Samantala habang nag-uusap si Prince Dylan at Princess Francesca, ay hindi sinasadyang napatingin si Prince Dylan kung saan nakaupo si Prince Franco at Adira. Bahagya pang napakunot ang noo niya sa tagpong ‘yon at nagtagal ang tingin niya sa dalawa. Naalis lamang ang pokus niya sa dalawa ng magsalita ang prinsesa.
“Prince Dylan, nakikinig ka ba? Kanina pa kita tinatanong, pero hindi mo naman ako sinasagot.” May konting iritasyon sa boses ng prinsesa.
Pumikit ng ilang beses si Prince Dylan at alanganin na ngumiti sa prinsesa. “Pasensya na Princess Francesca, may nakita lamang ako, kaya hindi ko nadinig ang iyong sinasabi.”
Kumunot naman ang noo ni Princess Francesca. “Ano naman ‘yon?”
Umiling lang si Prince Dylan at tinanong na lang ulit ang katanungan ng prinsesa. “Maaari bang ulitin mo ang tanong mo?”
“Kung mayroon kayong ginto sa palasyo niyo?”
Nagtaka naman si Prince Dylan sa tanong ng prinsesa, pero sinagot din niya. “Kung ginto ang pag-uusapan ay mayroon, dahil ‘yon ang gamit namin sa pagbabayad ng aming kailangan. “
“Talaga?”
“Oo.”
“Kung ganon mayroon din si ina at ama sa palasyo namin?”
Maliit naman na napangiti si Prince Dylan. “Hindi ka nagkakamali sa iyong sinabi, lahat ng palasyo dito ay mayroon.”
“Ang galing.” Nakangiti at pumalakpak pa na parang bata si Princess Francesca.
Lingid sa kaalaman ng dalawa kanina pa pala nakatingin si Adira sa puwesto nila Prince Dylan. Nakita din niya kung paano tingnan ng prinsipe ang prinsesa.
“Tsk, nagagandahan ba siya sa prinsesa at ganon siya makatingin?” bigla niyang saad.
Nabigla naman ang katabi niyang si Prince Franco dahil na sambit ni Adira ang mga salita hindi sa isip kung hindi sa bibig niya mismo.
“Binibini ako ba ay niloloko mo?” Nanlaki ang mata niya ng napagtanto ang ginawa niya. “Nakakapagsalita ka pala pero bakit kanina ay nagpanggap kang hindi at nagsulat pa sa lupa ng gusto mong sabihin?”
Napapikit siya at napahigpit ang hawak sa kahoy. “Paumanhin,” sagot niya na lang sa prinsipe.
Hinawakan siya nito sa balikat at pilit na pinapaharap, at hindi naman ito nabigo dahil sa lakas ng kamay nito ay napaharap siya ng tuluyan kay Prince Franco.
Tumitig ito sa mata niya na parang sa pamamagitan no’n ay malalaman nito kung sino siya.
“Adira?”
Bahagyang napakunot ang noo niya sa pangalan na sinabi nito. “Imposible na makilala niya ako sa mga mata ko at sa boses ko mismo. Hindi ko siya madalas makasama o makausap sa bansa na ito,” saad niya sa isipan at nanatiling nakatitig ang mga mata nila sa isa’t-isa.
“Ikaw nga ‘yan, binibini!” Tila sumigla at napangiti si Prince Franco ng nalaman nitong si Adira ang nakatago sa kasuotan ng kawal. Lumabas tuloy ang pagiging magandang lalaki nito.
Umiwas siya ng tingin at inalis ang kamay nitong nakahawak pa din sa balikat niya. “Bakit nakasuot ka ng kasuotan na iyan?” tanong ni Prince Franco.
Napabuntong-hininga siya at mukhang wala na din naman siyang magagawa dahil nalaman na nito kung sino siya at mahirap ng magsinungaling. “Gusto ko lang,” maikli niyang sagot.
