Nineteen
Napapailing pa rin ako habang naglalakad palabas ng ospital.
“Haayyy!” Napasigaw ako at nagulo ko ang aking buhok dahil sa sinabi ni Hell. Hindi pa rin kasi ako makapaniwala kung ano ang nangyayari?
“Babae, ano bang problema mo? Kanina ka pa diyan. Kung hindi ka sisigaw, bubuntong-hininga ka. Ang ingay mo e.” Malamang iritang-irita na si Hell. Kasi naman hindi naman siya ang napapaisip ngayon kung hindi ako. Parang kailan lang e halos patayin niya ako dahil sa nangyari kay Heaven tapos ngayon tatanungin niyang sino si Heaven?
Nabigla naman ako nang hawakan ni Alladin ang kaliwang kamay ko. Nasa kaliwang side ko kasi siya kasabay kong naglalakad habang nauuna naman sa amin si Hell.
“Huwag mo ng isipin ‘yon. Ano pa at makikilala rin ng puso niya si Heaven pagtagal,” sabi niya. Kung sabagay ay tama siya. Pero magawa nga kayang makilala ng.puso ang minamahal na tuluyan nang nawala sa isip at kailanman ang alaala ay hindi na maibabalik?
“Sabi ng doktor, permanente na ang pagkawala ng alaala niya. Ibig sabihin kahit na kailan hindi na niya makikilala si Heaven. Paano kung magising si Heaven? Anong sasabihin ko?” Napayuko ako ag nakaramdam ng lungkot. Gusto kong maiyak sa mga nangyayari pero tila naubos na ang mga luha ko. Bahala na. Siguro nga tama si Alladin, balang araw sa paglipas ng mga araw ay maaalala rin ng puso ni Hell ang babaeng tuluyang nawala sa kaniyang isip.
▲▼▲▼▲▼▲▼▲
July 2, 2025
Sa paglipas ng mga araw ay tuluyan na ngang nagising si Heaven mula sa mahabang pagkakatulog at kagaya ng dati ay magiliw niya pa rin kaming tiningnan.
“Genie, na-miss kita.” Niyakap ko siya at ganoon na lang ang aking tuwa.
“Na-miss din kita, Heaven. Kasi namsn dinaig mo pa si Sleeping Beauty sa pagtulog mo. Pinag-alala mo kaming lahat,” sabi ko habang nakapatong ang aking baba sa kaniyang balikat.
“Si Hell?” tanong niya at kaagad rin naman akong humiwalay ng pagkakayakap sa kaniya. Natigilan ako at muli na namang bumalik ang mga alaala noong magising si Hell.
“Sinong Heaven?” tanong ni Hell. Napakunot naman ang noo ko at hindi ko naiwasang salatin ang noo ni Hell.
“Okay ka naman. Wala ka namang sakit. O baka naman pinagtitripan mo na naman ako?” Pinagsaklob ko pa ang aking mga braso sa aking dibdib at tinaasan siya ng kilay.
“What’s with the look? Ang mga babae talaga, ang hirap intindihin.” All of a sudden ay bigla akong kinabahan. Posible nga kayang nakalimutan niya si Heaven? Pero bakit si Heaven lang? At bakit kung magsalita siya ay parang hindi siya dating naging demonyo at matagal ng isang tao? Nilingon ko ang doktor at mukhang nabasa naman nito ang nasa isip ko.
“Excuse us, Mr. Red. Kakausapin ko lang ang mga kaibigan mo.” Lumabas ako kasama si Alladin ng silid at doon niya kami kinausap.
“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa pero permanente na ang pagkawala ng memorya ng kaibigan n’yo.”
“Pero, dok, bakit ganoon? Bakit si Heaven lang ang hindi niya naaalala? ” tanong ko.
“Tatapatin ko na kayo. Sa totoo lang ay hindi ko rin alam. Base sa test na ginawa namin sa kaniya nakita namin na merong isang brain cells sa utak niya na na-damaged pero ang nakakapagtaka sa brain cells na iyon ay may nakita kaming light particles na hindi namin maipaliwanag. Para itong maliit na christmas light na nakapalibot sa cell na iyon. Parang ito ang humihilom sa damaged cell na iyon. Kung paano iyon nangyari ay hindi namin alam. Kung tutuusin dapat nga ay gigising siyang walang naaalala mula sa kaniyang nakaraan pero nakakapagtakang naaalala niya kayo,” paliwanag ng doktor. Ibig sabihin ay himalang naaalala pa kami ni Hell?
“Dok, kung permanente na ang pagkawala ng alaala niya, ibig sabihin ay wala na talagang chance na maalala niya pa si Heaven?” tanong naman ni Alladin.
“Kung may chance man ay lubhang napakaliit. Tanging si Mr. Red na lang ang magpapasya kung nais niya pang maalala si Heaven o tuluyan na itong burahin sa kaniyang alaala.
Napalingon kaming tatlo nang bumukas ang pinto at tumambad sa aming harapan si Hell.
“Let’s go home.” Hindi ko alam kung inuutusan niya ba ako o nakikiusap sa klase ng pananalita niya. Tila nanghahamon kasi ng away ang pagkakasabi niya noon.
“Genie?” Tinapik ni Heaven nang marahan ang balikat ko kung kaya bumalik ang isip ko sa kasalukuyan.
