KINABUKASAN nang magising si Clarabelle, inasahang makikita niya si Piper na katabi ito sa kama. Ngunit nagkamali siya dahil walang Piper sa kabilang side ng higaan.
Binalikan ni Clarabelle ang mga nangyari kagabi. Nagsimula iyon nang samahan siya ni Piper na magpakalasing. Pareho silang nabaliw sa stage. Walang pumigil sa kanilang dalawa dahil sila naman ang owner. Hindi sila tumigil sa pagkanta at nang magsawa’y sa dance floor naman sila nagwala.
Ang nakadagdag saya pa sa pagbabaliw nila ay ang mga kostumer na naki-join sa kanila. Kahit naman din paano’y nawala nang pansamatala ang sakit na iniinda niya mula kay Bodhi.
Isa pang natatandaan niya’y magkatabi silang dalawa ni Piper sa silid tulugan sa Venus. Naaalala rin niyang nagtulong sina Jeffrey at Rui na akayin sila patungo roon.
Naihilamos niya ang isang palad sa mukha upang magising lalo. Hinanap din niya ang phone at agad naman niyang nakita iyon sa tabi ng kama. Napamulagat siya nang makitang mag-a-alas tres na ng hapon. Ganoon kahaba ang oras na itinulog niya? Napailing siya. Ang tindi siguro ng pagkalasing at likot na ginawa niya kagabi para matulog nang ganoon kahaba.
Bago pa siya umahon mula sa kama’y, nag-chat pa muna siya groupchat upang hanapin si Piper. Makalipas lamang ang ilang sandali’y, tumugon naman ito at sinabing nakauwi na.
Sa tatlong silid na mayroon ang kanilang bar ay may kanya-kanya ring banyo. Doon na siya naligo at nagbihis. Kumuha siya ng isang brown t-shirt sa stock room nila upang pamalit sa damit niya nang nagdaang gabi. May print iyon ng logo ng bar. Iyon ang nagsisilbing uniform ng mga empleyado nila.
Bago umalis, binati na muna niya ang mga guwardiya na naka-schedule magbantay sa bar, sina Mang Isto at Mang Danny.
“Heto pala ang susi ni Medusa, Ma’am Clara.” Inabot ni Mang Danny ang susi ng motor niya.
Ang naalala niya’y ipinatago niya kay Rui iyon pero mukhang inihablin na lang nito kay Mang Danny ang susi. Nagpasalamat siya sa dalawang guwardiya saka nag-iwan ng perang pangmeryenda ng mga ito bago tuluyang umalis.
Habang nasa daan ay abala ang isip ng dalaga kung ano ang susunod na plano para makuha niya si Bodhi. Sa huli’y nagdesisyon siyang umuwi na lang muna sa kanilang bahay. Bukas na lamang siya bibisita sa coffee shop.
Pagdating sa bahay ay hindi na siya nag-aksaya ng oras. Agad na kinuha ni Clarabelle ang laptop sa kuwarto saka dinala iyon sa veranda na kanugnog ng kuwarto niya. Doon siya umupo habang kinakalikot ang laptop.
Makalipas ang halos dalawang oras na pananaliksik sa laptop ay doon na nabuo ang plano ni Clarabelle.
‘Wala nang atrasan pa ito.’
PAGBABA ni Clarabelle kay Medusa ay maingat niyang kinuha ang dalang pasalubong para sa mga magulang ni Bodhi.
Bitbit niya ang isang cappuccino at isang americano coffee. Nagdala rin siya ng isang kahon ng cannoli cheescake.
Maraming beses munang huminga nang malalim si Clarabelle bago nagpasyang pindutin ang doorbell. Mayamaya pa’y lumabas ang medyo may kaliitang kasambahay.
“Sino po sila?” tanong nito.
“A-ako nga pala si Clarabelle, Clarabelle Cayetano. Nandiyan po ba si Mrs. Fuentes?”
“Oo. Bakit? Ano pong kailangan niyo sa kanya?”
Saglit siyang natameme. Ano nga ba ang talagang kailangan niya?
“Aakyat sana ng ligaw.”
Biglang natawa ang kasambahay sa sinabi niya. “Sigurado ka?” Pinukol pa siya nito ng tinging tila isa siyang sira ulo.
Namula siya sa tanong nito at medyo nakaramdam ng hiya. “Oo, te. Kaya sige na. Pakisabi sa amo mo.”
Makahulugan munang tumingin ito sa kanya bago umalis. “Sige. D’yan ka lang. Sasabihin ko kay ma’am pangalan mo.”
Hindi nagtagal ay muling bumalik ang kasambahay. Binuksan nito nang maluwag ang pinto ng gate at nang makapasok siya ay muli nitong isinara iyon. Pinauna niyang maglakad ang kasambahay upang maihatid nito kung saan man naroroon si Mrs. Fuentes.
