Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 55)

Tamad niya naman itong tiningnan. “Kaya isa o dalawang pagkain lang ang puwede mong kainin dito. Maliwanag ba?”

Tumango na lang si Prince Dylan at nag-umpisa na silang maglakad at tumingin-tingin sa paligid.

Huminto si Prince Dylan sa nagtitinda ng ice cream, kaya naman pati si Adira ay napahinto at mukhang alam na niya ang kasunod. Lumapit na siya sa tindero at bumili, pero habang naghihintay sila dahil ang daming nakapila ay napakunot ang noo ni Adira.

“Kuya! Single ka ba?” tanong ng isang babae kay Prince Dylan.

Nakangiti lang si Prince Dylan sa kanila. “Ang gwapo, sis.” Habang ang isang babae ay tinutulak-tulak ang isang kasamahan dahil sa kilig.

Napataas ang kilay niya. “Hindi ko alam kung high school o college na ang mga babae na ‘to, pero kung makadikit kay Dylan akala mo hindi mga babae.”

Lumapit si Adira at huminto sa likod ni Prince Dylan. Sumilip siya sa mga babae.

“Excuse me?”

Napakunot naman ang noo ng isang babae na nagtanong kung single ba si Dylan. “Yes?” mataray nitong sagot sa kanya.

“Ano ang kailangan niyo sa kasama ko?”

“Ikaw ang kasama niya. Katulong ka ba niya?”

Napakagat siya sa labi sa sinabi nito at nagtitimpi na huwag makagawa ng eksena. “Hindi,” sagot naman niya.

“Hindi naman pala kasama mo lang, kaya puwede siyang makipag-usap sa amin. ‘Di ba girls.” Sumang-ayon naman ang ibang babae. Habang si Prince Dylan ay nagtataka na sa nangyayari.

Hinila niya naman si Dylan papunta sa likod niya. “Sorry girls off limits siya kaya humanap na lang kayo ng ibang target.”

“Teka nga kasama ka lang naman niya kung makapagsabi ka ng off limits diyan,” saad ng isang babae na sobrang kapal ng pulang lipstick sa labi.

Napangisi siya. “Tanungin din kita. Ano ka rin ba niya kung makatanong ka?”

Masama siya nitong tiningnan. “Lets go girls. Ayokong makipag-usap sa kagaya niyang mukhang walang pambili ng damit. Oh! Look at that face may mga sugat pa.” Tiningnan pa siya nito mula ulo hanggang paa na may mukhang nandidiri.

Hindi pa masyadong naghihilom ang mga sugat ni Adira. Hinayaan na lang niyang huwag lagyan ng band aid dahil maliliit lang naman. Ang malaking sugat niya lang ay ang nasa gilid ng labi niya.

Humalukipkip siya at tiningnan din ito mula ulo hanggang paa. “Bago mo ko sabihan na walang pambili ng damit tingnan mo muna ang sarili mo, mas disente pa akong tingnan kahit pa may mga sugat ako. Hindi katulad mo na mukhang may pambili naman ng damit, pero bakit hindi pa yung mahaba ang tela. Sa suot mo parang kinuha mo lang yang damit mo sa cabinet at tinali na lang sa katawan mo.”

Tila nainis na ng tuluyan ang kausap ni Adira, kaya tinangka na nitong lapitan at saktan siya. Ang ginawa naman ni Prince Dylan ay nilayo na si Adira at dinala sa likod nito.

“Pasensya na mga binibini sa kasama ko, pero hangga’t maaari kayo na ang lumayo dahil hindi niyo alam ang ugali niya pag nagalit na siya ng tuluyan.” Maliit na ngumiti si Prince Dylan at ang mukha naman ng babae ay biglang nag-iba.

“Para sayo aalis na kami.” Hahawakan pa sana ng babae ang mukha ni Prince Dylan ng nagsalita si Adira.

“Subukan mo.” Habang nakasilip sa gilid ni Pince Dylan.

Inirapan na lang si Adira ng babae at tuluyan ng umalis. Napahilot na lang tuloy si Adira sa sintido niya.

