabilis siyang napatalikod sa pagsisikap na hindi na muling balikan ng tingin ang dalawa. Sa kabila ng dilim ay nakita niya kung gaano kasuyo ang pagyayakap ng mga ito. Siya, kahit kailan ay walang matandaang pagkakataong nayakap ng ama nang ganoong kahigpit.
Pero bakit si Nancy pa? Napakabata pa nito para gawin ang ganoong klaseng bagay. Sa pagkakaalam niya ay matanda lang ito ng isang taon sa kaniya!
Bigla ay nagsalimbayan sa kaniyang isip ang mga pagkakataong tila magiliw ang Papa niya rito. Malinaw sa isip niya ang mga tagpong binibigyan nito ng mga personal na gamit ang kawaksi. Kung may bagong gamit siya ay ganoon din ito at kung saan siya nag-aaral na paaralan ay doon din pumapasok si Nancy. Kung hindi nga lang dalawang taon lang ang tinapos nitong kurso ay malamang na magkasama pa rin sila sa St. Benilde.
Tila biglang umikot ang kaniyang paningin. Kung ganoon ay matagal na pala silang nag-aalaga ng ahas sa bahay na iyon! At ang kawawa niyang ina ay walang kaalam-alam sa mga nangyayari. Patunay na ibig pa nga nitong isama si Nancy sa pinaplano nitong bakasyon.
Hindi na niya nilingon ang dalawa at agad na pumasok na sa kaniyang silid.
“MUKHANG hindi yata nakatulog nang maayos ang dalaga ko.”
Hindi kumibo si Belinda sa tanong na iyon ng ama kinabukasan. Bahagya lang siyang yumukod at ipinagpatuloy ang pagsubo ng pagkain.
“Bakit, anak? May problema ba?” tanong ng Mama niya. Nilingon niya ito at ibig niyang pumalahaw ng iyak sa dibdib nito. Hanggang kailan plano ng Papa niya na paikutin silang lahat sa mga palad nito?
“I’m okay, ‘Ma. Medyo napuyat lang dahil sa dami ng mga school reports,” tugon niya sabay bawi ng tingin dito. Hindi niya kayang pagmasdan ang ina habang katabi nito ang kaniyang Papa na paminsan-minsan ay napapasulyap sa katapat niyang si Nancy. Ibig niyang maduwal sa eksenang iyon. Hanggang kailan niya makakayang tagalan ang ganoong klase ng situwasyon sa bahay na iyon?
“Ate?”
Napakislot siya sa narinig. Hindi niya nalamayang tinatawag na pala siya ni Reynan. Nilingon niya ito at bahagyang inayos ang benda nito sa ulo.
“Ano iyon?” tanong niya rito.
“Tinatanong ka ni Nancy kung papasok ka daw ba ngayon. Tanghali na po kasi.”
Bigla siyang napadiretso ng tingin sa kaharap pero hindi niya sinuklian ang ngiti nito. Agad siyang tumayo mula sa kinauupuan at madaling nagpaalam sa buong pamilya. Bakit ba nalimutan niyang may pasok nga pala siya ng araw na iyon at may usapan pa nga sila ni Jim na susunduin nito?
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.