Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 26)

Dahan-dahan namang tumango si Heneral Agustin. “Kung ‘yon ang kailangan gawin kahit walang utos mula sa hari ay magtatalaga ako ng mga kawal sa bawat puwedeng pasukan ng tao.”

“Mabuti kung ganon, pero kailangan ko munang bumalik sa kwarto ng prinsipe dahil lumabas ako ng hindi nagpapaalam. Tiyak akong nagulat siya sa ginawa ko.” Lumakad na siya pabalik sa loob papunta sa kwarto ng prinsipe. Habang naglalakad siya pabalik sa kwarto ay napahinto siya. “May kawal pala sa labas mismo ng gate, pero bakit hindi nila alam kung sino ang naglalagay ng sulat sa mismong tabi ng tarangkahan ng palasyo?” Napa-iling siya, saka na lang niya iisipin ang nangyari ngayon dahil kailangan niya munang bantayan si Dylan.

Pumasok siya sa loob ng kwarto at nakita niya na nakatingin lang si Dylan sa beranda at sa kurtina na sinasayaw ng hangin. Napalingon ito sa kanya at napakunot ang noo. “Anong nangyari at nagmamadali kang lumabas?”

Naglikot na ang mga mata niya sa tanong nito. “May ginawa lang ako sa labas.”

“Ano naman? Nakapagtataka ang bilis mo namang natapos nandito ka na agad?”

Si Prince Dylan ay naghihintay na sa magiging sagot ni Adira, kaya naman ang mga mata nito ay unti-unting sumisingkit habang nakatingin kay Adira.

“Nagsisinungaling ka ba sa akin?”

Mabilis siyang napatingin kay Dylan. “A-ano bang sinasabi mo diyan?”

“Bakit pakiramdam ko may tinatago ka sa akin?”

Napalunok siya, pero agad rin naka-isip ng palusot. “Sinilong ko lang yung mga sinampay ko.”

“Sinampay? Ano yon?”

Napakunot naman ang noo niya dahil hindi nito alam ang salita na ‘yon. “Ang ibig sabihin, kinuha ko yung mga damit ko na nasa gitna ng init ng araw para matuyo dahil naglaba ako ng damit kanina.”

“Talaga?” Pumaling pa ang ulo nito.

Napabuntong-hininga naman siya sa labis na kaba na una niyang naramdaman sa tagal niya ng gumagawa ng ganito. “Bakit ang hirap magsinungaling sa prinsipe? Misyon naman ito at kailangan ko talagang maging matalino, pero bakit sa kanya ay wala akong maisip na palusot kaagad. Ang weird?” saad niya sa isip.

“Kung ganon puwede ka ng lumabas.”

“Dito na lang ako baka mahulog ka na naman sa higaan at magulat na naman ang mga kawal sa sigaw mo,” saad niya habang papunta sa sofa. Hindi na lang ito sumagot dahil hindi din naman ito mananalo sa kanya.

Samantala, nakarating na si Prince Damon sa Valiant Castle, ang palasyo ng kanyang ama. Agad siyang pumasok sa loob at nakita niya ang kanyang ama sa beranda ng palasyo na nakatingin sa malayo. Lumapit siya rito at pina-alam na dumating na siya. “Narito na po ako, ama.”

Dahan-dahan itong lumingon sa kanya at ngumiti. “Mabuti at nakabalik kang ligtas, Prince Damon. “

“Ako’y nagpapasalamat rin ama na walang mga bandido na humarang sa akin sa daan.”

Tumango-tango ang kanyang ama na si King Cyrus. “Kumusta ang aking kaibigan na si King Stepehen. Maayos ba ang kalagayan niya maging ang kanyang anak na si Prince Dylan?”

Napangiti naman si Prince Damon. “Mabuti naman ang kanilang kalagayan at wala silang mga sakit. Ang pinadala mo na prutas ay binigay ko na rin kay King Stephen.”

“Mabuti kung ganon. Sa isang araw ay susubukan kong dumalaw sa palasyo ng Stalwart Castle at magkaroon naman kami ni King Stephen ng oras para mag-usap habang umiinom ng alak.” Napabaling ang tingin ni King Cyrus sa kamay ni Prince Damon na nakabalot. “Anong nangyari sa kamay mo?”

