Napangiti naman ito na pinagtaka niya. “Sa tingin ko ay hindi mo ako kilala.”
“Hindi, at wala akong balak na kilalanin ka,” saad niya sa matapang na boses.
Napatango-tango ito. “Isa rin akong prinsipe kagaya ni Prince Dylan, ngunit sa ibang palasyo nga lang.”
Tinaasan niya ito ng isang kilay. “Prinsipe? Bakit ang ugali mo ay hindi pang isang prinsipe sa ginawa mo ngayon na panggugulo rito!?”
Tumingin ito sa likuran niya kaya napalingon din siya. Nakita niyang nakatayo na si Dylan, pero napansin niya na hirap nitong itapak ang kaliwang paa, bahagya kasi itong nakatingkayad. “Lampa talaga,” saad niya sa isip.
“Magkaibigan kami ni Prince Dylan, gano’n lang talaga kami bumati sa isa’t-isa. ” Ngumiti ito ng malaki at masasabi niya ding may ipagmamalaki ito lalo na sa mukha huwag na lang isama ang ugali.
“Sigurado kang kaibigan mo si Prince Dylan?”
“Oo.”
Napangisi siya at biglang nawala rin. “Sinong niloloko mo dito ang isang tulad ko? Puwes hindi mo ako malilinlang.” Nagulat naman siya ng bigla itong pumalakpak.
“Binibini..binibini, ako’y napapahanga mo ng tunay sa iyong mga sinasabi.”
Samantalang si Dylan ay nakakunot na ang noo habang nakatingin kay Prince Damon. “Adira hayaan mo na siya.”
Bumalik naman siya ng tingin sa prinsipe sa harap niya. “Kung ikaw ay kaya kong pagsalitaan ng hindi maganda, lalo na siguro sa prinsipe na ‘to!” May kalakasan niyang saad, pero biglang napakunot ang noo nito.
“Bakit ganyan kang magsalita sa harap ko? Dapat magbigay galang ka dahil isa akong prinsipe?”
Napatingin si Adira sa likuran niya at sa prinsipe na kaharap niya. “Parehas sila ni Dylan ginagamit ang pagiging prinsipe para katakutan.” Napa-iling na lang ang ulo niya at peke siyang ngumiti. “Wala akong pakialam kung ikaw pa ang hari ng palasyo mo.”
Nagtataka naman si Prince Damon sa binibining kausap niya ngayon. “Isang alipin ka ba dito sa Stalwart Castle, pero bakit kakaiba ang kasuotan mo?”
“Hindi.”
“Kung gano’n ano ang katungkulan mo sa kanilang palasyo?”
“Tagapagturo.”
Tumingin ito kay Dylan. “Nang ano?”
“Humawak ng espada,” nasabi niya na lang dahil hindi puwede na sabihin ang buong katotohanan sa prinsipe sa harap niya. Isa pa rin itong kahina-hinala sa kanyang paningin.
Bilib naman itong tumingin sa kanya. “Ikaw ang dahilan kung bakit may lakas ng loob na si Prince Dylan na humawak ng espada.” Napangisi ito, ngunit may naramdaman siyang may gagawin ito sa ginawa nitong pag-ayos sa pagkakahawak sa espada.
Pasimple lumakad palayo si Adira kay Dylan dahil nanatili lang ito sa likuran niya.
Hindi na siya nagulat ng lumusob ito papunta sa kanya na agad naman siyang naka-ilag, aaminin niyang mabilis itong kumilos dahil muntik ng mahagip ang pisngi niya.
“Mas may alam ang isang ‘to kumpara kay Dylan.”
Sa bilis nitong kumilos ay dumadaplis ang espada niya sa tuwing inihaharang niya ito, mabuti na nga lang at pinagana niya ang pakiramdam niya, kaya nalalaman niya kaagad kung saan magmumula ang susunod nitong pag-atake. Nakahanap si Adira ng pagkakataon, at mabilis niyang nasugatan ang kaliwa kamay ng prinsipe gamit ang dulo ng espada kung saan hawak nito iyon. Nabitawan nito ang espada dahil malalim ang nagawa niyang sugat sa kaliwang kamay nito.
