1991. Madilim ang paligid. Iyon ay sa kabila ng ika-lima at kalahati pa lamang ng hapon. Kung titingnan ay tila nagbabadya ang isang malakas na pag-ulan. Ang mga puno ay marahas na humahampas sa isa’t-isa at ang umuugong na hangin ay nagdadala ng umaalimbukay na alikabok sa gitna ng kubling bahaging iyon ng baryo ng San Mateo.
Ang buong pamilya ni Mrs. Rosalia Imperial ay nasa loob na ng tahanan at abala sa kani-kaniyang gawain. Abala ito sa pagluluto sa kusina habang ang asawa naman nitong si Geronimo ay nasa silid at nag-aaral ng mga papeles. Ang dalawang lalaking anak ng mga ito na edad labimpito at labing-dalawa ay kapwa nasa salas at nanonood ng telebisyon.
“Ricardo, patayin na ang TV at malapit nang kumain,” tawag ni Rosalia sa panganay na anak.
“Yes, ‘Ma. Ram, tumayo ka na riyan at tawagin mo na si Papa sa itaas,” baling naman ni Ricardo sa kapatid. Mula sa kinauupuan ay patamad na tumayo ang huli at saka tinungo ang silid ng ama.
Nakahanda na ang pagkain nang mausisa ng ginang na kanina pa nito hindi napapansin ang bunsong anak na si Rod. Nilinga nitong muli si Ricardo at saka tinanong.
“Anak, nasaan si Rod?”
Nagkibit-balikat si Ricardo at saka sumagot. “Hindi ko alam, ‘Ma. Baka nasa room niya,” tugon nito at saka sumigaw nang malakas para ipatawag na rin kay Ram ang bunsong kapatid.
Napailing muna si Rosalia bago ibinaba sa mesa ang ilang kubyertos na hawak. “O siya sige, ako na ang maghahanap at baka nasa basement na naman ang batang iyon.”
Tinungo nito ang refrigerator na nasa isang sulok ng kusina at sa maliit na tuwalyang nakasabit roon ay tinuyo ang mga kamay.
Matapos ay saka lumapit at yumuko sa maliliit na siwang ng bintana na nasa ibabang bahagi ng dingding. May dalawang talampakan ang taas niyon mula sa sahig. Natatabingan iyon ng mga bulaklak na gawa sa plastic kaya hindi mapapansin ng sinuman na may munting siwang roon.
Ideya iyon ng kaniyang asawang si Geronimo na nakagisnan na ang tila buhay-militar na pamamalakad ng sarili nitong ama. At dahil delikado rin namang talaga ang buhay ng isang pulis ay napahinuhod na rin siya nitong lagyan ng ganoon ang kanilang bahay. Gayunman ay alam ng buong pamilya ang lihim na lagusang iyon. Pinalaki ni Geronimo ang kanilang mga anak sa paraang matututunan ng mga itong iligtas ang mga sarili sa panahong kinakailangan.
“Rod, bunso, nariyan ka ba sa silong, anak?” tanong niya at saka hinawi ang maliit na lamesitang siyang pinaglalagyan ng flower vase na nakatakip sa siwang. Napahugot siya ng malalim na paghinga nang marinig ang tinig ni Rod. Tumayo siya at saka tinahak ang daan patungo sa isang malaking mural painting. Itinulak niya ang dingding at tumambad sa kaniya ang tatlong baitang na hagdan pababa ng basement.
“ANAK, ano ba ang ginagawa mo rito? Parati ka na lang nandito,” tanong ni Mrs. Imperial sa anak na nakaupo sa sahig ng basement. Malungkot ang mga mata nitong nakatunghay sa kaniya.
“Mama, natatakot po ako,” tugon ng bata.
Naupo rin ito sa sahig at saka pinisil ang baba ng bunsong anak.
