Love Me Tender (Chapter 3B)

Bookmark (0)
Please login to bookmark Close

My BookmarksShare

  • No bookmark found

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

“HE DRIVES smoothly,” pakli ni Lance.

“Who?” untag niya.

Inginuso nito si Voltaire.

Napansin din niya iyon kanina. Swabe itong magmaneho. Maayos din si Donitong magmaneho kaya nga tumagal ito sa kanya pero iba itong magmaneho. Mabilis pero hindi maalog. She felt safer.

Muling nag-komento si Lance. Inilapit ang bibig sa tainga niya. “If he drives smoothly, I wonder how he drives his lover in bed…hayz… savage driver kaya siya in bed? OMG!”

Nahampas niya ang pinsan sa braso kasabay ng pag-iinit ng kanyang mga pisngi bago napatingin sa rear mirror.

“Ouch!”

Napatingin din sa rear mirror si Voltaire kaya nagtama ang mga mata nila. Mas lalong nag-init ang mga pisngi niya.

“May problema?” tanong nito. Saglit itong lumingon.

Si Lance ang sumagot. “Ito kasing kastabi ko, masyadong violent. Hinataw ako alam ng namang manipis ang skin ko.”

“OA ka lang,” aniya. Iniwasan niyang muling tumingin sa rear mirror.

“Hindi ako OA. Inisip mo lang kasi ‘yong huli kong sinabi. You were wondering how he is in bed…”

Kinurot naman niya sa tagiliran ang pinsan.

Muling umirit si Lance. “Aray!” Nagbiro ito kay Voltaire. “Ako lang ang natitiyaga dito sa pinsan ko. Alam mo ba ‘yon Voltaire?”

“Talaga, Sir?”

Nangunot ang noo niya. Aba! At gusto pang makisawsaw sa usapan. “Just drive, Voltaire,” mataray niyang utos.

Mukha namang napahiya ito. “Y—yes, Ma’am.”

Nang magsasalita pa sana uli si Lance ay tinakpan niya ang bibig nito. “Stop, okay?”

Hindi na nga nagsalita si Lance sa kotse pero hanggang sa loob ng party venue ay si Voltaire ang bukambibig nito. “Binigyan mo ba ng pang-coffee si pogi? Baka mainip naman ‘yon sa atin. Baka hindi pa kumakain. Sana pala nabigyan ko ng pera.”

Inirapan niya ito. “Will you stop, Lance. Nakakainis ka na,ha? Parang gusto mong ipagdiinan na bad akong amo.”

“Concern lang naman ako doon sa tao. First day niya sa  iyo. Malay mo ba kung may pera siya o wala? Baka nga ni hindi mo natanong kung nag-dinner na ba siya.”

“Baka pinakain siya ni Loida. Maaga kaming nakauwi sa bahay kanina kasi maaga siyang bumalik sa office.”

“Meaning he’s responsible enough kung maaga siyang dumating,” nakangiting wika ni Lance. “Sana naman maging mabait ka rin sa kanya. Sana man lang sinabi mo kay Loida na pakainin siya ng hapunan kanina.”

“Oh my God. Hindi ako baliw para gawin ‘yon. My maids know what to do.”

“Kung lumabas kaya ako saglit para tanungin kung kumain na siya?”

“Lance!”

“Para sure lang. Naawa talaga ako sa kanya. Kung hindi pa siya nag-dinner, bibigyan ko siya ng pera. There’s a food chain across the street. He can eat there.”

“Bahala ka sa buhay mo. Sa halip na mag-enjoy ka, ang driver ko ang iniisip mo.”

“I’m just being human, you know.”

“Ang sabihin mo, pinupuntirya mo siya.”

“Aba…walang masama kung mata-type-an niya ako,” anito. “Basta, I’ll just get out for a while. Hahanapin ko siya sa parking.” Tinalikuran na siya nito kaya hindi na siya nakahirit.

