MEDYO napabalikwas ako ng bangon sa upuan!
Umalingawngaw kasi bigla ang boses ng isang lalaki. Sobrang bilis tuloy ng kabog ng dibdib ko.
Pero mabuti na rin `yon. At least, nagising ako sa isang mabigat at madilim na panaginip. Hindi ko namalayang nakaidlip pala ako. Salamat sa nanggising sa `kin na boses sa speaker.
Napaayos ako ng upo, napabuga ng hininga, at sinubukang kalmahin ang sarili.
Muli akong napabuntong-hininga at napabaling sa aking kaliwa. Natatanaw ko na mula sa katabing bintana ng pampasaherong eroplanong kinalululanan ko ang lungsod ng Puerto Princesa. Kinumpirma rin iyon ng boses ulit ng piloto sa speaker. Ang sabi, ilang sandali na lamang at lalapag na ang eroplanong sinasakyan namin.
Dito na ako naninirahan. Limang taon na. Naririto kasi ang maliit kong negosyo. Ngunit hindi tungkol sa Palawan ang umookupa sa utak ko sa kasalukuyan. Kahit anong pilit ko, sumisingit ang mga alaalang nagpalito at nagpabago sa `kin. Mukhang naiwan na sa mga memoryang `yon ang aking isipan at kamalayan. Napanaginipan ko pa nga ilang segundo lang ang lumipas, eh. Siguro nga, habambuhay ko na iyong dadalhin.
Kagagaling ko lamang ng Zamboanga City. Ilang oras pa lang ang nagdaan nang huli kong itapak ang aking mga paa sa lugar kung saan ako ipinanganak, lumaki, at nagtapos ng pag-aaral.
Dalawang linggo na ang nakararaan, kinumbinsi ako ng pinsan at kaedaran kong lalaki na si Eli na magbakasyon doon kahit isang linggo lamang.
“Malapit na ang pista ng Daop at nagpaplano ang buong angkan natin na mag-reunion,” aniya. “Hinahanap ka rin nila. Ilang taon ka na raw na hindi dumadalaw.”
Ngunit hindi agad ako makadesisyon dahil sa negosyo ko. Kahit maliit iyon, hindi naman ganoon kadaling ihabilin lang sa iba o isara pansamantala.
Hanggang sa binanggit ni Eli ang off-road trail biking dahil alam niyang madalas ako sa Mahogany Downhill Tracks sa Puerto Princesa. Aniya, “Meron pa akong isang spare na mountain bike na puwede mong gamitin.” Inilarawan pa niya ang trail mula Daop papuntang kabilang barangay sa Limisawan. Alam niyang mapupukaw ang interes ko roon.
At hayun nga, isang araw bago ang pista, nasilayan kong muli ang binansagang Asia’s Latin City dahil sa wika ng mga Zamboangueño, kung saan sesenta porsiyento ay wikang Espanyol at ang natitirang porsiyento ay galing sa ibang lengguwahe mula sa mga karatig-probinsiya at iba pang lugar.
Sementado ang national highway at ibang mga kalsada, kaya mahigit-kumulang na apatnapu’t limang minuto lang ang biyahe sa pampublikong sasakyan mula city proper hanggang Daop. Pero mas naging maigsi ang biyahe ko dahil sinundo ako ni Eli sa Zamboanga International Airport gamit ang isa sa dalawa niyang van na gamit din sa pamamasada.
Ang Daop ay isa sa mga sitio ng Barangay Singgali. Urbanized ang nasabing barangay dahil naroroon ang ilang malalaking negosyo, fishing ports, pati shipyards. Huli kong balita ay naglipana na roon ang mga tao mula sa iba’t ibang probinsiya at siyudad. Marami raw na doon na tumira, partikular sa Daop. Gayunpaman, naroroon pa rin ang mga orihinal at matatandang pamilya, kagaya na lang ng angkan namin.
Ang ancestral house ng lola ko na halos gawa lahat sa kahoy at halos puno ng carving designs ay nakatindig pa rin sa tabi ng national highway. Madali itong mapansin dahil sa makaluma nitong istruktura at disenyo.
