Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 58)

“Ano kaya ang ibig ipahiwatig ni ina?” At tuluyan na siyang umalis sa harap ng pinto ng kwarto, pero bago pa man siya makarating sa kanyang kwarto ay napansin niya ang isang kwarto na may bantay na dalawang kawal na wala naman dati. Susubukan niya sanang pumasok sa loob ng kwarto, pero hinarang siya ng kawal.

“Paumanhin mahal na prinsipe, pero hindi kayo maaaring pumasok sa loob,” saad ng kawal.

Napakunot naman ng noo niya. “At bakit hindi ako puwedeng pumasok?”

“Utos ng mahal na reyna na walang ibang papasok kung hindi siya lang kahit ikaw pa mahal na prinsipe ay bawal pumasok sa loob.”

“Ano ang meron sa loob at kailangan pang bantayan?”

“Hindi din namin alam. Pinapunta lang kami dito at pinagbantay. Walang nabanggit ang mahal na reyna kung bakit kailangan namin bantayan ang kwarto na ito.”

Tumitig lang si Prince Franco sa pinto ng kwarto bago umalis na naguguluhan.

“May iba akong nararamdaman sa mga tao dito ngayon sa palasyo,” sa isip niya at tuluyan na siyang pumasok sa kanyang kwarto.

Samantala ai Prince Dylan ay lulan na ng sasakyan na sumundo sa kanya sa airport. Nakita niyang naka-abang na si Heneral Agustin sa harap ng palasyo.

Nang tumigil ang sasakyan sa tapat ng palasyo ay pinagbuksan kaagad ito ni Heneral Agustin. “Maligayang pagbabalik, mahal na prinsipe,” bati kaagad ng heneral. Tumango lang si Prince Dylan. “Kailangan mo ng pumasok sa loob at magpalit kaagad ng damit pagkatapos ay tumuloy sa kwarto ng iyong ama.”

Nagtaka naman si Prince Dylan. “Alam mo ba kung bakit gusto akong maka-usap ni ama?”

Umiling si Heneral Agustin. “Wala siyang sinabi. Pinasundo ka lang niya at ikaw mismo ang gusto niyang maka-usap dahil hindi niya din sinabi sa akin kung bakit.”

Bumuntong-hininga lang si Prince Dylan at pumasok na sa loob. Nagpalit siya ng kasuotan ng isang prinsipe bago pumunta sa kwarto ng kanyang ama. Binuksan niya ang pinto ng kwarto ni King Stephen at nakita niya na ang laki ng pinayat nito kahit pa dalawang araw lang nawala si Prince Dylan.

“Ama tila ang bilis nabawasan ang timbang mo?”

Matamlay na tumingin si King Stephen sa kanya. “Hanggang ngayon ay hindi pa din maganda ang pakiramdam ko.” Pagkatapos ay umubo ito ng ilang beses.

“Kailangan ka ng dalhin sa ospital. Malala na ang iyong ubo.”

Mahinang sinaway ni King Stephen si Prince Dylan gamit ang kamay. “Huwag na, baka isang matinding trangkaso lang ang nararanasan ko ngayon.”

Bumuntong-hininga siya. “Kung iyon ang gusto mo ay hindi na kita pipilitin, ngunit ano ang kailangan mong sabihin sa akin, ama?”

“Mabuti at nakabalik ka bago sumapit ang gabi. Mamaya ay magsuot ka ng mamahalin na damit para sa okasyon na pupuntahan mo.”

Napakunot naman ang noo niya. “Ano ang okasyon at kailangan pang magsuot ng mas mamahalin?”

“Sa Paradise Castle ang palasyo ni King Felip at Queen Alice. Nagbigay sila ng imbitasyon para ikaw ay dumalo doon, at ikaw ang pinaka importanteng bisita.”

“Ano ba ang magaganap at kailangan ko pang dumalo?”

Tumingin sa ibang direksyon si King Stephen. “Pagkatapos ng araw na ito ay malapit mo na akong palitan bilang hari ng ating palasyo sa oras na pumunta ka sa Paradise Castle. Matanda na ako at kailangan ko ng magpahinga bilang hari ng Stalwart Castle.”

“Hindi ko pa din mawari kung bakit ganyan ang mga sinasabi mo ngayon ama.”