“Bakit? May problema ba?” masuyong nitong tanong sa pitong taong gulang na anak. Yumuko lang si Rod matapos magkibit ng balikat. Tila hindi rin alam ang isasagot sa ina.
“Huwag kang malungkot,bunso. Nandito lang si Mama saka si Papa at ang mga kuya mo.”
“Hindi niyo ‘ko iiwan?” tila maiiyak na tanong ng bata.
“Hindi, anak. Bakit? Nanaginip ka na naman ba?” Hinaplos nito sa ulo ang anak. Madalas kasi itong nananaginip ng kung anu-ano at hindi na iyon bago sa kanila.
“Opo, Mama. Sobrang nakakatakot nga po…”
Akma sanang yayakapin ni Rosalia ang anak nang biglang may marinig na pagbalabag ng pinto. Napakunot ang noo nito sa pagtataka. Ang ingay na iyon ay nasundan ng malakas sa karaniwan na tinig ni Ricardo. Tila nagbibigay ng babala sa buong kabahayan.
Agad na nakaramdam ng matinding kaba si Rosalia. Tinitigan nito ang anak at saka sinenyasang huwag gagawa ng anumang ingay. Maingat nitong nilapitan ang munting siwang na nasa sulok ng silid at saka sinilip ang kusina mula roon.
Nanlaki ang mga mata nito sa nakita. Ang panganay na anak ay may kaharap na tatlong matataas na lalaki. At kitang-kita nito mula sa kinalalagyan kung sino ang mga taong iyon! Bigla ay hindi nito maapuhap ang dapat gawin. Ang panganay na si Ricardo ay nakaharap sa kapahamakan habang sila ng bunso ay ligtas sa lihim na silid na iyon!
At si Geronimo? si Ram? Paano na ang mga ito?
Umalingawngaw ang malakas na palitan ng salita ng mga tao sa kusina at marahil ay naramdaman ng mga masasamang loob ang intensiyon ni Ricardo sa malakas na paraan ng pagsasalita nito. Iniumang ng lalaki sa mukha ng kaniyang anak ang puluhan ng hawak na baril at walang pagdadalawang-isip na pinaputok iyon. Walang tunog na nalikha ang baril subalit ang pinsalang iniwan niyon sa anak nito ay hindi maikakaila.
Halos ay sumabog sa matinding sakit ang dibdib ni Rosalia habang nasasaksihan ng mga mata nito ang unti-unting pagbagsak ng katawan ni Ricardo sa sahig. Mabilis na dumaloy sa mga mata nito ang mapapait na luha. Galit, sakit at pagkasuklam ang emosyong agad na pumuno sa dibdib nito at halos ay takasan ito ng ulirat.
Nilingon ni Rosalia ang bunsong anak na nagtatanong ang mga mata. Hinatak nito ang anak sa sulok na bahagi ng basement at saka binulungan.
“A-Anak, makinig ka…natatandaan mo ba nang turuan tayo ni Papa ng larong baril-barilan? Ito na ‘yon. Pero hindi ka pa puwedeng sumali dahil maraming kalaban…”
“Mama…”
Nalaglag ang masasaganang luha sa mga mata ng ina at sa paputol-putol na salita ay sinikap nitong magpaliwanag sa murang isip ng bunsong anak. “Natatandaan mo ba nang ikulong ka ni Papa dito noon nang kulang dalawang oras? Hindi ka lumalabas hanggang wala si Mama, hindi ba? A-anak, dito ka lang. Huwag kang lalabas hanggang hindi ako nagbabalik. Dito ka lang…” pagkasabi niyon ay hindi na nito napigil ang sarili at tahimik na tumangis. Niyakap ang bunsong anak at saka ito hinagkan sa ibabaw ng ulo.
“K-kahit ano ang mangyari ay huwag kang lalabas dito. Ipangako mo kay Mama na hindi ka lalabas, ha. Huwag ka ring sisilip sa siwang dahil mahuhuli ka nila. Hindi mo gustong mataya, hindi ba?”