Napaling naman pa kaliwa ang ulo ni Prince Franco sa sagot ni Adira. “Gusto mo lang?” Tila nalito pa ang prinsipe.
“Oo.”
“Batid mo naman siguro na mabigat at hindi gaanong nakagagalaw ang katawan pag-suot ‘yan.” Tumango siya. “Pero bakit sinuot mo pa din?”
Lumingon siya sa prinsipe. “Gusto ko nga lang. Bakit ba ang dami mong tanong?” masungit niyang sagot.
Napangiti naman ang prinsipe at umiling. “Ang sungit mo naman sa akin, binibini.”
“Paulit-ulit ka kasi. Sinagot ko na ‘di ba tapos itatanong mo pa ulit.” Sinamaan niya pa ito ng tingin pero ngiti ang nakuha niyang sagot. “Baliw.”
Sa masayang mukha ni Prince Franco ay naging seryoso ulit ito. “Ikaw ang personal na tagapagsilbi ni Prince Dylan ‘di ba? Anong ginagawa mo dito at naging kawal ka?”
Napahinto siya saglit, pero hindi niga din nasagot ang tanong ng prinsipe dahil may nakita siyang isang palaso na papunta sa puwesto nila Dylan. Mabilis siyang tumayo at tumakbo, pero kahit bilisan niya pa ang pagtakbo hindi siya aabot. Hindi na siya nakapag-isip at bigla na lang hinugot ang espada sa tagliran niya at binato ito para harangin ang palaso papunta kay Dylan.
Umikot-ikot sa ere ang espada habang mabilis naman na bumubulusok ang palaso. Mabilis naman ang paghinga ni Adira habang nakatingin sa dalawang bagay na nasa ere ngayon. Muntikan na siyang bumuwal dahil naharang ng espada niya ang palaso at parehas itong bumagsak sa lupa. Tuluyan ng nanlambot ang tuhod niya sa eksena na ‘yon dahil kung hindi napigilan ng espada ang palaso tiyak na sa likod mismo ni Prince Dylan ito babaon.
Naging alisto naman ang ibang kawal at mabilis na lumapit sa likuran ni Prince Dylan. Nagtaka pa ang prinsipe, pero ng nakita niyang may espada at palaso malapit sa kanila ay na bahala din siya dahil kasama niya ang prinsesa.
“Anong nangyayari?” tanong ni Prince Dylan.
Habang nakapalibot ang mga kawal ay nagsalita ang isa sa mga ito. “May kalaban sa paligid, mahal na prinsipe. Kailangan na nating umalis sa lugar na ito.”
Napakapit naman ang prinsesa sa braso ni Prince Dylan. “Kung ganon tayo na, pero teka—” huminto sa pagsasalita si Prince Dylan at hinahanap ang bagong kawal. “Nasaan ang bago niyong kasama?”
“Ayon siya mahal na prinsipe, at salamat na din sa kanya dahil ang espada niya ang ginamit para harangin ang palaso na dapat babaon sa iyong likuran.” Lumingon si Prince Dylan kung nasaan si Adira at nakatitig lamang siya sa puwesto nito.
Samantala si Adira ay nanatiling nakatayo at mas lalong bumilis ang tibok ng puso niya. Naramdaman niyang may lumapit sa kanyang likuran at tiyak niyang si Prince Franco ‘yon.
“Pakiusap a-anumang mangyari huwag na huwag mong ipatatanggal ang bagay na nasa ulo ko,” hingal niyang saad.
Nagtaka naman si Prince Franco sa sinabi ni Adira. “Anong ibig mong—” hindi na natuloy ni Prince Franco ang sasabihin niya dahil si Adira ay unti-unting bumabagsak sa lupa, kaya naman mabilis niya itong sinalo.
Nabahala naman si Prince Dylan at mabilis na lumapit kung nasaan si Prince Franco at si Adira.
