Sitio Bangungot (Chapter 8)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

“MASARAP BA?” nakangiting tanong ng babae sa kanila. Nang idulog nito sa mesa ang kanilang mga order ay agad silang kumain. Hindi nila mawari pero sabik na sabik sila sa lutong putaheng ulam sa karinderiang iyon.

Ngumunguyang tumango siya sa tanong na iyon ng ale. Tila nasiyahan naman ang ale sa naging reaksiyon niya. Ang sunod na ginawa ng ale ay hindi inasahan ni Cassey. Tinanggal nito ang suot nitong hairnet dahilan upang lumugay ang nakatirintas nitong buhok na abot sa talampakan ang haba. Pagkatapos ay nakangiti itong humila ng silya at naupo malapit sa mesa nila. Nagtataka siya sa kinikilos ng ale. Kanina lamang ay ang sungit nito sa kanila pero ngayon ay halos hindi mawala ang matamis nitong mga ngiti sa labi nito.

“Ale ang ganda niyo pala kapag nakangiti kayo,” komento ni Randel. Lalong lumapad ang pagkakangiti ng ale.

“Ako nga pala si Lucita,” pagpapapakilala ng ale. “Naiinis pa rin ako sa inyo lalo na sa iyo,” anito kay Randel. “dahil sa nangyari sa may bayan. Sobrang ang lilikot niyo kasing mga bata kayo,” dugtong pa nito. “pero dahil mukhang magiging suki kayo ng karinderia ko ay kakalimutan ko na iyon,” sabi pa nito.

“Ikaw ba ang nagluto ng mga ito?” tanong niya kay Lucita.

Nakangiti itong umiling. “Ang pinsan kong si Lagring ang taga-luto. Hayun siya oh,” at inginuso nito ang isang babaeng abala sa harapan ng kalang de gatong. Sa tingin niya ay hindi nalalayo ang edad nito kay Lucita. Tinawag nito ang pinsan nito. Tumingin naman ito sa gawi nila at pagkatapos ay ngumiti ito sa kanila. “Pagkatapos mo diyan Lagring, halika muna dito,” yakag ni Lucita sa pinsan nito.

Nakita niyang inalis ni Lagring ang ilang kahoy na gatong at pagkatapos ay nakangiting lumapit na ito sa puwesto nila. Wala na ang kanina ay maraming parokyanong bumibili. Grupo na lamang nila ang naroroon.

“Dayo kayo?” nakangiting tanong ni Lagring sa kanila.

“Oo,” nakangiti niyang sagot.

Napansin niyang nagkatinginan ang magpinsan. “Sila iyong sinasabi kong kinaiinisan kong mga dayo,” sabi ni Lucita.

“Ah,” tanging reaksiyon ni Lucita. “Sila pala iyon,” sambit pa nito.

Napalis ang mga ngiti niya sa kanyang mga labi. Hindi niya alam pero bigla siyang kinabahan. Tila may pakiramdam siyang kakaiba sa magpinsan. Bagaman matamis na ngiti ang pinapakita ng mga ito sa kanila ay tila ba may nakatagong motibo ang mga ngiting iyon. Biglang bumigat ang pakiramdam niya sa lugar na iyon.

“Ate Cassey, huy,” untag sa kanya ni Ronavie. Naramdaman niya pang siniko siya nito.

“Ha? Bakit?” tanong niya.

“Grabe, Ate Cassey, nasaan ba ang isip mo at lumilipad yata? Kanina pa kami nagkukuwentuhan dito e, parang hindi mo kami naririnig. Tinatanong ka ni Ate Lucita at Ate Lagring, kasing-edad mo lang pala sila Ate Cassey pero mas bata kang tingnan kumpara sa kanila,” si Randel. Tiningnan niya ang magpinsan mukhang hindi naman na-offend ang dalawa sa sinabi ni Randel. “tinatanong ka nila kung ano daw ang pakay mo dito? Kami nabanggit na namin na mga students kami…iyong tungkol sa pakay mo ikaw dapat ang sumagot, Ate Cassey.”

She sighed. Pagkatapos ay pilit siyang ngumiti at sinulyapan ang magpinsang Lucita at Lagring. “Naririto ako para sa kapatid ko…”

“Kapatid mo?” kunot-noong tanong ni Lucita sa kanya.

Tumango siya. “Nawala ang kapatid kong si Brenan dalawang buwan na ang nakakalipas kasama ang mga kaibigan niya.”

Napa-‘oh’ lamang ang dalawa pagkatapos ay nagpalitan ang mga ito ng tingin.

“Malamang ay nakita niyo sila dahil sa bahay ni Aling Mely din sila nakipanuluyan,” aniya.

“May larawan ka ba nila?” tanong ni Lagring sa kanya.

Sukat sa tanong na iyon ni Lagring ay mabilis niyang kinuha ang kanyang cellphone at ipinakita rito ang larawan ng magkakaibigan.

“Hmn,” tanging reaksiyon lamang nito.

“So? Nakita mo ba sila?” mapanuring tanong niya rito.

Nakangiting tumango ito. “Sa ilang araw na pananatili nila rito ay dito sila sa karinderia madalas kumain kaya pamilyar ang mga mukha nila,” nakangiting sagot nito. “Umaasa ka pa bang makikita mo sila…ng buhay?”

