ARAW ng martes. Maaga akong nagising dahil sa ingay mula sa labas. Parang tunog ng hampas. Pupungas-pungas pa ako habang bumabangon. Saglit kong tiningnan ang maliit na orasan na nakasabit sa dingding. Kaagad akong nagtaka. Alas dos pa lamang.
Sino naman kaya ang gising pa?
Mabilis ang kilos ko sa pagsusuot ng aking puting kasuotan na tinatawag na habit. Matapos ay iniayos ko ang hanggang balikat kong buhok upang isuot na ang puting veil. Puti pa lamang ito dahil hindi ko pa nagagawa aking huling vow. Sa susunod na buwan ay magiging itim na rin ito.
Lumabas na kaagad ako sa aking silid. Tahimik ang pasilyo. Rinig na rinig ko pa ang mga hilik ng mga batang lalaki sa silid nila na malapit lang ng sa akin.
Nagtungo ako sa tanggapan ng orphanage. Habang papalapit ay mas lumalakas ang tunog. Para talagang may pinapalo.
Nang makarating ako ay naabutan kong nakabukas ang pintuan ng orphanage at nakita kong madilim pa sa labas. Pinindot ko ang switch na nasa tabi ko lang upang mabuksan ang ilaw dito sa tanggapan.
Nataranta ako nang makitang umiiyak si Pinpin habang nakaluhod sa sahig at nakaangat ang dalawang kamay na namumula na. Nasa harapan niya si sister Fatima na nakahawak ng pamalo.
“Sister!” Kaagad akong lumapit sa kanila. Dinaluhan ko si Pinpin na yumakap kaagad sa’kin. “Anong nangyayari, sister Fatima? Bakit mo pinapalo ang bata? Madaling-araw pa lang,” nag-aalalang sambit ko.
Hinarap ko si Pinpin at tiningnan ang maliliit niyang kamay. May sugat na ito at pulang-pula. Mukhang kanina niya pa pinapalo ang bata. Nahabag kaagad ako sa bata.
Tiningala ko si sister Fatima na seryoso lang ang mukha. Alam kong namamalo siya kapag may pasaway pero hindi naman siya umaabot sa ganito.. Hindi nga ba?
“Walang pinipiling oras ang pagdidisiplina, sister Faith. Punong-puno na ako sa mga pasaway na ito. Kung maaari ay h’wag ka na lang makialam dito,” matigas na pahayag niya. Nangunot ang noo ko. Hindi ito makatarungan.
Tiningnan ko muna si Pinpin. “Pinpin, balik ka na sa kwarto mo. Gagamutin ‘yan ni sister Faith mamaya ha?” malambing na utos ko rito. Kaagad itong tumango at tumakbo paalis.
Hinarap ko si sister Fatima na mariing nakatitig sa’kin. Hindi niya yata nagustuhan ang pangingialam ko. Ngunit alam kong mali ang ginawa niya.
“Sister Fatima, hindi makatarungan ang ginawa mo. Bakit mo sinasaktan nang gano’n ang bata? Hindi ko alam na ganyan ka pala magdisiplina.”
Marahil ay nadala na rin ako sa gulat at inis kaya ko nasambit ang mga iyon.
Sumama ang timpla ng mukha niya sa sinumbat ko. Ginawa niyang tungkod ang kanyang pamalo bago nagsalita, “H’wag kang makialam sa paraan ko, sister Faith. Sa pangangalaga ko iniwan ang orphanage, hindi sa’yo.”
Tila ba naupos na parang kandila ang lakas ng loob na mayroon ako dahil sa sinabi niya.
Akala ko’y huling beses ko na iyong masasaksihan ngunit iyon na pala ang simula ng aking laban.
“Sister, h’wag po,” pagmamakaawa ni Pinpin.
Malapit nang mag-alas tres ng madaling-araw at kasalukuyan kong ginagamot ang mga daliri niya na mayroong sugat. Kinakabahan siya na bigla kong lagyan ng alcohol ang sugat niya.
“Ano ka ba, Pinpin, para ka namang bata! Hihipan naman namin ni Ate Fita ‘yan,” mahina ngunit seryosong sambit ni Yna. Natawa naman ako ng mahina. Kung makapagpangaral naman kasi ay parang hindi rin siya bata.
Naabutan ko silang tatlo kanina na nag-uusap sa labas ng mga kwarto nila. Nagising yata sina Fita at Yna kaya nakiusyoso at mukhang nagsumbong si Pinpin sa kanila.
Napag-alaman ko rin kung bakit siya pinalo ni sister Fatima. Lumabas kasi ito no’ng oras na ‘yon upang kumuha ng biskwit sa kusina. Nagutom daw kasi siya tapos ay nahuli nga lang siya ni sister kaya ayon, pinalo.
