Taong 2025
“GISING na si Hannah.”
Kaagad na pumasok si Cris at Esel sa loob ng isang silid nang ibalita iyon ni Isko sa kanila.
Muling naalala ni Cris ang nangyari kanina. Nang mawalan ng malay si Hannah, saktong pagdating naman ng mga lalaki. Nakita niya ang matinding pag-alala ni Necisto na kaagad binuhat si Hannah. Si Bernard ang naglinis sa dumudugong ilong nito gamit ang kanyang panyo.
Nanatiling malinis ang silid ni Nes kung kaya’t doon na nila inihiga si Hannah at ilang minuto lang ang makalipas, nagkamalay na ito.
“How do you feel?” tanong ni Necisto na hindi maintindihan ni Cris.
Napaisip si Cris, ‘Ano ba itong wika nila?’
Hinawakan ni Hannah ang ilong niya na kumikirot. Napatingin siya sa paligid at napansing pinalilibutan siya ng mga kasama. “My nose hurts a lot. What happe-” Naalala niyang bigla ang mga nangyari bago siya mawalan ng malay. Mula sa paglapit sa kanya ni Esel, sa papalapit nitong kamay sa kanyang mukha at ang dugo na nakita niya sa kamay.
Sinamaan niya ng tingin si Esel na nagkamot pa ng ulo at hindi makatingin sa kanya. Ito rin ang pinakamalayo sa hinihigaan niyang king-sized bed. Marahil ay nahiya ito sa ginawa sa kanya.
“Ikaw!” Tinuro ni Hannah si Esel. Napaatras naman si Esel dahil sa lakas at bagsik ng boses nito. “Sinuntok mo ako!”
“Hey, hey, calm down.” Tinanggal ni Necisto ang tissue na nakalagay pa sa ilong ng kaibigan. Ni hindi man lang napansin na may nakabara sa ilong niya at kaagad pang nambintang.
“Nagpaliwanag na sila kanina, Hannah. Hindi naman daw nila ‘yon sinasadya,” saad ni Bernard.
“And you believed them? There’s a friggin’ blood in my nose, Bern!”
“Wala na uy, kumalma ka nga.” Lumunok na lang si Hannah at umirap kay Bernard.
“Humingi ka na ng tawad, Esel.” Natahimik naman sina Isko, Nes, Bern at Hannah dahil sa matigas na pahayag ni Cris. Humakbang si Esel at kahit na kinakabahan at nahihiya, sinunod niya ang utos ng prinsesa. Lumuhod siya at iniyuko ang ulo sabay sambit ng, “Hindi ko na uulitin ang aking nagawa. Nawa’y mapatawad mo ako sa aking kapangahasan.”
Hindi nakasagot si Hannah dahil sa gulat. Hindi niya kasi inakala na luluhod pa ito na para bang nakakamatay ang ginawa sa kanya. Maging ang mga lalaki ay napataas pa ang kilay.
“Hey, she already apologized.” Siniko pa siya ni Necisto ng mahina. Napagtanto niya na naging awkward pala ang atmosphere dahil nanatiling nakaluhod si Esel, tila walang balak na tumayo hangga’t ‘di niya sinasabing pinapatawad niya na ito.
Umubo-ubo si Hannah para mawala ang nakabara sa lalamunan niya saka napaisip, ‘Gosh they’re so weird.’
Ngumiti siya ng alanganin sabay sambit ng, “Okay. Let’s just forget about it.”
Tila may dumaang anghel dahil hindi ito natinag at nagtaka pa sa sinabi niya. “H’wag mo silang kakausapin in english kung gusto mong maintindihan ka nila,” nakangising payo ni Necisto sa kanya, inaasar dahil sa eksenang nagagawa nila.
“I mean, pinapatawad na kita. You can–I mean, tumayo ka na nga,” alanganing sabi ni Hannah at doon pa napangiti ng saglit si Esel bago ito tumayo at muling tumabi kay Cris.
