Abanikong de Papel (Chapter 4)

MATAPOS ANG PAGTITIPON ay kaagad kong sinadya ang aking Ina habang nagpapahinga at sinabi ang aking pakay. Sa awa ng Tohan ay naawa ito at kaagad na humiram mula sa salapi na ipon ng aming pamilya. Sinabi niyang ilihim ko ito sa aking mga kapatid at pagtutulungan na lang namin itong bayaran.

Alam ni Ina na tiyak na hindi ako pahihiramin ng aking mga kapatid ng salapi kaya pinili niyang ilihim ito sa kanila. Alam niya na kahit kailan hindi magiging kapatid ang turing nila sa akin. Higit sa lahat ay hahadlangan nila na makaalis si Jabbar upang hindi kami magkaroong ng magandang buhay.

“Lagi kang magdasal sa Allah, Nadia, na lagi niya kayong gabayan ni Jabbar, hangga’t hindi siya nagiging Ustadz. Hangga’t hindi kayo lubusang nakalaya mula sa pagiging samwante at alipin sa kusina, huwag na huwag kang titigil magdasal!” Iyon ang huling habilin ni Ina bago ako tumungo kay Jabbar sa bahay kubo.

Kasama ang labinlimang piso na isinilid ko sa isang kapirasong tela, ibinigay ko rin kay Jabbar ang isang dosenang pares ng panyo na may borda ng aming mga pangalan. Halos isang taon rin ang ginugol ko sa pagtatahi at pagboborda ng mga panyo na iyon. Sa tuwing nangungulila ako kay Jabbar, nagboborda na lang ako ng aming mga pangalan sa mga panyo na tinatahi ko. Iniisip ko na balang araw ay magkikita rin kami at maibibigay ko ito sa kanya.

“Mag-iingat ka doon sa Mesir, Jabbar. Hihintayin kita.”

“Babalik ako Nadya, babalik ako at ika’y aking pakakasalan kapag nakaipon ako nang sapat na salapi roon. Pangako iyan. Ayon kay Ustadz Rahim ay pwede raw akong mamasukan doon habang nag-aaral kahit hindi ko pa natapos ang aking kurso. Hindi ako uuwi nang hindi nakakaipon upang hingiin ang iyong kamay mula sa iyong magulang. Hintayin mo ako, Nadia.”

Daglian akong napayakap nang mahigpit kay Jabbar nang marinig ko ang kanyang salaysay. Tunay na simula nang makilala ko si Jabbar ay tanging siya na lang ang nag-iisang rason upang ako’y magpatuloy sa buhay. Si Jabbar ang itinuring kong kaibigan at pamilya simula nang dumating siya sa buhay ko. Wala akong hindi kayang gawin para sa kanya. “Oo mahal ko, hihintayin kita,” sagot ko rito habang pinupunas-punas ko ang mga butil ng luhang namuo sa aking mga mata.

“Gusto kong matikman muli ang iyong halik, mahal ko,” saad ko ulit dito. Alam ko na hindi ako kayang samantalahin ni Jabbar kaya ako na lang ang humiling na muling madama ang kanyang halik at yakap. Agad naman niya itong tinugunan — hinalikan niya ako nang mariin sa aking mga labi matapos ay isinild niya ako sa kanyang mga bisig at niyakap nang mahigpit.

“Nakapapayapa ang iyong mga yakap, Mahal ko,” tugon ko rito habang nakayakap rin ako sakanya.

“Maging ako rin, ikaw ang aking kapayapaan, Bae. Tanging sa iyong piling ko lang nararamdaman ang ganitong pakiramdam, na malaya at nagmamahal!”

“Maaari ka bang manatili rito kahit sandali lang, Jabbar? Natatakot ako na baka ito na ang huli nating pagkikita. Gusto pa kita mayakap at makasama nang matagal, mahal ko.”