Nang makarating kami ni Eli sa bahay ni Lola, hindi kami magkamayaw na magkakamag-anak sa pagbati at pangungumusta sa isa’t isa. Kanina pa raw sila nandoon. At alam kong ang iba sa kanila ay kahapon pa dumating mula sa ibang lugar at doon na natulog. Gawain na naming tumira sa bahay na iyon hanggang sa matapos ang pista o reunion.
Hindi natigil ang harutan. Hindi rin maubus-ubos ang pagmamano sa mga matatanda. Kinantiyawan pa nga ako, eh. Ang sabi: beynte singko na raw ako, may hitsura naman, at sakto lang ang built at height, kaya dapat nang mag-asawa. Pero todo ngiti at kuwento lang ako kahit ngalay na ang aking panga. Iniiwasan kong magdahilan pa dahil mas lalong hahaba ang diskusyunan. Opo nang opo lang para masaya lahat.
At nang sa wakas ay humupa ang ingay at excitement, ipinakita ni Eli sa akin ang mga bisikleta….
Sumapit ang pista. Nagsimba muna kami nang maaga.
Nang pumutok ang araw, nakaaaliw pagmasdan ang makukulay na buntings sa buong Daop. Nakae-enjoy panoorin ang mahabang parade sa national highway na nagtapos sa plasa kung saan may programa at iba’t ibang palaro, maliban pa sa liga. Halos nagko-contest din sa palakasan ng volume ng mga videoke ang bawat bahay. At siyempre pa, ang inuman! Hinding-hindi mawawala.
Ngunit iba ang pinagkaabalahan namin ni Eli. Nilibot namin ang buong Daop gamit ang mga bisikleta. Kahit pawisan, bakas sa mukha namin ang galak at sigla. Huminto lamang kami at bumalik ng bahay nang magutom. Eksaktong tanghalian na.
“Ang susunod nating ruta,” sabi ni Eli habang nakatayo, nakapatong ang malaking binti sa bangko at ngumunguya ng kinakain, “ang trail papuntang Limisawan.” Mas nagmukha siyang higante sa ganoong ayos na nakatayo at hawak ang plato, habang ako naman ay nakaupo at nakatingala sa kanya. At sa hitsura ng natitirang pagkain sa plato niya, mukhang hihirit na naman ng ulam at kanin.
“Tara,” excited pa ring sang-ayon ko habang dahan-dahang pinapapak ang dinuguan at igado na nakahain sa lamesa.
Kilo-kilometro iyon nang tingnan ko sa Google Map. Tiyempo pa nga kasi niyaya kami ng kaibigan ni Eli sa kaarawan ng ama nito na kapitan mismo ng Barangay Limisawan.
“Puntahan at libutin muna natin ang mga ito,” dagdag ni Eli habang nakaturo ang isang daliri sa screen ng kanyang cell phone. Kita roon ang mapa at trail ng lugar. “Kaya nating tapusin `to bago mag-alas-kuwatro ng hapon mamaya. Pagkatapos ay deretso na tayo sa kaibigan ko sa Limisawan.”
Ilang sandali pa, hindi ko maipagkakaila ang pagkamangha ko sa tanawin habang binabagtas namin ang daan. Malimit na nasa gilid at tuktok ng bundok ang naturang trail kaya tuktok din ng mga puno sa ibaba ang nakikita namin.
Para tuloy kaming lumilipad!
May iba namang daan, ngunit sa highway iyon at sementado ang kalsada. Mas may thrill sa rough road. Ika nga’y adrenaline rush! Pakiramdam mo ay nag-e-explore ka ng bagong lupain.
Nang makarating kami sa bahay ng kapitan sa Barangay Limisawan, nag-umpisa na ang sayawan, kainan, at inuman. Hindi ako mahilig sumayaw kaya nagkasya akong panoorin ang nakalolokong dance steps ni Eli at ng kaibigan niya. Partner silang dalawa. Pagiling-giling at paliyad-liyad! `Yong tipong Tats by Tats at Paro-Paro G na may twerk-twerk pa mga puwet nila. `Tapos puro tunog-Tiktok at Budots pa `yong remix. Sumakit muli ang panga ko sa kakatawa sa kakanood kay Eli at sa mga ekstrang kalamnan niyang nayuyugyog din.
Kinabukasan, pagkatapos ng pista, nagising akong masakit ang ulo at mabigat ang katawan. Bumangon ako at nakita ko si Eli na tulog sa katabing kama, humihilik. Doon pala siya natulog sa bahay ni Lola Pilar kaysa umuwi ng sariling bahay na ilang metro lang naman ang layo.
