Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 24)

Paglabas ni Adira sa kwarto ni Prince Dylan ay hindi muna siya lumakad paalis.

“Magagawa ko ‘yon kung tutulungan mo rin ako,” bulong niya bago tuluyang umalis sa harap ng pintuan.

Habang naglalakad siya ay madadaan niya ang parte kung saan kumakain sila King Stephen. Bumagal ang paglalakad niya at huminto sandali sa pader na hindi siya makikita.

“Iparating mo sa iyong ama ang aking pasasalamat para sa prutas na dinala mo rito.” Dinig ni Adira na saad ni King Stephen.

 “Makakarating po sa kanya ang iyong pasasalamat, King Stephen.”

Hindi na nasundan pa ang pag-uusap ng dalawa. Naramdaman ni Adira na may parating, kaya nagkunwari siyang magdadaan lang ng oras na ‘yon. Lumabas sila King Stephen kasunod si Prince Damon.

Kumunot ang noo ng hari at nagtataka kung bakit naroon siya. “Adira, bakit narito ka? Sino ang kasama ng prinsipe sa kwarto niya?”

“Nagpapahinga na ang prinsipe kaya lumabas na ako.”

 “Nakakain na ba siya?”

 “Oo.”

Tumingin si King Stephen kay Prince Damon. “Kung ganon ay hindi na pala makakapagpa-alam si Prince Damon kay Prince Dylan. May hihingin akong pabor sayo Adira. Maaari bang ihatid mo si Prince Damon hanggang sa bukana ng pinto ng palasyo.”

Lumipat ang tingin niya kay Prince Damon na nakatitig lang sa kanya. “Puwede naman.”

Tinapik ni King Stephen ang balikat ng prinsipe. “Hanggang sa muli nating pagkikita. Hindi na kita mahahatid dahil medyo sumama ang pakiramdam ko ngayon.”

Nakita niya na bahagyang nagkaroon ng emosyon sa mukha si Prince Damon. “Kailangan bang pabalikin ang inyong manggagamot?”

Umiling ang hari. “Hindi na. Kailangan ko lang magpahinga. Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay pabalik ng Valiant Castle.” Lumipat ang tingin sa kanya ni King Stephen at niyuko ang ulo na ang ibig sabihin ay gawin niya na ang sinabi nito saka ito lumakad paalis papunta sa kanyang kwarto.

“Halika na prinsipe ng maka-uwi ka na sa inyo,” saad niya at agad na lumakad at hindi na ito hinintay.

Sumunod naman agad si Prince Damon. Si Adira ay na sa unahan at na sa likuran lang niya ang prinsipe. Huminto si Adira sa tabi ng pintuan at hinintay na lang si Prince Damon.

Hindi ito lumakad palabas ng palasyo, bagkus ay huminto si Prince Damon sa tabi ni Adira na lubhang pinagtaka niya.

“Puwede ka ng umalis,” walang ganang saad niya.

Napangiti ito. “Gano’n na lang ba ang galit mo sa akin at ganito mo na lang ako paalisin na parang hindi ako isang mahalagang bisita.”

Napabuntong-hininga siya. “Heto na naman siya,” bulong niya.

Bigla itong nagsalita. “Sa palagay ko ay hindi makakasali ngayong taon si Prince Dylan sa paligsahan.”

Humalukipkip siya. “Bakit mo naman nasabi na hindi siya makakasali?”

 “Dahil sa pilay niya. Aabutin na siya ng araw ng paligsahan bago siya gumaling.”

Napangisi siya at pina-ikot ang dila sa loob ng bibig niya. “Huwag kang masyadong matakot. Darating siya sa araw na ‘yon at sinisigurado ko na siya ang mag-uuwi ng pinakamalaking gantimpala para sa isang prinsipe.”

Tumawa ito na pinagtaka niya. “Malabo iyon binibini dahil ang armas na pinaka-gamay kong gamitin ay pana at palaso. Mahusay rin naman akong gumamit ng espada, pero mas magaling ako pag hawak ko ang pana.”

“Wala akong paki-alam kung magaling ka do’n,” saad niya ng walang ka inte-interes sa sinabi nito.

Umigting ang panga nito sa sinabi niya. “Masakit kang magsalita binibini. Hindi mo ako kalaban rito.”

