Ang Love Story ni Betchay (Chapter 3)

GAYA ng bilin ng lola ni Betchay ay dinaanan nga nila ang tindahan ni Aling Bebang. Pero sabi ng anak nitong binatilyo ay nasa loob daw ng bahay ang hinahanap. Nagpapalinis daw ng kuko.

Nag-isip siya sandali kung iaabot na lang ba sa binatilyo ang pera. Ngunit nagbago din kalaunan ang isip niya nang maalalang adik sa larong bilyar ang anak ni Aling Bebang. Baka maipusta pa ang pambayad ng lola niya at maisugal iyon kaya nilingon niya si Dylan para ayaing dumiretso na lang sa bahay ni Aling Bebang.

Sa kaliwa ng tindahan ay may maluwag na espasyo kung saan ang daan patungo sa bahay ni Aling Bebang. May bubong na yero para hindi mainit sa hapon. Ginawa talaga iyon para sa tambayan ng mga nagbibinggo o kaya ng mga nag-iinuman.

Nang mga oras na iyon ay may binggohan na nagaganap at wala silang magawa kundi ang dumaan sa harap ng mga ito.

Daig pa nila ang dumadaan sa microscopic computer kung tumingin ang mga balyenang mga tsismosa. Saka, magtsitsismisan nang pabulong. Syempre, siya na naman ang tampulan ng mga ito. Kung puwede nga lang sa taas sila ng bubong dumaan para hindi na sila makita ng mga ito ay ginawa na niya.

‘Sana magkaroon ng batas ang presidente ng Pilipinas na bawal na ang magbingo— ay hindi, tsismisan,’ sabi niya sa sarili.

Mga ilang hakbang pa ay natanaw na niya si Aling Bebang na nakaupo at nagpapalinis nga ng kuko sa paa.

“Aling Bebang, bayad raw po pala ni mamang sa kulang niya noong nakaraang linggo,” magalang niyang sabi sa medyo may katabaang babae. Malakulay tanso ang buhok nito at ahit ang kalahating buhok nito sa ilalim ng ulo. Feel na feel ng babae ang ganoong style ng buhok.

‘Baka malakas makabata.’

Pagkaabot ng bayad ay tumango lamang ito at umalis na sila. Muli silang natapat sa microscopic computer area at sa pagkakataong iyon ay hindi talaga sila nakaligtas sa pasaring ng mga balyena.

“Ambisyosa. Akala mo kagandahan. Mangarap daw ba ng gwapo!” Nag-duet ang mga ito sa pagtawa.

Napasulyap siya sa nagsalitang babae. Si Iska at nasa likod nito si Barbie— ang ex bestfriend niya. Kanina, nang una silang dumaan ay wala pa ito roon.

“Hoy, babaeng balyena pa sa balyena! Hindi ka maganda, ʼwag kang magtaray!” sabat ni Dylan na sinabayan pa ng pag-irap.

Napangiwi siya. Ayaw niya ng gulo kaya mabilis niyang hinila ang kaibigan sa braso palabas bago pa humaba ang usapan at baka mauwi pa sa away. Nakakailang hakbang na sila nang magsalita si Dylan.

“Si Barbie,” sabi nito. Nilingon niya ang kaibigan. “Oo. Si Barbie ang nagtsismis ng tungkol sa ʼyo. Alam ko ʼyon.” Nakaarko ang dalawang kilay nito.

Kahit naman siya ay ganoon din ang hinala. Bukod kay Dylan ay isa rin si Barbie sa pinagkuwentuhan niya tungkol sa lalaking madalas niyang mapanaginipan.

Noon, si Barbie ay ka-close niya at mas bata ng limang taon kaysa sa kanya. Hindi niya alam kung bakit bigla na lamang itong nagbago. Hindi naman niya magawang komprontahin ito dahil palagi ay umiiwas. Ang mga tsismosa na ang laging kasama nito kung tumatambay sa labas.

“Tingin ko rin naman. Kaya lang mahirap mambintang, wala tayong pruweba.”

“Hindi mo pa ba nakikita prince charming mo?” pag-iiba nito sa paksa nila.

Mabilis siyang umiling. Noong nakaraang mga araw kasi ay sinusubukan niyang tumingin-tingin sa internet. Nagbabakasakali siyang mahanap ang mukha ng lalaking laman lagi ng kanyang mga panaginip.

Alam niyang suntok sa buwan iyon at malabo pa sa sabaw ng pusit ang tsansang mahanap ang lalaki sa internet. Pero walang masama kung susubukan niya.

“ʼDay,” sambit nito saka nagbilang sa daliri. “Hala, tatlong taon na lang. Lalabas ka na sa kalendaryo. Mag-e-expired na ʼyan,” sabi nito sabay nguso sa kanyang puson.

Pinamulahan agad siya ng mukha sa sinabi nito. Oo, siya ang solid na matatawag na virgin. Never been touched, never been kissed. Maski ang manood ng porn hindi niya ginagawa. Sobra ang takot niya na kapag nakapanood ay lalo siyang ma-curious sa tinatawag nilang luto ng Diyos.

Buo ang panata niyang hihintayin ang lalaking kanyang pinapangarap at dito lamang iaalay nang buong-buo ang sarili.

“Baka nga naman kasi totoo ang sinasabi ni mamang na lahat ng panaginip ay kabaliktaran at hindi totoo. Naku, ha, sayang ang tahong. Kung puwede lang maarbor ʼyan, arbor-in ko talaga.” Tinaasan siya ng kilay nito.

“Dadating siya, tiwala lang. May tatlong taon pa ako,” sabi niya saka ngumiti sa kaibigan. Pero sa totoo lang, mas parang sinasabi niya iyon sa sarili.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Ang Love Story ni Betchay (Chapter 3)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

3 Responses

  1. Hahaha nakakatawa halatabg si Ivo ang kapalad ni Betchay natin aba naman hahaha nasa preview naman na ang niligawan ni betchay ay si rio hahaha 🤣🤣🤣 so ge basa pa gurl ayy tom na may pasok na mga bata bukas hahaha 😅 salamat otor and quattro 😘

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.