Arleigh (A Time Travel Story) Chapter 8

“KAILANGAN mong i-convert ang vehicle mo sa era na pupuntahan mo. Your room will serve as your vehicle to enter the tunnel. Change the ambience by putting things that existed in that time. Newspapers, accessories, vases, bedsheets, curtains, everything you think will make your room look like it existed in the year 1936, go get it.”

“Kaya ba ng budget mo ito, cous?” tanong ni Jing nang sabihin niya ritong kukunin din niya ang hawak nitong tiara. Naroon sila ngayon sa bahay na narating niya nang nagdaang araw para bumili ng mga antique items na gagamitin sa kanyang ‘biyahe.’

“Kaya pa naman. Tumatanggap rin sila ng credit card kaya sige lang. Ako na ang bahalang magpalusot kay Mama.” Kumuha siya ng ilang piraso ng diyaro at iba pang babasahin. Hanggang door mat at pansabit sa dingding ay hindi niya pinaligtas. Sa huli, isang lumang telepono ang kinuha niya. That will complete the 1936 ambience of her room.

Matapos mamili ay dumiretso na sila ni Jing sa bahay nila. Nakasalubong nila sa puno ng hagdan ang kawaksing si Thelma.

“Nariyan ka na pala, Ate,” wika nito na napatingin sa mga dala nilang magpinsan.

“Where’s Mama?”

“Umalis na. Kanina ka pa niya hinihintay dahil susunod ka raw ng probinsiya eh.”

Nagkatinginan sila ni Jing. Napangiti ito at nakahinga naman siya nang maluwag.

“Sige, maglalaba ka ba?” tanong niya rito na sinulyapan pa ang dala nitong laundry basket.

“Oo, Ate. Bababa na ako.” Tumalikod na ito. Sila naman ni Jing ay nagtuloy na sa kanyang silid.

Dalawang oras din halos ang itinagal ng ginawa nilang pagbibihis sa kuwarto. Nang matapos ay napangiti siya at napapalakpak naman ang pinsan.

“My goodness cous, look at your room! Sino ang magsasabing hindi panahon ng Amerikano ngayon?” natatawa nitong sabi.

“Siguro naman ay hindi na ako mahihirapan nito sa biyahe ko. Tingnan mo naman kung gaano kaganda ang sasakyan ko.” She smiled triumphantly.

“Pero mag-iingat ka. At saka bumalik ka agad. Huwag kang magtagal dahil sabi ni Maestro, may mga pagkakataon raw na nagsasara ang tunnel.” Bigla ay naging malungkot ang anyo ni Jing.

“Oo naman. Hindi pa ako ready na mamatay, ‘no! Hindi lang ako talaga matatahimik nang hindi naiintindihan lahat nang nagyayari sa akin ngayon kaya gagawin ko ito. After nito, move on na ako.”

Nagbuntong-hininga si Jing. “Sana ay walang maging aberya sa mga gagawin mo.” Iniabot nito sa kanya ang tula na ipinabaon ng propesor. “Basta huwag mong kalilimutan ang mga bilin ni Maestro, okay.”

“Hindi madaling maglakbay sa lumang panahon, Arleigh. Kailangan ay ihanda mo ang sarili mo sa maraming pagsubok. Bawat sandaling itinitigil mo sa panahong iyon ay nanghihina ka kaya siguraduhin mong busog at malakas ang katawan mo bago ka maglakbay. Dapat din ay wala kang masamang dinaramdam dahil maaari mo iyong ikamatay. I suggest you take some clinical lab tests before you do the procedure.”

Tumango siya at hinawakan ang isang kamay ni Jing. “Thanks, cousin. Ano man ang mangyari, paninindigan ko ito.”

Tinampal siya ng pinsan sa isang braso. “Hey, babalik ka pa ‘no! Don’t tell me gusto mong gayahin ang nangyari kay Meyer? Aba, bata ka pa at hindi pa nagkakaasawa, remember?”

“Still we will never know what would happen. Just in case, I’m ready.”

“Tumigil ka nga!”

“Sige na at excited na ako rito.” Ngumiti siya para maalis ang pangamba sa anyo ni Jing. Sa tingin niya ay mas kabado pa ito kaysa kanya. Niyakap pa siya nito nang mahigpit bago tuluyang nagpaalam. She locked the door as soon as she turned her back, then heaved a sigh. ‘It’s now or never, Arleigh. Goodluck to you,” bulong niya sa sarili.

LUMAPIT si Arleigh sa kinaroroonan ng lumang recorder at saka niya pinindot ang play button. Pumailanlang sa loob ng silid ang isang malamyos na awitin na sumikat noong 1936. Iyon ang nagsilbing background ng boses niyang ini-record doon.

“1936…1936…I’m going back to 1936…The curtains, the floor, the walls and the ceiling…everything will then turn back into 1936. 1936…1936…”

Kinalma niya ang sarili habang umeere sa kabuuan ng airconditioned room niya ang kanyang recorded voice. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng silid at pilit na isiniksik sa isip ang panahong nais niyang puntahan. Walang pagmamadaling nagpalit siya ng damit.

“1936…1936…I’m going back to 1936…”

Nahiga na siya sa kanyang kama matapos ayusin ang sarili. Muli niyang pinagmasdan ang kabuuan ng silid. Sinulyapan niya ang mga gamit na naroon kabilang na ang lumang telepono.

Ipinikit niya ang mga mata at sinikap na mag-concentrate. Pagkuwa’y sinabayan niya ang sariling tinig na siyang tanging ingay sa loob ng silid. “1936…1936…”

Paulit-ulit niyang sinambit ang mga katagang iyon habang nakapikit. Dama niya ang pagpapawis ng mga palad na magkasalikop sa kanyang tiyan pero hindi niya iyon alintana. She needed to get back to 1936. She needed to see Carlos. Marami siyang gustong itanong dito. Marami siyang gustong sabihin kaya kailangan niya itong makita. “1936…1936…I’m going back to 1936…Damn!” Marahas siyang bumangon. “Why can’t I do this?” naiiyak na niyang sabi. Ilang minuto na ang nagdaan mula nang simulan niya ang ginagawa pero wala pa ring nangyayari.

Tumayo siya at saka mabilis na nilapitan ang recorder at pinatay iyon. She must have been wasting her time. Nababaliw na ba siya? Why did she resort to doing these things? Ganoon ba siya kamiserable? Napailing siya sa sarili at saka padarag na lumabas ng silid.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Arleigh (A Time Travel Story) Chapter 8

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.