Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 46)

Nang na ayos na ni Adira ang higaan niya ay tumingin muli siya kay Prince Dylan.

“Wala ka bang balak lumabas? Baka hinahanap ka na ni King Stephen dahil may bisita kayo ngayon.” Sumandal lang sa pader si Dylan. “At saka baka mamaya paghinalaan pa tayong dalawa dito. Alalahanin mo kwarto ito ng babae at isa kang prinsipe. “

Ilang saglit pa nga lang ay may tumatawag na sa labas, si Heneral Agustin. “Binibini, nakita mo ba ang prinsipe!” sigaw nito mula sa labas ng pintuan ng kwarto.

Mabilis naman siyang lumapit sa pintuan at tiningnan si Dylan na parang balewala lang sa prinsipe na makita siya dito ni Heneral Agustin.

Binuksan niya ang pinto at sumilip lang sa siwang. “Hindi mo ba siya nakita, heneral?” tanong niya.

“Kanina ko pa nga hinahanap, pero kahit saang parte ng palasyo ay wala siya. Paalis na sila King Cyrus gusto sana ni King Stephen na makapagpaalam siya.”

Lumikot ang mga mata niya. “Tutulong na din ako sa paghahanap at pag nakita ko siya ay papupuntahin ko kaagad kung nasaan sila King Stephen.”

“Mabuti pa nga kung ganon. Maiwan na kita dito, pasensya na sa abala.” Bahagya pa itong yumuko bago umalis ng tuluyan.

Nang isinarado na niya ang pinto ay saka niya lang inilabas ang lahat ng hangin na kanina pa niya pinipigilan habang kausap niya si Heneral Agustin. Tumingin siya sa prinsipe at nakatingin lang din ito sa kanya.

“Lumabas ka na aalis na daw sila King Cyrus.”

“Puwede bang huwag na lang lumabas ng kwarto mo?”

Lumapit siya sa dito at hinila ang kamay nito. “Hindi puwede, kaya bilisan mo ng lumabas at baka malaman pa ni Heneral Agustin na nandito ka lang.” Sa paghila niya sa kamay nito ay nagpapabigat naman ito kaya na sa isang puwesto lang sila at hindi umuusad.

Masama niyang tiningnan ang prinsipe. “Bilisan mo na!”

Sa huli ay nagpahila na lang ito, at ng buksan niya ang pinto ay nakatayo si Heneral Agustin habang nakaharap sa kanila ngayon.

Pumaling ang ulo nito na tila nahuli sila. “Kaya pala ang hirap hanapin ng prinsipe ay nandito lang siya. Bakit hindi mo agad sinabi binibini?” May maliit pang ngiti ang sumilay sa labi ng heneral.

“K-kasi…ano.” Hindi niya alam ang sasabihin niya, kaya bahagya niya na lang itinulak palabas si Dylan. “Ito na siya heneral. Puwede niyo na siyang isama papunta kay King Stephen.”

Napailing na lang si Heneral Agustin. “Ikaw naman prinsipe bakit hindi mo man lang sinubukan sumilip sa pintuan ng binibini para malaman ko na nandito ka pala? Halos lahat ng puwede mong puntahan sa palasyo ay pinuntahan ko na, ngunit nandito ka lang pala.”

Umiwas ng tingin si Dylan. “Pasensya na heneral. Ayoko lang makisali sa usapan nila ama lalo na ni Prince Damon.”

Napabuntong-hininga naman si Heneral Agustin. “Ngunit hindi puwede iyon Prince Dylan. Kailangan mo pa ding makisama lalo pa’t ikaw ang papalit sa iyong ama balang araw, kaya ngayon pa lang ay kailangan mo ng makisama kahit pa hindi ka komportable sa iyong kaharap.”

Napatingin si Dylan kay Adira, ngunit tinaasan lang siya ng kilay ng binibini.

“Kung ‘yon ang dapat gawin ay sasama na ako papunta doon, heneral.”

Lumakad na nga sila papunta kung nasaan sila King Stephen at naiwan si Adira sa pinto ng kwarto niya.

“Ang hirap naman ng kailangan niyang gawin. Dapat matuto siyang makisama kahit pa hindi siya komportable sa mga taong ‘yon. ” Napailing na lang siya at pumasok na uli sa loob ng kwarto.

Samantala na sa labas na ng palasyo sila King Stephen at handa ng umalis si King Cyrus at ang anak nitong si Prince Damon.