Tinungo ko ang kusina na bahagyang nakapikit pa ang mga mata.
Naroong nagkakape ang mga magulang ko, si Lola, ilang tiyahin, at mga pinsan.
“Cosa hora ya?” tanong ko nang maupo. Anong oras na?
Alas-singko pasado raw ng umaga, sagot ni Lola. Body clock ko na talaga na magising nang ganoon kaaga kahit hindi maganda ang pakiramdam. Half closed pa rin mga mata ko.
Natatawang nagkomento ang isa kong pinsang babae na gulu-gulo pa raw ang buhok ko at hindi man lang naghilamos o nagmumog. Nakitawa na lang ako kahit parang pinupukpok ng martilyo ang sentido ko. Pagkatapos ay nagtanggal ako ng dumi sa mga mata gamit ang suot kong T-shirt.
“Ewww!” halos chorus na sigawan ng mga pinsan kong babae. Yong iba, may landi at arte pa `yong pagkakatili.
Nakatikim naman ako ng batok kay Lola. “Cochino!” sabi niya sa Chavacano. Nakadidiring madungis ang ibig sabihin niyon.
Nagkomento rin ang tiya ko sa paraan ng pangangatok daw namin ni Eli sa pintuan ng bahay noong gabi. Nakabubulahaw raw. Kulang na lang gibain namin.
“Ha..?” tanging naisagot ko. Mabagal magproseso ng utak ko nang umagang iyon.
Reklamo niya, bago naghatinggabi, anlakas daw ng mga katok namin ni Eli. Nang buksan niya agad-agad ang pinto, tulog naman kami sa katabing hagdanan.
Napailing ako at sinabing, “Talaga..?”
Parang tanga lang. Wala kasi akong matandaan ni isa sa mga ikinukuwento ni auntie.
Aniya muli, iginarahe raw niya ang mga bisikletang ginamit namin kasi iniwan lang naming nakatiwangwang. Akala ba raw niya ay napaka-precious (na may diin pa ang pagkakabigkas sa salitang precious) sa amin noon kasi kung makabili ng spare parts at makapagreklamo kung nagasgasan, eh, daig pa ang drama sa TV.
Kahit lutang ang isip ko, mabilis akong nanaog ng bahay upang silipin ang mga bisikleta. Akala mo magic scanner ang mga mata ko sa ginawa kong mabilisang pag-check up. Hanggang sa napabuntong-hininga ako. Wala akong nakitang yupi o ni isang gasgas. Wala ring flat na gulong.
Mabuti naman, naisaloob ko. Grabe pa namang mag-react si Eli kung nagkataon.
May nakatimpla nang kape para sa `kin nang muli akong pumanhik ng kusina. May iniabot pa sa `kin si Mommy na gamot—isang mefenamic acid. Halata na yatang masakit talaga ang ulo ko dahil sa hangover.
Oo, hangover…
Epekto ng inuman sa kaarawan.
“Dios mio, sobrang bigat n’yo kayang dalawa kagabi,” ani auntie sa wika namin. Hindi pa pala siya tapos sa pagrereklamo. Sabi niya, nanggising pa siya ng iba para buhatin kami ni Eli papunta sa kuwarto.
Napabuntong-hininga ako. Matagal nang panahon mula noong huli akong nalasing nang ganoon katindi. Noong gabi na lang. Idagdag pa ang hangover. Kaya talagang lipad ang isip ko at ambagal magsibalikan ng aking memorya.
“Paquilaya ustedes ya puede bolbe aqui si bien borracho ustedes anoche?” tanong ni lola. Paano kayo nakauwi rito kung lasing na lasing kayo kagabi?
“Hinatid kami..?” alanganin kong suhestiyon sa wika namin.
“Wala akong nakita o napansin na may iba pa kayong kasama kagabi. Mga bagsak ninyong katawan lang,” singit ni auntie sa Chavacano.
Natawa ako. Sinabi kong gusto yatang ipakahulugan ni auntie na nag-bike kami ni Eli pauwi, eh, natatandaan kong nakayukyok na ito. Nauna itong nalasing kaysa sa akin.
Tama… Unti-unti ko nang natatandaan. Tumalab na yata ang ininom kong pain reliever at kape.