Tumango lang si Jabbar sa akin sabay ngumiti nang tipid habang yakap-yakap pa rin ako. Matapos ay muli nitong hinalikan ang aking mga labi, patungo sa aking pisngi at magkabilang mata. Ipinikit ko ang aking mga mata habang hinahayaan ang mga labi nito na maglakbay sa mga parte ng aking katawan na nais nitong halikan. Gusto ko ang pakiramdam na iyon. Gustong-gusto ko ito, gustong-gusto ko ang halik ni Jabbar kaya bakit ko siya hindi hahayaan?

“Nais kong palitan mo ang halos tatlong taon na bangongot na idinulot sa akin ni Omar. Maari mo bang gawin iyon, Mahal ko?” saad ko rito habang mahinang dumadaloy ang aking mga luha sa king pisngi. Isa-isa itong pinunasan ni Jabbar gamit ang kanyang palad matapos ay dinampihan niya ito na halik.

Ang sobrang takot at pagkabahala na nararamdaman ko na baka hindi na kami muling magkita ni Jabbar ay nagdudulot sa akin ng pagnanais na angkinin nito ako nang gabing iyon. Gusto kong ialay sa kanya ang aking katawan sapagkat para sa akin ay siya lang nararapat na magmay-ari nito. Siya lang ang tanging lalaki na gusto kong pag-alayan nito. Gusto kong ibigay kay Jabbar lahat ng mayroon ako, ganoon siya kahalaga sa akin.

Sumunod naman kaagad si Jabbar sa aking hiling at daglian nitong hinila ang tali ng aking bestida. Matapos ay dahan-dahan niya itong inalis mula sa aking katawan. Pagkatapos niyang paglakbayin ang kanyang maiinit na mga kamay at punong-puno ng pagnanasang labi sa aking hubad na katawan, ay ihiniga niya ako sa may sahig ng bahay kubo at isa-isa na rin niyang tinaggal ang kanyang mga saplot sa katawan. Nang gabing iyon ay sabay namin pinagsaluhan ang aming maiinit na mga katawan na kapwa uhaw sa pagmamahal at pananabik sa isa’t isa. Ang makilala si Jabbar ang pinakamagndang nangyari sa aking buhay at ang gabing iyon ang pinakamasayang sandali ng aking kabataan.

“NADiA! Bilis-bilisan mo diyan at baka hindi natin maabutan ang parada ng mga artista galing Manila!” Nakapamaywang ang aking Manang Zobaira at kunot na kunot ang noo nito.

“Patapos na po ako, Manang!” pasigaw kong saad rito. Mabilis kong isinuot ang aking sapatos habang itinatali ko sa likuran ng aking beywang ang tali ng aking bestida.

Mabilis kaming sumampa ng aking Kaka sa sasakyan ng aking pinsan na si Akbar sabay pinaharorot nito ang kanyang 4×4 na dyepney na noon ay sikat na sikat at isang luksuryong sasakyan.

Hindi naman ganoon kalayuan ang parada, nasa siyudad ito na may kalahating oras ang biyahe. Dito nagaganap ang taonang parada ng mga artista galing Maynila. Nasa suydad rin ang sinehan, mga baylihan at kung anu-ano pang klase ng aliwan katulad ng karnabal, mga painitan at pamilihan ng mga damit. May mga eskuwelahan rin at Madrasa sa syudad. Ngunit tanging mga maykaya lang ang nakakapag-aral at madrasa rito dahil nang panahon na iyon ay walang pampublikong mga paaralan at madrasa.

Pagdating namin sa parada, punong-puno na ito ng mga tao, at dahil isa ang pamilya namin sa mga gomagastos sa programa na iyon, may sarili kaming pwesto sa pinakaunahan malapit sa lugar kung saan titigil ang mga artista upang magbigay ng kaunting intermisyon katulad ng pagsasayaw at kantahan. Mabilis kaming bumaba ni Manang Zobaira upang tumungo roon. Punong-puno ng mga samwante ang pwesto ng mga Datu at Sultan. Walang mga bae at lamin doon dahil bawal nga sa kanila ang palabasin.

