Eighteen
“Genie!” Napatingala ako ng tingin nang marinig ang pamilyar na tinig.
“Alladin!” Kaagad kong itinaas ang aking kanang kamay habang ang kaliwa naman ay nakayakap sa walang malay na si Hell. Sana lang ay naintindihan ni Alladin ang nais kong iparating.
Tila nasa komunoy kami ni Hell habang may mga kamay na humihila sa aming mga katawan palubog sa nagliliyab na sahig. Para itong isang opening patungong impyerno na handa na kaming kuhanin.
“Genie, kumapit ka! Huwag kang bibitaw.” Unti-unti kong nararamdaman ang pag-angat ko ngunit unti-unti ko ring nabibitawan si Hell.
“Alladin, si Hell,” sabi ko at kaagad na nilingon si Hell.
“Basta kumapit ka lang at huwag mong bibitawan si Hell,” sabi niya.
“Hindi ko na kaya. Nanghihina na ako.” Halos ubos na rin ang lakas ko. Iyong pakiramdam na unti-unting nawawala ang lakas sa buong katawan ko. Nahihirapan na rin akong akayin pa si Hell pataas at alam kong lalong ganoon rin si Alladin lalo na at dalawa kaming kailangan niyang hilahin pataas. Ngunit kung bibitawan ko si Hell ay tiyak na pagsisisihan ko iyon. Ayokong pati si Hell ay mawala sa akin ngunit ang punyal na nakatarak kay Hell, ako ang may kagagawan noon. Anong gagawin ko?
Isang liwanag ang biglang bumalot sa paligid. Unti-unti ay nakaramdam ako ng paggaan sa aking katawan. Hindi ako makapaniwala nang makita ko si Heaven. Nagliliwanag ang kaniyang buong katawan at sumisilay ang ngiti sa kaniyang mga labi. Ang kaniyang pakpak ay pumapagaspas kasabay ng hangin at ang halo sa kaniyang ulo ay tila sikat ng araw na nagniningning.
Ikinulong niya sa kaniyang mga palad ang mukha ni Hell at narinig ko ang pag-ungol nito. Buhay pa siya at lumalaban kung kaya wala akong dapat ipag-alala.
“Heaven…” mahinang bulong nito.
Unti-unting umangat ang aming katawan ni Hell at tuluyang nakawala sa kumunoy ng apoy. Tuluyang nagsara ang bumukang lupa at nagliwanag ang buong kalangitan.
Isang matamis na ngiti naman ang muling ibinigay sa amin ni Heaven bago niya hinawakan ang dibdib ni Hell na may marka pa ng bumaong punyal. Unti-unting naghilom ang mga sugat nito at tuluyang nagsara. Dahan-dahan namang nag-angat ng paningin si Hell at tuluyang naglandas ang mga luha sa kaniyang pisngi.
“Patawad, Heaven,” sabi ni Hell.
Umiling lang si Heaven bago tuluyang naglaho. Dahil naman sa sobrang pagod ay pinili na lang ni Hell na ipikit ang mga mata hanggang sa tuluyang nawalan ng malay. Ang kaniyang anyo ay tuluyang bumalik sa pagiging normal. Ang kaniyang sungay ay tuluyang naging abo ganoon rin ang kaniyang mga pakpak.
Halos hindi naman ako makapagsalita dahil sa palaisipang si Heaven ang nagligtas sa amin. Paano? Naglakbay ang kaniyang kaluluwa upang bantayan kami? Pero paano kung? Napaluha naman ako sa isiping iyon. Hindi maaaring mawala si Heaven. Hindi niya kami maaaring iwan.
Tunog ng ambulansya ang siyang tuluyang gumising sa diwa kong natutulog sa mga maling isipin. Napalingon ako kay Alladin nang bigla niya na lang akong yakapin.
“Genie, tapos na ang lahat. Ligtas ka na. Ligtas na si Hell,” sabi niya.
Kaagad na lumapit sa amin ang lulan ng ambulansya dala ang isang stretcher. Maingat nilang binuhat si Hell at inilipat doon at ipinasok sa loob ng ambulansya.
“Miss, ayos lang po ba kayo?” tanong ng isang lalaki na tingin ko ay kasamahan ng mga medic.
“Oo ayos lang ako. Salamat,” tugon ko.
“Kaibigan n’yo po ba ang walang malay na iyon?” muling tanong nito.
“Oo. Sasama ako sa ospital.”
Dahan-dahan naman akong inalalayan ni Genie patayo at sumakay sa ambulansya.
▲▼▲▼▲▼▲▼▲
June 30, 2025
Tatlong araw na rin mula nang dalhin namin si Hell dito sa ospital kung nasaan si Heaven pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagkakamalay. Si Heaven naman ay ganoon din. Hindi ko na alam kung ano pa ang dapat kong maramdaman. Wala namang nakita pang ibang damage sa katawan ni Hell dahil nagawa na itong gamutin ni Heaven ngunit bakit hindi pa siya gumigising. Punung-puno ng pag-aalala ang puso at isip ko. Ni hindi ko na magawang kumain. Halos hindi na rin ako makatulog ng maayos sa kakaisip kung kailan sila parehas gigising.