Ikinuwento ko sa kanila ang nangyari sa kaarawan ng kapitan mula sa umpisa hanggang sa hinila kami ni Eli ng kanyang kaibigan sa umpok ng mga nag-iinuman. Hindi na namin namalayan ang oras. Nakailang tagay na yata ako pero hindi ko naramdamang nalalasing ako.
Sabi ko pa nga sa mga kainuman, “Okay pala `tong ‘tuba.’ Manamis-namis kahit amoy suka!” Sabay halakhak. Iyong tipo ng halakhak na wala nang control ang volume.
Hindi ko nga sana tutunggain `yon noong una dahil hindi ako umiinom niyon. Pero nakahihiya namang tumanggi, lalo pa’t iyon lang ang alak doon sa umpok namin.
Lumalalim ang gabi at sumasarap din ang mga kuwentuhan at tawanan namin kahit walang saysay at paulit-ulit. Nang mapansin kong nakatulog na sa upuan si Eli, sabi ko sa mga kainuman na uuwi na kami. Pasigaw pa nga para marinig nila, kasi ang lakas pa rin ng tugtog sa sayawan. Ang sabi ng nakatatandang kapatid ng kaibigan ni Eli, may mini truck sila kung saan puwedeng isakay ang mga bisikleta. Ito raw at ang kapatid nito mismo ang maghahatid sa amin. Napansin kong nag-i-slow motion ang galaw ko, slurred na ang pananalita, at gusto kong tumawa nang tumawa kahit walang dahilan, pero nasa huwisyo pa rin ako. Kaya… sige… ayos lang. Mamaya na kami uuwi. Tuloy ulit sa inuman.
Maya-maya, tumayo ako kasi naiihi ako. Subalit, biglang rumagasa ang hilo! Boom!
Ganoon pala ang tuba. Mabagal ang epekto pero para akong tinadyakan ng kabayo sa lakas ng tama!
Mali. Sipa ng ostrich yata `yong naramdaman ko dahil mukhang doble sa tama! Mas malakas daw kasi manipa ang ostrich, sabi ng caretaker ng mga ostrich sa Baluarte Zoo sa Vigan City noong minsang namasyal ako roon. Ewan kung totoo iyon o nanggu-good time lang `yong caretaker.
Hindi ko na nakayanan ang antok.
Huli kong naulinigan at natandaan na nagtawanan silang mga kainuman namin ni Eli. Bumagsak kasi ako sa lupa. Iyong tipo ng bagsak na parang natumbang punong-kahoy. Tuwid at dere-deretso na parang poste ng kuryente. Kung humagalpak naman sila, wagas—!
Humagalpak din ng tawa ang mga nakikinig sa akin sa kusina kaya nawala ang momentum kong magkuwento. Ang sarap nilang batukan isa-isa.
“Whooohh,” sabi ng pinsan kong babae sa Chavacano at pinilit na gawing nakatatakot ang boses at mukha. “Baka `yong white lady sa puno ng mangga ang nag-uwi sa inyo rito!”
Mabilis pa sa alas-kuwatrong nagsisang-ayon (na pabiro) ang iba. Sari-saring nakatatakot na mga ideya tuloy ang kanilang pinagsasabi. Mas lalo pa silang lumapit at nakiumpok sa lamesa.
Nailing at nangiti ako. Bakit ba kapag usapang kababalaghan at katatakutan ay gustung-gusto ng karamihan? Pero kapag ginulat o tinakot mo ay duwag naman at nagtitilian pa.
“O, baka si Viejo aquel… O di su maga apo, o otro parientes,” singit ni Lola Pilar. [O, baka si Tanda (lalaki) iyon… O mga apo niya, o ibang mga kamag-anak].
Sabay-sabay na nagsitinginan ang mga pinsan ko kay Lola. Skeptical ang mga mukha. Sila na unang nagsikuwento ng mga multo, espiritu, duwende, at kapre. May na-miss ba ako sa usapan?
“Quien si Viejo?” curious kong tanong kay Lola tuloy. “Y por que viejo su nombre?” [Sino si Tanda (lalaki)? At bakit tanda ang pangalan niya?]
