Angel Vs. Demon – Thirteen

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

Thirteen

Patakbo akong nagtungo sa nakahandusay na katawan ni Heaven sa kalsada. This can’t be happening…

“Heaven, gumising ka. Please…” nanginginig na sabi ko habang tinatapik ng marahan ang kaniyang pisngi. Unti-unting bumagsak ang mga luha sa aking mga mata habang pinagmamasdan ang duguang katawan ni Heaven.

“Kawawa naman ‘yong babae.”

“Oo nga. Mukhang bata pa naman.”

“Humingi kayo ng tulong.”

Naririnig ko pa ang mga bulung-bulungan ng mga naroon. Tinitigan ko ang maamong mukha ni Heaven na ngayon ay walang malay habang napupuno naman ng dugo ang aking kamay.

“Tumawag kayo ng ambulansya!” sigaw ko. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Hindi ‘to maaaring mangyari. Bakit si Heaven pa? Sana ako na lang. Sana panaginip lang ang lahat.

Naikuyom ko ang dalawang kamay ko habang patuloy sa pag-agos ang mga luha sa aking pisngi.

“Heaven, parating na ang ambulansya… stay with me please…” humahagulgol na sabi ko.

Bigla kong naalala ang sasakyang nakabunggo kay Heaven ngunit wala na pala ito roon. Ang walang hiyang ‘yon? Paano niya nagawang takasan ang kasalanan niya? Hanggang sa biglang sumagi sa isip ko si Hell, anong sasabihin ko? Paano ako magpapaliwanag sa kaniya?

Kaagad na may humintong sasakyan sa aming harapan. Hilam ng mga luha ang aking mga mata habang pinagmamasdan ko ang pag-ikot ng pula at asul na ilaw ng ambulansya. Unti-unting dumidilim ang paligid. Anong gagawin ko? Bago ako tuluyang nawalan ng malay.

▲▼▲▼▲▼▲

Dahan-dahan akong nagmulat ng mga mata at puting kisame ang aking nakita. Unti-unti kong iginala ang aking paningin sa kabuuan ng silid, hindi ito ang kwarto ko. Nasaan ako? Hanggang sa maalala ko ang mga pangyayari. Kaagad akong bumangon at sakto namang may nakasalubong akong isang nurse.

“N-nurse, nasaan ang kaibigan ko?”

“Kaibigan mo ba ‘yong nasagasaan?” tanong nito.

“Opo. Nasaan siya?” muling tanong ko.

“Nasa ICU po siya.”

Pagkarinig ko ng isinagot ng nurse ay kaagad kong tinungo ang lugar ng ICU. Hindi ko na nakuha pang magpasalamat sa kaniya sa labis na pag-aalala. Lumilinga-linga pa ako sa paligid sa paghahanap sa lugar na iyon. Ilang oras ba akong walang malay? Anong na ang nangyari?

“Miss, saan ang ICU?”

“Diretso lang po sa dulo kaliwa,” sagot ng isang ginang.

Kaagad ko namang natunton ang itinuro niya. Dahan-dahan ang mga hakbang ko habang diretsong nakatingin sa pintuang naghihiwalay sa ICU at sa ibang silid. Pumasok ako roon at kaagad nagsuot ng asul na damit na nararapat lamang para doon. Napatakip na lang ako sa aking bibig upang pigilan ang anumang ingay na manggagaling mula sa aking pagluha. Nakaupo si Hell sa upuan sa tabi ng kama habang hawak ang kaliwang kamay ni Heaven. Kitang-kita ko ang mapapait na ngiting sumisilay sa mga labi ni Hell at ang galit sa kaniyang mga mata na sana hindi ko na lang pinuna. Naramdaman ko ang panginginig ng aking buong katawan nang dahan-dahan kong buksan ang pinto ng silid na kinaroroonan ni Heaven.

“Hell…”

“Anong ginagawa mo rito?” Nahimigan ko kaagad ang galit sa boses nito.

“I-I’m sorry,” hihikbi-hikbing sabi ko.

“Mamaya tayo mag-usap sa bahay. Ayokong makita ni Heaven kung paano ako magalit.” Pakiramdam ko ay may kung anong boltahe ang dumaan sa katawan ko at tumindig ang aking balahibo sa sinabi niyang iyon. Napuno ng takot at kaba ang aking dibdib at nagsimulang humakbang ang aking mga paa palabas ng silid. Alam ko kasing isa ako sa may kasalanan kung bakit nakaratay ngayon si Heaven doon at walang malay. Patakbo akong umalis sa ospital. Hindi ko alam kung uuwi ba ako para harapin ang galit ni Hell o magpapakalayu-layo na. Ngunit alam kong dapat kong harapin ang pagkakamali ko kung kaya nagdesisyon akong umuwi ng bahay.

Pabagsak akong naupo sa sofa habang hinihintay na maubos ang oras. Halos hindi na ako nakaramdam ng gutom sa labis na takot at lungkot. Gusto kong bantayan si Heaven ngunit hindi ko magawa dahil sa takot kay Hell.

Nakayuko lang ako habang pinagmamasdan ang aking mga kamay nang marinig ko ang pagbukas ng pinto. Kaagad akong tumayo at tumgin kay Hell. Magsisimula pa lang akong magsalita nang bigla siyang lumapit sa akin at sinakal ako sa leeg.

“Anong ginawa mo kay Heaven?” buong galit na sabi niya. Nagngingitngit ang kaniyang mga ngipin at ang talim ng kaniyang tingin na tumutusok sa aking mga mata.

“S-sorry… a-aksidente… lang a-ang lahat.”

Kaagad niya akong inihagisat halos mapaigtad ako sa sakit ng pagtama ng aking likuran sa marmol na sahig.

“Aksidente? O kapabayaan?”

Tama siya. Paano nga bang magiging aksidente ang kapabayaan ko? Kasalanan ko talaga ang lahat, dahil hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa aking katangahan. Hindi sana masasagasaan ang kaibigan ko kung nag-ingat ako.

“Ano ang kasalanan sa’yo ni Heaven para ilagay mo ang buhay niya ngayon sa bingit ng kamatayan? Ano?! SUMAGOT KA!”

“H-Hell, hindi ko ginusto ang mga nangyari. Kung… kung alam mo lang kung gaano ko hinihiling na sana ako na lang ang nasagasaan. Na sana ako na lang ang nakahiga roon sa kinalalagyan niya ngayon. Hindi ko gustong mapahamak ang kahit na sino sa inyo, hindi ko ginustong mapahamak si Heaven.”

“Ganoon ba?” Tumawa ito ng mahina hanggang sa unti-unting lumakas at umalingawngaw sa kabuuan ng kabahayan. “Kung ganoon, bubuhayin pa kita. Uunahin ko lang ang dapat na magbayad.”

Nanlaki ang aking mga mata nang may tumubong sungay sa ulo ni Hell. Ang mga pakpak ng paniki na muling lumabas sa kaniyang likuran. Ang buntot nito ay unti-unting humahaba mula sa kaniyang puwitan at ang mapupula nitong mata ay naglalagablab sa galit. Totoo bang nangyayari ang lahat ng ‘to? Hindi ‘to maaari.

Lumapit siya sa akin at naramdaman ko ang pagkirot ng aking anit ng sabunutan nito ang aking buhok.

“Utang mo sa akin ang buhay mo, kaya ako rin ang babawi nito sa iyo. Ngunit huwag kang mainip, may panahon ka pa para magdasal sa Diyos mo.” Ngumiti ito ng nakakaloko bago nagsimulang maglakad palayo sa kabutihan.

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Angel Vs. Demon – Thirteen

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.