“Don’t worry too much, magiging ayos din ang lahat,” sabi ni Alladin. Simula noong araw na nagdesisyon siyang hindi aalis sa tabi ko ay talagang tinupad niya ‘yon. Hindi ko nga alam kung ano bang nasa utak ng isang ‘to at ayaw niya talaga akong tantanan pero dahil doon ay hindi ko maitatangging unti-unting nagkaroon siya ng puwang sa puso ko. Natutuwa pa nga ako na nandiyan siya at hindi ako nilubayan hanggang sa puntong ito. Pero sino nga ba ako sa buhay niya? Bakit nga ba bigla na lang siyang sumulpot at sinabing poprotektahan niya ako.
Hinawakan niya ang aking mga kamay na ngayon ay nakahawak kay Hell at hindi naman ako makapaniwala sa sinabi niya.
“Dapat na ba akong magselos dahil hawak mo ang kamay niya? He is still a guy.”
Napabitaw ako ng wala sa oras sa kamay ni Hell at napatingin kay Alladin. Nakita ko naman ang namumulang ekspresyon ng kaniyang mukha na nakatingin sa gawi ng bintana.
“K-kaibigan ko lang si Hell. Huwag mong bigyan ng malisya,” depensa ko naman. Well, totoo naman ‘yon.
“But still, he is a GUY. Bakit ang kamay ko ni minsan hindi mo hinawakan, hindi ba magkaibigan din naman tayo?” sabi niya na may himig ng pagtatampo.
Napatayo naman ako sa sinabi niya.
“What’s with the holding hands? I’ll hold your hands para naman wala kang problema diyan,” sabi ko at nagulat na lang ako nang hilahin niya ang kaliwa kong kamay at ikinulong sa pagitan ng kaniyang mga daliri sa kaniyang kanang kamay. Nakataas pa ito kung kaya kitang-kita ko kung paano niya hawakan ito.
“Kahit isang kamay ko lang ang hawakan mo, ayos na sa akin ‘yon basta ba ganito ang pagkakahawak mo,” sabi niya na tila naman nang kakaibang kuryente sa aking katawan. Kinikilig ako na hindi ko maintindihan. Ano ba ‘tong nangyayari sa akin?
“And I’ll hold your hand like this forever, Genie. I will protect you with my life.” Humarap siya sa akin at sinalubong ang aking tingin. Napanganga na lang ako at tuluyan nang hindi nakapagsalita.
“Ehem!” Nagitla kami parehas at napabitaw sa isa’t isa nang marinig iyon. Tila sinasabi na kung maaari ba siyang mang-istorbo. Napalingon kami nang mapansin na nakaupo na pala si Hell sa harap namin.
“H-Hell, k-kanina ka pa gising?” nauutal na tanong ko.
“Oo at parang hindi nga ako nag-e-exist.” Kanina pa siya gising? Ibig bang sabihin ay narinig niya ang pagtatalo namin?
“Anong iniisip mo diyang babae ka?” Napanganga naman ako sa tanong niya. Hindi niya na nababasa ang nasa isip ko?
“O bakit ganyan ka makatingin?” Hindi ko alam pero kusa na lang gumalaw ang katawan ko at niyakap si Hell. Marahil sa sobtang tuwa na gising na siya. Na nagbalik na nga siya.
“Hey, Hell. Don’t dare hug her back.” Narinig ko namang sigaw ni Alladin. Grabe lang. Dinaig niya pa ang isang possesive boyfriend.
“What if I did?” mapang-asar naman na tanong naman ni Hell. Nagtitigan naman sila na akala mo kakainin ang isa’t isa. Ano bang problema nilang dalawa?
Bumitaw na lang ako kay Hell at kaagad naman akong hinila ni Alladin palapit sa kaniya.
“Nang-aasar ka ba talaga, Genie? Naiinis na nga ako na makitang hinahawakan mo ang kamay niya habang wala siyang malay tapos yayakapin mo pa?” nakasimangot naman na sabi ni Alladin.
“Ano naman kung hawakan ni Genie ang kamay ko? Tsk!” Napalingon ako kay Hell at halos hindi naman maipinta ang itsura ni Hell.
Halos naubos na lang ang oras sa pagtatalo ng dalawa. Natigil lang sila nang pumasok ang doktor na naka-assign kay Hell.
“Gising na pala ang kaibigan mo. Base sa exams na ginawa namin ay okay naman siya. Siguro dala lang ng pagod at stress kung bakit ilang araw siyang walang malay. Maaari na siyang makalabas.
“Thank you po, Dok,” sabi ko.
“Si Heaven po, kamusta na ang lagay niya?” tanong ko naman. Sa tatlong araw na pabalik-balik ang doktor dito sa silid ni Hell ay walang mintis ko ring tinatanong sa kaniya ang lagay ni Heaven kung kaya tanda niya na rin kung sino ang tinutukoy ko.
“Base sa observation, bumubuti na ang lagay niya. Anytime soon ay maaari na siyang magising,” sabi nito kung kaya nakahinga ako ng maluwag. Napangiti na lang ako at kaagad na nilingon si Hell.
“Hell, narinig mo ‘yon? Malapit nang magising si Heaven,” masayang sabi ko sa kaniya ngunit hindi ko inakala na ako ang masosorpresa sa sasabihin niya.
“Sinong Heaven?”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





4 Responses
Ito na ba ang kapalit ng pagkakaligtas ni Heaven kay Hell, she’ll disappear from his memories na?
Hala si Aladdin 😆 Hindi pa nga boyfriend tapos bakod na bakod na agad si Genie 😆 Paano na lang kapag sila na, hahah 🤣
Nakakakilig Sila bwahahaha
Hype nalimutan niya SI heaven hahahaha