Pagkatapos ng naganap na kaguluhan ay tahimik na lang na naglakad-lakad si Prince Dylan at Adira habang nakatingin sa mga nagtitinda ng pagkain. Ngunit mukhang may nagustuhan na kainin si Prince Dylan dahil huminto ito sa tapat ng nagtitinda ng potato fries.

“Binibini, ito gusto kong tikman.”

Napatingin naman siya sa gusto nitong kainin. “Tanungin mo kung magkano.”

Tumingin si Dylan sa tindera. “Ano ang halaga ng pagkain na ‘to?”

Sa umpisa ay hindi pa sinagot ng tindera ang tanong ng prinsipe dahil naguluhan sa tanong nito.

“50 pesos, nakalagay na sa isang plastic cup.”

Lumingon naman si Dylan sa kanya. “Sige, dalawa ang bilhin mo.”

Sinabi na nga ni Dylan na dalawa ang bibilhin nito. Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang maluwag na park at umupo sa upuan na nandoon.

Habang sinimulan ng kainin ni Prince Dylan ang potato fries nito ay nakatingin lang si Adira sa prinsipe. Nakita niya kung paano ngumiti si Prince Dylan ng natikman nito ang fried potato.

“Masarap?” tanong niya.

Tumango naman si Dylan at nagpatuloy na sa pagkain. Si Adira naman ay kinain na din ang sa kanya dahil nagugutom na din siya. Tuluyan na kasing lumubog ang araw at gabi na, kailangan na din nilang bumalik pagkatapos nilang kumain.

Ilang minuto ang lumipas ay naubos na ni Prince Dylan ang potato fries nito na mukhang nabitin at napatingin sa kinakain ni Adira na nakalagay sa upuan sa tabi niya. Pero napatingin ang prinsipe sa mukha ni Adira na nakatulala lang habang kumakain.

“Binibini.”

Napalingon agad siya. “Bakit?”

“Puwede bang magtanong.”

Kumunot naman ang noo niya. “Ano ‘yon?”

Umayos ng upo si Dylan. “Wala ka bang kasintahan?”

Naudlot ang pagsubo niya ng fries sa tanong nito. “Bakit mo naman naisipan itanong ‘yan sa ganitong sitwasyon?”

“Naisip ko lang.”

Napabuntong-hininga siya. “Wala.”

“Bakit?”

Napapikit siya. “Kasi nga wala.”

“Bakit nga?”

Tiningnan niya ito ng masama. “Hindi ko priority ang magkaroon, at saka sa itsura kong ‘to sa tingin mo may magtatangka na manligaw sa akin.”

Tinitigan ni Prince Dylan si Adira. “May angking ganda ka naman binibini, pero nakakatakot nga lang.”

“Anong…”

Ngumiti si Dylan. “Ang ibig kong sabihin ang awra mo kasi ay nakakatakot, kaya hindi ka malapitan ng ibang tao na baka gusto kang makilala.”

“Tsk, kung gusto nila noong una pa lang ay dapat lumapit na sila. Ano man ang itsura o ugali ng isang taong gusto nilang makilala ay hindi dapat sila matakot.”

“Sabagay tama ka binibini.” Titig na titig si Prince Dylan kay Adira na pinagtaka niya.

“Bakit ganyan ka makatingin?”

Sa isip ni Prince Dylan, “Hindi ko batid ang nararamdaman ko sa tuwing malapit ka sa akin. Pakiramdam ko sa tuwing hindi ka nasisilayan ng mga mata ko ay parang hindi ako mapakali. ” Lihim itong napangiti. “Pero pag nasa malapit ka ang pintig ng puso ko ay parang ibig ng lumabas sa katawan ko na hindi ko maintindihan. Kung may ibig sabihan man ang lahat ng nararamdaman ko ngayon ay hindi ko maaaring ipagpatuloy dahil sa iba na ako nakalaan. ” Napabuntong-hininga naman si Prince Dylan at malungkot na umiwas ng tingin kay Adira.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 55)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.