Gulat itong tumingin sa kanya at ngumiti naman siya na labag sa kanyang kalooban. “Ikinagagalak kong makilala ka, Prince Damon.” Sabay ngisi at tinalikuran na niya ito. Nakita niya kasing nahihirapan na si Dylan sa pagtayo. “Okay ka lang?” tanong niya kay Dylan.
Halata sa mukha nito na nasasaktan sa pagtayo. May pagkakataon na natatapak na ni Dylan ang paa niya sa lupa. “Okay lang ako,” sagot nito.
Napabuntong-hininga na lang si Adira at inalalayan ito, pero bago ‘yon ay tumingin muna siya sa nakalaban niya na si Prince Damon.
“Kung tunay kang kaibigan, hindi mo gagawin ang ganito kay Prince Dylan kung alam mong mahina pa siya sa paggamit ng espada,” madiin ang bawat salitang binibigkas niya. “Hindi porke’t magaling ka sa isang bagay na mahina siya ay gagamitin muna ito para lang ipahiya siya, dahil lang sa mahina pa siya kung saan ka malakas.” Tiningnan niya ito ng masama, pero ngumiti lang ito.
“Mukhang nakakuha siya ng kakampi.” Mula sa nakangiting labi ay biglang sumeryoso ang mukha nito maging ang mata na parang ang daming itinatago. “Sa susunod na buwan sasapit na naman ang paligsahan at sinisiguro kong ako ang uuwing panalo dahil isa kang talunan Prince Dylan,” mabagal pero may diin ang mga katagang sinasabi nito.
Napayuko na lang si Dylan sa sinabi ni Prince Damon dahil lahat ng paligsahan ng mga prinsipe at magkakalaban ay siya ang laging talunan o hindi nakakakuha ng anumang gantimpala. Napansin ito ni Adira at matapang na tumingin kay Prince Damon.
“Sa susunod ay siya na ang makakakuha ng mataas na gantimpala at pinakamagaling sa sinasabi mong paligsahan.” Tumawa ito na parang kalokohan ang sinabi niya.
“Kung kaya na niyang humawak ng pana. Si Prince Dylan ay hindi bihasa sa paghawak man lang ng pana at kung paano bibitawan ang palaso, kaya lagi siyang talo sa taon-taong paligsahan ng mga prinsipe. ” Tumingin ito kay Dylan habang nakatalikod. “Hangga’t hindi ko nasasaksihan ang kanyang paggamit ng pana ng mahusay ay hindi ako maniniwalang mananalo siya ngayong taon.”
“Hintayin mo ang araw na ‘yon prinsipe,” madiin niyang saad at tuluyan ng inakay si Prince Dylan para pumasok na sa loob ng palasyo.
Habang inaakay ni Adira si Prince Dylan papasok ay napatingin si Prince Damon sa kanyang kaliwang kamay na may tumutulo pa ring dugo sa sobrang lalim ng sugat.
Pinakatitigan ni Prince Damon ang hawakan ng espada ay may bahid na rin ng dugo. “Unang pagkakataon na nasugatan ako, sa hindi ko pa kilala, at isang binibini pa.”
Pumunit si Prince Damon ng tela sa loob ng kanyang suot na damit dahil normal na kasuotan lang ang suot nito ngayon kaya may kahabaan ang tela hanggang paa, pero malaya pa ring nakagagalaw ang kanyang katawan. “Kailangan kong itago ang natamo kong sugat, baka magtaka si King Stephen kung saan ko ito nakuha gayong pumasok ako sa palasyo na wala ito bago ako pumunta kung nasaan si Prince Dylan.” Pigil hininga nitong binalutan ang kamay, at dahil nga malalim ang sugat ay mas masakit habang may dumadamping tela.
Ibinalik ni Prince Damon ang ginamit niyang espada at naglakad papasok muli ng palasyo.
Paglapit ni Prince Damon sa palasyo ay nakita nito sa bungad ng pinto si Prince Dylan at ang binibini na si Adira. Mukhang hindi na niya nakayanan ang bigat ng prinsipe, kaya sa bungad na lang huminto at pina-upo. Napansin ni Prince Damon na papunta ang hari sa puwesto nila kaya naman inayos niya ang kanyang sarili na parang walang nangyari.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Mayabang kasi porket may alam wag ganun bad yun boy