TAHIMIK silang naglalakad. Hindi na makilala ni Cris ang daang tinatahak nila dahil na rin sa pag-iba ng paligid. Ang dating puno ng kakahuyan ay naging patag. May mga kabahayan ding makikita sa ‘di kalayuan. Bagama’t nagtataka, nanatili siyang tahimik.
“Cris,” bulong ni Esel na siyang kasabay niya lamang sa paglalakad. Nangunguna ang tatlong lalaki sa paglalakad. “Ano ang ating hakbang? Isang salita mo lamang ay kayang-kaya ko silang paslangin.”
Umiling si Cris sa kanyang sinabi. “Magmanman muna tayo,” balik na bulong niya. “Alamin muna natin ang kanilang pakay. Maging alerto ka, hindi natin alam kung ano ang kanilang plano.” Napatango si Esel at muling nanahimik.
Napaayos sila ng tayo nang tapunan ng seryosong tingin ng lalaking may sambalilong itim. Napansin ni Necisto ang pagbubulungan ng dalawa.
“Dadalhin ko kayo sa police station,” sambit ni Necisto habang nakatingin pa rin ng diretso kay Cris. Napatingin sa kanila si Isko at Bernard. “Tutulungan nila kayong makauwi,” patuloy niya.
Nagkatinginan ang dalawang babae. Hindi nila alam kung dapat bang pagkatiwalaan ang mga lalaking iyon. Hindi rin nila alam kung ano ang kahihinatnan nila sa sinasabi nitong police station.
“Hindi na kailangan, kaya naming hanapin ang daan pabalik,” pagtanggi ni Cris. Naniniwala siya na nasa Meiso pa sila, hindi niya nais paniwalaan ang hinuha ni Esel kanina. Malamang ay pare-pareho lang din silang dayuhan sa Meiso kaya hindi sila magkaintindihan.
Ang akala ni Cris ay patungo sa bayan ang daang tinatahak nila ngunit wala siyang nakikitang mga kubo, mga taong bumibili at nagtitinda. Kaya naman nanatili siyang alerto at maingat. Kung sakaling nagpapanggap lamang ang mga ito na dayuhan, at sila talaga ay mga kalaban, handa sila sa gagawing atake… iyon ay kung aatake man.
Maraming bagay sa lugar na iyon ang bag okay Cris. Hindi niya makita ang patag na lupa at mga bundok. Wala na rin ang ilan sa mga mapunong lugar. Napalitan iyon ng malalaki at matataas na mga gusali. Hindi niya rin lubos matanggap ang kakaibang uri ng kasuotan ng mga taong nakikita niya. Maging ang sasakyan ay pinagtaluhan pa nila dahil sa rami ng ibinato niyang tanong tungkol dito.
Muli niyang inalala ang mga nangyari sa kanila. Akala niya ay nasa Meiso pa sila ngunit napakaraming patunay na nasa ibang mundo nga talaga sila. Ang masakit na sinag ng araw, ang pagkalbo ng kagubatan, ang kakaibang tao na aming nakilala ngayon. Unti-unti nang nakukuha ni Cris ang mga nangyayari. Ang mga iyon ay simbolo na wala nga talaga sila sa Meiso.
PINAGBIHIS ni Necisto ang dalawag babae bago pa ito pagkamalan na mga baliw. Marami siyang tanong na pinili niyang ibaon na lang din sa tahimik. Paalis na rin naman siya kaya wala na siyang rason pa para makialam sa mga business ng ibang tao lalo na sa mga estranghero tulad ng mga babaeng nasa harap niya.
Hangang-hanga ang mga ito na tinititigan ang sekretarya niyang si Hannah. Maging siya ay napatingin na lang din sa sekretarya, hinahanap kung saang banda sila humanga. Balingkinitan ang kanyang katawan, kayumanggi ang balat at maikli ang buhok. May nunal ito sa ilalim ng kanyang labi. Kakaiba rin ang kanyang kasuotan dahil hapit na hapit sa kanya ang maikling puting damit.
Umiling na lang si Necisto, hindi niya makuha kung bakit ganoon ang reaksiyon ng mga babae. Kahit ang sekretarya niya na nag-uumapaw ang confidence ay nakaramdam ng pagkailang sa dalawa.
Binawi rin ni Isko ang mga espada nila. Ayaw nilang mauwi sa mas malaking isyu kung may makakikita noon.
“Cris, hindi ako kampante na malayo sa akin ang aking espada,” sambit ni Esel. Nasa loob sila ng istasyon. Nakaupo sa upuang nakalaan para sa bisita, sa tapat nila ay si Necisto na tinitingnan ang relo.
Tumayo si Necisto at sinundan nila ito ng tingin. May kausap na itong mataba at matandang lalaki. Maitim na asul ang kulay ng kasuotan nito, may mga abubot na nakadikit sa bandang dibdib ng kanyang damit.
“Esel, naniniwala na akong nasa ibang mundo tayo,” panimula ni Cris. “Kailangan nating mag-ingat dito, hindi natin alam ang balak ng mga tao rito sa atin,” dagdag niya at hininaan ang boses dahil may mga taong napapadaan sa kanilang harapan.
“Ano ang nararapat nating gawin, Cristina?” nag-aalalang tanong naman ni Esel. “Kakaiba ang kanilang mga kagamitan, ang lugar na ito, bago sa aking paningin ang lahat. Wala sa atin ang ating sandata. At hindi natin sila malalabanan dahil napakarami nila,” patuloy niya.
Napaisip si Cris sa kanyang sinabi nang biglang nakuha ang kanyang atensiyon ng isang babae na kalmadong kinakausap ng isang pulis.
