Halos lumubog na ang araw ng nakauwi na sila Adira sa palasyo. Makikita din sa mga mukha nila ang pagod sa paglalakbay pauwi.
Nang pumasok na sila sa tarangkahan ng palasyo ay sinalubong kaagad sila ni Heneral Agustin.
“Mabuti at nakauwi na kayo bago pa lumubog ang araw. Bakit natagalan ata kayo sa pag-uwi? Ang alam ko ay mga alas-dos lang ng hapon ay tapos na ang paligsahan.”
Bumaba na si Dylan maging si Adira sa kabayo. “May nakasalubong kaming mga misteryosong lalaki at hindi kami pinadaan sa malapit na daanan pauwi, kaya inabot na kami ng ganitong oras,” paliwanag ni Dylan.
“Sigurado gutom na kayo. Halina kayo sa loob.” Lalakad na sana papasok ng palasyo si Heneral Agustin ng humarap ito muli sa dalawa. “Ano nga pala ang nangyari sa paligsahan?”
Tumingin si Dylan kay Adira at dahan-dahan na umaangat ang labi nito dahil sa pag ngiti. “Hindi ka maniniwala, heneral. Ako ang nanalo sa paligsahan!” Tuwang-tuwa si Dylan na nagkwento kay Heneral Agustin habang na sa labas pa sila ng palasyo.
“Ako ay natutuwa sa sinabi mo, mahal na prinsipe. Isa itong tagumpay para sayo, matutuwa ang mahal na hari pag nalaman iyon. Ngunit halina kayo sa loob dahil tuluyan ng lumubog ang araw.”
Samantalang si Adira ay parang pagod na pagod na lumakad papasok na napansin naman kaagad ni Prince Dylan dahil magkalapit lang silang dalawa.
“Adira okay ka lang?”
Napapikit pa ng ilang beses ang mata niya bago sumagot. “Oo okay lang ako. Nakakapagod pala kahit nakasakay at nakaupo lang sa kabayo. Inaantok na din ako.” Napahikab pa siya.
“Kumain muna tayo bago ka matulog. Mas mabuting may laman ang tiyan mo.”
Tumango lang siya at sinamahan ito papunta sa parte ng palasyo kung saan sila kumakain. Ang mag-ama ay masayang nagkukwentuhan sa naganap na pagkapanalo ni Dylan. Si Adira ay nagpatuloy lang sa pagkain dahil gusto na talaga niyang magpahinga na at matulog.
Nang natapos na silang lahat kumain ay diretso lang si Adira sa kwarto niya. Hindi na din siya nagpalit pa ng damit sa sobrang pagod.
Parang ilang oras lang ang dumaan at umaga na naman. Si Adira na hindi pa din nagigising at tulog na tulog pa ng may nagsalita sa labas ng kwarto niya, pero hindi pa din nagising ang binibini.
Samantala sa labas ng kwarto ni Adira ay nandoon si Prince Dylan habang naghihintay na pagbuksan siya ni Adira.
“Tulog pa kaya ang binibini?” tanong ng prinsipe sa kanyang sarili. “Adira!” nilakasan pa niya ang pagtawag pero wala pa din talagang nagbubukas ng pinto kaya naman pumasok na si Prince Dylan sa loob. Nakita niyang natutulog pa si Adira at wala na din sa ayos ang pagkakahiga nito dahil malapit na itong malaglag sa higaan.
“Mukhang pagod na pagod talaga siya kahapon. Hindi na din niya nagawa pang magpalit ng damit.” Lumapit siya sa binibini para makita ng malinaw ang mukha nito. “Ang amo ng mukha niya. Ang tapang niya nga lang pag gising, kaya mahirap titigan ang mukha niya dahil laging galit at nakataas ang isang kilay.” Napangiti naman ang prinsipe habang nakayuko at dahan-dahan na inayos ang buhok nito na napunta na sa mukha. Wala na din sa ayos ang pagkakatirintas ng buhok ng binibini, kaya ang iba ay nasa mukha na.
