Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 1)

Sa isang maliit na karinderya ay may iilan na kumakain dahil hindi pa naman oras ng tanghalian ng oras na ‘yon. Pumasok ang isang babae na naka-itim na hoodie, ripped jeans at rubber shoes tahimik lang itong pumunta kung nasaan ang kaldero na may laman na mga ulam. Pagkatapos ay umupo na ito sa isang sulok at muling inilagay ang hood ng jacket niya sa kanyang ulo at nilagay ang kamay sa bulsa nito.

 Habang hinihintay niya na ilagay ng tauhan ng karinderya ang mga pinili niyang mga ulam at kanin ay napagawi ang tingin niya sa isang lalaki at sa mismong tindera na mukhang hindi maganda ang pag-uusap.

 “Anong hindi pa ako nagbabayad. Inabot ko na kanina ng pumupili ako ng kakainin ko!” may kalakasan na sigaw ng lalaki.

 Mahinahon naman na sinagot ito ng tindera. “Hindi po kami kumukuha ng bayad hanggang hindi pa po tapos ang mga kumakain, pagkatapos lang kumain ng customer saka lang po namin kukuhanin ang bayad. Kaya paano niyo po nasabing binigay niyo na?”

 “A basta binigay ko na ‘yong bayad kanina, masyado kasi kayong madaldal kaya hindi niyo napansin!”

 “Mayroon po kaming ibang kasama rito at sila po ang tumitingin kung sino ang nagbayad o hindi nagbayad, kaya kung maaari lang po ibigay niyo na po ang bayad. Tapos naman na po kayong kumain.”

 Binagsak ng lalaki ang kamay niya sa ibabaw ng lamesa kaya mas lalong umingay sa puwesto nila, kaya ang ibang customer ay bahagyang natakot lalo pa’t ang laki ng katawan ng lalaki at mukhang lasinggero pa. “Basta sinabi kong nagbayad na ako, nagbayad na ako!”

 “Kung ayaw niyo pong magbayad mapipilitin po kaming magreklamo sa police,” saad pa rin ng tindera ng mahinahon kahit pa hindi na maganda ang pinapakita ng kausap niya.

 Galit itong tumingin sa tindera at akma sanang itataob ang lamesa papunta sa tindera ng may isang kamay ang pumigil rito.

 “Malaki na ang atraso mo sa hindi pagbabayad ng kinain mo. Tapos maninira ka pa ng pagmamay-ari nila.” Ngumisi siya kahit pa hindi masyadong kita ang mukha niya tanging ang mga labi niya lang. “Sumusobra ka naman ata.” Tumingala siya at tiningnan ng walang anumang emosyon sa kanyang mukha ang lalaki.

 Pilit inaalis ng lalaki ang kamay niya, pero hindi nito magawa. “Ano bang pakialam mo, puwede bang huwag kang makisali rito!”

 Tumingin siya sa tindera at nakita niyang pagod na rin ito, dahil sa madalas siyang kumakain rito. Ito rin kasi ang nagluluto ng mga binebenta nito tapos may mga taong matapang pa na hindi magbayad gayong kinain na nila ang pinaghirapan nitong lutuin.

 “Magbayad ka na lang ng matapos na,” mahinahon niyang saad.

 Ngumisi ito. “Sadyang mga tanga lang ang mga tindera rito, kaya hindi nila napansin na nagbayad na ako.”

 “Miss totoo ba yung sinabi niya?” tanong niya sa tindera.

 Umiling ito ng ilang beses at makikita sa mukha nito na hindi ito nagsisinungaling. “Hindi. Kung ako ang nagkamali hindi na ko makikipagmatigasan sa kanya ng ganito.”

 Lumingon siya muli sa lalaki. “Paano ba ‘yan, ikaw pala ang sinungaling rito.”

 Kumawala ang lalaki sa hawak niya at sinubukan siyang itulak nito, kaya naman mabilis siyang umilag at ito ang sumubsob sa sahig. Tumayo muli ito at sinubukan muli siyang patamaan gamit ang kamao, pero kalmadong umiilag lang siya na parang may bagay lang na iniiwasan base sa galaw niya na parang naglalaro lang. Sa isang suntok na ipapatama nito sa mukha niya ay agad siyang kumilos at pinatamaan ang sikmura ng lalaki ng kamao niya na muntik ng sumuka sa lakas ng pagkakatama. Kinuha niya ang dalawa niyang wooden stick mula sa likod na nakatago sa loob ng jacket niya na may 2 inch lang ang nakalabas.

 Itinapat niya ito sa mismong mukha ng lalaki. “Magbabayad ka ba o hindi? Gusto mo atang umuwing lumpo. Sa katawan mo ay kaya mo namang magtrabaho pero andito ka para magsimula ng gulo.”

 Nakipagmatigasan ito kaya isang hampas sa tuhod nito ang pinakawalan niya kaya naman kaagad itong napaluhod. Sa itsura ng lalaki halatang nasaktan ito sa isang malakas na hampas galing pa sa isang babae. “Oo na — magbabayad na ko,” sa nahihirapang boses na saad nito.