“Esel.” Matamang nakatitig sa kanya si Esel, hinihintay ang kanyang sasabihin. “Kailangan nating makisabay sa kanila at pumayag sa gusto nilang ipagawa sa atin. Kung hindi nila malalaman na tayo’y hindi nagmula rito, sa tingin ko ay hahayaan lamang nila tayo,” pahayag niya at wala namang ibang ginawa si Esel kundi ang tumango. Alam niyang hindi niya maaaring salungatin si Cristina.
Tumayo sila nang makitang naglalakad pabalik sa puwesto nila si Necisto. Katabi nito ang matanda at matabang lalaki na kausap niya lamang kanina.
“Chief Diem Atlas, ako ang police chief dito,” pakilala ng Chief.
“So Chief, kayo na ang bahala sa kanila,” bilin ni Necisto. “Mamayang gabi na rin kasi ang alis ko. Tiningnan ko lang ang progress sa lupang nabili ko,” dagdag niya.
“‘Wag kang mag-alala, Necisto, ako na’ng bahala sa mga dalagang ‘to. May tribo sa tuktok ng bundok, susubukan kong tanungin ang kapitan do’n kung taga-doon ba sila,” sabi ni Chief. Nang may tumawag sa Chief ay naiwan silang tatlo.
“Necisto pala ang iyong pangalan? Akala ko ay Boss? Iyon kasi tawag sa iyo ni Miss Hannah at Isko,” sambit ni Cris kay Necisto. “Ako nga pala si Cris, ito naman si Esel,” pakilala niyang muli, hindi sumagot si Necisto kaya naisip niyang masungit ito.
“Iiwan ko na kayo rito. Si Chief na bahala sa inyo. Aalis na rin ako, may lakad pa’ko. Ciao,” paalam niya saka dire-diretsong nagtungo sa pintuan para lumabas. Ganoon lang sila kabilis nagtagpo at nagkalayo.
“Ang sungit naman ng ginoong iyon, Cris. Necisto ba ang kanyang pangalan? Akala ko rin kasi ay Boss,” pahayag ni Esel.
Tumango-tango si Cris. “Magandang lalaki pa naman siya at makisig. Napakakinis ng kanyang balat at matangos ang ilong niya. Masungit nga lamang,” segunda niya. Tumango si Esel at binanggit pa ang magandang lalaki na nakita nila sa palengke. May pagkakatulad daw sila ni Necisto. Nakapanghihinayang at hindi man lang niya nakita ang mukha ng ginoong tinutukoy niya.
ILANG oras pa silang nakaupo sa upuan dito sa pulis istasyon. Paiba-iba ang kanilang posisyon dahil sumasakit na pang-upo. Pinaghintay sila ng Chief. Nainis pa si Esel dahil alam niyang pati si Cris ay hindi na rin komportable sa kanilang sitwasyon.
Tirik na tirik na ang araw dahil pananghalian na. Kakaiba ang init ng araw sa mundong bago sa kanila. Pinagpapawisan na sila ni Esel at naaamoy na rin nila ang mga sarili.
“Uy mga ineng, kumusta kayo diyan? Nagugutom na ba kayo?” tanong ng Chief na lumapit sa kanila. Tumayo si Cris kaya ganoon din ang ginawa ni Esel.
“Matagal pa po ba kaming mananatili rito, Chief?” Saglit na natigilan ang chief. Hindi inasahan ang malalim na pananalita ni Cris.
“Walang signal sa barangay ng tribong ‘yon kaya pupuntahan ko na lang mamayang alas tres.”
Magtatanong na sana si Cris kung ano ang signal at alas tres ngunit naalala niyang hindi pala dapat malaman ng Chief o ninuman na hindi sila taga-roon.
“Maghintay na lang muna kayo rito. May pagbibilinan na lang ako para bigyan kayo ng makakain. Gabi na kasi ako makakabalik, ‘wag kayo mag-alala, mababait ang mga tao ko,” nakangiting pahayag ng Chief na hindi naman pinaniwalaan ni Esel.
Nasa bungad pa rin kami ng pintuan ng istasyon. Gabi na at hindi katulad kaninang umaga, wala nang masyadong tao rito. Nakasandal si Cris sa pader habang nakaupo sa upuan, si Esel naman ay panay ang hikab sa tabi niya habang nagmamasid sa paligid.
Naalala niya si Dayang at Darang, iniisip kung ano na ang nangyari sa mga kasama.
“Uy, sino ‘tong mga dalagang ‘to?”
Tiningnan nila ang may-ari ng boses na iyon. Isang pulis, hindi gaanong matangkad, maliit ang mga mata, bilugan ang mukha, makapal ang kilay at may mga kunot na ang noo senyales na tumatanda na ito. Kakaiba ang ngiting ipinukol nito sa dalawa. Lumapit pa ito at pinagmasdan ang mga dalaga sa malapitan.
“Wala pa ba ang Chief?” nauubos ang pasensiyang tanong muli ni Cris. Ang sabi nito ay gabi pa siya makababalik. Umangat ang kilay niya, pinalibutan na rin sila ng iilang pulis na nag-uusap lamang kanina sa likod ng mesa sa aming harapan. Naramdaman din niyang tumayo si Esel na tila ba naghahanda kung biglaan man silang atakihin.
Walang sumagot sa tanong niya. “Ibinilin sila ni Mr. Sy dito kaya si Chief talaga ang nag-asikaso,” sabi ng isang may bigote.
“Talaga ba? Hmm..” May naglalarong ngisi sa labi ng pulis at pinasadahan sila ng malaswang tingin. Huminto ang tingin nito kay Cris. “Baka naman puwede muna kayong makipaglaro sa amin, ganda?”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





