A Filipino Platform of Good Stories

cropped-QUATTRO-LOGO-WITHOUT-BACKGROUND

My Secret Relationship with a Star (Chapter Ten)

My Secret relationship with a star by Sherine Camilon

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

ALAS-OTSO na ng gabi ay wala pa rin ang tiyahin ni Isabel. Hindi naman nito sinabi kung saan ito pupunta. Basta ang paalam ay may importante daw itong lalakarin. Hustong katatapos lamang niya na magligpit ng kanyang mga damit nang katukin siya ng pinsan.

“Ate Issa,” tawag nito.

“Dumating na ba ang tiyang?” tanong niya.

“May bisita ka,” pagbibigay-alam ni Lyka sa kanya.

“Sino?” kunot-noong tanong niya.

“Iyong idol mo dati,” nakasimangot na sagot ni Lyka. Kung noon ay kinikilig ito para sa kanya ngayon ay hindi na. Sa sobrang sama ng loob niya minsan ay napaghingahan niya ito ng hinanakit kay Joem. Kaya pati ito ay nagalit na rin sa binata.

Bigla ang kabog ng dibdib ni Isabel. Hindi niya inaasahan na pupuntahan pa siya nito. Pero para ano? Sa nababasa niya sa diyaryo at napapanood niya sa balita ay masaya na ito sa nobya nitong si Lyrah.

“Dito lang ako sa kuwarto mo Ate Issa,” sabi ni Lyka. “Sigaw ka na lang kapag ginawan ka ng masama ng mokong na iyan.”

[mycred_sell_this]

Hindi maiwasan na mapangiti ni Isabel. Huminga muna siya ng malalim bago siya lumabas ng kanyang silid.

SI JOEM na naghihintay sa sala ay nagpakawala ng matamis na ngiti nang lumabas si Isabel sa silid nito. Alam niyang masama ang loob nito sa kanya. Hindi niya agad tinupad ang pangako niya rito. At pagkatapos ay hindi pa naging maganda ang huling pagkikita nila noon sa opisina ng kanyang mama.

“Hi,” nakangiting bati niya. Gustong-gusto na niya itong sugurin ng yakap. Pero pinigilan niya ang sarili. Kailangan muna nilang mag-usap na dalawa. Gusto niyang magpaliwanag rito.

“A-Anong ginagawa mo rito?” malamig na tanong nito sa kanya.Gusto niyang masaktan dahil malamig ang pagtanggap nito sa kanya pero naiintindihan niya naman ito.

“I am sorry for everything,” sinserong wika niya.

“Nasabi mo na ang gusto mong sabihin makakaalis ka na.”

“Issa, please listen to me,” pagsusumamo niya. Tumayo siya at nilapitan ito. Hinawakan niya ang mga kamay nito at dinala sa mga labi.

“Bitiwan mo nga ako!” pagpupumiglas nito. Pero hindi niya ito pinakawalan sa halip ay niyakap niya ito.

“I love you, Issa,” madamdaming pahayag niya.

“Paanong –”

“Let me clarify all things,” sansala niya sa sasabihin nito. He looked directly in her eyes. “Aaminin ko na hindi naging maayos ang pag-uusap namin ni Lyrah noong umpisa. She still wanted to pursue on our wedding.”

NAPAISMID si Isabel. Napanood niya pa nga ang announcement na ginawa ni Lyrah noon sa pagpapaliban pansamantala ng kasal ng mga ito. She cried a river then. Dahil tuluyan nang mawawala sa kanya si Joem.

“Hinintay kita,” namumuo ang mga luhang sabi niya.”

“I know and I am sorry,” mahinang usal nito.

Nanatili siyang walang imik.

“Hindi ako nakikipagkita sa’yo dahil gusto kong mag-isip…gustong makasiguro sa nararamdaman ko para sa’yo. Baka kasi confused lamang ako. Ayokong masaktan ka lalo kung pupuntahan agad kita at pagkatapos ay hindi naman pala kita mahal.”