Naningkit ang mata niya, pero nanatiling nakaharap sa labas. “Ang tanong nagsasabi ka ba ng totoo ngayon?” Lumingon siya sa prinsipe at nakitang bahagyang nagpakita sa mukha nito ang pagkabalisa. “Lahat ba ng lumalabas na salita sa bibig mo ay totoo? “ Tinaas pa niya ang dalawang kilay niya habang naghihintay sa sagot nito.

Tumingin ito sa kanya at dahan-dahan na umalog ang balikat nito dahil sa mahinang pagtawa. Kumunot naman ang noo niya.

“Ikaw ang tatanungin ko binibini. Nagsasabi nga ba ako ng totoo o nagpapanggap lang sa harap mo?” Walang buhay ang mata nito na tumingin sa kanya habang sinasabi ang salitang ‘yon.

Habang walang bumibitaw sa kanilang pagtititigan ay napa-isip siya. “Hindi ko alam kung nagsasabi siya ng totoo dahil ang hirap niyang basahin. Nag-iiba ang mga pinapakita niyang ekspresyon sa mukha. Mas lalong nalilinlang ang mga katulad ko pag gano’n ang ginamit ng mga taong may tinatago. Ang lungkot ay natatago sa pagngiti ng isang tao, puwede rin na maganda ang pinapakita niya sa akin ngayon, pero baka sa likod nito ay hindi. Mas lalo akong mahihirapan kung magbabase ako sa pinapakita niya.”

Nagulat siya ng may biglang pumisil sa pisngi niya, kaya tiningnan niya ito habang nanlalaki ang mata. “Huwag kang masyadong mag-isip binibini baka mawala ang ganda mo. Huwag mo ding ibaling ang atensyon mo sa akin dahil baka malingat ka lang sandali ay may pagtingin ka na sa akin dahil na sa akin lang ang atensyon mo.” Ngumiti ito ng malaki saka binitawan ang pisngi niya. Napahawak naman siya sa pisngi sa sobrang sakit ng pagkakapisil nito.

 “Aalis na ako. Sa susunod muli nating pagkikita. “ Tinapik pa nito ang pisngi niya ng mahina at tuluyan ng umalis.

Halos magkaroon na ng linya sa noo niya sa sobrang pagkunot. “Anong akala niya magugustuhan ko siya?” Napa-iling na lang siya at lumakad na papunta sa kanyang kwarto.

Pagpasok niya pa lang ay agad niyang hinila ang bag niya sa ilalim ng higaan. Binuksan niya ito at kinuha ang dalawang kahoy na lagi niyang dala-dala sa kanyang bansa sa tuwing may kailangan siyang bigyan ng leksyon sa mundo ng mga gangster. Hinanda niya na rin ang dalawa niyang gloves na itim dahil sa tingin niya ay magagamit na niya ang mga ito sa susunod na mga araw lalo pa’t may nararamdaman siyang hindi maganda sa paligid maging sa prinsipe ng ibang palasyo.

“Paano ko sisimulan ang pagsisiyasat sa buong palasyo kung may ibang misyon pa ako sa prinsipe? Sigurado akong maghihinala siya sa kinikilos ko pag gumalaw ako ng hindi ko naman dapat puntahan sa parte ng palasyo.” Makikita sa mukha ni Adira ang hirap dahil sa mahihirapan talaga siyang kumilos. Napabuntong-hininga siya at napa-upo. “Magagawa ko lang siguro ang mga ‘yon sa tuwing na sa ibang parte ng palasyo si Dylan. Doon ay malaya akong makikita ang mga tao at mga gamit. Sa ngayon ay kailangan ko munang mag-isip at planuhin ang lahat ng magiging hakbang ko dahil mas mahirap gumalaw sa hindi ko bansa.” Humiga na lang siya at pumikit.

Samantala sa isang masukal na kagubatan ay may dalawang tao na magkaharap. Isang babae at isang tao na hindi makita ang mukha dahil nakatago sa isang itim na damit na hanggang paa ang haba maging ang manggas ay hanggang sa palad. May suklob rin ang mga ito ulo. “Nagawa mo na ba ang pinag-uutos ko sa’yo?” saad ng misteryosong tao sa babae.

“Nagawa ko na ang pinag-uutos mo at tiyak ko rin na nabasa na rin niya ang iyong sulat,” sagot ng babae.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 24)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.