“NARITO na ang bride!”
Umayos sa pagkatatayo ang groom nang marinig ang sinabi ng coordinator, bahagyang inayos ang malinis at walang gusot na barong tagalog. Lumingon siya aisle at maluha-luhang napangiti nang masilayan si Love, ang babaeng pumukaw sa natutulog niyang puso. Bagaman natatakpan ng manipis na belo ang kalahati ng ulo ng bride ay malinaw pa rin niyang naaaninag ang mukha nito. Katulad niya ay bakas din sa mukha nito ang saya.
“Tol, alam kong hindi ko na kailangang ipaalala pa ito, ngunit gusto ko pa ring pormal na sabihin sa iyo na ingatan mo siya. Hindi man namin siya kapatid sa magulang pero hindi na siya iba sa amin. Para sa amin siya ang bunso ng amin pamilya, kaya sana alagaan mo siya katulad ng pag-aalaga namin sa kanya,” pahayag ni Eleyas na ikinalingon ni Jay sa binata.
“Tol makakaasa kang aalagaan at pakakamahalin ko siya habang ako’y nabubuhay.”
Tango lang ang naging sagot nito sa kanya. Muli nilang itinutok ang paningin sa gitna kung saan dahan-dahang naglalakad ang bride. Bawat hakbang nito ay sumasaliw sa mabagal na tugtog ng lumang kundimang pankasal. Ito ang kanilang napili para sa espesyal na araw na ito.
Tahimik ang loob ng simbahan maliban sa tunog ng piyano at choir na kumakanta. Lahat ng mga mata ay nakasunod sa bawat hakbang ng bride.
“Itigil ang kasal!”
Napahinto sa gitna ang bride, nagsimulang umugong ang bulong-bulungan na puminit sa tahimik na paligid. Napatda ang ikakasal pati na rin ang pamilya ng mga ito. Bumalik lang sila sa katinuan nang tumili ang bride.
Bilang dating alagad ng batas ay alertong kumilos sina Eleyas at Jay. Ngunit bago pa man sila nakaalis sa kinatatayuan ay may tumutok nang baril sa kanilang sintido. Napatingin si Jay sa babaeng mahal. May matalim na chopping knife na nakatutok sa leeg nito. Tantya niya ay kasing lapad ng palad niya iyon at halos isang dangkal ang haba ng patalim. Nangingintab rin ito, tanda kung gaano ito katalim.
Ang mga bisita ay hindi rin makagalaw dahil bawat isa ay may nakatutok na baril sa mga ito. Maging ang pari at ibang mga alagad ng simbahan na nasa loob ay may nakaumang ding armas sa kanila. Makikita rin sa labas ang mga armadong kalalakihan na nagkalat… wala ang mga iyon kanina.
“Ano ang ibig sabihin nito, Agatha?” kalmadong tanong ni Jay nang makilala ang taong nag-hostage sa bride.
“Nasabi ko na sa iyon noon, Jay. Hindi ka maaaring magpakasal sa iba maliban sa akin!”
“Kahit kailan ay hindi ako nangako sa iyo nang ganyan,” matigas na wika ni Jay.
“Baka nakakalimutan mo, bata pa lang tayo ay ipinagkasundo na tayo ng ating mga magulang,” wika nito at bahagyang idiniin ang hawak na na chopping knife sa leeg ng bride.
Kitang-kita ni Jay ang pagbahid ng kaunting dugo sa hawak nitong patalim. Nag-aalala siya sa babaeng mahal, nakaguhit sa mukha nito ang sakit na dulot ng sugat sa leeg nito.
“Bitiwan mo siya, Agatha! Umalis ka na rito. Hinding-hindi ako pakakasal sa iyo,” matigas na aniya rito.
“Madali naman akong kausap, e,” nakangising sagot naman ng babae.
Napasinghap ang lahat nang itinaas nito ang hawak na chopping knife kaya nakita ang sugat ng bride sa leeg. Biglang sumirit ang dugo mula sa leeg nito, habol-habol na rin nito ang hininga. Ang kaninang puting-puti na trahe ay kulay pula na sa isang iglap lang. Umamba ang kamay ng babae na ihahataw ang hawak nitong patalim sa leeg ng bride nang pigilin ito ni Jay.
“Tumigil ka na! Ano ba ang gusto mong mangyari?”
“Pakasalan mo ako ngayon mismo, at mabubuhay ang babaeng ito!”