Hindi pa rin siya kumibo. Nagpatuloy itong magpaliwanag.

“When Lyrah finally decided to let go of our relationship ay hindi pa rin kita pinuntahan. Nang mga panahon na iyon ay hindi ko pa rin alam kung ano ka talaga para sa akin.”

“W-Wala na kayo ni Lyrah?” hindi makapaniwalang tanong niya. Happiness flooded in her heart.

Nakangiting tumango si Joem. “But we’re good friends. Kaya siguro akala ng lahat ay kami pa rin.”

“Pero –”

“Hiwalay na kami. Hindi lamang kami nagsasalita pareho tungkol sa tunay na estado ng relasyon namin.”

“Pero –”

“She’s happy now with her new-found boyfriend. Ang boyfriend ni Lyrah ang pinuntahan nito sa Singapore. Nakisabay lamang siya sa amin ni Uncle Ramon,” Joem said.

“Now Issa,” pakli ng binata. “Do you love me still?” may pag-aalinlangan sa boses nito.

“Do you love me?” ganting tanong  niya.

Nakangiting tumango si Joem bago, “I am hundred percent sure that I love you,” madamdaming pahayag nito.

“Mahal din kita,” pahayag niya. Bago buong sabik na niyakap ito. Natawa pa si Joem sa ginawi niya pero gumanti naman ito ng yakap sa kanya. May kung ilang sandali silang nasa ganoong ayos.

“Ahem,” pagtikhim ni Lyka. Hindi nila namalayang naroroon na pala ito sa sala. Nakangiting nilingon nila ito.

“Okay na pala kayo e,” nakangiting sabi nito. Sabay silang tumango ni Joem.

“Let’s call for a celebration,” ani Joem. “Let’s have dinner.”

“Speaking of dinner, kanina pa nga ako gutom e, kaya lang ang tagal ni inay dumating,” reklamo ni Lyka.

“Speaking of Tita Lydia,” nakangiting sabi naman ni Joem. “Nasa villa siya at kanina pa tayo hinihintay doon.”

“Anong ginagawa ng tiyang doon?”nagtatakang tanong niya.

“Si inay talaga,” palatak naman ni Lyka.

“Nagboluntaryo akong sunduin ka rito. Gusto ko munang magkaayos tayo bago ka kausapin ng mga matatanda,” nakangiting saad ni Joem.

“Sinong matatanda?” kunot-noong tanong ni Isabel.

“Malalaman mo mamaya pagdating sa villa.”

HABANG palapit ng villa ay hindi maintindihan ni Isabel ang kakaibang kabog sa kanyang dibdib. She couldn’t expain why?

“We’re here,” ani Joem nang iparada nito ang kotse sa malawak na solar ng mga Villaluz.

“Wow! Ganda!” humahangang sabi ni Lyka na noon lamang nakapunta doon.

Pinagbuksan sila ni Joem ng pinto ng kotse. Nangungunang naglalakad si Lyka habang magka-akbay silang nakasunod dito. Pagpasok nila ay sinalubong sila ng matamis na ngiti ni Lola Meling. Nagulat pa siya nang yakapin siya ni Lola Meling.

“Kanina pa sila naghihintay sa komedor,” ani Lola Meling na nagpatiuna ng lumakad patungo sa komedor.

Akala ni Isabel ay sila-sila lamang ang magkakasalong maghahapunan. Hindi naman sinabi ni Joem na kasalo rin pala nila ang mama at tiyuhin nito.

“Good evening po,” magalang na bati ni Isabel.

“Magandang gabi po,” si Lyka.

“Maupo na kayo at lalamig na ang pagkain,” yakag ni Luisa.

Agad naman silang tumalima. Pinaghila pa siya ng upuan ni Joem sa tabi nito.

Sa durasyon ng pagkain ay kapuna-puna ang pananahimik ng kanyang tiyahin. Napansin rin ni Isabel na base kuwentuhan ng mga ito ay matagal nang magkakilala ang mga ito. Ang tiyuhin naman ni Joem ay panay ang ngiti at tingin sa kanya. Ginagantihan naman niya ito ng ngiti bagaman nawi-weirduhan siya rito.