Isang malaking sala ang bumungad kay Clarabelle pagpasok sa loob ng kabahayanan. Nasa gitna niyon ang isang malaking hugis letter L na sofa. Karamihan sa decorations ng sala ay panay mga indoor plants at mga paintings. Kulay abo at puti ang mga kulay na naghahalo sa sala. Puti ang marmol na sahig pati na ang mga dingding. May malaking tv sa bandang dulo at tapat ng sofa.
“Dito mo na lang hintayin si ma’am,” sabi ng kasambahay bago siya nito iwan.
Makalipas ang ilang minuto’y nakaririnig na siya ng mga yabag ng takong na sa hula ng dalaga’y si Mrs. Fuentes ang may pakana.
Mabilis siyang napatayo nang makita ito sa puno ng hagdan. Seryoso at walang kangiti-ngiti ang ginang sa kanya. Ngunit kahit na ganoon ay hindi siya pinanghinaan ng loob o kahit matakot man lang.
“Ano ang sadya mo, hija?” tanong nito nang makalapit sa kanya.
“Ma’am, magandang araw po.” Tumikhim siya upang huwag kabahan. “N-nadito po ako para suyuin kayo.”
Tumikwas ang isang kilay ng ginang. “Ako? Susuyuin mo? Bakit?”
“Gusto ko pong mapatunayan na mas karapat-dapat po ako para kay Bodhi.”
Ilang segundo siyang matamang tinitigan ng ginang. Tila may nais itong sabihin ngunit may pag-aalangan. Pagkuwa’y, nagsalita rin ito. “Magpapagod ka lang sa gagawin mo, Clarabelle. Pero maayos pa rin kitang tatanggapin dito sa pamamahay ko.”
Nginitian niya ang ginang. Kahit paano’y, okay na rin iyon sa dalaga.
“Ah, heto po ang pasalubong ko sa inyo.” Itinuro niya ang courier ng mga kape at ang kahon ng cake. “Cappucino at americano cofee po at cannoli cheescake. American o naman po para kay Sir Fuentes.”
Nakita niya ang unti-unting pagliliwanag ng mukha ng ginang habang pinagmamasdan ang mga dala niya.
“Those are my favorite from Bella’s Cafe.” Tiningnan pa nito ang tatak ng mga lagayan ng dala niya. “Bella’s Cafe nga! Ah, Jinky! Jinky!”
“Ano po iyon, ma’am?” Sumulpot ang kasambahay mula sa kung saan.
“Pakikuha mo ako ng platito at fork para sa aming dalawa ni Clara.”
Bahagya siyang nagulat sa sinabi ng mama ni Bodhi sa kasambahay. “Naku, huwag na po. Para po sa inyo talaga ang mga ’yan.”
“Pero teka, nagkataon lang ba na iyan talaga ang naipili mong kape at flavor ng cake?” curious na tanong nito.
Mas lumapad pa ang kanyang pagkakangiti nang maalala kahapon ang dahilan kung bakit niya nalamang iyon ang paborito ni Mrs. Fuentes na dessert.
Kung noong una, si Bodhi ang kinalkal niya sa social account nito, ngayon ay mga magulang naman ng binata. Inalam niya ang mga hilig ng magulang ni Bodhi. At nang dumako siya sa gallery ng account ng ina ng binata’y doon na niya nalamang paborito ng ginang ang cappuccino at cannoli cheescake. Kasama sa litrato ang isang romance novel book na naging pamilyar kay Clarabelle.
Pilit ginalugad ng dalaga kung saan o kailan niya nakita ang librong iyon. Pero hindi niya maalala kaya tumingin pa siya ng mga litrato doon. Nakita niyang naka-tag ang location kung saan nito nabili ang kape at cake. And, boom! Nalaman ni Clarabelle na sa mismong shop niya iyon binili at kaya naman pala pamilyar sa kanya ang cover ng libro ay dahil nakita na ni Clarabelle ang ginang sa kanyang shop. Naalala rin niyang siya pa ang nag-serve ng order nito sa ukopadong mesa.
“Naalala ko po kayo no’ng minsang nagpunta kayo sa Bella’s Cafe. Ako po ang nag-serve ng order ninyo.”
Nagpatangu-tango ito saka muling nagtanong. “Waitress ka rin doon? Bakit hindi kita laging nakikita kung gano’n?”
Kung sa ibang nagtatanong ay nagtatago siya, rito naman sa mama ni Bodhi ay magiging proud siyang sabihin ang totoong katayuan sa Bella’s Cafe.
“Ako po ang owner ng Bella’s Cafe.”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Wow good job Ara hahahaha