Nakarinig ako ng daing sa paligid. Umikot ang mga mata ng iba. Si Eli naman, napangiwi habang nagkakape. Naroon na pala siya. Nagising yata sa lakas ng tawanan namin kanina. Pero si Lola ay naging sweet ang ngiti at tila nagningning ang mga mata.
“Ganito `yan,” umpisa ni Lola sa Chavacano. “Walang nakaaalam ng pangalan niya kaya iyon ang tawag sa kanya ng mga tagarito… Noong bago kaming kasal ni Chit, naikuwento sa akin ng papa niya—ang lolo mo sa tuhod na si Gregorio—ang tungkol sa lahi at angkan nila” —sa pagkakataong ito ay mas dumami ang daing at haluyhoy sa paligid— “na tinatawag na ‘Amulun.’”
Pati ako ay napangiwi na rin. Paano, pagbanggit pa lamang ng Amulun, bumalik sa alaala ko ang matagal nang kuwento at sabi-sabi ng mga matatanda tungkol sa kanila. Nasa elementarya ako noong una kong marinig iyon. Noong una, siyempre ay nakamamangha. Pero kapag paulit-ulit, nakasasawa na.
“Itong lupain na ito, noon ay malawak pa,” nag-e-enjoy na patuloy ni Lola sa aming wika. Akala mo first time niyang isinasalaysay iyon kahit ang totoo ay ilang daang beses na yata niyang naikuwento sa mga pinsan ko. “Si Papang Gregorio noon, kahit naipampupusta ang ilang lupain sa sugal—dahil sa kalasingan—ay may mabait na kalooban. Malapit sa kanya ang kanyang mga trabahador sa niyugan at gawaan ng Copra.” Iminuwestra ng isa niyang kamay ang lupain sa labas wari’y naroroon pa ang matatayog na mga niyog at ang tapahan. “Ang mga trabahador, kasama ng kanilang pamilya ay pinayagan ni Papang na magtayo ng mga bahay sa dulo ng niyugan. Ang sabi-sabi, galing sa Tribung Huwakan ang ilan sa kanila. Maluwag si Papang sa mga kahilingan nila tulad sa suweldo, pagkain, at mga gamit. Kung kailangan nila ng tela para sa pampalibing ng kaanak kapag namatayan, binibigyan sila ng mamahaling klase. Halos katulad kasi sa tradisyon ng mga Muslim ang istilo ng kanilang libing… Alam din ni Papang na iilan sa kanila ay mga ‘Amulun,’ ngunit nanatiling sekreto iyon. Kung kaya, tapat sila sa matanda. Kung ano rin ang ipakiusap ni Papang ay ginagawa nila… Noong bata pa si Chit at nagkalagnat daw nang ilang araw, ginamot siya ng isang trabahante (na isang Amulun) gamit lang ang langis at panghihilot. At minsan, humiling si Papang ng karneng pang-ulam, kinabukasan pagbukas namin ng pinto nitong kusina ay may nakasabit nang karne diyan sa dingding!”
Kunwari ay nagsihiyawan kami na akala mo ay natatakot sa kuwento ni Lola Pilar at sa Amulun. Pinagbibigyan namin ang hilig at kasiyahan niya sa pagkukuwento.
“Lola… hindi ba kayo natakot na malamang ay karne ng tao `yon?!” natatawang hiyaw sa Chavacano ng pinsan kong lalaki. Ang iba naman ay nandiri sa sinabi nito.
“Tonto! Quebrao bos!” pasigaw pero natatawang ganting sagot ni Lola. [Tanga (bobo)! Sira (ulo) ka!]
Naghiyawan muli kaming iba at nangantiyaw. Ganito `yong nami-miss ko, eh. Iyong sama-sama kaming lahat at ginagawang kalokohan ang ilang bagay.
“Tatawa-tawa ka d’yan. Kapag nagalit ang mga `yon sa `yo, hmp! Baka hindi ka makatulog sa gabi!” nakangising dugtong ni Lola sa Chavacano.
Muli kaming nagharutan. Sa kuwento kasi, kapag ginalit mo ang Amulun, iikutan daw nito ang bahay mo sa gabi. Maririnig mo raw ang tila huni ng uwak, at paikut-ikot iyon sa bubungan na parang gusto iyong sirain. Sa madaling salita, lumilipad ito!
