“HUWAG kang malikot,” seryosong wika ni Milandro. Hindi na kinaya ni Myra ang iniisip niya. Bigla niyang sinipa si Milandro. Napahiga si Milandro sa sahig.
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?” Naging matapang ang mukha ni Myra. Natatawang bumangon si Milandro sa sahig.
“Ano na naman ang nasa isip mo? Lilinisin ko lang ang mga sugat mo sa paa at gagamutin ko. Ang dumi talaga ng iniisip mo?” Patuloy sa pagtawa si Milandro. Biglang nahiya si Myra. Lumapit ulit si Milandro sa harapan ni Myra. Umiwas pa rin ang mga paa ni Myra nang subukan ulit siyang hawakan ni Milandro.
“Kaya ko ang sarili ko, ako–” Biglang tumigil ang bibig ni Myra sa pagsasalita.
“Kung kaya mo ang sarili mo, dapat matagal ka nang wala sa lugar na ito,” prankang sabi ni Milandro. Hinila pa rin ni Milandro ang binti ni Myra. Napaisip si Myra sa sinabi nito. May punto ang mga salitang narinig niya mula sa binata. Muling natulala si Myra sa mga naiisip niya at hindi niya napansin na ginagamot na ni Milandro ang kanyang mga paa.
“There, it’s over.” Tumayo si Milandro at ibinalik sa bag ang kanyang medicine kit. Nakatitig lang si Myra sa kanya. Lumingon si Milandro kay Myra.
“Masama na naman ba ang tingin mo sa akin? Myra, tandaan mo ‘to, wala akong balak na magustuhan ka o mahalin ka. Kaya ikaw, ‘wag kang ma-i-inlove sa akin, baka masaktan ka,” babala ni Milandro at ngumiti siya. Natigilan si Myra. Nilibot ng mga mata ni Myra ang buong silid.
“Wala rin akong balak na mahalin ka, bukod kay Je—”
“Mabuti kung ganoon, magpahinga ka na. Ilang oras na lang ay sisikat na ang araw. ‘Pagkatapos ay pag-usapan natin ang gusto kong sabihin sa iyo, kaila—“
“Sanay akong hindi natutulog, lalo na kapag pinaparusahan ako ni Trixie kahit wala akong ginagawa. Hindi niya ako binibigyan ng pagkain at wala akong matulugan. Kaya sanay ako na mulat ang aking mga mata magdamag. Whatever you have to say, say it. Kasi hindi pa ako ganun ka-komportable sa iyo.”
Nag-iba ang aura ng mukha ni Milandro. Nawala ang ngiti sa labi niya. Hindi niya alam kung maiinis siya sa sinabi ni Myra tungkol kay Trixie o sa sagot ni Myra na wala rin itong balak na mahalin siya. Natahimik sandali si Milandro habang nakatitig kay Myra. Nag-iisip. Magsasalita na sana si Myra, para tanungin niya si Milandro, ngunit nauna na si Milandro.
“Ako, gusto kong magpahinga. Kung ayaw mong matulog, matutulog ako.” Tapos tumalikod si Milandro.
Iniisip na lang ni Milandro na kailangan talaga ni Myra ng pahinga sa kabila ng lahat ng nangyari. Tumalon na lang si Milandro sa kama, hindi man lang naghilamos. Hindi niya nilingon si Myra.
“Kakaiba siya,” bulong ni Myra sa sarili habang pinagmamasdan ang likod ni Milandro. Wala siyang nagawa kundi ang humiga sa kama. May dalawang kama sa kwarto.
SUMAPIT ang umaga. Mainit ang sikat ng araw. Tulog pa rin sina Milandro at Myra sa magkabilang kama. Ngunit nang gumalaw ang katawan ni Milandro ay nahulog ito sa kama at nagulat. Agad siyang napatingin sa kanyang relo.
Alas diyes na ng umaga. Malapit na magtanghali. Nagmadali siyang kumilos pero napatigil siya nang makita niyang natutulog si Myra. Halos makalimutan ni Milandro ang lahat ng nangyari sa kanyang pagtulog. Umupo siya sa kama at umiling. Pagkatapos ay naalala niya ang lahat. Dahan-dahan siyang lumapit kay Myra. Pinagmasdan niya ang mukha ng dalaga habang natutulog.
Kahit anong tingin niya kay Myra ay may nakita siyang inosenteng tao sa pagkatao nito. May malay man o nakapikit. Gumalaw ang kanang kamay ni Milandro, para haplusin niya ang pisngi ni Myra. Gayunpaman, gumalaw din ang katawan ni Myra at iniunat ang kanyang mga kamay. Mabilis na tumayo si Milandro at tumingin sa labas ng bintana.
Nang imulat ni Myra ang kanyang mga mata ay nagulat din siya at mabilis na napaupo sa kama. Sa gilid ng mga mata ni Milandro ay nasulyapan niya ito.
“Gising ka na pala,” wika ni Myra. Lumingon si Milandro kay Myra.
“Akala ko ba hindi mo kailangan ng pahinga? Ang sarap ng tulog mo simula kaninang madaling araw.”
“H—Hindi ka ba natutulog?” Nagulat si Myra dahil sa sinabi ni Milandro.
“Halos kakagising ko lang din. Bumangon ka na dyan at—” Nang biglang may narinig silang kumatok sa pinto. Sabay silang napatingin sa pinto. Ang lumapit ay si Milandro. Tumambad ang mukha ni Jeffrey. Nagsalubong ang dalawang kilay ni Milandro.
“Anong ginagawa mo dito?” Hindi siya pinansin ni Jeffrey, sa halip ay umiwas ang mga mata ni Jeffrey at sinilip ang kinaroroonan ni Myra.
