PUMUNTA SA police station si Jay pagkaalis sa opisina, kasama ang kaniyang abogado. Nag-file sila ng kaso laban kay Agatha. Frustrated murder para sa hindi pa naisisilang na sanggol sa sinapupunan ni Love, attempted murder para kay Love, at abduction. Mabuti na lang at may kopya ng kasal nila ang abogado.
Kuwento nito ay palihim itong humingi ng kopya sa agency na nag-cover sa kasal nila ni Love, bago pa man ipabura ni Agatha. Sa takot kasi na madamay ay sinunod ng agency ang utos ng babae na burahin ang mga larawan at bidyong nakuha nang araw na iyon. Palihim ding kumuha ng statements ang abogado sa mga saksi nang maganap ang insedente.
Napag-alaman nilang ilang counts ng abduction at murder ang nakasampa laban sa babae. Mula ito sa pamilya ng Almonte at ilang saksi na dumalo sa kasal sana nila. Non-bailable ang nakasampang kaso laban dito. Pero nagtaka sila kung bakit malaya pa rin itong nakapagliliwaliw. Doon nila nalaman na nag-plead not guilty ang babae. At binayaran nito ang judge na humawak ng kaso. Idiniin nito ang mga tauhang nanutok sa simbahan. Kaya ang mga ito ang nakulong at tumistigo si Agatha laban sa mga ito. Nagawa nitong baligtarin ang mga tauhan.
At sa kasamaang palad ay nalaman pa nilang patay na ang mga nadakip na tauhan ng babae. Ayon sa lumabas na imbestigasyon ay nalason umano ang mga akusado sa loob ng kulungan. At iisang lason lang ang nakita, cyanide. Inilagay umano sa pagkain na galing sa mga dalaw ng mga ito. Si Agatha ang itinuturong pasimuno ng paglalason sa mga tauhan nitong nakulong. Ngunit walang matibay na ebidensiya laban sa babae. Dahil ni minsan ay hindi ito dumalaw sa kulungan.
“Maraming salamat, Attorney Salcedo. Kailangang makulong sa lalong madaling panahon si Agatha. Lalo na at may matibay tayong ebidensiya laban sa kaniya na hindi nailabas sa unang kasong isinampa sa kaniya ng mga Almonte,” wika ni Jay nang palabas na sila sa police station.
“Basta para sa ikalulutas ng kasong ito, Jay. Masyado nang mahaba ang panahong nasayang upang mabigyan ng tamang hustisya ang nangyari kay Love at sa anak ninyo,” tugon ng abogado. “At isa pa, banta sa kaligtasan ng lahat ang taong katulad niya. Dagdag pang parang nakababatang kapatid ko na kayong dalawa ni Maya. Sa akin kayo inihabilin ng inyong mga magulang. Kaya marapat lang na alagaan ko rin kayo, katulad ng pag-aruga nila sa akin noon.” Natahimik ang binata sa tinuran ng abogado.
Si Attorney Lorenzo Salcedo ang kanilang family lawyer. Naging schoolar ito ng kaniyang abuelo. Nang magtapos ito ng abogasya ay pinili nitong manibilbihan sa kanilang pamilya, kaysa tanggapin ang offer ng isang law firm sa America. Kung tutuusin ay hindi naman hiniling ng kaniyang lolo na magtrabaho ito sa kanila. Pero ang rason ng naman ng matandang abogado ay pagtanaw ito ng utang na loob sa kanilang pamilya. Hindi na sila kumontra sa dahilan nito. Dahil para sa kanilang pamilya, ang pagtulong ay dapat kusa at walang inaasahang anumang kapalit mula sa tinulungan nila.
Sa edad na limampu’t anim ay matikas pa rin ang tindig nito. Nagmumukhang mas bata sa tunay nitong gulang. May pamilya na rin ito at pawang mga propesyunal na rin ang mg anak nito. Kinausap na rin siya ng panganay anak nito na pahintuin na ang ama. Pero ito na rin mismo ang nagsabi sa anak na ayaw pa nitong mag-retire.
Kung si Jay lang ay papayagan na niya ang kanilang abodado na magretiro. May maayos nang pamumuhay ang mga anak nito, at puwede na itong magpahinga at maglibot sa ibang bansa kasama ang asawa nito. Ngunit hangga’t hindi raw siya nag-aasawa ay hindi ito magreretiro bilang abogado niya.
“O, paano, Jay. Mauna na ako. Tatawagan na lang kita kung mayroong bagong balita sa kaso,” wika nito nang nasa tapat na sila ng sasakyan nito. Kinamayan niya ito at naghiwalay na sila ng landas.
Wala siyang maisipang puntahan pa, alas tres na rin kasi ng hapon. Kaya naisipan na lang niyang mag-road trip muna. Sa pamamagitan nito ay ma-relax ang utak niya at makapag-isip siya nang maigi. Lahat ng dokumento na kailangan niyang pag-aralan ay napasa na ng kaniyang sekretarya sa kaniyang email. Iyon ang kailangan niya pang pagtuunan ng pansin. Kinausap kasi siya nang masinsinan ng board kaninang umaga habang wala si Agatha.
Napag-alaman niyang malaki na ang nadispalkong pera ng babae. At kapag hindi niya ito maaksyunan ay mababangkarote ang kanilang kompanya. Ang bagay na ito ang ayaw niyang mangyari. Maraming empleyado ang maaapektuhan at matatanggal sa trabaho kung sakali.
