NAGISING si Karina sa pagyugyog ng pinsang si Liza sa kanyang balikat pero hindi agad niya ito pinansin. Wala siya sa mood na bumangon ng maaga. Malamig ang panahon dahil winter na sa Dubai. But knowing her cousin, hindi ito titigil hanggang hindi siya bumabangon. She had schedule interview today—na ito rin ang nag-arrange. Besides, kailangan na niyang magpursige na makahanap ng trabaho, otherwise, walang mangyayari sa nagastos ni Liza para makapag-tourist siya roon. Nagtungo siya sa Dubai para makipagsapalaran. Dalawang taon siyang nurse sa pampublikong ospital sa kanilang bayan sa San Estanislao. Dahil sa kakarampot na suweldo ay nagpasiya siyang mangibang-bansa. Ang hangad talaga niya ay makapunta ng Canada o London. Ayon kay Liza ay mas madali raw mag-cross country kapag nasa UAE kaya naengganyo siyang tanggapin ang alok nito na mag-visit visa siya roon.
Bata pa lang ay mataas na ang pangarap niya. Gusto niyang maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Awang-awa siya sa kanyang amang si Mang Naldo sa tuwing makikitang pagod na pagod galing sa maghapong pagtatrabaho sa bukid. Mabuti sana kung sarili nila ang lupang sinasaka kaso ay nakikisaka lang ang kanyang ama at sangkatlong porsiyento lamang sa panahon ng anihan ang parteng nakukuha nila. Ang kanyang ina namang si Aling Mercedes ay sakitin.Nagkaroon ito ng kumplikasyon sa baga ilang taon na ang nakakaraan kaya bawal na itong magtrabaho ng mabibigat. Nakatapos siya sa dahil sa scholarship at pagtatrabaho bilang Student Assistant sa San Estanislao State University. Ayaw niyang danasin ng dalawang nakababatang kapatid ang kanyang naranasan kaya talagang magsisikap siyang umunlad. Salamat na nga lang sa mabait niyang pinsan na tumutulong sa kanya. Ito ang nag-sponsor sa kanya at siya ring gumastos ng kanyang ticket.
Kasabay ng kanyang pangarap ay ang pangako sa sariling hindi agad mai-in-love. Sa edad na beinte tres, certified NBSF or no boyfriend since birth pa rin siya. Wala pa rin naman siyang napusuan sa mga nagkagusto o nanligaw sa kanya.
Ayon kay Liza, kung gugustuhin niya, madali siyang yayaman kung magiging mautak siya sa pagpili sa lalaki. But that was not her goal. Her ultimate goal was to land a job then eventually to migrate to Canada. Kaya kahit hindi nurse-related na trabaho ay in-a-apply-an niya basta may pagkakataon. Okay lang din maging caregiver kung may tsansa tutal ay may mahigit isang taon siyang ekperiyensya sa pag-aalaga sa isang matanda pagkatapos niyang magtapos ng kursong nursing bago siya nagtrabaho sa ospital.
“Karina, bangon na. Baka maunahan ka pa ng iba sa banyo,” maya-maya’y narinig niyang sabi ni Liza. “Sumabay ka na sa akin para siguradong hindi ka mali-late sa interview. Kapag hindi ka pa nakahanap ng trabaho, kelangan nating i-extend ang visit visa mo. At least, kung matatanggap ka, ang company na ang mag-i-sponsor sa visa change mo. Kelangan mo na lang mag-exit sa Kish pero company na rin ang gagastos ng lahat.”
Patamad na idinilat niya ang kanyang mga mata. Ilang beses nang nabanggit ni Liza ang sistemang iyon. She only had one month visit visa. Dalawang lingo na lang at mapapaso na iyon. Kapag hindi pa siya nakahanap ng trabaho, si Liza ang magbabayad ng extension ng visa fee o di kaya naman ay kinakailangan na niyang bumalik sa Pilipinas bagay na ayaw niyang mangyari. Marami-rami na siyang napag-apply-an pero wala pang tumatawag sa kanya. Hindi naman siya puwedeng mag-apply sa ospital dahil kailangan muna niyang mag-aral muli at kumuha ng lisensiya roon. She had to make the most of the time left. Nakanganga siya kapag nagkataon. Apektado pati kanyang pamilya.
Kaya bawal ang patamad-tamad. By hook or by crook, kailangan na niyang makahanap ng trabaho. Late na rin kasi silang nakatulog na mag-pinsan kagabi dahil nanood sila ng Pinoy teleserye sa internet. Iyon ang libangan ng mga OFW sa UAE.
Office Manager si Liza sa isang cargo company at halos pitong taon na ito sa Dubai kaya malaki na ang suweldo nito. Maayos din ang flat nito. Kung ang ibang Pilipino sa Dubai ay sama-sama sa flat o accommodation para makatipid, solo ito sa kuwarto. Iyon nga lang, common ang kitchen at bathroom na pinag-si-share-an ng dalawang flats. Lima ang umookupa sa katapat nilang kuwarto kaya madalas ay nag-uunahan sa paliligo.