“Noong baby ka pa,” ani Lola muli sa wika namin, sabay turo sa tito ko na kasasali lang sa umpok, “at minsang lasing si Chit, hindi na niya kayang tumayo kaya nakiusap siya sa Amulun na nagkataong narinig niyang lumilipad, na iuwi siya. Kinabukasan, naalala pa niyang nakikita niya ang tuktok ng mga puno at bubungan ng ilang bahay noong gabing `yon.” Binalingan ako ni Lola. “Kaya malamang kagabi, Arlo, mga Amulun din ang nag-uwi sa inyo rito ni Eli!”
Napakamot sa ulo si Eli. “Lola, napaka-close to impossible naman n’yan,” biro niya sa Chavacano. “Huwag ninyong sabihing nag-bike sila habang tangan-tangan nila kami?”
Muling hiyawan at tawanan ang namagitan. Kahit ako, `di ko napigilang mapahalakhak.
Maliwanag pa sa sikat ng araw ang gustong ipakahulugan ni Lola, pero puro kalokohan lang talaga ang mga pinsan ko.
Subalit animated pa rin ang ekspresyon ng mukha at gestures ng mga kamay ng matanda.
“Torpe!” pabirong saway ni Lola kay Eli, na ibig sabihin ay tanga o ulol. Hindi masyadong halata na mahilig magmura si Lola.
Nagpatuloy siya sa Chavacano. “Ang ibig kong sabihin ay kinarga kayo at inilipad pauwi! Noon… nakagawian nilang bantayan at tulungan ang pamilya ni Papang Gregorio bilang ganti sa kabaitan niya. Hanggang ngayon ay parang iginagalang pa rin nila ang gawing iyon sa pamilya ng Lolo Chit n’yo at sa susunod na henerasyon nating mga Ybañez. Kaya hayan, tinulungan kayong iuwi kagabi.”
Mukhang pambihira at nakae-excite, `di ba? Pero walang patunay tungkol sa Amulun. Walang makapagsasabi at walang ebidensiya. Nasubukan kong magsaliksik dati tungkol sa lahi nila noong nag-aaral pa ako sa kolehiyo. Curious lang ako kung nasali ba sila sa Philippine Mythological Creatures dahil gusto kong makita ang hitsura nila. Ngunit wala rin. Wala, kahit saang archives—mapalokal man o mapanasyonal. Kahit sa mga unibersidad na nagsasagawa ng mga pag-aaral tungkol sa paranormal o katulad ng ganitong impormasyon at pangyayari. Wala rin kahit sa blogs sa Internet o iba pang websites. Kahit i-Google pa.
Ang sabi, ang pangkat ng mga trabahador ay lumayo sa lipunan at lalong namundok nang dumami ang mga tao sa Daop. Hindi iyon maiiwasan dahil dati na silang mahiyain at mailap sa mga tao. Ang sabi rin, nasa upper Limisawan na sila kung saan bihira lang na napupuntahan ng mga tao.
“Whoohh! Hala kayo, mamaya dadalaw si Viejo!” kantiyaw nila sa amin ni Eli, sabay halakhak.
Nananakot ba ang mga ito o nagpapatawa? naisaloob ko habang nangingiti.
“Calla boca kamo!” natatawang saway ni Mommy. “Todo de locuras se de vosotros maga pensamientos!” [Magsitahimik kayo! Puro kalokohan `yang mga iniisip n’yo!]
Nginitian ko siya at binigyan ng thumbs-up.
“Malay natin, baka nga iyong mga kaibigan ni Eli ang naghatid sa kanila kagabi. Pagkatapos ay umalis lang agad kaya hindi sila nakita at naabutan,” dagdag ni Mommy muli sa wika namin.
Sumabad si Eli sa Chavacano. “Heto…” Nagkakamot siya ng ulo habang nakatingin sa cell phone. “Nag-reply na `yong kaibigan ko. Nag-text kasi ako para magpasalamat sa paghatid sa amin kagabi. At sabi niya, welcome, wala raw problema.”
“Ahhh,” at tango ang sagot ng mga nasa paligid. Humupa ang biruan. Nabasag ang maingay at masayang mood sa kusina. Nakumpirma ang mga haka-haka.
