Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 12)

Sa sandali na nakauwi na si Adira sa kanyang bahay ay nag-empake na rin siya agad ng mga damit at mga ilang gamit katulad ng panloob na kasuotan at dalawang gloves, lagi rin siyang may suot na itim na gloves sa tuwing may misyon siya, hindi niya lang naisuot sa misyon kay Mr. Torres dahil hindi bagay sa suot niya at ang pinaka-mahalaga sa lahat ang dalawang wooden stick niya, kaya maging ito ay nakalagay sa loob ng malaking bag. Tiningnan niya ulit kung may kulang at ng okay naman na ay lumabas ulit siya ng kwarto para kumain.

 Sumapit ang gabi ay maaga rin natulog si Adira at halos ilang oras lang din ang magiging tulog niya dahil madaling araw ang flight niya na kailangan pang sumakay ng taxi bago makapunta sa airport.

 Kinabukasan ang mag-ama na si King Stephen at Prince Dylan ay kumakain na ng kanilang almusal, ngunit si Adira ay wala pa dahil limang oras ang kailangan hintayin bago lumapag ang eroplano sa bansa nila Dylan, 4 am na rin naka-alis ang eroplano sakay si Adira.

 Habang kumakain ay nagtanong ang prinsipe sa kanyang amang hari. “Ama alam kong paulit-ulit na ako, pero ano pa ang ibang dahilan kung bakit ang babae na ‘yon ang napili mo para turuan akong humawak ng espada at makipaglaban?”

 Bumuntong-hininga naman ito at pinunasan ang gilid ng labi gamit ang itim na maliit na tela. “Dahil hindi ka niya kilala.”

 Napakunot ang noo niya. “Ano naman ang diperensya kung hindi niya ako kilala?”

 “Hindi siya takot kung ano ang gusto niyang gawin, pag ang taong kilala ka na ang kinuha ko ay baka mas lalong wala kang matutunan dahil matatakot silang saktan ka o pagsalitaan ng hindi maganda. Napansin mo naman siguro kung paano makipag-usap sayo si Adira ‘di ba? Kahit ikaw pa ang prinsipe ng bansa natin ay wala siyang pakialam kahit maaari siyang parusahan sa paraan niya ng pagka-usap sayo, pero hindi naman maaaring parusahan siya dahil hindi ka naman niya lubos na kilala at hindi naman ako galit sa kung ano ang pinapakita niya sayo.”

 Hindi naman siya makapaniwalang tumingin sa kanyang ama. “Kung ganon hahayaan niyong pagsalitaan ako ng hindi maganda ng masungit na babae na iyon? Baka mamaya ay sa halip na matuto ako ay puno ng pasa ang makuha ng katawan ko dahil hindi siya takot na maparusahan sa ginawa niya sa akin.”

 “Ano pa ang silbi ng pagtuturo niya kung hindi ka man lang masusugatan o makakaramdam ng pagod sa katawan, at isa pa kaya ka nga niya tuturuan para lumaban ka pabalik.”

 “Pero ama—”

 Seryoso itong tumingin sa kanya. “Sa konting sugat o pasa na makukuha mo mula sa kanya ay takot ka, paano na lang kung digmaan na ang kaharapin mo? Hindi mo ba naisip na mas malaki ang idudulot sayo noon dahil maaaring hindi lang sugat ang makuha mo maging ang buhay mo na rin.” Napatahimik naman siya sa seryosong mga salita ng kanyang ama. “Ngayon pa lang ay kailangan mo ng malaman ang mga nangyayari o mangyayari dahil ikaw ang papalit sa akin, hindi puwede na ang isang hari ay duwag dahil sa oras na nagpakita ka ng kahinaan sa kalaban ay gagawin nila itong alas para matalo ka. Sa oras na lumabas ka ng palasyo at humarap sa magaganap na digmaan ay hindi ka na puwedeng bumalik sa loob.”

 “Ano ang ibig sabihin ng hindi na ako puwedeng bumalik ama?”

 “May dalawang pagpipilian, maaari ka muling makabalik sa loob ng palasyo kung kayo ang panalo o iuuwi ang iyong katawan na wala ng buhay.” Napatigil si King Stephen sa sinabi niya at naalala ang mga sulat na natatanggap niya. “Kaya hangga’t maaari aking anak maging matapang ka para sa akin at sa Stalwart Castle.” At mapapansin rin sa maliit na pagngiti nito ay ang lungkot sa kanyang mga mata. Napatango na lang siya at napa-isip sa mga sinabi ng kanyang ama.