“Mahal na hari narito na si Prince Dylan.”

Napalingon naman sila King Stephen, King Cyrus, at Prince Damon. “Dylan saan ka nagpunta kanina pa kita pinapahanap?” Hindi nagsalita si Prince Dylan. “Di bale, halika at aalis na sila King Cyrus. Magbigay galang ka bago sila umalis.”

Lumapit si Prince Dylan at yumuko sa harap ni King Cyrus. “Mag-iingat po kayo sa inyong paglalakbay pauwi.”

Ngumiti naman si King Cyrus. “Salamat! Pero hindi tayo nagkaroon ng oras para mag-usap kaya sa susunod ay gagawin natin iyon.”

Tumango siya ng ilang beses at hindi man lang tinapunan ng tingin si Prince Damon.

“Hanggang sa muli, aking kaibigan,” nakangiting saad ni King Stephen bago pumasok sa sasakyan sila King Cyrus.

Pagka-alis nila Prince Damon ay umubo naman ng ilang beses si King Stephen na siyang pinag-alala ni Prince Dylan. “Ama, may nararamdaman ka ba?” Habang hinihimas ang likod ng kanyang ama.

“Okay lang ako. Napadami ata ang nainom naming alak ni King Cyrus.” Napabuntong-hininga lang si Prince Dylan at inalalayan na papasok ng palasyo ang kanyang ama.

Samantala habang nakahiga si Adira ay may biglang tumawag sa telepono niya. “Hello! Sino ‘to?” tanong niya sa kabilang linya.

“Long time no talk, Adira.”

Kumunot ang noo niya at napabangon. “Sino ka?”

“Ang bilis mo naman akong makalimutan. Dapat kilala mo din ang mga taong hindi mo ginawa ang hiling nila noon.”

“Bakit hindi mo pa sabihin kung sino ka talaga? Ang dami mo pang sinasabi!”

Tumawa ang na sa kabilang linya. “Bago ‘yon may iparirinig muna ako sayo.”

Nagtaka siya ng biglang nawala ang boses sa kabilang linya at tanging paghinga ang naririnig niya, pero napatayo siya dahil alam niya kung kanino ang boses na tinawag ang pangalan niya. Muli na naman itong nagsalita ng mahina na parang bumubulong lang. “A-adira.”

“Simon, ikaw ba ‘yan…Simon!” sigaw niya.

“Baka gusto mong magpakita bago siya mawalan ng buhay dito,” sagot ng kausap niya kanina.

Nanginginig ang kamay niya at nagngangalit ang mga ngipin. “Malaman ko lang kung sino ka. Humanda ka sakin!”

“Kilala mo na ako, Adira, matagal na. Alam mong ayoko na nakakakuha ng sagot na, hindi. Kaya kung nasaan ka man ngayon bilisan mo dahil bibigyan lang kita ng oras hanggang bukas ng gabi.” Pinatay na nito ang tawag.

“Hello, hello!” paulit-ulit niyang saad. Ibiniba niya ang telepono at nagmamadaling lumabas, pero nakita niya si Dylan na inaalalayan si King Stephen kaya hindi na siya sumubok na lumapit. Hinanap na lang niya si Heneral Agustin na nasa labas ng palasyo.

Papasok na sana ng palasyo si Heneral Agustin ng humarang si Adira sa daanan.

“Kailangan kong bumalik ng bansa ko,” saad niya kaagad.

Kumunot ang noo ni Heneral Agustin. “Ano ang dahilan at tila nagmamadali kang umuwi sa iyong bansa?”

“K-kung maaari gamitin mo ang kakayahan ng hari para maka-uwi ako kaagad sa bansa ko. May kailangan lang akong gawin sa isang taong mahalaga sa akin,” sa boses niya ay mahihimigan na ng pagmamakaawa at nagsisimula ng mangilid ang luha niya.

Nakatingin lang sa kanya si Heneral Agustin. “Bigyan mo ako hanggang bukas para sa detalye ng iyong flight, ngunit hindi na sana ito malaman pa ng hari. Maliwanag ba, Adira?”

Tumango siya. “Napakasuwerte nila sayo Adira dahil handa kang gawin ang lahat para sa kanila.” Tinapik ni Heneral Agustin ang balikat niya. “Nawa’y meron din akong isang katulad mo kahit pa kontento na akong walang pamilya.” Pagkatapos ay lumakad na papasok nang palasyo ang heneral.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 46)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.