Tumango si Rod at muli itong niyakap ni Rosalia.
Matapos ang mahigpit na pagbibilin ay maingat itong tumayo at pinindot ang alarm button na nakakubli sa likod ng pinto, ang mismong likurang bahagi ng mural painting. Ang sabi ng asawa, sa oras na pindutin iyon ay reresponde ang mga kasama nitong pulis. Ngunit hindi na nito mahihintay pa ang pagdating ng mga ito. Hindi nito magagawang basta na lamang panoorin ang nangyayari.
Matapos maingat na itinulak ang mural painting ay pikit-mata itong lumabas mula roon upang harapin ang mga ‘bisita.’
MULA sa kinakukublihan ay dalawang putok ng baril ang narinig ng batang si Rod at sa bawat putok na iyon ay hindi nito mapigilan ang mapatakip ng kamay sa mga tainga nito. Ibig na nitong maiyak kung hindi lamang nito alam na isang laro lang ang lahat ng nagaganap sa labas ng basement.
May kung ilang sandali na itong nakatalungko sa sulok ng silid pero dahil hindi pa rin nawawala ang ingay sa labas ay naisipan nitong tumayo at lumapit sa munting siwang na nasa sulok. Walang ingay na nagawa nitong tumuntong sa ibabaw ng lamesitang naroon upang masilip ang inaakalang larong nagaganap sa kusina.
Pagsilip nito ay agad nitong nakita ang isang pares ng mga paa na nakilala nitong sa ina. Nakatalikod ito pero napansin nitong tila marahang umuusad ang lamesitang nakatakip sa siwang. Parang tila sadyang itinatakip pa iyon sa kapirasong liwanag na naglalagos sa secret basement. Gayunman ay malinaw na nakikita ng bata ang mga nagaganap sa pagitan ng mga mumunting bulaklak na nasa plorera.
Iginala ng bata ang paningin at nakita nito ang nakahandusay na katawan ng dalawang kapatid. Napakunot ang noo nito at napaisip. Ang inisyal na reaksiyon ay hindi paniwalaan ang nakikita pero dahil sariwa ang dugong dumadaloy sa katawan ng mga ito ay unti-unting naunawaan ng murang isip ng bata ang mga nagaganap.
“Binalaan kita, Geronimo, pero hindi ka nakinig. Matigas ang ulo mo. Ginagalit mo pa si amo kaya mabuti pang manahimik ka na lang!”
“Hayop ka, Vergara! Paano mong nagawa ito? May pinagsamahan tayo!”
“Hindi mo ‘ko binigyan ng pagpipilian! Sinabihan na kita pero patuloy ka pa rin! Walang halaga ang maikling samahang iyan kompara kay Marita at sa aming anak!”
Narinig ng bata ang pagkasa ng baril at muli ay ang mapanganib na tinig ni Vergara.
“Inilalagay mo sa panganib ang buhay ng aking pamilya, Geronimo, kaya pasensiyahan na lang tayo dahil uunahan na kita!”
“Huwag!”
Humarang si Rosalia sa asawa at sa katawan nito ay bumaon ang mga balang para kay Geronimo. Pumailanlang sa paligid ang dumadagundong na tinig ng lalaki pero nilagom iyon ng tatlo pang magkakasunod na putok. Dalawa sa dibdib ni Mr. Imperial at ang isa ay sa ulo nito. Magkayakap na bumagsak sa sahig ang katawan ng mag-asawa. Sa paanan naman ng mga ito ay ang dalawang anak na lalaki na ang nakababata ay bahagya pang humihinga. Maya-maya ay tumalilis na ang tatlong lalaki sakay ng itim na van matapos akalaing wala nang ibang tao sa buong kabahayan.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.
One Response
Grabe naman talaga pero dapat talaga sa lahat Ng Tahanan may secret passage para ligtas sa anumang ganap