Makalipas ang halos tatlong oras na pagmamaneho ay nakarating siya sa Love Resort sa Anilao Batangas, ang resort na regalo sana niya kay Love. Kaagad naman siyang pinagbuksan ng gate ng guwardiya nang makilala siya nito. Tinanguan niya ito nang binati siya ng gwardiya. Dumaan siya sa hotel at kinausap ang manager. Nagbilin din siya rito na padalhan siya ng pagkain sa kaniyang resthouse.
“A, Manager Santos, kapag may naghanap sa akin, sabihin mong hindi pa ako nagagawi rito. Kunin mo na lang ang pangalan, and code white,” dagdag na bilin niya rito.
“Noted po, Sir Jay,” magalang na sagot ng babaeng manager ng hotel.
Code white, ibig sabihin ay idaan sa short note na nakalagay sa white envelope na naglalaman ng inpormasyon tungkol sa naghanap sa kaniya. Ginagamit din nila ang code na ito sa iba pang bagay na kailangang malaman ni Jay kapag nasa resort siya. Code red naman kapag may bantang panganib at confidential ang isang bagay. Ito ay sa pamamagitan ng alarm na konektado sa buong resthouse. Ang alarm button ay nasa opisina ng hotel manager at nakatago sa ilang bahagi ng hotel. Silang dalawa lang ang nakaaalam sa code red. Ang code white ay alam ng lahat ng staff ng resort. Ginawa niya ito para kapag may reklamo ang staff sa manager, ay maaring magdirekta sa kaniya ang mga staff.
Bago tuluyang tinungo ang rest house niya ay kinausap pa niya ang mga staff na nakasalubong niya. Ngunit ilang metro na lang ang layo niya sa bahay-pahingahan ay tumunog naman ang kaniyang cellphone. Kunot-noong sinagot niya ito nang makita ang pangalan ni Mercy.
“Bakit kaya?” anang sa isip niya. Nag-text kasi siya rito kanina na hindi siya kakain sa bahay.
“Hello, Ser! Umuwi ka ngayon din! Code indigo, Ser!” bungad ng kasambahay sa kaniya.
“Sige. Sabihan mo lahat na tumuloy sa silong,” utos niya kay Mercy at kaagad na pinutol ang linya
Tulad sa resort ay may color coding din sila ng mga kasambahay. Code red kapag panganib at huwag muna siyang umuwi. Indigo kapag panangib at kailangan niyang makauwi kaagad. Code white kapag may unusual behaviour or under observation ang isang kasambahay. Code yellow naman kapag may problemang pinansyal ang mga ito. Ngunit ang mga code na ito ay verbal lang at hindi na kailangang idaan sa envelop.
Ang silong na tinutukoy niya ay ang safe room na matatagpuan sa ilalim ng bahay ng mga kasambahay. Nasa gilid ito ng kanilang bahay, sa kaliwang bahagi ng hardin katabi ng storage room nila. May sariling kusina ang bahay ng mga ito. May limang silid iyon para sa mga kasambahay. Ang tatlo ay para sa mga babae. Ang dalawa ay para sa mga lalaki.
Kahit pagod sa tatlong oras na pagmamaneho ay kaagad na tinahak ng binata ang kalsada pabalik ng Maynila. Ibinilin niya na lang sa guwardiya sa gate na tawagan ang hotel manager at sinabing bumalik siya sa siyudad dahil sa isang emergency.
DALA ng matinding traffic ay alas diyes na ng gabi nakarating si Jay sa kaniyang bahay. Nagtaka siya nang maabutang may mga police patrol car sa labas at may ambulansiya rin. Nag-aalalang tinawagan niya si Mercy.
“Mercy? What happened? Bakit may mga police sa labas?” Huminto siya ng ilang metro mula sa gate ng bahay at nagmasid muna.
“Ser, kasi may nanloob kanena nang tumawag ako. A-at,” lalo siyang nabahala nang mahimigan ang takot at kaba sa boses nito.
“At?” aniya.
“P-penatay po nila se Ma’am Agatha,” anito.
“Nakita ba kayo ng mga pulis?” aniya.
“Hi-hinde po, Ser. Nang tumawag kami ng pulis ay narito na kame sa silong,” anito.
“Sige. Tatawagan kita mamaya kapag puwede na kayong lumabas,” aniya at pinatay ang cellphone nang sumagot si Mercy.
Bago pa siya makalabas ng sasakyan ay kumatok na sa kaniyang bintana ang isang unipormadong pulis. Embis na buksan, ay minabuti niyang lumabas na lang nang tuluyan sa kotse.
“Magandang gabi po, Sir. Pasensiya na po, pero hindi po kayo maaaring dumaan sa parteng ito ng subdivission,” aniya ng pulis pagkababa ni Jay.
“Magandang gabi rin po. Ako po ang may-ari ng bahay,” mabilis naman pagpapakilala ni Jay sa pulis. Inilabas niya rin ang kaniyang identification card nang makita ang pagdududa sa mata ng kaharap.
Agad niyang sinabi sa pulis na tinawagan siya ng mga kasambahay tungkol sa nangyari. Sinabi rin niya na nasa isang safety room ng bahay ang mga ito. Ayon kasi sa pulis, walang ibang tao silang nadatnan maliban sa bangkay ni Agatha at isang gunman na papalabas ng bahay.
“Sir, may mga CCTV na naka-install sa buong bahay. Handa akong ibigay sa inyo ang kopya ng footage,” aniya.
Tinawagan niya na rin ang mga kasambahay na maaari na silang lumabas. Kailangan din kasi silang kausapin ng mga pulis tungkol sa nangyari. Halos madaling araw na nang umalis ang pulisya sa kanilang bahay.
━━━━━━ ◦ ❖ ◦ ━━━━━━
Next to: Against All Odds (Chapter 7)
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Bilis sino pumatay Kay bruhildang hahahha