Paglabas niya ng palasyo ay hihintayin na lang niya ang prinsipe sa bandang likuran dahil naroon ang lugar kung saan puwedeng magsanay at may mga iba’t-ibang armas na ginagamit sa pakikipaglaban at habang hinihintay niya ito ay lumapit siya sa mga armas na naroon.
Nakita niya ang isang espada at magaan niyang pinadaan ang kamay niya sa hawakan nito. “Hindi pa ako nakakahawak ng espada, pero gagamitin ko ito kung paano ko gamitin ang dalawang kahoy ko. Magka-iba ang anyo, pero na sa aking kamay ang lahat ng puwede nitong magawa kahit first time ko lang itong gagamitin.” Kinuha niya ito at inalis sa cover nito na isang manipis na stainless. Kuminang pa ito ng tumama ang sinag ng araw sa mismong talim ng espada. “Isang maling paggamit nito tiyak na kawawa ang kaharap ko lalo na yung parating. ” Lumipat ang tingin niya sa prinsipe na masama pa rin ang itsura ng mukha.
Huminto ito sa harap niya, pero sa ibang direksyon nakatingin. Ngumisi siya. “Masama pa rin ang loob mo, buhay ka pa naman bakit galit ka pa rin?”
Bigla itong tumingin sa kanya at lumakad, pero nilagpasan lang siya nito at pumunta sa kanyang likuran kung nasaan ang mga espada. Lumingon siya at nakitang kumuha rin ito ng espada na gagamitin.
“Marunong ka bang gumamit nito?” tanong ng prinsipe.
“Hindi,” maikli niyang sagot.
Nanlaki naman ang mata nito at tinuturo pa siya gamit ang daliri. “Paano mo ako tuturuan kung hindi ka rin pala marunong humawak ng espada? Mas mabuting si Heneral Agustin na lang ang magturo sa akin. ” Maglalakad na sana ito paalis, pero itinaas niya ang espada at saktong malapit sa leeg ng prinsipe huminto at kung tatangkain nitong gumalaw sigurado siyang magkukulay pula ang leeg nito.
Napalunok naman ang prinsipe sa ginawa ko. “Sige puntahan mo ang heneral, pero lumakad ka ng diretso ng hindi nasusugatan ang leeg mo ng espada ko,” seryoso niyang saad, pero hindi ito sumunod kaya lihim siyang napangisi at binaba na ang espada. “Umayos ka na at magsimula na tayo.” Lumakad siya ng ilang hakbang palayo sa prinsipe.
Samantala si Prince Dylan ay nakatayo pa rin at ang espada nitong hawak ay nakabaon sa lupa habang nakahawak ang kamay nito.
“Hindi siya marunong humawak ng espada, pero bakit ang bilis niyang kumilos habang hawak niya ito?” nalilitong tanong ng prinsipe sa sarili habang tinitingnan niya si Adira na naghihintay na sa paglapit niya para magsimulang sumugod sa kanya. “May alam ako kahit paano na ilang mga trick na natutunan ko kay Heneral Agustin, kaya tiyak akong unang araw pa lang ay ako na ang mananalo sa pagitan naming dalawa.” Napangiti siya at biglang tumakbo palapit kay Adira habang itinataas niya ang espada.
Nakatayo lang si Adira at hinihintay ang prinsipeng makalapit, pero wala pa rin itong ginagawang pagkilos gayong malapit na ang prinsipe.
“Wala ba siyang balak gumalaw?” sa isip ng prinsipe, pero nagulat na lang ito ng hinarang ni Adira ang espada sa unang paghampas ni Prince Dylan ng espada, kaya ngayon ay seryoso ang mata nilang nakatitig sa isa’t-isa habang ang mga espada ay nasa pagitan nilang dalawa.
Ngumisi si Adira na ikinagulat ng prinsipe dahil bigla niyang itinulak ang espada kaya nabitawan nito ang sa kanya. Bumuntong-hininga siya at tiningnan ang espada nitong nasa lupa. “Tsk, tsk,” habang umiiling ang ulo niya. “Ang hina mo naman, samantalang unang beses ko pa lang humawak ng espada, pero ikaw ay ilang beses ng nakahawak nito.”