Kasalukuyang nasa kusina sina Necisto, Cris, at Isko. May kalaliman na ang gabi. Si Bernard ay kasama si Hannah at Esel habang naghahanap ang mga ito ng malinis na bedsheets at unan para may magamit sila. Maalikabok na kasi ang sapin ng mga kama.
“Bukas bibili tayo ng groceries.” Binuksan ni Necisto ang tatlong cupboards upang matingnan ang mga laman nito. Silang tatlo naman ang nag-aasikaso ng makakain at stocks para sa isang linggong bakasyon nila.
“Sige, boss. Mas mura at presko ang mga karne at isda maging mga gulay sa palengke, boss. Pwede rin akong bumili ro’n,” suhestiyon pa ni Isko.
Tahimik lang si Cris habang lumalapit sa makinis at makintab na malaking lagayan. “Ano ang bagay na ito?” Napalingon naman sa kanya ang dalawa na napatigil sa pag-uusap.
“Ah. Ref ‘yan, Cris,” kalmadong sagot ni Isko. Hindi man nila alam kung bakit tila walang muwang ang mga bago nilang nakilala sa teknolohiya, inintindi na muna nila ito. Pagod din kasi silang lahat sa iba’t ibang dahilan.
“Ref? Para saan ba ito?” Nais sanang hawakan ni Cris ang ref pero natatakot siya na baka magalit ang may-ari niyon.
“Pwede mong buksan.” Napatingin siya kay Necisto na nakatingin din sa kanya. Nagkatinginan sila ng ilang segundo kaya nagpabalik-balik ng tingin si Isko sa kanilang dalawa.
Umubo-ubo si Isko para matauhan ang dalawa. Hindi siya manhid para hindi mapansin na tila may ‘something fishy’ sa dalawa kahit bagong magkakilala pa lang. Medyo nagdadalawang-isip siyang itudyo ang boss sa ibang babae gayong may jowa na ito sa Maynila.
“Para sa mga pagkain ‘yan.” Napalunok si Necisto at pinagpatuloy ang pagsilip sa mga cabinets na kunwari walang nangyaring titigan.
“Boss, may bangka si Mang Carpio. Pwede rin tayong mangisda bukas ng madaling araw,” nakangiting suhestiyon ni Isko.
Binuksan ni Cris ang ref at nakitang wala itong laman. May kakaibang amoy rin itong ibinubuga dahil hindi masyadong nagagamit. Hindi na lamang siya nang-usisa pa, tulad ng ginawa niya kanina pa, nanahimik siya at nagmasid na lang.
“Tsaka boss pwede rin po kayong mag-grocery ni Cris bukas. May department store tayong nadaanan kanina, naaalala niyo po ba?” Napakamot si Isko sa batok dahil nahuli na naman niyang nakatingin ang boss niya kay Cris na tinitingnan ang stove.
“Boss?” tawag-pansin niya. Napatingin naman sa kanya si Nes at kaagad naglikot ang mata.
“Ha? Ah yes, yes. Let’s do everything you want.”
“Ho?”
Natauhan si Nes at napagtanto na nababangag siya. Inisip niya na marahil ay napagod lang siya sa byahe niya buong araw kaya siya nababangag. “Ah sabi ko, oo gawin natin ‘yong mga sinabi mo.”
Nagulat sila nang marinig ang tili ni Cris. Hawak nito ngayon ang isang daliri na namumula. “Bakit napakainit ng bagay na ito?” naguguluhang saad nito habang hawak pa rin ang kamay.
“Pinindot mo ba ‘yan? Stove ‘yan, mainit talaga ‘yan.” Lumapit si Necisto at tiningnan ang screen sa stove at nakitang nakabukas nga ito. Tiningnan niya ang babae na hawak pa rin ang kamay. Kinuha niya ang kamay nito ng walang pasabi at sinuri ang napasong daliri.
Nagulat si Cristina dahil unang beses siyang nahawakan ng isang ginoo. At ang ginoong iyon ay nagmula pa sa kabilang mundo.
Para namang napaso rin si Isko sa nasaksihan, tila ba nakaramdam siya ng tinatawag nilang ‘kilig’ sa hitsura ng dalawa. Ngunit napagtanto kaagad na mali ang iniisip niya at mali rin ang nangyayari sa amo at sa misteryosong babae.