“Sundin mo na lang ang sinabi ko sayo at magpunta sa Paradise Castle mamaya.” Mukhang may hinahanap si King Stephen sa likod ng prinsipe. “Hindi mo ata kasama si Adira. Nasaan siya?”

Pinilit niya na huwag magpakita ng anumang reaksyon. “Nasa kanyang silid.”

Tumango naman si King Stephen. “Mayroon din pala akong kondisyon tungkol sa inyo ng binibini.”

Kumunot ang noo ni Prince Dylan. “Napapansin ko na mas lalo kang napapalapit kay Adira. Alam mong hindi maaaring maging mas malapit kayo dahil may babae ng nakalaan para sayo.”

Umiwas siya ng tingin sa kanyang ama. “Simula sa araw na ‘to. Kakausapin mo lang si Adira kung tungkol sa pag-eensayo ang gagawin niyo. Hindi na kayo puwedeng mag-usap o magsama ng hindi ko alam. Maliwanag ba Dylan.”

Hindi kaagad siya nakasagot sa tinuran ng kanyang ama.

“Naiintindihan mo ba ako, Prince Dylan,” madiin na saad ni King Stephen. Mabagal na tumango lang siya at napansin din ng kanyang ama ang mukha niya na mukhang hindi nagustuhan ang naging desisyon nito. “Alam mong nakalaan ka na sa iba aking anak. Bakit hinayaan mo ang sarili mo na mahulog kay Adira.”

Mabilis na tumingin siya sa kanyang ama pero umiwas din kaagad. “Kung ako lang ang masusunod hahayaan kita sa gusto mo, pero hindi maaari dahil bago pumanaw ang iyong ina ay nagbigay siya ng kasunduan kay Queen Alice na kung magkaka-anak siya ng babae kayong dalawa ang magpapakasal sa tamang panahon.”

Nangilid ang luha niya at ilang beses na pinikit ang mata para lang mawala ito. “Ama—paano kung hindi naman ako maging masaya sa piling ng anak ni Queen Alice.”

Malungkot na nakatingin si King Stephen kay Prince Dylan dahil ramdam nito ang lungkot ng kanyang anak. “Wala na tayong magagawa, Dylan. Pinanganak kang prinsipe kaya ang maging masaya ay pangalawa na lang sa prioridad nating mga maharlika. Ang mahalaga muna sa ating ginagalawan ay ang pagtibayin ang palasyo at palakasin ang mga nasasakupan ng bawat palasyo.”

Bumagsak ang luha niya sa kanyang pisngi. “Bakit kayo ni ina? Nagkatuluyan kahit pa hindi isang maharlika ang pinagmulan niya.”

Maliit na napangiti si King Stephen. “Nagkatuluyan nga kami ni Haraya, pero ang kapalit ay nagalit sa akin ang iyong lolo. Matigas din ang ulo ko noon kaya sinunod ko ang gusto ko kaysa ang gusto ng lolo mo kahit ang dugo mo ay hindi purong maharlika, dito ka naman namuhay at nagka-isip.”

“Hindi ba puwedeng ganon din ang gawin ko. Piliin kung sino talaga ang nilalaman ng puso ko.” Kahit kaharap niya ang kanyang ama ay patuloy pa din bumabagsak ang luha niya na dapat ay hindi nangyayari dahil ibig sabihin ay nagpapakita siya ng kahinaan.

“Uulitin ko, pangalawa sa prioridad natin ay ang maging masaya, kaya kung susuway ka ay hindi puwede. Gusto mo bang labagin ang huling hiling ng iyong ina?” Umiling siya. “Kung ganon ay sundin mo na lang ang sinabi ko sayo dahil masasanay ka din at malay mo ang iyong magiging asawa ay matutunan mo ding ibigin.”

Hindi na nagsalita pa si Prince Dylan. Pinalis na lang niya ang luha sa kanyang pisngi gamit ang kamay.

“Lalabas na ako ama at maghahanda na para sa okasyon mamaya.” Yumuko siya at tuluyan ng lumabas. Samantalang si King Stephen ay tumingin lang sa kawalan.

Paglabas ni Prince Dylan sa kwarto ni King Stephen nakita siya ni Heneral Agustin napansin din nito na namumula ang mata ng prinsipe. “Ano kaya ang kanilang napag-usapan at ganoon na lang ang itsura ng prinsipe?” Tinanaw lang ni Heneral Agustin si Prince Dylan hanggang sa makapasok na ito sa kwarto niya.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 58)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.