“Masyado ka namang tiwala sa sarili mo!”
Tumingin siya sa kawalan. “Dahil kailangan, kung wala akong tiwala sa sarili ko hindi ko magagawa ang una ko pa lang sinubukan katulad ng paghawak ng espada. Nakita mo naman mas magaling pa akong humawak sayo at pinagtitibay ang paghawak rito, pero ikaw sa simpleng pagtulak lang ay nabitawan mo na ang pagkakahawak sa espada mo na hindi naman dapat mangyari. Isa ‘yon sa dapat mong matutunan dahil sa oras na tinulak o pinangharang mo ang espada mo at gumawa ng kakaibang kilos ang kalaban mo ay dapat kaya mo ulit itong ibalik at iharang dahil kung hindi mo kayang gawin ‘yon ay ikaw mismo ang magiging pananggalang ng sarili mong espada.”
Kinuha niya ang espada ng prinsipe at inabot ito pabalik, pero hindi nito kaagad kinuha. “Kuhanin mo na, hindi ibig sabihin na kinuha mo ang espada mo na ako ang nag-aabot ay talo ka na. Nagsisimula pa lang tayo.” Dahan-dahan naman nitong kinuha ang espada mula sa kamay niya.
“Sa tingin ko hindi mo na actual na pakikipaglaban ang kailangan mong matutunan, ang una ko munang ituturo sayo ay kung paano ito hawakan ng hindi mo mabibitawan lalo na kung malakas ang kalaban.”
Mukhang nagtataka ang prinsipe sa sinasabi niya. “Sabi mo kanina ay hindi ka marunong humawak ng espada, pero bakit ang una mong ituturo ay ang paghawak ng espada?”
Tumaas ang dalawang kilay niya at biglang kumunot ang noo. “Lahat ng hawakan ng isang tao ay iisa lang naman, kahoy, espada, pana o baril. Ang kamay mo ang magkokontrol ng lahat ng iyon, in short na sa iyong kamay ang magiging kahihinatnan mo sa pakikipaglaban sa paraan mo ng paghawak sa mga ito. May tamang disiplina dapat ang kamay mo dahil kung nakaramdam ka ng kaba sa dibdib mo at napunta ito sa iyong kamay ay sigurado ako na hindi mo magagamit ang hawak mo ng maayos.” Tumingin siya sa espada nitong hawak. “Katulad kanina galit ka sa akin ‘di ba, lahat ng galit at pagka-inis ay inilagay mo lahat sa kamay mo kaya ang naging resulta ay nabitawan mo ‘yan. Oo, puwedeng magamit ang mga ‘yon sa pakikipaglaban, pero huwag sanang kainin ng buo mong pagkatao ang mga damdamin na gusto mong ilabas, matuto kang kontrolin ang mga ‘yon at gamitin sa tamang paraan para hindi ito mauwi sa hindi magandang pangyayari na sigurado akong pagsisisihan mo sa huli.”
Sa mga sinabi ng binibini ay mas lalong napa-isip si Prince Dylan ngayon na parang ang dami alam ni Adira sa isang labanan.
“Anong trabaho mo?” Nagulat naman siya sa tanong nito.
“Bakit naisipan mo namang magtanong kung ano ang trabaho ko? Ito na ang trabaho ko ang ginagawa ko ngayon, ang turuan ka at binabayaran ako para do’n.”
“Pumapatay ka ba ng tao?” sunod nitong tanong sa kanya na kaagad namang nagbago ang ekspresyon ng mukha niya mula sa gulat na mukha na ngayon ay naging seryoso na.
“Depende.”
“Paanong depende?”
“Depende sa kausap ko, katulad mo.”
Tumawa si Adira ng nakakatakot at naglakad pabalik sa lagayan ng mga armas.
Napapikit naman ng madiin ang prinsipe. “Ang hirap niyang kausap hindi ko alam kung totoo o pinaglalaruan lang niya ang damdamin ko.” Sa huli ay sumunod na din ito sa binibini at pumunta na rin sa lagayan ng mga espada.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Ang taong madaming naranasan ay mahirap basahin dylan tunay yan salamat otor grabe ang dami nang uds nakakakilig