“Minsan naiisip ko rin na mabuti na lang hindi ako naging lamen, masaya na akong maging tagapamahala sa kusina, kaysa naman sa mamamatay na lang akong hindi nakakita ng mga artista, hindi nakakapunta sa mga baylihan at hindi nakatikim ng alak.” Humahalakhak pa ang aking Manang na akala mo naman hindi masama ang ginagawa niya.

Mariin akong napatitig sa kanya, iyong tingin na gusto kong usisain kung kailan pa nito natutunan ang mga ganoong bagay.

“Nagpupunta ka sa mga ganyan?” pagtataka kong tanong.

“Bakit, hindi ba pwede? Gusto mo ba sumama sa akin ngayon? Pupunta tayo mamaya.” Puno ng galak ang boses at hitsura ni Manang habang kinukumbida ako sa binabalak niyang kalokohan.

“Ayaw ko, ikaw na lang,” mabilis kong sagot.

“Maraming makikisig na lalaki roon, Nadya. Mga anak ng mga Sultan at Datu mula sa mga karatig nating nayon.” Hindi pa rin maipinta ang tuwa sa hitsura nito habang sumasabay-sabay pa ito sa palakapan ng mga nag-aabang sa parada.

Ilang sandali dumating na nga ang sasakyan ng mga artista. Ang lahat ay nagpapalakpakan at naghihiyawan na parang mga Diyos at Diyosa ang aming mga panauhin.

Tunay na nakabibighani ang kagandahan at mga wangis ng mga artitsa. Nakasuot ang mga kababaihan ng makukualay at magagarbong bestida, at ang mga kalalakihan naman ay nakasuot ng makukulay na polo na may mahabang manggas at makukulay na salawal.

Ilan sa mga kinanta nila ang mga sikat na awtin noon katulad ng, My Pledge of Love, mga piling Kundiman at ilan sa mga kantang isinulat ni Toni Marquez at Levi Celerio.

Taos pusong nakisabay ang lahat sa awitan at sayawan, maging kami ni Manang Zobaira ay sumabay din sa kasiyahan.

Pagkatapos ng parada ay mabilis akong hinigit ni Manang palayo sa mga tao. “Halika na!” wika nito habang hinihigit ako nito nang mabilis.

“Saan ba tayo pupunta?” may pagtataka kong tanong dito.

“Basta sumama ka lang sa akin. Magmadali ka!” Walang lingon-lingon nitong tugon sa akin. Wala din naman akong magagawa kung hindi ang sumunod dito kaya nagmadali na lang akong maglakad upang sundan ito.

Sa isang painitan kami pumunta, ngunit iba ito sa mga kadalasang painitan sa nayon. May malakas na tugtog sa loob nito gawa nang isang malaking radyo. Maraming kabataan ang mga naroroon, halos mga ka edaran ko at ni Manang. Ang iba ay nakaupo sa mga lamesa at masayang nag-iinoman at nagkukuwentuhan, habang ang ilan ay nagbabayle sa may gawi roon kung saan nakapatong ang malaking radyo.

Nagpalinga-linga sa paligid ang Manang nang makapasok kami. Halos lahat ng mga lamesa ay tinitingnan nito na parang may hinahanap. Ilang sandali ay napatili siya nang biglang may kumakaway sakanya at nagtitilian sa may isang sulok. Halos mapatalon ito sa tuwa na sumisigaw-sigaw pa. Mabilis na naman ako nitong hinatak papunta sa lamesa nang mga taong kumakaway sa kanya.

Kaagad na tinungga ni Manang ang isang bote na batid kong alak dahil sa amoy nito. Minsan na akong nasanay sa alak noon dahil kay Omar, bukod pa roon ay ito rin ang laging iniinom ng aking Kaka Akbar sa tuwing sila ay nagkakasiyahan kasama ang mga samwante sa may labasan ng palasyo. Sumigaw-sigaw na naman si Manang at mga kasamahan nito nang ibaba nito ang bote ng alak.

“Kapag si Zobaira talaga ang nandirito walang matatapon na alak,” wika ng isa sa mga babaeng nakaupo sa kanilang lamesa habang inaayos-ayos pa nito ang buhok nitong naka pusod. Nakapomada rin ang buhok nito upang hindi masira ang pagkakapusod nito.