Ngunit lumipas ang ilang sandali, muli ring bumalik ang kuwentuhan doon sa kusina ng pinaghalong katatawanan, kantiyawan, biruan, at katatakutan. Appreciated ko nang todo ang samahan naming magkakamag-anak kahit matagal akong nawala. Muli akong nangiti habang pinapanood sila. Alam kong babaunin ko ang mga alaalang iyon pagbalik ng Palawan. Kahit papaano, naging kakaiba, mahiwaga, at masaya ang bakasyon ko kahit maikli lang.
“Kuya Arlo, tingnan mo,” sabi ng pinakabatang pinsan namin, sabay pakita ng kanina pa niya pine-playback na sports camera ko.
Iminuwestra niya ang kuha namin ni Eli sa pinakahuling video file.
“Anong—” tanging nasambit ko. Tila nag-freeze ang utak ko.
Nakinood agad ang iba nang makita ang reaksiyon ko.
Sa bidyo, mukha kaming nag-i-sky diving ni Eli—nang patiwarik!
Para kaming inililipad ng kung sino o ano sa himpapawid kasama ng mga bisikleta!
Mabilis kong kinuha ang laptop ko at doon ipinasok ang miniSD card ng sports cam para mapanood iyon nang malakihan. Mabuti na lang at naikabit ko ang nasabing kamera sa manibela ng bike. Gawain ko iyon tuwing may outdoor activities. `Buti nga, hindi iyon nadekwat noong lasing kami.
Natahimik ang paligid sa pagko-concentrate sa panonood. Ako naman, nanlamig ang buong katawan. Pakiramdam ko ay bumalik at lalong lumala ang hangover ko.
Sa isang bidyo, makikita ang trail at magandang tanawin ng Sitio Daop papuntang Barangay Limisawan. Sa sumunod na video file, nang nasa bahay na ng kapitan, inabot ng kamay ko ang kamera upang i-turn off. Sa huling video file, nang muling bumukas ang kamera, makikitang isang palad ng tao ang nakatakip sa kalahati ng lente. Dahil madilim, hindi kita ang mukha ng nagmamay-ari ng palad. Maoobserbahang hindi sinasadya na mai-on iyon. Halatang sa manibela nakahawak ang kamay at nasamang nahawakan lang ang kamera na nataong nakakabit doon.
Maya-maya, makikitang may gumiya sa mga bisikleta papunta sa tatlong lalaki sa dilim. Hindi maaninag ang mga mukha. Akay-akay ng nasa gitna ang alam kong mga tulog at lupaypay na katawan namin ni Eli. Halata naman sa suot naming damit. Naisip kong napakalakas naman ng nasa gitna at kaya kaming akaying dalawa, lalo na ni Eli dahil malaking tao siya.
Hanggang sa pumihit pakaliwa ang manibela ng bisikleta kaya nawala kami sa bidyo. Ngunit maririnig sa background ang tugtog sa sayawan. Nangangahulugang malapit lang kami sa bahay ng kapitan. Ang nakapagtataka ay ang taong nasa gitna namin kung saan makaluma ang hitsura ng damit. Sigurado akong hindi ko nakita ang damit na iyon sa mga dumalong bisita sa kaarawan ng kapitan. Ibig bang sabihin ay nagawa namin ni Eli na makaalis pa nang ilang metro palayo sa bahay ng kapitan at natagpuan kami ng mga nasa bidyo? O malamang ay sinundo nila kami roon sa inuman?
Subalit ilang sandali pa ay makikitang iniwan ng bisikleta ang lupa at umangat sa ere!
Naging bird’s eye view ang anggulo ng kamera. Kita sa ibaba ang tuktok ng mga puno at bubungan ng ilang kabahayan! Parang sa kuwento ni Lolo Chit!
Tumindig ang mga balahibo ko sa batok at mga braso sa napapanood. Dahil paminsan-minsan ay sumisilip sa lente ang gulong ng mga bisikleta pati na rin ng kalahati ng katawan namin ni Eli. Ang ulo, buhok, damit, at mga bisig namin ay nakalaylay sa kawalan!
Kung susumahin sa bidyo, tiyak na isang nilalang ang kumarga sa amin ni Eli, at ang isa naman ay sa dalawang bisikleta.
Habang nasa itaas, maririnig din ang bawat pagaspas ng mga pakpak ng mga kumarga sa amin. Parang malaking pamaypay na humahampas sa ere na minsang nahahagip ng kamera. Kahalintulad iyon ng pakpak ng paniki! Iyon nga lang ay napakalaki!
