“DADA, Mommy’s looking for you.”
Lahat sila ay napatuon ang tingin kay Zia. Kasunod nito si Katherine. Mukhang nagkabalikan nga ang mga ito. Ang laki-laki na ni Zia. Dahil nasa kanila ang tingin ni Marcus ay napatingin na rin ang mga ito sa kanila.
“Mama…” usal ni Zia nang una. “Mama Yana!” kapagkuwan ay tumakbo na ito sa kanya.
Niyukod niya ito. Ibinaba niya si Matt-Matt at saka ito niyakap. Napaiyak siya. Na-miss niya ang batang ito.
[mycred_sell_this]
“Mama… bakit ngayon ka lang po? We were waiting for you. Ang sabi po ni dada, nasa malayo ka.”
Napahigpit ang yakap niya rito. “I’m sorry… I’m sorry…”
Dumistansiya ito sa kanya at pinunasan ang mga nagbagsakan niyang luha. “Huwag ka na po iyak, Mama…”
Kinulong niya sa mga palad ang mukha nito. “Big girl ka na. Napakaganda ng baby Zia ko…”
“Hindi ka na po ba aalis, Mama? Sasama ka na po sa amin ni Dada?” Tumingin ito kay Matt-Matt na tila nahihiwagahan sa mga nangyayari. “And who is he, Mama? Is he my little brother?”
Natigilan si Yana. Masyadong sunud-sunod ang tanong ni Zia at hindi niya alam ang isasagot doon.
“Zia, baby, Mama Yana’s busy. She won’t be able to come with us,” salo ni Marcus.
“Pero bakit Dada? Aalis uli si Mama?”
Napatikhim siya. Hinawakan niya si Zia sa magkabilang balikat. “In time, maiintindihan mo ang sitwasyon natin, Zia. Pero here’s my number.” May kinuha siyang card sa wallet. “You can call me anytime, okay? If you wanna be with Mama and Matt-Matt, we will come.”
Tila hindi ito kumbinsido. Niyapos niya itong muli. “I love you, Zia. Mama loves you, tatandaan mo ‘yan.”
Kahit hirap na hirap ay pinakawalan niya ito. Kinuha niya ang kamay ni Matt-Matt at umangkla kay Aries. Nanginginig ang mga tuhod niya. Kailangan niya ng lakas.
“We… We’ll go.” paalam niya sa mga ito.
“YOU SHOULD have not told Marcus na girlfriend mo ko,” anas ni Yana kay Aries. Nasa parking area na sila noon. Dahil sobrang nagimbal ang sistema niya ay nagpatulong na siya rito sa pagdadala ng mga pinamili nila.
“Hindi ko naman talaga dapat gagawin ‘yon. Kaso naramdaman kong ayaw mong ipaalam kay Marcus ang tungkol sa anak ninyo. Iyon lang ang paraan na alam ko para hindi siya magduda.”
Naihaplos niya ang kamay sa leeg. “So, what do you want me to do now? Magpasalamat sa ginawa mo?”
“Hindi ko naman sinabing magpasalamat ka. Ikaw nga, ayaw mo na ng koneksyon kay Marcus pero nagbigay ka pa ng calling card kay Zia. Padalos-dalos ka rin, ‘di ba?”
Ngayon niya lang naisip iyon. “Fine! O ‘ayan,” humugot siya ng isa pang calling card sa wallet at inabot dito. “Kwits na ba?”
Marahas itong bumuntong-hininga. “Gusto mo bang ihatid ko na kayo?”
Napatingin siya kay Matt-Matt na nakaupo na sa baby car seat. Mataman itong naghihintay sa kanya.
“Mama, ride…” sabi nito.
“Hindi na. Kaya ko na.” She expelled a breath. “Thank you.”
“It’s nice seeing you, Yana.”
Tinanguan lang niya ito at saka pumasok ng sasakyan. Iniayos niya ang seatbelt ni Matt-Matt bago pinaandar ang sasakyan.
Habang nasa biyahe ay hindi niya mapigilang isipin ang nangyari kanina. Impit siyang napatili. Nagulat pa ang anak sa kanya na mabuti na lamang at hindi umiyak.
“Lord, 2-in-1. Kakarating ko lang ng Pilipinas, pinag-krus na ninyo agad ang landas namin. Ang bilis naman, Lord.”
Napatingin siya sa dashboard nang marinig na mag-ring ang phone. Inabot niya ang bluetooth earphone at in-accept ang tawag. It was Rani.
“Twin, magkita tayo. Iaabot ko ‘yong susuotin natin sa kasal ni Joy. “
“Yeah, mukhang kailangan ko nga ng kausap. Kasi baka mababaliw ako, twin.