Lumuhod si Prince Dylan at may kaba na makikita sa kanyang mukha. “Anong nangyari?”
“H-hindi ko alam kung bakit bumagsak na lang siya,” sagot ni Prince Franco.
Tumayo muli si Prince Dylan at tumingin sa mga kawal. “Buhatin niyo na siya at tayo ay babalik na ng palasyo!”
“Masusunod mahal na prinsipe. ” Maingat na binuhat ng dalawang kawal si Adira at sumunod kaagad si Prince Dylan kasama na si Princess Francesca.
Susunod na din sana agad si Prince Franco ng nakita niya ang espada ni Adira sa lupa. Kukuhanin na sana niya ito, pero napatigil siya at kumunot ang noo sa nakita. “Bakit dalawa ang palaso na nandito?” nagtataka niyang saad dahil nasaksihan din niya kung paano bumulusok ang isang piraso ng palaso papunta sa puwesto nila Prince Dylan, pero bakit nakita niyang naging dalawa ito ngayon.
Ang palaso na hinarang ng espada ni Adira ay magkatabi, pero ang isang palaso ay may limang hakbang ng paa ang layo. Wala namang kawal ang may dala ng palaso dahil mga espada ang gamit nila kanina. Nagtataka man ay mabilis na kinuha ni Prince Franco ang espada at tumakbo para makasunod kaagad.
Samantala sa isang puno na may kalayuan sa puwesto kanina nila Adira ay lumabas ang naka-itim na kasuotan at sinundan ng tingin ang tumatakbo na si Prince Franco.
Ang misteryosong tao ay may mga palaso sa kanyang likuran. Ilang saglit pa ay umalis na din ito ng nawala na sa paningin niya si Prince Franco.
Samantala si Adira ay sa sasakyan ni Prince Dylan sinakay para mabilis at komportable ang kanyang higa sa upuan sa likod ng kotse pabalik sa palasyo. Nang naayos na ng kawal ang pagkakahiga ni Adira ay mukhang aalisin ni Prince Dylan ang bagay na nakalagay sa ulo nito.
“Sandali!” pigil ni Prince Franco ng nakalapit na siya sa sasakyan ni Prince Dylan.
“Bakit?”
“Huwag mong tangkain na alisin ang nakalagay sa ulo niya dahil baka may sugat o naipit kaya siya nawalan ng malay. Mas mabuting ang manggagamot ang gumawa noon sa kanya,” pagsisinungaling ni Prince Franco.
Tumingin si Prince Dylan kay Adira bago tuluyan na nilayo ang kanyang kamay malapit sa ulo nito. Lumingon naman si Prince Franco kay Princess Francesca. “Sa kabayo ka na sasakay Francesca, hindi na tayo sasama pa sa palasyo ng Stalwart Castle.”
“Ngunit—” naudlot ang sasabihin sana ng prinsesa ng tiningnan siya ng kanyang kapatid ng seryoso, kaya napayuko na lamang ito.
Bumalik ulit ng tingin si Prince Franco kay Prince Dylan. “Puwede na kayong umalis para matingnan na din kung bakit siya nawalan ng malay. ” Tinitigan niya si Prince Dylan sa mata. “Paalala ko lang ulit huwag mong paki-alaman ang bagay na nasa ulo niya para hindi na humantong sa mas malalang sitwasyon, Prince Dylan. ” Tumango lamang si Prince Dylan at sumakay na din ng sasakyan. Naupo sa passenger side and prinsipe at umalis kaagad ang sasakyan. Sumunod din ang mga kawal habang ang kabayo na sinakyan ni Adira kanina ay nakaka-alalay ang isang kawal habang hawak ang tali nito.
Napabuntong-hininga si Prince Franco. “Halika na Francesca baka gabihin pa tayo sa daan. “
Hindi kaagad sumunod si Princess Francesca sa kanyang kapatid dahil ang paningin niya ay nasa direksyon kung saan dumaan ang sasakyan ni Prince Dylan.