“J—Jeffrey?”
Bumalik ang tingin ni Jeffrey kay Milandro. Nagkatitigan sila. Mata sa mata.
“I really don’t like you. Hindi rin naman bawal bisitahin si Myra dito ‘di ba?” Nanggigil si Milandro. Lalong naningkit ang kanyang mga mata.
“Bumalik ka na lang sa ibang araw. May lakad kami ngayon ni Myra at hindi ka namin kailangan.” Hindi nila napansin na nasa likod na pala nila si Myra.
“Jeffrey, anong ginagawa mo dito? Di ba sabi ko sa ‘yo, ‘wag ka nang lalapit sakin.”
Nagulat si Milandro sa sinabi ni Myra. Masakit sa dibdib ni Jeffrey ang sinabi ni Myra. Pero tanggap niya ang mga ito dahil alam niya ang totoong dahilan ni Myra. Alam ni Jeffrey na ayaw ni Myra na madamay siya sa gulo ng buhay niya. Imbes na ipakitang nasasaktan siya, ngumiti lang si Jeffrey at nag-abot ng malaking paper bag.
“Dinaanan ko lang ito, para may magamit ka at sana magustuhan mo.”
“A—Ano ang mga ito?”
“Mga damit at kung ano pang kailangan mo. Alam kong wala ka sa ngayon at alam ko rin na balang araw ako lang ang magbibigay ng pangangailangan mo. Paano, aalis na ako. Bukas na lang ulit kita bibisitahin, mukhang importante ang lakad niyo ng taong bumili sa iyo.”
“Jeffrey!” suway ni Myra.
“You should be thankful when I get you back from him,” dagdag ni Jeffrey at tumalikod na. Itinaas niya lang ang kanang kamay, tanda ng paalam.
“Punta muna ako sa banyo!” Mabilis na nakapasok si Milandro sa banyo dahil, pinipigilan talaga niya ang sarili kay Jeffrey.
Ayaw ni Milandro na may kumakalaban o humahadlang sa kanya. Isang desisyon ang nabuo sa kanya, he will play forever with Trixie and Jeffrey. Kawawang Myra, hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya. Nagsimula nang maligo si Milandro.
Habang naliligo siya ay binuksan ni Myra ang paper bag na bigay ni Jeffrey. Nandoon ang mga magagandang damit at iba pang kailangan niya para sa kanyang katawan. Mayroon ding make-up kit. Napangiti si Myra. Alam na alam ni Jeffrey ang kanyang mga gusto. Nagpapasalamat si Myra, hindi nakalimutan ni Jeffrey ang nararamdaman para sa kanya kahit matagal na silang hiwalay.
“I’m done!” Hindi naramdaman ni Myra ang paglabas ni Milandro sa banyo. Nang lumingon si Myra ay natigilan siya sa kanyang nakita. Isang maliit na tuwalya lang ang nakasabit sa baywang ng binata. Maskulado ang katawan ni Milandro. Ang ganda ng abs niya. Kaakit-akit ang tamang pangangatawan. Hindi macho pero sexy. Lumabas ang alindog ni Milandro.
“Baka tumulo ang laway mo sa pagtitig sa katawan ko, nakanganga ka pa diyan,” pang-iinsulto ni Milandro kay Myra at tumawa ito.
“Ah— anong sabi mo?” Tumayo si Myra.
Dali-dali siyang pumasok sa banyo bitbit ang pinamili ni Jeffrey para sa kanya. Agad siyang humarap sa salamin at kitang-kita sa kanyang mga mata ang pamumula ng kanyang pisngi. Biglang pumasok ulit sa isip niya si Milandro habang wala siyang pang-itaas na saplot.
“Hoy, Myra! Huwag kang magpapantasya o mag-isip ng kung ano-ano,” suway ni Myra sa sarili. Nang marinig niya muli ang boses ni Milandro.
“Don’t take too long, I’m hungry.” Hindi sumagot si Myra. Agad niyang hinubad ang damit at tumutok sa shower. Para maibsan ang init na nararamdaman. Para palamigin at pakalmahin ang kanyang nararamdaman.
Lumipas ang isang oras at kalahati. Hindi pa rin lumalabas ng banyo si Myra. Nawawalan na ng pasensya si Milandro. Halos alas dose na ng hapon. Kumakalam ang kanyang tiyan. Nilibot niya ang kwarto. Hanggang sa hindi na niya nakayanan, lumapit siya sa pinto ng banyo para sigawan si Myra. Pero, kakatok pa lang sana siya, biglang binuksan ni Myra ang pinto ng banyo.
Napaatras si Milandro nang makita ang kagandahan ni Myra. Iba ang Myra na nasa harapan niya ngayon. Hindi kagaya nung una nilang pagkikita. Isang napakasimpleng babae pero mukhang matikas sa pananamit. Naglagay siya ng light colored na make-up sa mukha. Pink lipstick. Mukha siyang barbie doll. Napansin ni Myra ang reaksyon ni Milandro. Ngumiti siya.
“Ibabalik ko sa’yo ang sinabi mo sa akin. ‘Wag na ‘wag kang iibig sa akin.”
“A—Ano?”
Nagkatitigan silang dalawa. Nangungusap ang kanilang mga mata. Dahil kay Jeffrey, bumalik si Myra sa kagandahan at kalusugan noong siya ay mayaman. Hindi inaasahan ni Milandro na may tinatagong kagandahan si Myra. Lalong lumaki ang mga plano ni Milandro para kay Myra.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





2 Responses
Di ka kaya mapasubo Milan sa mga plano mo na makipaglaro sa mga anak ni satan hmmm
Hahahaha, ang dami kong tawa. Anak talaga ni Satan, hahaha!