“LET’S go to the study room. I’ll show you something,” yaya ni Joem kay Isabel. Katatapos lamang nilang kumain.

Nag-excuse sila sa mga naroroon pa sa komedor.

“Bakit mo ba ako dinala dito?” nagtatakang tanong niya.

“May gustong kumausap sa’yo,” Joem said.

Lalong nangunot ang kanyang noo.

“Just wait and see,” anito. Bago pa siya makapagtanong uli ay bumukas na ang pinto. Iniluwa niyon ang kanyang tiyahin at ang tiyuhin ni Joem na ikinapagtaka niyang lalo.

“Isabel,” tawag ni Ramon sa kanya. Bahagyang nabasag ang boses nito.

“Sir?”

“Hindi ba’t matagal mo na akong tinatanong kung sino ang iyong ama?” pakli naman ng kanyang tiyahin.

Marahan siyang tumango. Hindi niya maunawaan kung bakit bigla ay binuksan ng tiyahin ang tungkol sa kanyang ama. Hindi ba’t ayon rito ay wala itong alam sa pagkatao ng kanyang ama? Nagsinungalin ba ito sa kanya? Well, sa totoo lamang ay may hinala naman siyang may alam talaga ang tiyahin tungkol sa kanyang ama. Hindi na lamang siya nag-urirat pa dahil alam niyang hindi ito magsasalita.

Napansin niyang nanubig ang gilid ng mga mata ng tiyahin. Sunod-sunod din ang ginawa nitong pagbuntong-hininga.

“Nagsinungaling ako sa’yo nang sabihin ko na hindi ko o wala akong alam sa katauhan ng iyong tunay na ama. Patawarin mo ako, Isabel. Galit ako sa ama mo dahil sa nangyari sa iyong ina. Kaya sumumpa ako na hinding-hindi ka niya makikilala. Pero nagkamali ako. Hindi tamang ipagkait ko sa iyo ang totoo. Kaya gusto kong bumawi…”

“Makikilala ko na ho ang tatay ko, Tiyang?”

Tumutulo ang mga luhang tumango ito. Pagkatapos ay tumingin ito sa tiyuhin ni Joem. “Si Ramon…siya ang tatay mo,” pagkasabi niyon ay napahagulhol ng iyak si Tiyang Lydia.

Nanlaki ang mga mata ni Isabel. Hindi siya makapaniwala. Nang tingnan niya si Itay Ramon ay nangingilid ang mga luha nito. Siya man ay sumasakit ang lalamunan sa pagpigil na umiyak.

“Anak,” anito na unti-unting tinawid ang espasyo nila.

“Itay,” tuluyan ng bumagsak ang kanyang mga luha. Tinanggap niya ang yakap ng kanyang amang noon lamang niya nakilala. Kaya pala nang makita niya una pa lamang ang larawan nito ay kakaiba na siya naramdaman para rito. Kahit na nang makita niya ito sa MEC ay naramdaman niyang magaan ang loob niya rito. Iyon pala’y ito ang kanyang ama. May kung ilang sandaling magkayakap silang mag-ama.

“Paanong –” siya na rin ang pumutol sa kanyang sasabihin. Marami sana siyang gustong itanong. Pero makapaghihintay naman iyon. Ang importante ay kilala na niya ang kanyang ama. Matagal na panahon niyang ipinagdasal na sana ay makita niya ito. Kahit pala galit ang nasa puso niya noong una ay agad din mapapawi dahil mas nangingibabaw ang pagmamahal niya sa ama.

“Napakalaki ng kasalan ko sa inay mo,” malungkot na sabi ni Itay Ramon. Puno ng pagsisisi ang tinig. “Naduwag akong ipaglaban ang pagmamahalan namin. Patawarin mo sana ako anak.”

Bilang sagot ay niyakap niya ng mahigpit ang ama. Ang tiyahinniya naman ay panay pa rin ang pag-agos ng mga luha.