Ilang sandaling nakatitig lamang siya sa mukha ni Lagring. Habang nakatingin siya sa mukha nito pakiramdam niya ay may mali pero hindi niya maipaliwanag kung ano iyon. Namalayan na lamang niyang muling nagbalik sa harap ng kalan si Lagring at si Lucita naman ay tumayo na upang asikasuhin ang mga bumibili. At habang patuloy sila sa pagkain ay pansin niya ang kakaibang tinginan ng magpinsan. Tiningnan niya ang kanyang mga kasama pero abala ang mga ito sa pagkain. She sighed. Kailangan niyang maging maingat. Hindi maganda ang kutob niya sa magpinsan na ito. Tila ba may tinatagong misteryo ang dalawa.

Bago sila tuluyang umalis ng karinderia ay nag-order pa ulit sila ng ilang putahe upang gawing ulam nila mamayang gabi. Sila na lamang ang bahala sa kanin. Magsasaing na lamang sila.

 

KANYA-KANYA silang puwesto sa may terrace. Habang siya ay nasa malalim na pag-iisip ay nakatingin siya sa magkakaibigan na abala sa pagsusulat ng mga itatanong ng mga ito sa mga taga-rito. Si Ronavie naman ay abala sa pag-aayos ng video camera. Bukas na kasi mag-uumpisa ang pag-iimbestiga ng mga ito. Ilang malalalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan habang tinitingnan ang anim na magkakaibigan.

“May problema ba, Ate Cassey?” tanong ni Ronavie sa kanya.

She heaved a deep sigh. Again. Hindi niya na nga mabilang kung ilang beses na siyang napapabuntong-hininga. At marahil ay napansin nito iyon.

“Nakakaramdam na ako ng takot,” pag-amin niya.

Tila iisang tao na huminto ang magkakaibigan sa ginagawa ng mga ito at maang na tumitig sa kanya.

Tumango siya. “Kanina sa karinderia…takot ang nararamdaman ko.”

“Natatakot ka kina Ate Lagring at Ate Lucita?” tanong ni Randel sa kanya.

She sighed. “Wala ba kayong napapansin sa magpinsan?” tanong niya sa mga ito.

“Hmn, they looked older than you kahit pa kasing-edad mo lamang pala sila,” sagot ni Meynard.

“Oo nga. Akala ko talaga ale na sila dahil mukhang nasa kuwarenta na ang edad nila pero kasing-edad mo lang pala sila,” natatawang sambit naman ni Gilbert.

Pero sa isang banda ay may punto ang mga ito. Mas matandang tingnan ang dalawang magpinsan kumpara sa tunay na edad ng mga ito. Pero hindi iyon ang nais niyang ipunto sa mga ito. Seryosong tumitig siya sa anim na magkakaibigan. “Hindi ko alam pero parang…parang may kakaiba sa kanilang dalawa,” aniya.

“Oo nga,” si Cynthia. “Biglang bait ni Ate Lucita samantalang ang sungit niyon sa atin, hindi ba, dahil sa kagagawan ng mga mokong na ito?” nguso nito sa tatlong lalaki. “Pero kanina ang tamis ng ngiti sa atin at nakipagkuwentuhan pa sa atin. So, yeah, nagtataka ako sa part na iyon.”

“No,” aniya. “Hindi lang sa parte na iyon. Pansin ko ang kakaibang tinginan nila at pagkatapos ay ngingisi. Hindi niyo ba napuna?”

Nagkatinginan ang mga ito pagkatapos ay sabay-sabay na umiling.

“Weird nga sila kung gayon,” komento ni Louise pagkalipas ng ilang sandali.

“Well, katulad nga ng sabi ni Mang Victor, huwag na lamang tayong magtiwala sa mga taga-rito. Gawin na lamang natin ang assignment natin dito para makaalis na rin agad tayo,” si Ronavie. “Ikaw ba, Ate Cassey hanggang kailan mo balak manatili rito?” tanong nito sa kanya.

“Kailangan kong mahanap ang kapatid ko.” Sagot niya. Ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi niya lilisanin ang lugar na iyon hanggang hindi niya nakikita ang kanyang kapatid. Kahit pa nakakaramdam siya ng takot ay kailangan niyang lakasan ang kanyang loob.

“Isang linggo lang kasi ang paalam namin sa parents namin e, tsaka need pa namin tapusin ang documentary namin for school kaya hindi ka na namin masasamahan dito.” Very apologetic ang tinig na iyon ni Ronavie.

“Hey, it’s okay. Hindi naman talaga tayo magkakasama. Iba ang pakay ninyo…for school at ako naman ay para sa kapatid ko kaya naiintindihan ko kung maiiwanan niyo ako rito.”

 

“MALAPIT nang maubos ang imbak nating karne, Lucita,” wika ni Lagring habang abala ito sa paghuhugas ng mga kaldero at kaserola.

“Ubos na ba ang binili nating mga baboy kay Aling Mely?” tanong ni Lucita.

“Hindi iyon ang tinutukoy ko.”

Ngumisi si Lucita. “Hindi problema iyan. Nakita mo naman kanina hindi ba? Tiyak na masarap ang pitong iyon kapag kinarne na.”

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Sitio Bangungot (Chapter 8)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.