“Ha? Ano nga ‘yon?” tanong ko.
“Okay ka lang ba? Parang ang lalim ng iniisip mo ha?” pabalik na tanong niya.
“Ayos lang. May naalala lang ako,” tugon ko.
“Ah… akala ko naman kung ano na.” Ngumiti at nginitian ko naman siya pabalik. Bigla ko namang naalala si Alladin. Kahit kailan ay nililigtas niya ako, gaya ngayon, siya na naman ang nagligtas sa akin para ibahin ang usapan sa pagitan namin ni Heaven.
“Siya nga pala, Heaven, si Alladin. Alladin si Heaven.”
“Hello! Nice to meet you. Second meet na natin ito.” Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niya. Kelan ang una?
“First meet I think?” Pinilit naman ngumiti ni Alladin para maitago ang pagtataka ngunit tila napansin pa rin ito ni Heaven.
“Una kitang nakita noong inililigtas mo si Genie at Hell mula sa kamatayan. Lubos kong ipinagpapasalamat na lagi kang nasa tabi ni Genie at hindi mo siya pinababayaan.” So it was really her angel side. Sa kabila ng kawalan niya ng malay ay nananatili pa rin ang presensiya niya sa tabi namin ni Hell.
“You mean? Alam mo ang lahat ng nangyari?” tanong ko.
“Hindi. Noong time na nasa panganib kayo ni Hell ay bigla na lang may kung ano akong naramdaman at may kung anong humatak sa kaluluwa ko patungo sa inyo. Hindi rin ako makapaniwala na makikita ko ulit ang sarili ko bilang isang anghel at inililigtas kayong dalawa mula sa panganib.” Yumuko ito at tila nag-isip panandalian bago muling nagsalita. “Si Hell, nasaan siya?”
“Heaven, kasi…” Hindi ko alam paano sisimulan ang pagpapaliwanag ngunit hindi ko rin inakala na may kongklusyon na kaagad si Alladin sa lahat ng nangyayari.
“He losts his memory of you. Alam mo ang tungkol doon ‘di ba?” sabi nito.
Tumango naman si Heaven bago nagpatuloy sa pagsasalita.
“Hindi ako Diyos, Genie. Dapat ay tuluyang mawawala ang alaala niya tungkol sa lahat ngunit hindi ko maatim na tuluyang mawala pati ang alaala niya sa mundong ito. Masaya na siya at nakakagalaw bilang isang normal na tao at ayokong ipagkait sa kaniya iyon kaya naman pinilit kong ibalik ang mga alaala niya tungkol sa iyo, sa kung sino siya sa mundong ito. Tanging ang hinayaan ko na lang ay ang mabura ang alaala niya tungkol sa kung sino siya noon at kung sino ako sa kaniya. Hindi ko kayang pagalingin at ibalik ang lahat sa kaniya. Hindi na iyon sakop ng aking kapangyarihan at iyon na rin ang kahuli-hulihang magagamit ko ang dating ipinagkaloob sa akin ng Diyos.”
“Heaven, nalulungkot ako para sa’yo.” Muli akong lumapit sa kaniya at niyakap siya ng mahigpit.
“May pakiusap sana ako, Genie.” Tumingin ito sa tabi ng kama at inabot ang stuff toy na naroon – si Toothless.
“Maaari mo ba itong ibigay sa kaniya ngunit huwag mo na sanang sabihin na galing sa akin,” sabi niya. Kahit labag sa loob ko ay wala akong magawa. Tiyak kasing kapag tumanggi ako ay malulungkot lalo si Heaven kaya minabuti ko na lang na pagbigyan ang hiling niya.
“Okay, makakarating ito sa kaniya.”
“Genie, mabuti pa ayusin na natin ang mga kailangang ayusin para makalabas na si Heaven dito. Ngayong okay na siya at nagising na siya, siguro bukas ay maaari na siyang i-discharge,” sabi ni Alladin.
“Hala!” Napabulalas na lang ako. Bigla ko kasing naalala ang bayarin. Wala na nga pala ang ipon ko. Naubos na sa ilang araw na stay ni Hell at sa operation ni Heaven nang maaksidente siya. Ang balanse namin ay hindi ko na alam kung saan pa kukunin. Paano ako magbabayad gayong wala na akong pera. Walang sideline at ilang araw natengga sa pag-aalala kay Heaven. Sa dami ng nangyari sa mga nagdaang araw, hindi ko na naalala pa ang ibang responsibilidad.
Lumingon ako kay Alladin at nagdadalawang isip kung sa kaniya ba ako lalapit. May pera ba ang isang ‘to? Wala naman yata itong trabaho dahil lagi lang nakabuntot sa akin. Hanggang sa nagdesisyon akong sarilinin ang lahat. Hindi na ako ulit hihingi ng tulong kay Alladin. Marami na siyang nagawa para sa akin at sapat na iyon upang tuluyang mahulog ako sa kaniya.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





2 Responses
Kanina pa nga ako napapaisip kung ano source of income ni Genie. Wala na kasi siyang time sa regular 9 to 5 job sa dami ng unexpected na mga ganap sa buhay niya. Ito namang sina Heaven and Hell, parang wala rin masyadong contribution sa budget 🤣
Hype Ang bilis Ng mga ganap hahahaha