Napatigil siya sa paglalakad. “Teka!” Lumingon siya kung saan sila nagsalubong nila King Stephen. “Ibig sabihin nakaharap ko ang “The King of Sword” na sinasabi ng heneral?” Napapikit siya at muling naglakad. “Sa sobrang bigla ko sa nakilala ko ay hindi ko na naalala ang kwento sa akin ni Heneral Agustin. “ Napailing siya at tuluyan ng nakapasok ng kusina.
Samantala sa labas ay na sa tabi na ng sasakyan sila Queen Alice at handa ng umalis. Nakatayo lang silang lahat at nakatingin sa mag-ama na si King Stephen at Prince Dylan.
“Kami ay aalis na, King Stephen,” paalam ni King Felip.
“Nawa’y maging maganda ang inyong paglalakbay,” nakangiting sambit ni King Stephen.
Pumasok na sa loob ng sasakyan sina King Felip at Queen Alice. Naiwan naman si Prince Franco na nakatayo pa din at nakaharap sa mag-ama. “Nagagalak ako King Stephen na nasa mabuti kayong kalagayan ngayong nagkita na tayong muli. Sa muli nating pagkikita, King Stephen.” Lumipat ang tingin nito kay Prince Dylan. “At sayo din Prince Dylan, pero hindi rin magtatagal ang pagkikita natin dahil bukas ay dadalo ako sa paligsahan ng pag-gamit ng pana at palaso.” Yumuko ito sa harap ng hari at tuluyan ng pumasok sa loob ng sasakyan at umalis.
Habang si Prince Dylan naman ay tila hindi nagustuhan ang sinabi ni Prince Franco sa pagdalo bukas.
Lumipas ang gabi at dumating na ang araw ng pagkikita-kita muli ng mga prinsipe para sa patimpalak o paligsahan sa pag-gamit ng pana at palaso. Kinakabahan man ay nasasabik na si Prince Dylan na pumunta sa lugar ng pagdadausan ng paligsahan, pero kung ang prinsipe ay maaliwalas ang mukha, si Adira ay hindi. Kunot na kunot ang noo niya at mukhang inis na inis.
Tumingin ang prinsipe kay Adira at tila nagtataka sa itsura niya.
“Bakit hindi ka ata natutuwa ngayon, binibini?”
Isang masamang tingin ang binigay niya dito. “Hindi talaga ako natutuwa, lalo na sayo!”
Ilang beses naman napapikit ang mata nito sa sinabi niya. “Ano na namang ginawa ko sayo?”
Napapikit siya ng madiin. “Sinong matutuwa sa suot ko ngayon.”
Tumingin ito sa suot niya at napangiti. “Hindi mo ba nagustuhan? Simple lang naman ang suot mo ngayon. Bakit ka nagrereklamo?”
Nanlaki naman ang mata niya. “Anong simple! “ Gigil na saad niya. “Para sa akin ay hindi ito simple dahil mukhang pang maharlika ang damit na ‘to. Sinabi ko naman sayo na ayokong suotin ang damit ng reyna!”
“Bakit ba ayaw mong suotin ‘yan? Isa kang binibini kaya ang dapat mong sinusuot ay ang katulad ng suot mo ngayon.”
“Mas gusto kong suotin ay yung makakagalaw ako ng maayos.”
Napakunot naman ang noo nito. “Hindi na nga isang bestida ang suot mo ngayon. Paanong hindi ka makagagalaw ng maayos?”
“Nakita mo ba ang mga suot ko na dala ko dito sa bansa mo? Iyon ang damit na maayos para sa akin.” Napailing na lang ang prinsipe sa pagrereklamo niya.
Ang suot kasi ni Adira ay isang makapal na long sleeves na kulay itim na may mga butones sa harap. Ang pants naman niya ay hindi naman masyadong masikip na ang kulay ay puti, ang sapin naman niya sa paa ay isang boots na hanggang tuhod. Hindi rin mawawala ang gloves na itim na suot niya lagi at ang nakatirintas niyang buhok na hanggang bewang.
“Halika na dahil baka mahuli na tayo sa pupuntahan natin,” aya nito sa kanya.
“Saan ako sasakay?”
“Sa kabayo.”
“Hindi ako marunong sumakay sa kabayo.”
“Ang tapang mong tingnan, pero hindi mo alam kung paano sumakay ng kabayo?”
Nanlilisik naman ang mata niya na tumingin kay Dylan. “Motorbike ang gamit ko sa bansa ko at walang kabayo do’n, kaya huwag mo kong umpisahan mahal na prinsipe.”