Habang nakaupo pa rin sa kama ay tanaw niya si Liza na nagtitimpla ng kape sa mini pantry sa kaliwang bahagi ng kuwarto. May maliit na mesa roon kung saan sila kumakain. Nasa loob din ng kuwarto nila ang personal refrigerator na palaging puno ng pagkain. Liza was very organized in all aspects. Kaya nga idolo niya ito magmula pa noong bata siya. Gustong-gusto niya itong tularang magbihis, lumakad, mag-make-up at magsalita. Sabi ng marami ay magkahawig sila pero sopistikada ito samantalang siya’y plain lamang.
Dalawang tasa ng kape ang inihanda nito. Nakabihis na rin ito. Hangang-hanga rin siya sa kasipagan ng pinsan. Alas nuwebe ang pasok nito pero alas siyete pa lang, naghahanda na pagpasok sa opisina. Kaya nga sikat na sikat ito sa San Estanislao kapag umuuwi. Isa ito sa mga mga lokal na tagaroon na sinuwerte sa buhay. Kunsabagay, mas nakakaangat sa buhay ang magulang nito kaysa mga magulang niya. Kapatid na panganay ng tatay niya ang nanay nito. Ang tatay ni Liza ay high school teacher kaya angat ang buhay ng mga ito kumpara sa mga magulang niyang parehong elementary graduates lamang.
Higit pa sa pinsan ang turing ni Liza sa kanya. Para itong nakatatandang kapatid niya. Sa gabi pag-uwi nito, may bitbit na itong pagkain nila. Naipasyal na rin siya nito sa halos lahat ng magagandang lugar sa buong United Arab Emirates. Nang unang tatlong araw niya roon ay dinala siya nito sa Abu Dhabi. They stayed in Rotana Hotel and went to Ferrari World. Nadala na rin siya nito sa world-famous Burj Khalifa.
Nakangiti si Liza nang lapitan niya ito sa mesa. “Ready for the interview?” tanong nito.
“Palagay mo matatanggap ako, Ate?” Pang-pitong interview na niya iyon. Ang sabi ni Liza, mas maraming applications, mas maganda. Sunggaban daw niya agad ang unang opportunity. Nag-post na siya ng resume sa iba’t ibang sites. She was silently hoping na sana’y may isang makapansin sa resume niya bilang capable na caregiver. Gusto niyang nagagamit ang kanyang pinag-aralan. Gayunman, sabi nga ni Liza, kailangan niyang sunggaban ang unang oportunidad na darating. Sa Foreign Exchange Center naman ang target niya ngayon.
“Oo naman. May training naman ang pagiging teller. Pansamantala lang naman ang magiging trabaho mo sa Al Fouad Exhange. Eventually, kapag nagtagal-tagal ka at may residence visa ka na, puwede ka ng mag-apply sa Canada. Iyon nga lang, sa ngayon, kailangan mong magtiis sa amoy ng mga Pana at Patan na magiging kliyente mo.”
“Pana? Patan?”
“Pana ang term ng mga Pinoy sa mga Indians dito. Patan sa mga Pakistanis. Majority ng workers dito ay Indians at Pakistanis. Unfortunately, hindi sila masyadong mahilig maligo at maglagay ng deodorant.”
Napatunayan na niya ang bagay na iyon nang minsang sumakay siya sa Metro. Sumakit ang ulo niya sa sari-saring amoy.
“Pero masasanay ka rin. Mai-immune ka rin sa di kaaya-ayang amoy ng mga ‘yan,” anito pagkuwa’y iniba ang topic. “Friend ko ‘yung HR head na mag-i-interview sa iyo mamaya kaya huwag kang mag-alala kasi Pinay ‘yon. After that, i-schedule niya ang final interview mo sa boss niya na darating from business trip bukas. So, malamang na the day after tomorrow ang final interview mo. Kailangan nila ng isang cashier sa branch nila sa Al-Ghurair. At least, malapit dito sa flat. Hindi ka mahihirapang mag-commute kasi walking distance lang. If the offer is 3000 Dirhams, tanggapin mo na. Thirty six thousand na rin ‘yon kapag na-convert sa peso. Ako nga 2,000 Dirhams lang nagsimula seven years ago.”
Not bad, she thought, knowing the fact na wala pa sa kalahati niyon ang suweldo niya sa San Estanislao Community Hospital. Napuno ng excitement ang puso niya. Naiisip na niya agad na sa unang suweldo niya ay magpapadala siya sa pamilya.
Ilang beses pa lang niyang nakakausap sa telepono ang mga ito magmula nang umalis siya. Hindi lang niya ipinapahalata kay Liza pero miss na miss na niya ang mga magulang at kapatid. Nahihiya naman siyang palaging makitawag gamit ang telepono ng pinsan. Kung gusto niyang makausap sa Skype ang mga ito, kailangan pang magtungo ang mga ito sa computer shop. Wala namang wifi ang mumurahing cellphone ng mga kapatid niya.
Noong nasa Pilipinas siya at kasabay kumakain palagi ang mga magulang at kapatid, masaya na sila kahit sinangag at tuyo lang sa umaga. Ngayon ay bacon at itlog ang pinagsasaluhan nila ni Liza pero nahihirapan siyang lunukin. Naaalala kasi niya ang kanyang pamilya. How she wished she could give them a better life the soonest possible time.
Sana nga, ngayong araw na ang suwerte niya!
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Grabe Anu iba talaga mga ofw aastig