Hindi ko na maintindihan kung bakit ang bilis mairita ni sister Fatima. Nagutom lang naman ang bata, kailangan ba itong disiplinahin?
Nang makumbinsi namin si Pinpin na lagyan ng alcohol ang sugat niya ay panay ang ihip ni Yna at Fita. Naiiyak naman si Pinpin dahil sa hapdi at sa huli ay nakisali na rin sa pag-ihip sa kanyang sugat.
“Hm! Nagsipilyo ka ba, Pinpin?” reklamo ni Yna saka nagtakip ng ilong. Nasinghot niya siguro ang hininga ni Pinpin. Tuluyan na akong natawa at maging si Fita ay natawa na rin.
“Oy! Nagsipilyo ako kagabi no,” depensa ni Pinpin na tila hindi na naramdaman ang hapdi sa sugat niya.
Inayos ko na ang first aid kit at inutusan si Fita at Yna na bumalik sa mga kwarto nila at matulog muli. Magkaiba kasi ang kwarto ng mga lalaki at babae.
Pagkabalik sa silid ko ay saktong alas tres na kaya naman lumuhod na ako sa kneeler upang magdasal.
Nagising ako sa pagkakatulog dahil sa mahihinang boses mula sa labas ng silid ko. Napatingin ako sa orasan at nakitang alas kwatro pa lang ng madaling-araw. Pinakinggan kong mabuti ang hindi pa rin nawawalang ingay mula sa labas.
Parang… Parang boses ng mga bata.
Kaagad kong sinuot ang habit ko at panghuli ang puting veil. Lumabas ako ng kwarto at nagtungo sa silid ng mga batang babae. Habang papalapit ay mas lumalakas ang ingay. Mas naiintindihan ko na.
“Tulong!”
“Sister Faith! Tulong!”
Ito ang paulit-ulit nilang sinasambit na sinusundan ng malalakas na sigaw at hagulgol. Kaagad sumiklab ang kaba sa’king dibdib. Nakikilala ko ang boses na ‘yon.
Binuksan ko ang silid ng mga batang babae at wala akong makita dahil binabalot ng kadiliman ang silid. Bigla ring nawala ang ingay na aking naririnig.
Nakakapagtaka. Bakit madilim?
Kinapa ko switch ng ilaw sa dingding. Nang maramdaman ko ito ay pinindot ko kaagad.
Nagulat ako sa aking nakita!
Muntikan pa akong matumba nang mawalan ng lakas ang aking binti. Napahawak ako sa dingding bilang suporta sa sarili.
P..Paano..?
Nakatihaya si Fita sa sahig na duguan ang puting damit. Si Diane naman ay nakatingin sa akin habang punong-puno ng luha ang mga mata.
“Kasalanan mo ‘to, sister Faith! Kasalanan mo ‘to!” sumbat niya sa’kin!
Hindi ako makapagsalita. Tila ba may pumipigil sa aking magsalita. Binalot ako ng takot at nagbadya ang luha sa aking mata.
F-Fita..
Biglang tumayo si Diane at nagulat ako nang makitang may hawak-hawak siyang kutsilyo! Unti-unti siyang lumapit sa’kin at unti-unti rin akong umaatras habang nanginginig ang labi.
“Bakit ka nanahimik?! Bakit mo kami pinabayaan?”
Nagulat ako nang marinig ang boses niya. Bigla itong nag-iba, magkahalong boses ng lalaki at matinis na boses ng babae. Masakit sa tainga ang bawat sigaw niya!
Hindi ko malaman kung bakit hindi ako makagalaw! Nais kong tumakbo lalo na nang mag-iba ang hitsura ni Diane!
Nakalapit na siya sa akin at huli na ang lahat dahil–
Napabangon ako at napatingin sa palibot. Maging sa aking paggising ay nandito pa rin ang kaba sa dibdib. Unang beses na magkaroon ako ng panaginip na gano’n.
Napatingin ako sa orasan at nakitang alas kuwatro na ng madaling araw. Hinawakan ko ang aking silver na crucifix na kwintas at nagdasal ng taimtim. Alam ko kung ano ang bumabagabag sa panaginip ko.
Pinaglalaruan ako ng demonyo.
ISANG gabi, sabay kaming naglalakad ni sister Fatima upang tingnan kung natutulog na ba ang lahat ng bata. Hawak-hawak niya ang pamalo niya na ginagawa niyang tungkod at hawak ko naman ang lampara na nagsisilbing liwanag sa madilim na pasilyo.
Una naming tiningnan ang silid ng mga batang lalaki.