 Natapos ang almusal nila King Stephen ay hindi pa rin dumarating si Adira, si Prince Dylan naman ay bumalik sa kanyang kwarto dahil wala naman siyang anumang gagawin sa araw na ‘yon. Nagbasa na lamang siya ng libro para pawiin ang kanyang pagka-inip at sa ilang minuto lang na pagbabasa ay nakatulog na ito sa isang mahabang sofa habang hawak niya ang libro na nakapatong sa kanyang dibdib.

 Samantala si Adira ay na sa airport na, pero napansin niya si Heneral Agustin na hinihintay siya. Hindi naman ito nakasuot ng pang kawal kaya parang isang ordinaryong tao lang ito na hinihintay siya.

 Lumapit siya sa heneral at bumati naman ito sa kanya. “Maligayang pagbabalik muli binibini.” Nakangiti pa ito habang sinasabi ‘yon. “Halika na ng tayo ay mabilis na makarating sa palasyo.” Tumango lang siya at sinundan ito.

 Dalawang oras lang ang biyahe nila mula sa airport at nasa harap na sila agad ng palasyo. Bumaba siya sa sasakyan at kinuha ang mga gamit niya, pero may isang katulong na kinuha ang mga dala niya, kukuhanin na sana nito ang isa pang plastic ngunit tumanggi na siyang kuhanin pa iyon. “Nasaan ang prinsipe?” tanong niya kaagad kay Heneral Agustin habang papasok sila sa loob ng palasyo.

 “Nasa kanyang kwarto.”

 “Puwede ba akong pumunta doon?”

 Napatigil sa paglalakad ang heneral. “Ano naman ang gagawin mo sa kwarto ng prinsipe?”

 “May kailangan lang akong ibigay sa kanya.” Itinaas niya pa ang plastic na hawak.

 “Kung hindi abala ang prinsipe o may ginawa siya ay puwede kang pumunta sa kwarto niya, pero kailangan mo muna na tumawag sa labas ng pinto at hayaan ka niyang pumasok sa loob ng kwarto niya. Hindi na kita puwedeng samahan doon dahil kailangan kong sabihin sa hari na narito ka na.”

 Tumango naman siya. “Huwag kang mag-alala okay lang kahit hindi mo na ako samahan.”

 “Maiwan na kita, alam mo naman kung alin ang kwarto ni Prince Dylan?”

 “Oo nakita ko na bago ako umalis noong nakaraan na araw.”

 “Okay sige, maiwan na kita.” Bahagya pang yumuko ang ulo nito bago umalis.

 Siya naman ay diretso na sa tapat ng pintuan ng kwarto ng prinsipe. “Mahal na prinsipe, puwede bang pumasok?!” malakas niyang sigaw sa tapat ng pinto, pero wala pa ring nagsasalita mula sa loob na puwede na siyang pumasok. Inulit niya ulit ang sinabi niya, pero wala talagang nagsalita, kaya naman sinubukan niya ng pihitin ang seradura ng pinto at hindi naman siya nabigo dahil hindi naman ito naka-lock. Napansin niya rin na halos lahat ng pintuan ng kwarto sa palasyo na ‘to ay hindi naka-lock, pero hindi rin basta-basta puwedeng pumasok kaagad.

 Dahan-dahan niyang tinulak ang pintuan, pero sa gawing higaan ang una niyang nakita at wala doon ang prinsipe. Sumilip siya sa pagitan ng pintuan at napansin niya si Prince Dylan sa isang mahabang sofa na nakahiga at may hawak na libro. “Wala siyang ginawa ngayon, kaya meron siyang oras para magbasa?” mahina niyang saad. Tuluyan na siyang pumasok sa loob dala-dala ang plastic na may laman na damit.

 Nilibot niya ang mata sa buong kwarto at hindi rin nalalayo sa itsura ng kwarto kung saan siya natulog, pero ang kwarto ng prinsipe ay walang masyadong gamit sa loob hindi katulad sa kabilang kwarto. Halos kulay pula ang nakikita niya mula sa kurtina hanggang sa kumot at unan nito. May isang shelf na puno ng libro sa isang gilid at isang maliit na lamesa sa tabi ng sofa kung saan nakahiga ngayon si Dylan.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 12)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.