“Galit na naman siya,” bulong nito habang nakatingin sa ibang direksyon. Tumingin ulit ito kay Adira. “Puwedeng sa iisang kabayo na lang tayo sumakay para hindi ka na mahirapan.”
“Alam ko ay may kotse kayo. Nasaan na?”
“Pasensya na binibini gagamitin ni ama ang sasakyan dahil mayroon siyang pupuntahan. “
“Isa lang ba ang sasakyan niyo?”
Tumango naman ito. “Kaya halika na.”
Naiirita man ay lumapit na siya sa kabayo. “Tumapak ka dito.” Tinuro naman ng prinsipe ang tapakan na nasa gawing tiyan ng kabayo.
“Tapos?”
“Umangat ka ano pa ba ang dapat na kasunod?”
Blankong tumingin naman siya kay Dylan. “Kanina ka pa Dylan. Alam mong hindi ko alam ang gagawin tapos hahayaan mo ako!”
“Iyon naman talaga ang susunod na gagawin.”
“Mukhang sarkastiko kasi ang pagkakasabi mo. Humanda ka talaga sa akin sa oras na mag-ensayo ulit tayo. Pahihirapan talaga kita.” Sinubukan niya na umangat at sumampa sa kabayo. Nagawa naman niya ito.
Sa isip ng prinsipe, “Hindi ba puwedeng ako muna ang masunod ngayon dahil ako ang may mas alam sa pagsakay sa kabayo.”
Sumampa na din si Prince Dylan sa kabayo at na sa likuran siya ni Adira na tahimik lang na nakatingin sa harap. Pero ng subukan ng hilahin ni Prince Dylan ang tali na nakakabit sa kabayo ay nagulat si Adira at napahawak sa kamay mismo ni Prince Dylan.
“Ano ba!” gigil niyang sigaw.
“Bakit na naman ba?”
“Puwede bang dahan-dahan, baka malaglag ako!”
Napangiti naman ang prinsipe ng malaki. Hindi naman ito nakikita ni Adira kaya okay lang na ngumiti siya. “Humawak ka na lang sa tali o kaya sa kamay ko mismo. Huwag kang bibitaw dahil baka hindi kita masalo.”
Hindi na nagsalita pa si Adira at hinawakan na ang tali at hindi ang kamay ng prinsipe.
“Ihanda mo na ulit ang sarili mo dahil palalakarin ko na ang kabayo,” paalala ni Dylan sa kanya.
Mabagal lang ang paglalakad ng kabayo nila Prince Dylan. May apat naman na kawal na kasama nila na nasa harapan at sa likuran na nakasakay din sa kabayo.
“Anong oras ang umpisa ng paligsahan?” tanong ni Adira.
“Alas-nuebe ay dapat naroon na ang lahat ng prinsipe.”
“Hindi ko alam kung anong oras na ngayon.”
Tumingin si Dylan sa lupa at sa anino nila. “Nasa alas-otso na ng umaga ngayon.”
Nagtaka naman siya sa pag sagot nito. “Paano mo nalaman wala ka namang relo na suot?”
“Sa sinag ng araw.”
“Huh?”
“Huwag ng maraming tanong binibini.”
“Malapit na ba tayo sa pupuntahan natin?”
“Malayo pa.”
Lumingon siya kay Dylan, kaya kalahati ng mukha nito ang nakikita niya. “Paano tayo makakarating doon kung ang bagal ng kabayo mo? Para lang tayong namamasyal.”
“Gano’n ba ang nararamdaman mo, para lang tayong namamasyal?”
“Oo.”
Hinigpitan nito ang hawak sa tali. “Gawin nating parang karera sa pagtakbo ng kabayo. “
Walang pasabi na hinampas ni Prince Dylan ang kabayo gamit ang hawak niyang manipis na kahoy, ang dulo nito ay may bagay na may katigasan katulad ng gulong, kaya naman sumunod agad ang kabayo at tumakbo ng mabilis. Si Adira ang hindi nakapag-handa sa ginawa ni Prince Dylan kaya naman napayakap siya sa isang braso nito. Maliit naman na napangiti si Prince Dylan. Ang isang kamay ng prinsipe ay nakasuporta na ngayon sa bewang ni Adira at ang isang kamay ay na sa tali. Mas bumilis pa ang takbo ng kabayo at mas lalong dumiin ang pagkakapikit ni Adira habang nakayakap sa braso ni Prince Dylan. Sa sobrang kaba ay hindi na niya napansin ang isang kamay ng prinsipe na nakayakap sa bewang niya.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Jusko mga hokage moves mo Dylan hahaha