 “Gusto mo pa yung nasasaktan bago ka umamin.” Binalik niya na ang dalawang wooden stick sa likod niya.

 Tumayo ang lalaki at mabilis na nagbayad sa tindera na mukhang may sukli pa, pero nagmamadali na itong umalis.

 “Okay lang po ba kayo?” tanong niya.

 Tumango ang tindera. “Salamat sayo iha, ikaw ayos ka lang ba?”

 “Huwag niyo po akong alalahanin kaya ko po ang sarili ko.”

 Humingi ng pasensya ang tindera sa iilang customer na kumakain. “Pasensya sa konting gulo, puwede niyo ng ituloy ang pagkain niyo.” Bumalik ang mga ito sa lamesa na malapit lang sa kung saan naka-upo ang lalaki kanina.

 Tumingin ang tindera sa isang lamesa sa isang gilid. “Puwede ka ng umupo sa puwesto mo. Ipapadala ko na lang ang mga pinili mong kainin. Salamat ulit.” Hinawakan muna nito ang kamay niya bago siya umalis at bumalik sa lamesa niya kanina.

  Ang lalaking nakaharap niya kanina ay mukhang bago lang sa lugar na ‘yon dahil walang takot itong sinubukan siyang saktan.

 Siya si Adira ang gangster na madalang makitaan ng emosyon tanging pagkunot ng noo at pagngisi lang ang pinapakita nito sa ibang tao lalo na sa mismong mga kalaban niya. Sa oras na marinig pa lang ang pangalan niya ay wala ng ibig pang kumalaban sa kanya maliban sa mga baguhan na mga gangster sa lugar nila. Sa sandali na inilabas niya na ang kanyang dalawang wooden stick ay parang nag-iibang tao siya. Pero malaking palaisipan sa iba kung bakit ganun na lang ang takot ng lahat sa kanya kahit nag-iisa lang siya at isang babae pa.

 Ibinaba ng isang tauhan ng karinderya ang pagkain niya. “Salamat,” saad niya at nagsimula ng kumain dahil kailangan niya ng makauwi kaagad. 

 Pagkatapos kumain ay ibinaba niya lang ang bayad sa lamesa at tumingin sa puwesto ng tindera. Nakita siya nito at tumango lang siya bago umalis. Kabisado na siya ng mga ito dahil matagal na siyang kumakain sa karinderya nila, kaya sa oras na tumayo siya at tumingin sa puwesto ng tindera ay alam na ng mga ito na ang bayad niya sa kinain ay nasa lamesa.

 Naglalakad na siya pauwi at ang mata ay sa dinaraanan lang nakatingin at hindi din nakikita ang buong mukha niya dahil sa hoodie niyang suot.

 Habang naglalakad siya ay may isang lalaki ang nagsalita mula sa likuran. “Sandali!”

Napahinto siya sa paglalakad. “Alam mo ba kung ano ang nangyayari pag dito ka sa mismong teritoryo ko dumaan?”

“Hindi,” saad niya.

“Hindi na sila nakakauwi ng walang dugo sa katawan.” Dinig niya ang bahagya nitong pagtawa.

Umayos siya ng tayo. “Alam mo rin ba ang mangyayari sayo pag hindi mo ako pinadaan sa tinatawag mong teritoryo?”

“Aba’t ang tapang mo, mukhang dayo ka lang dito hindi mo alam kung sino ang kinakausap mo!” 

“Mukhang hindi mo rin—” At humarap siya sa lalaki sa likuran niya. “Alam na kaya kong baliin ang buto mo sa katawan ng ilang segundo lang.” Sabay ngisi niya dito at sa punto na ‘yon bahagyang napa-atras ang lalaki dahil mukhang nakilala nito kung sino ang pinagbantaan niya.

Ngumiti ito ng alanganin. “Ikaw pala ‘yan—Adira.” Makikita rin kung paano nag-iba ang itsura nito kanina na isang matapang, ngayon ay parang maamong tupa.

“Oo ako nga, subukan mo ulit manakot ng magdadaan rito. Kahit saan ka pa pumunta matatagpuan pa rin kita. Kaya pagbilang ko ng tatlo dapat ay wala ka na rito!”

Bubuka pa lang ang bibig niya, pero mabilis na itong tumakbo. Napakunot ang noo niya. “Tsk lalaking tao, pero duwag.” Umiling-iling ang ulo niya at nagpatuloy ng maglakad pauwi.

Malapit na si Adira sa warehouse kung saan doon siya nakatira ng may bumati sa kanya habang naglalakad.

“Adira saan ka galing?” tanong nito kay Adira at sa itsura nito ay nasa 60 years old na.

“Diyan lang sa malapit, kumain.”

“Ganon ba.” May kinuha ito na isang sobre sa bulsa ng pantalon. “Bagong kliyente pag-aralan mong mabuti ang problema niya kung gusto mong gawin ang nakasaad diyan sa sobre.”