“Anyare? Tungkol sa resto ba ‘yan?”
Umiling-iling siya n para bang makikita nito iyon. “Hindi, twin. Nagkita kami ni Aries.”
“Aba, baka kayo talaga ang para sa isa’t isa, twin.”
“Nagkita rin kami ni Marcus.”
“Aba, baka kayo talaga ni Marcu- ha, si Marcus?! You mean, ‘yong daddy ni Matt-Matt?”
Halos maitapon niya ang ear-piece bluetooth nang tumili ito.
“What happened, twin?”
“Pumunta ka na lang sa condo twin, please… Kadarating ko lang, parang gusto ko na uli bumalik ng Japan.”
“Sira! Sige, mag-ready na kami ni Princess.”
Mayamaya pa ay nakarating na sila ng condo. Kinuha niya ang mga pinamili at saka inilapag si Matt-Matt.
“Baby, walk ka muna, ah. Daming dala ni Mama, eh.”
“Walk, walk…” Nauna pa nga itong naglakad sa kanya.
Hinabol niya ito at hinawakan ang mumunting kamay. Nang makaratong ng unit ay inilagay niya ang bata sa playground na ginawa sa sala.
Ipinasok niya ang mga pinamili sa refrigerator at ang iba ay inilagay sa cabinet.
Nagsimula siyang magluto ng pasta habang tinatanaw-tanaw si Matt-Matt. Sa kabilang stove ay nagluto siya ng sauce. Chicken Alfredo ang niluto niya.edyo mabilis iyon lutuin.
At sakto nga sa pagtunog ng doorbell ay tapos n aniya iyong lutuin. Tinanggal niya ang suot na apron at saka pinagbuksan niya ang kaibigan.
“Play muna kayo ni Matt-Matt, Princess, ah,” ani Rani sa anak.
“Gusto mo bang kumain na? Nakapagluto na ako,” alok niya.
“Mamaya na, chikang-chika n ko, eh,” atat nitong sabi.
Naupo sila sa sofa sa sala at sinimulan niyang ikwento ang mga nangyari kanina.
“Nakakaloka!” reaksyon nito nang matapos ang kuwento niya. “Hindi ka pa nakaka-isang linggo rito, sinubok ka na agad ni Lord. At nabaligtad naman ngayon. Kayo naman ni Aroes ang nagpanggap na mag-boyfriend. Napakakomplikado naman ng buhay mo twin.”
“Ewan ko ba. Hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko ba na sinalo ako ni Aries o mas lalo lang lumala nag sitwasyon.”
“Eh, ‘kamo kasama rin nila Marcus si Katherine? So, nagkabalikan talaga sila, ‘no? Baka naman talaga si Aries ang destiny mo, twin.”
Napahawak siya sa sentido. “Huwag na sana siyang magtangka pa uli, twin. Baka, maging karne siya – ‘yong double dead.”
Natawa nang malakas ang kaibigan. “Double heartbreak, ‘no? Susmiyo, kapag hindi pa rin kayo nagkatuluyan, baka ipakulam ka na n’on.”
“Ayoko na sanang ma-involve sa kahit na kanino sa kanila.”
“Ayaw ma-involve pero may pinaiwang calling card sa bata,” tudyo nito.
Napanguso siya. “Inisip ko lang naman kasi ‘yong bata. Sobrang disappointed siya nang malaman niyang hindi ako sasama sa kanila. Iyon lang ang naisip ko, eh. Nabigyan pa ng malisya.”
“Eh, paano ‘yan ngayon kapag kinontak ka n’ong bata? Eh ‘di magkikita at magkikita kayo n’ong ama. At wala ka bang balak ipakilala si Matt-Matt?”
Napatingin siya sa anak na abala sa paglalaro. “Tahimik na ang buhay namin, twin. Magugulo ko lang uli sila kapag pinaalam ko pa.”
“Kawawang, Matt-Matt… Napakalapit lang ng daddy niya pero hindi niya makilala.”
May kung anong kirot siyang naramdaman sa dibdib. Siguro naman magiging sapat ang pagmamahal niya sa anak, hindi ba? Nand’yan naman ang mga Lolo’t Lola niya, ang Tita’t Tito niya na magmamahal ng lubos dito. Hindi na siguro nila kinakailangan pa si Marcus.
[/mycred_sell_this]
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




One Response
Iba ang isip at damdamin mo sa anak mo Yana, pero si otor na bahala pano ittwist ang ganap niyo haha kasi alam mo dama ko may astig na rebelasyon ito hahaha lalo sa pagitan ni Marcus at Kristen hahaha