May humihilik pa at sigurado akong si Pinpin iyon. Seryoso lang si sister Fatima habang pinapasadahan sila ng tingin. Matapos ay nagtungo naman kami sa silid ng mga batang babae.
Narinig kong may mga nag-uusap pa. At nang buksan niya ang pinto ay mabilis na nagsihiga ang tatlong bata upang magkunwaring natutulog. Nakita ko sila dahil sa liwanag ng lamparang hawak ko.
Napatalon ako sa gulat nang malakas na inihampas ni sister Fatima ang kanyang pamalo sa dingding. Maging ang ilan sa mga bata ay nasindak at kaagad na napabangon. Ang iba ay luminga-linga pa at nagising sa kanilang pagkakatulog.
“Sister?” Nagtatakang sambit ko habang nakatingin kay sister Fatima. Nakakunot na ang noo niya at batid kong may mapapalo na naman siya ngayon.
Nag-aalala kong tiningnan si Fita, Diane at Yna. Nakaluhod sila sa harapan ng altar ng chapel. Nais ko sanang pigilan si sister Fatima ngunit alam kong mas lalo lang siyang magagalit. Hindi sila pinaluhod sa kneeler upang magtanda raw. Isa-isa sila ng bilao na may lamang munggo.
Nagkatinginan kami ni Ate Marivic at Misty. Silang dalawa ang mga kasama namin dito sa orphanage. Matanda na si Ate Vic. Biyuda siya at siya ang namamahala sa paglilinis ng institusyon.
Si Misty naman ang kasama niya. Stay-in sila rito.
Nahahabag kong tiningnan ang mga bata. Umiiyak na si Diane at Yna ngunit nanatili lang si Fita na matigas ang ekspresyon ng mukha. Halatang pinipigilang umaray at umiyak.
Nilingon ko ang pasilyo at nakita doon ang mga batang babae na nagising. Maging sina Pinpin ay nandoon na rin. Nakasilip sila at nakatingin sa tatlong batang nakaluhod. Ibinaling ko ang tingin kay sister Fatima na nakaupo lang at mariin na nakatingin sa mga bata.
Tama ba ito? Bakit ganito si sister Fatima?
Iba ang order na natanggap ko sa nagdaang dalawang taon. Home for the Aged sa San Agustin. Iba ang mga madre na kasama ko. Kahit na naiinis na sa mga matatanda ay pinag-uusapan lamang namin at idinadaan sa dasal. Hindi ganito. Hindi sinasaktan.
Tiningnan ni sister Fatima ang mga batang nakatayo at nakasilip sa gilid. “Ito ang mangyayari sa inyo kapag lumabag kayo sa patakaran ko. Naiintindihan niyo ba?” Hindi magkamayaw sa pagtango ang bata sa kanya. Natatakot na baka’y pagalitan din sila kapag hindi sila tumango.
“Magsibalik na kayo at matulog, ang susuway ay malilintikan sa’kin,” utos niya. Kaagad namang bumalik ang mga bata sa silid nila. Sinundan pa sila ni Misty at Ate Vic na tila natatakot na rin sa patakaran ni sister Fatima.
Kung malalaman lang ito ni Reverend Mother ay paniguradong magagalit ito. Ang kaso ay malayo ang Roma at mahal ang bayad para magpadala ng sulat sa kanya. Ang aming telepono ay nasira na rin kaya hindi niya kami matatawagan at gano’n din kami sa kanya.
“Sister Fatima, patawad po, patawarin niyo na po kami,” naluluhang turan ni Diane.
“Tama na po, Sister. Masakit po,” dagdag ni Yna. Nahabag ako sa kanila. Ngunit nanatiling seryoso ang mukha ni sister Fatima na tila walang naririnig. Na tila hindi na mababago ng kahit na sino ang kanyang desisyon.
Naalala ko ang panaginip ko tungkol kay Fita at Diane. Ito ba ang pinapahiwatig no’n?
Nilapitan ko si sister Fatima. “Sister, patawarin mo na ang mga bata. Hindi mo naman sila kailangang paluhurin at ibabad sa munggo,” mahinang sabi ko sa kanya. Naririnig ko pa rin ang mahihinang hikbi ng mga bata.
“Ginagawa ko ‘to para magtanda sila.”
“Pero hin-”
“Alam mo ba kung bakit ko ginagawa ‘to, sister? Bata ka pa at marami ka pang kailangang malaman at mapagdadaanan. Manahimik ka na lang,” mataray na pahayag niya.
Alam ko naman ‘yon. Ngunit tatahimik pa rin ba ako kahit na alam kong mali ang ginawa niya?
Next to: Ang Laban ni Faith (Huling Kabanata)
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