Nagtawanan na naman ang lahat.

“Ito uminom ka!” alok sa akin ni Manang. Umiling lang ako atsaka tinakpan ang aking ilong. Kahit kailan ay hindi naging kanais-nais sa akin ang amoy ng alak.

“Sino siya, Zobaira?” tanong ng isa pang babae na kulot naman ang buhok at may nakalagay na salampaw sa kanyang ulo. Halos lahat ng nasa lamesa ay magagandang babae at katulad ni Manang, lahat nakaayos ang kani-kanilang mga buhok. Nakatingin ito sa akin na wari ko ay nairita dahil sa aking inasal.

“Si Nadia, anak ng kapatid ko.” sagot sa kanila ni Manang.

“Si Nadia? Siya ba yung nahuling nakikipagkita doon sa samwante nila Omar sa may bahay kubo kaya nilagyan ng iyong Ina ang ari nito ng sili? tugon agad ng babaeng kulot ang buhok na siyang ikinatawa lahat.

Napatingin ako kay Manang, halos maluha na ako sa sama ng loob na nararamdaman ko. “Bakit kailangan ikuwento ni Manang ang mga iyon sa mga kaibigan niya?” tanong ko sa aking isipan.

Kagat-labi lang ang aking Manang Zobaira habang nakatingin sa akin. Matapos ay sinabayan pa niya ang tawanan ng mga ito. Nagpapanggap lang pala itong apektado sa aking nararamdaman, dahil ang totoo ay masayang-masaya ito na napapahiya ako.

Hindi ko maiwasang manlumo sa sobrang hiya. Labis na nakakahiya na ngayon lang ako nakita ng mga kaibigan ng aking manang tapos napakasagwa pa ng alam nila tungkol sa akin. Dahil sa sobrang hiya ay hindi ko mapagilang hindi maiyak. Napayuko habang namumuo ang aking mga luha sa aking mga mata. Hindi ko lubos maisip na nagawa ni Manang sa akin ang ganito — ang ipahiya ako at gawing katawa-tawa sa kanyang mga kaibigan. Akmang aalis sana ako sa lugar na iyon upang matakasan ang aking kahihiyan, nang biglang may humawak sa aking balikat.

“Nadia? Ikaw ba ‘yan?” Napalingon ako sa nagsasalita.

Naningkit ang mga mata ko nang makilala ko kung sino ito. Ito ay walang iba kung hindi si Omar. Apat na taon na pala ang lumipas nang huli kaming magkita, iyon ay nang itali niya si Jabbar sa gubat. Mas tumangkad ito at lumaki pa lalo ang kanyang katawan. Lumago na rin ang kanyang bigote. Ganap na lalaki na ang hubog ng pangangatawan nito, malayo ito sa katawan niya noon na pangbinatilyo.

“O-omar?” nauutal kong tugon.

“Ako nga, Nadia!” Magiliw nitong tugon. “Hindi ko inaakalang dito ko muling masisilayan ang iyong kagandahan?”

Napatigil kaagad ang tawanan nina Manang at kay Omar nabaling ang kanilang atensyon.

“Omar, tayo na sa may baylehan,” malambing na tugon ni Manang na wari ko ay inaakit nito ang binata. Matapos ay kaagad rin nitong pinulupot ang kanyang mga braso sa leeg ni Omar.

Napayuko ako dahil ayaw kong makita ang ginagawa ng aking Manang sa lalaking hindi naman niya kasintahan. “Aalis na ako, Omar.” Sabay tumalikod na ako upang umalis.

“Sandali lang!” habol nito sa aking braso. “Hayaan mong ihatid kita sa inyo, Nadia!” Nagkatinginan kaagad kami sa mata ng aking Manang. Base sa klase ng mga titig nito na parang galit na mabangis na hayop ay hindi nito nagugustuhan ang pagiging mapilit ni Omar kaya umiling akong muli sa binata.

Ngunit mapilit si Omar at hindi pumayag na hindi ako maihatid sa amin.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Abanikong de Papel (Chapter 4)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.