Kinuha niya ito at lumakad na muli, pero itinaas niya muna ang kaliwang kamay niya na ibig sabihin ay aalis na siya.

Isang iling lang ang ginawa ng lalaki na ang pangalan ay Simon. Ito ang kasama lagi ni Adira sa tuwing may gustong kumuha ng serbisyo ni Adira, ngunit hindi basta-basta ito napapasagot ng oo, dahil may condition siya sa tuwing may gustong kumuha ng serbisyo niya. Kailangan munang magbigay ng detalye ang kliyente sa problema at kung paano ang gagawin ni Adira. Pero pag hindi ito nagustuhan ni Adira ay hindi niya ito tinatanggap kahit pa malaking pera ang offer sa kanya. Hindi porke’t isa siyang gangster ay wala na siyang puso pag masyadong brutal ang gustong ipagawa ng kliyente sa isang tao, automatic hindi ang sagot niya at pinupunit niya ang sobreng ibinigay ni Simon pag ganun ang gustong mangyari ng kliyente.

Habang pinagmamasdan ni Simon si Adira na naglalakad palayo ay biglang tumunog ang cellphone niya hudyat na may tumatawag at alam niyang kliyente ito dahil mga kliyente lang ni Adira ang tumatawag sa telepno niya madalas. “Hello! Anong misyon ang gusto mong ipagawa?” saad kaagad ni Simon, pero ang kabilang linya ay hindi muna sumagot.

Nagtaka siya at tiningnan muli ang screen ng telepono, pero hindi pa rin naman pinapatay ng caller ang tawag kaya nagsalita siya ulit. “Hello! Kliyente ka ba? Kung hindi ay baka wrong number ka ng tinawagan.” Papatayin na sana ni Simon ang tawag ng nagsalita ang tao sa kabilang linya.

Napakunot ang noo ni Simon sa sinasabi ng caller, nakinig lang siya at hindi muna nagsalita, pero ilang minuto lang ay mukhang may nasabi ang caller kaya napasagot si Simon ng, “Hindi ko sigurado kung tatanggapin niya ang alok mo, pero kung gusto mo talaga siyang maka-usap ay hindi puwede, ako lang ang maaari mong maka-usap at sasabihin ko na lang sa kanya ang gusto mo, pero ang maka-usap siya ay imposible.” Napahinto saglit si Simon at napabuntong-hininga sa sinabi ng tao sa kabilang linya. “Okay sige gagawa ako ng paraan. ” Pinatay na niya ang tawag at tumingin ulit sa daan kung saan ang direksyon ng pauwi sa bahay ni Adira.

 Nakauwi na si Adira sa bahay niya na isang warehouse, isa itong lumang warehouse kaya dito na lang siya nagdesisyon na tumira. Isang parte lang naman ng warehouse ang sakop niya dahil sobrang laki. Tama na sa kanya ang maliit na space para sa kwarto at lutuan. Mayroon siyang matinong bahay na puwedeng uwian, pero hindi niya na kayang tumira pa doon dahil sa kapatid niyang laging may sama ng loob sa kanya at hindi niya alam kung bakit, kahit pa nabubuhay ang ama at ina nila ay hindi na sila magkasundo gayong iisang dugo lang naman ang dumadaloy sa ugat nila. Hindi niya maisip na baka inggit dahil parehas naman silang mahal ng magulang nila kaya palaisipan pa rin sa kanya ang lahat.

Nang ilang araw na ang nakakalipas na nailibing na ang kanilang mga magulang ay mas lalong lumala ang galit nito sa kanya at minsan ay nauuwi pa sa pagkakaroon niya ng mga sugat dahil halos itulak, sabunutan, at balak pa ata siyang patayin ng mga panahon na ‘yon. Marunong naman na siyang makipaglaban noon dahil nag-uumpisa na siyang turuan ni Simon, pero pinili niya pa ring huwag gumanti dahil mas matanda ito sa kanya, at kapatid pa niya, kaya umalis na lang siya ng bahay nila at namuhay ng mag-isa.

Wala na rin siyang balita pa sa kanyang kapatid dahil simula ng umalis siya ng bahay ay tinuon niya ang oras at isip niya sa pagsasanay pa para maging isang ganap na gangsters at tumanggap ng mga mission na puwede siyang kumita ng pera, pero ang misyon na tinatanggap niya ay walang halong paglabag ng batas at tanging mga madadaan pa sa usapan, pero kung kailangan talagang lumaban ay ang dalawang kahoy na laging nasa kanyang likuran ang gamit niya.

Napailing si Adira at pilit na kinakalimutan ang nakaraan na nangyari sa kanya at libangin na lang ang sarili dahil matagal pa ang pagdating ng gabi.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 1)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

  1. Hype nakakasabik Naman unang kabanata palang pero nakakakilig na galawan ni ate girl Ang bongga more uds pls hahaha salamat sa magandang kwentong aabangan ko nanaman hahaha

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.