Itinaas naman ito ni Prince Damon. Tiningnan niya ito at biglang napangiti. “Nakuha ko lang ito ama habang sumasakay ako sa kabayo. Nagpumiglas kasi kaya nakuha ko ito sa bakal na manipis na sinusuportahan ang upuan sa ibabaw ng kabayo. Mahigpit siguro ang pagkakalagay ng kawal kaya nairita.”

“Sa susunod ay tingnan mong mabuti bago ka umalis ng hindi ka nakakakuha ng anumang sugat sa katawan. Hindi mo alam na baka habang nakasakay ka sa kabayo ay magpumiglas muli ito at mahulog ka.”

Ngumiti siya. “Sa susunod ama ay magdodoble ingat na ako.”

“Sa tingin ko ay tapos ng maghanda ng pagkain ang mga katulong. Halika na at sumalo sa akin sa hapag kainan.” Lumakad na ito at sinundan lang ng tingin ni Prince Damon si King Cyrus bago itinaas muli ang kamay niya na may sugat. Kung kanina ay nakangiti pa siya habang kausap ang kanyang ama. Ngayon ay biglang sumeryoso at matapang na nakatingin sa kamay niya habang dahan-dahan na ginagalaw ito. Ibinaba niya ito at lumakad papunta sa hapag-kainan.

Samantala si Adira ay nanatili nga sa kwarto ni Prince Dylan, pero nakatulog siya sa sofa habang nagbabasa si Dylan ng libro.

Napalingon ang prinsipe kay Adira dahil tumahimik na sa paligid. Nakita niya na mahimbing na itong natutulog habang ang puwesto nito ay nakatagilid at nakaharap sa higaan niya. “Pumunta lang ata siya dito para makitulog sa kwarto ko.” Bahagya siyang napangiti, pero nawala rin kaagad ng makaramdam siya ng sakit sa kanyang tiyan. Hinawakan niya ito at hinintay kung sasakit pa itong muli, pero mukhang kailangan niyang gumamit ng banyo dahil hindi na biro ang pagsakit ng tiyan niya. “Paano ako makakapunta ng banyo agad? Ang mga paa ko.”

Madali lang naman makapunta sa banyo dahil may sariling banyo ang silid ang prinsipe. Hindi nga lang ito halata dahil kakulay ng pader ang pintuan nito at wala ding bukasan kaya hindi pansinin. Tinutulak lang ang pinto nito para makapasok sa loob.

Sumakit muli ang tiyan niya na mas matindi kaya wala na siyang ibang pagpipilian kung hindi ang gisingin si Adira. “Adira! “ tawag niya habang nakahawak sa tiyan dahil namimilipit na siya sa sakit. “Adira!!” mas malakas pa niyang sigaw.

Habang nakapikit ay kumunot ang noo ni Adira sa boses na tumatawag sa kanya. Dahan-dahan na idinilat niya ang mga mata. “Bakit?” inis niyang saad.

“Puwede bang alalayan mo ako papunta ng banyo?”

Tiningnan niya ito na parang nanghuhusga. “Anong akala mo sa akin may super power para alalayan ka palabas ng kwarto mo?”

“May banyo ako dito sa loob, kaya sige na bumangon ka na diyan at tulungan mo na ako dahil sobrang sakit na ng tiyan ko!” Napapikit na nga ang prinsipe sa sakit.

Tumayo naman siya at lumapit sa higaan, pero inilibot muna niya ang mga mata niya sa paligid. Hinawakan niya na ang braso nito na bahagya nitong kinagulat. Dahan-dahan naman niya itong inalalayan tumayo. “Nasaan ang banyo mo dito wala naman akong makitang pinto?” tanong niya.

Tinuro naman ni Dylan ang puwesto kung nasaan ang pinto ng banyo. Nagtataka man ay inalalayan na lang niya ito sa paglalakad at huminto sa harap ng pader. “Kung biro ito hindi nakakatuwa mahal na prinsipe.” Pinaningkitan niya ito ng mata.

Ngumisi lang si Dylan at tinulak ang pader na agad naman itong nagbukas. Napapikit naman siya ng ilang beses sa nakita. “Sabi ko naman sayo meron. Pumasok na tayo at puwede mo na akong iwan sa loob.”

“Talaga? Anong akala mo? Babantayan kita hanggang sa loob. Maamoy ko pa ‘yang ilalabas mo.”

Pinisil naman nito ng madiin ang pisngi niya dahil sa pinipigilan nitong inis. “Isa kang binibini. Bakit ganyan ka kung magsalita?” Mas lalo pa nitong diniinan ang pagkakapisil sa pisngi niya.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 26)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.