Mariing napailing si Jay, bigla siyang napipilan sa sinabi ng babae. Namumutla na si Love, ang kaninang kinang ng saya sa mata nito ay napalitan ng sindak at takot. Nakatingin ito sa kanya, humihingi ng saklolo habang habul-habol ang paghinga.
“J-jay, please save our baby,” mahinang sambit ni Love.
Tila nabingi siya sa narinig. Buntis si Love? Ngunit bakit hindi nito sinabi sa kanya?
“Na-iinip na ako Jay!” ani Agatha sabay bitiw kay Love. Nakahandusay na ito sa pulang carpet na nilalakaran nito. Ang magulang ni Eleyas na kasama nitong naglakakad sa gitna kanina ay nasa gilid na at may dalawang armadong lalaki ring nakabantay.
“Love!”
Naramdaman niya ang lalong pagdiin ng ulo ng baril sa kanyang sintido nang akmang dadaluhan niya si Love. Nag-aalala at nangangalit siya. Wala siyang magawa para tulungan ang kasintahan. Lalong umigting ang kanyang pagnanais na lapitan ang dalawang babae nang ilang beses na sinipa ni Agatha si Love sa tiyan. Bawat daing ni Love ay parang bombang ibinagsak kay Jay.
“Ano na, Jay! Naiinip na ako,” wika ni Agatha habang walang tigil ang pagtadyak nito sa tiyan ni Love na halos wala nang buhay. Walang ampat ang dugong lumalabas sa sugat sa leeg at pagitan ng hita nito. Naka-fetal posotion na ito.
Napatingin si Jay kay Eleyas , para bang humihingi ng saklolo. Ngunit nadismaya siya nang makita matatalim na tingin ang ibinato nito sa kanya.
Nagtatagis ang bagang nito. “Kapag namatay si Love, Jay, magtago ka nang maigi. Dahil hahanapin kita kahit sa impyerno ka man mapadpad!”
“Tigilan mo na iyan,” nanghihinang utos niya kay Agatha. “Papayag ako sa gusto mo, basta ipadala mo sa hospital ngayon din si Love!”
“Nope! Ikakasal muna tayo bago siya dalhin sa hospital. Huwag kang mag-alala hindi pa nasusugatan ang kanyang lalamunan.” Kaagad itong lumapit sa kanya.
Iniaabot nito sa isang babaeng lumapit dito ang hawak na chopping knife. Pumunta ang babae sa tabi ni Love at nag-squat sabay tutok ng patalim sa sa walang malay na bride.
Kinaladkad ni Agatha si Jay patungo sa altar. At inutusan ang pari na ikasal sila ng binata sabay tutok ng baril dito.
“Mawalang-galang na, Father, maaari mo nang simulan ang seremonyas. Maari bang madaliin mo na rin baka kasi matuluyan ang malanding iyon, e,” anito na ang tinutukoy na babae ay si Love.
Nagkukumahog namang sumunod ang pari. Lalo pa at adiniin din sa ulo nito ang baril na kanina pa nakaumang sa kanya.
Wala pang kalahating oras ay natapos na ang seremonyas. Iniutos naman ni Agatha na dalhin nga si Love sa pagamutan. Akmang susunod si Jay ay mabilis itong hinigit ni Eleyas sa kwelyo ng suot nitong barong.
“Huwag na huwag ka nang magpapakita sa amin, tarantado ka! Oras na hindi maagapan si Love, humanda ka hahanapin kita pati ang babaeng iyan at ang mga tauhan niya!” nangangalit ang bagang wika ni Eleyas sabay bitiw sa kanya at lumayo.
Naiwang nakatanga si Jay, habol-tanaw ang papalayong pinsan ni Love.
Palayo sa kanyang buhay…
Nanghihinang umupo si Jay sa gitna ng simabahan. Ang kaninang maingay ngunit romantikong atmospera, ay napalitan ng walang kasing tahimik at amoy dugong kapaligiran.
Ang mga samot-saring puting bulaklak at iba pang palamuti ay mistulang kulay abo sa kaniyang paningin. Parang nawalan ng sigla ang mga ito.
Walang kulay… walang buhay…
━━━━━━ ◦ ❖ ◦ ━━━━━━
Next to: Against All Odds (Chapter 2)
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






2 Responses
Grabe Naman umpisa palang sinadlak na siya 😭
Hehehe. Peace po. Mesheket nga po sa dibdib ang ganap sa unang eksena heheh.