“Eherm,” ani Joem na tumikhim.

Sabay silang napatingin na mag-ama kay Joem. Biglang natutop ni Isabel ang bibig.

“Why?” nag-aalalang tanong ni Ramon sa kanya.

“Oh God!” umiiyak na sabi niya.

“What’s wrong?” si Joem. Nasa tinig nito ang matinding pag-aalala sa kanya.

“Alam mo na nang sunduin mo ako sa bahay ang tungkol sa kung sino ang ama ko?” tanong niya kay Joem.

Tumango ito.

Mariin siyang napapikit. Wala na sana siyang mapagsisidlang ng kasiyahan dahil nakita at nagkakilala na rin sila ng kanyang ama. Kung magbiro nga naman ang tadhana. Kung kailan nagkaayos na sila kanina lamang ni Joem ay hindi na naman pala sila nito puwedeng magkatuluyan.

“Paano mo pa nagawang ipagtapat sa akin na mahal mo ako gayong hindi na maaring maging tayo?” hindi maiwasang sumbat niya rito.

“Bakit hindi p’wedeng maging tayo?”

“Can’t you see? Pamangkin ka ng tatay ko, magpinsan tayo!”

Sa pagtataka niya ay kalmante lamang ito. Tila hindi nag-aalala sa sitwasyon nila ngayon. Tumingin si Joem sa kanyang itay. Nakangiting tiningnan siya ng kanyang ama.

“Hija…anak, wala kang dapat ipag-alala,”  anito. “Hindi kayo magpinsan.”

“Huh!” naguguluhan siya. Paano nangyari iyon?

“Hayaan mo na Ramon na mag-usap ang mga ‘yan,” ang kanyang tiyahin Lydia na niyaya ang amang lumabas na ng silid. Naiwan silang dalawa ni Joem.

“Ano’ng ibig sabihin ng itay na hindi tayo magpinsan?” tanong niya.

“That’s true.”

“But how?”

“Anak ako ni Papa sa una niyang asawa. I was stil a baby when my mother died. Nang magpakasal ang Papa kay Mama Luisa ay ito na ang tumayong ina para sa akin. She raised and loved me like her own,” Joem answered, smiling.

“Bakit parang wala yatang nasulat tungkol sa hindi mo pagiging tunay na anak ni Miss LV?”

Natawa ang binata. “Anong wala? Sanggol pa lamang ako nang iuwi ako ni Mama dito sa Pilipinas. Dito gustong bumuo ng pamilya ng Papa at Mama Luisa. Siyempre nagtaka ang mga tao dahil hindi naman ng mga itong nakitang nagbuntis si Mama. Para matigil ang usapan ay nagpatawag ng conference ang Mama. She said on that conference how she loved me and my father. Na kahit hindi ako nanggaling sa kanya ay anak niya pa rin ako. Simula noon ay natigil na ang usap-usapan. Tuluyan nang huminto sa pagma-manage si Mama. Inasikaso na lamang niya ang pagpapalaki sa akin.” Mahabang kuwento ng binata.

Napa-ah na lamang siya.

“So, okay na tayo?” nakangiting tanong nito na hinapit siya sa bewang.

Nakangiti siyang tumango bago ikinawit ang mga braso sa leeg nito.

“Bago pa ako magpunta sa inyo ay hiningi ko na ang kamay mo kay Uncle or shall I say Papa Ramon,” nakangiting sabi ni Joem.

She was happy. “Pakakasalan mo ako?”

Nakangiting tumango ito.

“I love you, Issa,” madamdaming pahayag nito

“I love you too,” she replied. Siya na yata ang pinakamasayang babae ng mga oras na iyon.

Joem showered her kisses on her face and on her lips. Nagtagal roon ang mga labi ng binata.

“I love you,” muling sambit ni Joem nang pakawalan nito ang mga labi niya.

“I love you too, idol.” Then they kissed once more.

[/mycred_sell_this]


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

My Secret Relationship with a Star (Chapter Ten)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.