Ang iingay at ang gugulo tuloy ng mga nakikinood sa likod ko. Si Lola naman, halatang nagbubunyi. Si Eli, sumigaw para tumigil ang pagpa-panic at excitement sa kusina, at binasa niya nang malakas ang muling text ng kanyang kaibigan.
Nagso-sorry ang kaibigan sa nangyari noong gabi kasi hindi na niya kami naihatid pauwi. Akala raw niya noong una ay naihatid kami ng kanyang kuya dahil iyon ang kanilang usapan. At kaya rin iba ang sagot niya sa unang text, eh, iyon pala, pati kuya niya ay nalasing din nang sobra kagaya niya. At… kagigising lang din!
Mas lalo kaming napatda at napanganga….
“Kakaibang bakasyon,” natatawa at mahinang sambit ko tuloy na may halo pa ring tensiyon. Kakukuha ko lang ng baggage ko at kasalukuyang lumalabas na ng terminal ng airport ng Puerto Princesa.
Bago ako umalis ng Daop, napagdesisyunan namin na hindi ikalat ang bidyo sa midya. Inalagaang matagal ng mga Amulun ang kanilang sekreto kaya ganoon din ang gagawin namin. Balik-tulong namin iyon sa patuloy nilang pagbabantay sa mga Ybañez. Pero tiyak, kakalat sa midya ang kanilang istorya at mabuting gawi sa paraang alamat o mitolohiya na lamang. Mahilig kasi ang ilan sa mga pinsan ko na magsulat at sumali sa mga literary contest. Ang iba ay may talento sa pagdo-drawing. Ang iba ay vlogger. Malay natin, magugulat na lang ako isang araw na nasa listahan na pala ng mythological creatures ng Pilipinas ang Amulun. Tiyak ding mas madetalye na ang mga deskripsiyon sa kuwento tungkol sa kanila sa mga susunod na henerasyon ng aming angkan.
Kung si Viejo at pamilya niya, o mga kaanak niya ang tumulong sa amin ni Eli noong gabing `yon, malaki ang utang-na-loob ko sa kanila dahil maayos at ligtas kaming nakauwi noon.
Maraming salamat…
At iiwasan ko nang malasing ulit nang ganoon katindi. Delikado. Peligroso. Baka manananggal na ang mae-encounter ko sa susunod. Patay!
Tinanggal ko ang miniSD card sa kamera. Mamaya sa bahay, hahanapan ko iyon ng mapagtataguan.
Itinaas ko ang aking kamay sa ere upang tumawag ng traysikel na nakaparada malapit sa terminal.
WAKAS
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






13 Responses
Ang galing lang ano kakaiba ang bakasyon sa Daop😎
Astig
OMG! Grabe ang ganda ng pagkaka-kuwento! Feeling ko, isa ako sa mga magpi-pinsan sa kuwentuhan hehe. 2 thumbs up author! Magandang gawan ‘to ng buong novel! Or sequel, na may nakakita sa sd card tapos pupunta sa Daop for research! Yiie!
Congratulations! Ang galing talaga! <3
Omgeee hahah salamuch nagustuhan u po Ms. Cee😁 Subukan kong matapos yong “Pagbabalik sa Daop.” 😁
Push! Hihihi Sabi ko nga, willing to wait po hahaha! Excited! <3
Nakabalik na po ba sila sa Daop? ^^
Sulit na sulit yung ibinayad ko para basahin ang kwentong ito! Naaliw rin ako sa Chavacano dahil kahalintulad ito ng wikang Español kaya kahit paano’y naintindihan ko bago pa mabasa yung translation. Napakahusay ng pagkakasulat! 😍
Muchisimas gracias haha😂 Thank u rin sa pag-promote nitong story:)
hahahaha worth it naman kasing basahin talaga. 🥰
Woah! Talagang napapaniwala ako sa buong kuwento dahil naayon talaga sa tunay na pangyayari. Na-imagine ko talaga siya! Galing!! More stories to go po!
Salamat po 😁 Medyo based xa sa experiences ng ilang tao kaya po cguro mukhang totoo haha😅
bravo! ang ganda at ang galing ng narration! parang ako yung bida ng kwento. very interesting ang Amulun. Please write more stories!
Hello, thank u nang madami at nagustuhan nyo😁