Pinagmasdan muli ni Isko ang dalawang kasamahan.
Si Necisto na kunot ang noong sinusuri ang namumulang daliri ni Cris. Si Cris na nakatitig sa mukha ni Nes. At nang magkatinginan silang dalawa, tila ba may fireworks na nagputukan sa paligid ng kusina.
Taong 1425
PAREHONG nakatayo ang hari at heneral sa harap ng isang kuweba. Dinala siya rito ng heneral na walang ibang sinabi. Ang bungad ay pinalilibutan ng sampung kawal. Maging sa paligid ng kuweba ay mayroon ding bantay.
Sa hinuha ng hari, ito kuwebang ito ang nagsisilbing bilangguan sa Manki. Napatingin siya sa heneral nang maingay itong napabuntong-hininga. Yumuko pa ito bago humarap sa kanya.
“Mahal na hari, ang kuwebang ito ay natagpuan tatlong taon ang makalipas. Ito ay aming ginawang bilangguan para sa mga kalaban na magagawi rito, mga naliligaw na dayo, at ninumang nagkasala sa buong lupain ng Manki.”
“Hindi ito ang aking sadya, Luna. Hindi ko ibig makita ang ipinagmamalaki mong bilangguan.” Tumango ang heneral sa sinabi ng hari. Batid na nito kung ano ang tunay na pakay niya. “Nasaan ang aking anak?” Bumuntong-hininga ang heneral sa simpleng tanong ng hari.
Kay simple lamang ng katanungan ngunit kayhirap sagutin.
“Patawad ngunit wala akong maisasagot sa iyong katanungan, mahal na hari sapagka’t maging ako ay hindi rin batid kung nasaan ang prinsesa.”
Nag-iba ang timpla ng mukha ng hari. Naiintindihan nito ang sinasabi ng heneral ngunit nais niyang malaman mismo kung bakit ito ang nasabi ng huli.
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Nasa loob ng kuweba ang kasagutan..”
Hindi kaaya-aya ang amoy sa loob ng kuweba. Magkahalong amoy ng ihi, dumi at panis na pagkain. Madilim din ang paligid ngunit may tanglaw sa ‘di kalayuan. Hindi masikip ngunit mahirap huminga ng maayos dahil sa liblib ito at dahil na rin sa amoy.
Hindi batid ng hari kung ano ang ‘kasagutan’ ang tinutukoy ni Heneral Luna. Hindi siya nasanay na katakutan ang mga bagay-bagay ngunit sa pagkakataong ito, iba’t ibang imahe na ang nasa kanyang isipan.
Maaaring nagtagong muli ang kanyang anak.
Maaaring dinukot ito.
Maaaring naligaw ito.
Maaaring… napaslang ito at ang pumaslang ay siyang nakabilanggo rito.
“Nagpunta ang aking pamangkin at anak na si Shem at Ciel, maging ang prinsesa na kasama ang kanyang mga tagapagsilbi, sa kaharian ng Meiso upang makipagkalakalan.” Napapalunok ang hari sa kanyang naririnig.
Ang isiping nakapaglakbay ang kanyang anak sa ibang kaharian ay umukit ng kirot sa kanyang puso. Kung hindi ito nawala ay maaaring siya ang kasama nito sa paglalakbay. Siya sana ang kasama nitong lumaki… kung hindi ito kinuha ni Heneral Luna.
Biglang huminto ang heneral sa paglalakad kaya’t nawala ang mga naiisip ng hari. Nakatingin ito sa harapan. Nang tingnan iyon ng hari ay nagulat siya sa kanyang nakita.
“Sino ang mga babaeng ito, Luna?” Puno ng gulat at pagtataka ang mukha ng hari. Kahit kailan ay hindi nagkaroon ng babae sa kulungan ng Nervada. Sa loob ng animnapu’t walong taon niyang paninilbihan sa kaharian ay iisang beses lamang siya nakakita ng babaeng nakulong sa Nervada. Iyon ay dalawampu’t anim na taon na ang nakalilipas.