 

INIP na inip na si Voltaire kahit isang oras pa lang sa loob ang kanyang boss. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubos maisip kung dapat ba talagang naroon siya. Naka-oo na rin lang siya, pangangatawanan na niya ang pagiging driver ng masungit na si Missy Salvatorre. Tulong na rin niya iyon sa Sunrise Agency na nanganganib na mag-shut down kung mababawasan ang kliyente. Sa pagkaalam niya’y ang mga kompanya ng Salvatorre ang isa sa mga dahilan kung bakit kahit paano ay nakaka-survive pa rin ang ahensiya.

Nakaupo siya sa hood ng kotse habang nakatanaw sa hotel kung saan idinadaos ang victory ball. Manaka-naka ay napapailing siya bago napapangiti. Nakakatawang kinailangan niyang  pasukin ang trabahong iyon.

“Hi Voltaire!”

Napalingon siya nang marinig ang tinig ni Lance sa kanyang likuran. “Oy, pare. Bakit?”

Umismid si Lance. “Pare ka d’yan. ‘Wag mo akong tawaging pare o bro o dude. Hate ko ‘yan.”

Tumawa siya. Unang kita pa lang niya kay Lance kanina ay alam niyang gay ito dahil sa uri ng mga titig nito. “Anong kailangan mo?”

Humakbang ito palapit sa kanya. “Mabait kasi akong tao. Naisip ko lang baka hindi ka pa nag-dinner.”

Humalikipkip siya. “Mabait ka nga. Kabaligtaran ng pinsan mo.”

“Naku…hindi naman. Medyo may pagka-snob lang si Missy pero hindi ibig sabihin na hindi siya mabait. Mabait si Missy.”

Tumawa siya. “Hindi halata.”

“Pagpasensiyahan mo na.” Dinukot nito ang wallet sa inner pocket ng suot nitong coat. Naglabas ito ng five hundred peso bill. “Eto. Kumain ka muna. Past nine na. I’m sure gutom ka na.”

Tumanggi siya. “Hindi. Okay lang ako. Busog ako.”

“Sure ka?”

“Kumain ako sa bahay bago ako umalis.”

“Eh, tanggapin mo na rin. Malay mong magutom ka mamaya.”

“Okay nga lang ako. Ako na ang bahala kapag nagutom ako.”

“Bakit ba ayaw mo? ‘Yong driver ni Missy na si Donito, tuwang-tuwa kapag binibigyan ko ng pera. Samantalang ikaw, ayaw mo. O baka naman naliliitan ka lang dito sa five hundred. I can make this times ten. Sabihin mo lang,” anito sabay ng pagpungay ng mga mata. “Magkano ka ba, ha?”

Kung naiba lang si Lance, baka sinuntok na niya ito. Nangunot ang noo niya kasabay ng pagtaas ng lahat ng kanyang balahibo. He had nothing against gays pero ni minsan sa buhay niya ay hindi niya naisip na pumatol sa bakla.

Hinataw siya ni Lance sa braso. “Oy…huwag mong seryosohin ang sinabi ko. Joke lang ‘yon. May boyfriend ako, ano?” Hinawakan nito ang kamay niya at pilit na ibinigay ang limangdaang piso. “Keep that. Kapag nagutom ka, kumain ka. May coffee shop din sa tapat. Kung inaantok ka, magkape ka. Okay?”

Tumango na lang siya. “Salamat, Sir,” aniya para matapos na ang usapan.

“Sir ka d’yan. Just call me Lance.”

“Salamat, Lance.”

“Don’t mention it. I’ll go ahead. Ihanda mo na ang sarili mo sa pagkainip. Pinakamaagang uwi namin ay twelve or one in the morning.”

Tumango lang siya. Pagtitiyagaan na lang niya ang dalawang linggong pagtatrabaho bilang driver ni Missy Salvatorre. Maganda sana ito pero malabong magustuhan niya ang gaya nitong mapagmataas at mapangmata ng mababang uri ng tao.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Love Me Tender (Chapter 3B)

No time to Collect Free Denaro Coins?

Click Here

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Need Help?