“Francesca,” may diin na tawag ni Prince Franco. Agad namang napalingon ang prinsesa at sumunod sa kanyang kapatid.
Samantala habang tinatahak nila Prince Dylan ang daan pauwi ay lingon siya ng lingon sa likod ng sasakyan kung nasaan si Adira. Sa isip niya, “Delikado ang bagay na nasa ulo niya dahil baka hindi siya makahinga, pero nagdadalawang isip din ako kung tatanggalin ko ba dahil pumapasok sa isipan ko na hindi puwede dahil sa sinabi ni Prince Franco.” Bumalik na lang ulit siya sa pagtingin sa harap at hintayin na lang na makabalik sila kaagad sa palasyo.
Pagpasok pa lang ng sasakyan sa tarangkahan ay bumaba kaagad ang prinsipe sa kotse at binuksan ang pinto sa likod, mabuti na lang at palabas ng palasyo si Heneral Agustin at agad na lumapit kay Prince Dylan.
“Anong nangyari?” nalilitong saad ng heneral.
“Ang bagong kawal heneral, bigla na lang siyang nawalan ng malay ng iligtas niya kami ng prinsesa.”
Kumunot ang noo ni Heneral Agustin. “Niligtas?”
“Oo, may palaso na dapat papunta sa aming dalawa ng prinsesa at hindi ko alam kung sino ang matatamaan sa aming dalawa mabuti na lang at nakagawa ng paraan ang kawal na ito.”
“Ang kawal na lamang ang bahala sa kanya maaari ka ng pumasok sa loob ng palasyo. Ako na lamang ang titingin sa kanya habang tinutukoy ng manggagamot kung bakit siya nawalan ng malay.”
“Sigurado ka?”
“Oo.”
Lumingon muli si Prince Dylan sa nakahigang si Adira bago pumasok sa loob ng palasyo.
Lumapit kaagad si Heneral Agustin sa sasakyan at tiningnan ng mabuti ang bagay na nakasuot sa ulo ni Adira. Nakahinga siya ng maluwag ng nakita niyang suot pa din ito ni Adira kahit pa delikado na sa lagay nito ngayon.
“Buhatin niyo na siya at dalhin sa silid ng mga katulong. Hindi muna siya puwedeng dalhin sa kanyang kwarto dahil masyado pang maaga at baka makita pa ni Prince Dylan. “
Sumunod naman ang dalawang kawal at binuhat si Adira papunta sa silid ng mga katulong. Bago pa makapasok ang kawal doon ay nagpaalam muna sila sa mga katulong na sandali munang gagamitin ang silid at bawal munang may pumasok.
Tinawagan ni Heneral Agustin ang doktor para tingnan si Adira mabuti na lamang ay araw din ng pag-check up sa hari. Ilang saglit pa ay kasama na ni Heneral Agustin ang doktor sa silid kung nasaan si Adira. Napakunot pa ang noo nito ng nakitang suot pa din ni Adira ang bagay sa ulo. “Nawalan siya ng malay ang sabi mo, pero bakit hindi niyo man lang tinanggal ang bagay na nasa ulo niya?”
“Alam kong delikado, pero may dahilan kung bakit at baka may pinsala sa ulo niya na hindi puwedeng galawin kaya pinatawag na kita dito.”
Lumapit ang doktor at dahan-dahan na inalis ang suklob sa ulo ni Adira maging ang damit na itim na nakapalibot sa leeg nito. Sinuring mabuti ng doktor ang ulo ni Adira maging ang mata at tibok ng puso nito.
“Ang dahilan ng pagkawala ng malay niya ay ang sobrang bilis ng pagtibok ng puso, kaya lahat ng ugat niya ay nag-supply ng mabilis na pagdaloy ng dugo at nagresulta ng ganito, sigurado ako na may nangyari kaya ang katawan niya ang bumigay.”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