“Sila ang mga tagapagsilbi ng prinsesa.” Mas lalong nagulat ang hari. Pinagmasdan niya ang dalawang babaeng nakagapos at walang lakas na nakahiga sa maputik na sahig. Kung tagapagsilbi ito ng kanyang anak, bakit ito nakabilanggo?
“B-Bakit sila…”
Nakuha ng heneral ang nais itanong ng hari kaya’t sinagot niya na ito na may bara sa lalamunan. Masakit sa kanyang kalooban ang ibilanggo ang mga batang ito. Nakita niya kung paano nito inalagaan at minahal ang prinsesa.
“Naglakbay sila sa Meiso, tatlong araw ang makalipas. Kasama nila ang prinsesa sa paglalakbay ngunit nang sila ay bumalik, nawawala na ang prinsesa maging ang isa nitong tagapagsilbi na si Esel.”
“Iyo bang sinasabi na nawawala ang aking anak?!” dumagundong sa buong kweba ang boses ng hari. Nais niyang magwala sa galit! Huwag na huwag lamang sasabihin ng heneral na wala na ang kanyang anak dahil hindi siya magdadalawang-isip na pugutan ito ng ulo!
“H-Heneral..”
Lumingon ang hari at heneral sa pinanggagalingan ng boses. Nagising na ang isang tagapagsilbi ng prinsesa.
Binuksan kaagad ito ng isang kawal na siyang seryosong nakabantay lang sa matitibay na kawayan na siyang nagsisilbing pintuan.
“Darang? Ikaw ba ay gising na?”
Nagtataka ang hari sa ipinamalas ng heneral. Tila ba alalang-alala ito sa babaeng nakasuot ng maruming kasuotan at mahigpit na nakagapos. Kung ito ay ibinilanggo, maaaring may nagawa itong labis na kasalanan ngunit bakit tila nais pa itong alagaan ng heneral?
“H-Heneral,” muling sambit ng babaeng tinawag ng heneral na ‘Darang’. Unti-unting naglakad papasok sa bilangguan ang hari. Wala pa ring malay ang isang babae na nasa kabilang gilid.
“Darang, ako ba ang iyong nauulinigan?” tanong ng heneral. “Nasaan ang prinsesa?”
“T-Tubig..”
“Kawal, kumuha ka ng preskong tubig sa batis. Bilisan mo!” Kunot na kunot ang noo ng heneral kaya naman ay nagmamadaling lumabas ang kawal upang sumunod sa ipinag-utos nito.
Pinagmasdan ng hari si Darang. Payat ang batang ito ngunit nakikita niya na tila ba sanay ito sa labanan dahil sa matatabang braso. Kayumanggi ang balat nito. Mahaba ang nakalugay na buhok at maraming pasa sa mukha.
Mayroon din itong sugat kanang balikat na nalagyan na ng lunas. Ilang sandali pa ay bumalik na ang kawal at agad pinainom si Darang ng tubig mula sa batis.
Nang maubos ni Darang ang tubig ay tila ba nahimasmasan siya. Pinakatitigan niya ang matangkad na matandang ginoo na malaki ang katawan. Kahit na nahihirapan siya sa pagtingin dulot ng namamaga niyang mga mata at masakit na mukha’t katawan, kaagad niya itong nakilala dahil sa mga gintong alahas ang katawan nito.
“M-Mahal na hari?” Nais man niyang bumangon at magbigay-galang ngunit hindi na siya makatayo pa. Napaiyak na lamang siya dahil kahit unang beses niyang masilayan ang hari ay nakikita niya ang mukha ni Cristina sa mukha nito.
“Nandito ang mahal na hari upang malaman kung ano ang nangyari sa mahal na prinsesa. Maaari mo bang ihayag sa amin ang buong pangyayari sa Meiso, Darang?”
Napayuko muna si Darang at naglandas ang luha mula sa kanyang namamaga at kumikirot na mga mata.
Hindi siya umiiyak dahil sa nabugbog niyang katawan. Umiiyak siya dahil nabigo siyang iligtas si Cristina sa kapahamakan.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