Ang likod ng kamay ni Prince Dylan ay dinadampi niya sa pisngi ni Adira sa talukap ng mata, ilong, at sa labi. Natigilan siya saglit, pero bahagyang nagulat ng dumilat si Adira. Mulat na mulat ang mata nito na nakatingin kay Prince Dylan, kaya kinakabahan siya. Ilang segundo lang ay dahan-dahan na pumikit muli ang mga mata ni Adira. Napabuga ng hangin si Prince Dylan dahil hindi siya nahuli, kung hindi ay marami na naman itong sasabihin. Nang napansin na niyang pantay na ulit ang paghinga ni Adira na ibig sabihin ay malalim na ulit ang tulog nito ay inayos na niya ang pagkakahiga ng binibini. Ang ilang hibla na naiwan pa sa mukha nito ay dahan-dahan ding nilagay ni Prince Dylan sa likod ng tenga ni Adira. Ang sapatos nitong suot ay unti-unti din niyang inaalis para komportable itong matulog at pagkatapos ay inilagay niya ang blanket hanggang sa leeg ni Adira. Malamig ang panahon kaya mahimbing ang tulog nito.
“Matulog ka muna ng mahimbing dahil pagkagising mo ay sigurado akong masama na naman ang timpla mo sa akin,” bulong niya at lumakad na paalis ng kwarto.
Pupunta na sana ang prinsipe sa kanyang silid ng napansin niya ang kanyang ama na naglalakad at mukhang palabas ng palasyo. Hindi niya na natuloy ang pagpasok niya sa kwarto dahil sinundan niya ang kanyang ama na ngayon ay nakatayo na sa bungad ng pintuan ng palasyo at may kausap ito.
Humarap ang kausap ni King Stephen sa gawi ni Prince Dylan at napagtanto ng prinsipe na ito ang ama ni Prince Damon, si King Cyrus. Ngumiti siya at yumuko dahil malayo sila sa kanya. Ang kanyang ama kasi ay hindi pa siya napapansin. Nang napansin ni King Stephen na nakatingin si King Cyrus sa ibang direksyon ay napalingon na din ito.
“Prince Dylan, bakit nandiyan ka? Halika at bumati ka kay King Cyrus,” saad ng kanyang ama.
Lumapit siya at yumuko kay King Cyrus. “Magandang umaga, King Cyrus.”
Ngumiti naman si King Cyrus at tinapik ang balikat niya. “Magandang umaga din sayo, Prince Dylan.”
“Kasama niya si Prince Damon, na sa labas siya ng palasyo. Maaari kayong mag-usap at kumustahin ang isa’t-isa,” biglang saad ng kanyang ama na hindi niya nagustuhan.
“Mas mabuti iyon Prince Dylan. Mag-usap kayo ni Prince Damon at kami ng iyong ama ay ganon din,” nakangiti namang sang-ayon ni King Cyrus.
“Kung ‘yon ang gusto niyo ay lalabas na ako. Maiwan ko na kayong dalawa ni ama. ” Yumuko lang siya at naglakad na papunta sa labas habang ang mukha niya ay nalukot na dahil ayaw niyang kausapin si Prince Damon, kaya sa likod na lang siya ng palasyo pumunta at magsanay muli ng iba’t-ibang armas na nandoon.
Habang pumipili siya ng gagamitin ay may nagsalita. “Prince Dylan.”
Napalingon siya at nakita niya si Prince Damon na nasa likod niya ilang hakbang ang layo. Ang mga kamay na nasa likod nito at ang mga mata ay nakatitig lang sa kanya.
“Bakit?”
Lumakad ito at lumapit din sa mga armas. “Hindi kita na bati kahapon, kaya binabati kita sa iyong pagkapanalo at ikaw ang tinanghal na pinakamahusay ngayong taon,” sa tono ng pananalita ni Prince Damon ay mukhang sinsero naman ito sa pag-bati.
“Maraming salamat.” Handa na sana siyang kumuha ng armas ng magsalita muli si Prince Damon.
“Ngunit hindi nagtatapos ang lahat sa pagkapanalo mo kahapon, Prince Dylan.”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Arte mo talaga Damon pasalamat ka love ko ang name na Dylan Damon hahaha🤣🤣🤣