Taong 1425
MALAYO ang tingin ng hari matapos marinig ang kuwento ni Heneral Luna. Iniisip ng hari ang bawat eksena base sa sinasalaysay ng matalik na kaibigan. Hindi niya man nasilayan ang dalagang hitsura ng kanyang anak at hindi niya man ito nasubaybayan, batid niyang maayos itong napalaki ng heneral.
Kasalukuyang magkatabi na nakaupo ang hari at heneral sa harap ni Darang. Tinanggalan na siya ng tali at kahit nanghihina at nananakit ang kalamnan ay pinilit niyang umayos ng upo dahil nasa harapan niya ang natatanging hari ng Nervada.
Hiniling ng hari na ikuwento ng heneral ang lahat mula sa umpisa. Mula nang makarating ang prinsesa sa Manki, kung paano ito lumaki. Kung ano ang ugali nito. Kung ano ang mga nangyari sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan.
Sa kuwento ng heneral, nakikita niyang lumaki itong matapang at may paninindigan, bagay na hinahangad niya sa kanyang mga anak na prinsipe.
Nalaman niyang malugod na tinanggap ng mamamayan sa Manki ang pagdating ng prinsesa. Ganoon din ang prinsesa sa lahat ng tao. Nauuso noon ang sakit sa balat at ang mababang uri ng pamunuhay sa Manki ngunit ang prinsesa ang gumawa ng lunas at nagturo sa mamamayan kung paano alagaan ang kanilang sarili.
Nagdaan ang bagyo at mahihinang lindol na siyang sumira sa mga kubo. Tumulong din ang prinsesa kahit na pinagbawalan na ito ng heneral. Nagtayo sila ng mas matitibay na tirahan. Hindi lamang para sa kanila ngunit para sa lahat ng pamilya.
Ang prinsesa rin mismo ang nagturo sa mga kababaihan kung paano magtanim. Naalala ng hari na ang kanyang kabiyak na si Reyna Sara ang siyang nagturo kay Cristina kung paano magtanim.
Nang maging sapat na ang edad ng prinsesa ay humiling ito na matuto kung paano makipaglaban. Maging ang mga walang muwang na tagapagsilbi nitong sina Darang, Dayang at Esel ay hindi nakaligtas sa pagsasanay na si Heneral Luna mismo ang nangulo.
Hindi rin siya makapaniwala na ang prinsesa mismo ang nakiusap kay Heneral Luna na sasama ito sa bawat kalakal ng Manki. Isang pawang babae lamang ngunit nakita niya ang kakaibang kapangyarihan na naipamalas nito. Ang kapangyarihan ng isang babae.
“Hindi ko man ipinaalam na ang prinsesa ang pinuno sa Manki ngunit alam ng mga tao rito na lahat ng mali rito ay itinama ng prinsesa. Lahat ng nagugutom ay binubusog niya. Lahat ng naghihirap ay sinasabayan niyang umangat. Ganoon siya kahalaga sa aming lahat, mahal na hari.”
Itinukod ng hari ang kanyang siko sa malapad na kahoy na ipinatong sa malaking bato. Hindi niya malaman kung ano ang kanyang sasabihin.
“Darang..” Tinanguan ni heneral si Darang at agad na napalunok si Darang nang titigan siyang muli ng hari. Nanginginig ang boses naman niyang isinalaysay sa hari ang lahat ng kanilang ginawa sa Meiso.
Mula sa kanilang paglalakbay, ang pagkakakilala ng prinsesa at ng heneral ng Meiso, ang estranghero, ang pulang supot, ang pagkakabihag sa kanila ng mga kawal, ang pagkawala ng lukbutan ng prinsesa, ang kanilang paghahanap sa lukbutan doon sa kagubatan…
“Naghiwa-hiwalay kami upang mas mabilis naming mahanap ang lukbutan ng prinsesa–”
“Iyo bang sinasabi na dahil lamang sa simpleng lukbutan ay iniwan niyong nag-iisa ang prinsesa?” Madilim ang mukha ng hari at tila ba hindi nito nagugustuhan ang takbo ng pangyayari. Hindi naman makasagot si Darang dahil hindi niya rin alam ang sasabihin.
“Mawalang galang lamang mahal na hari, maaari po ba nating patapusin si Darang sa pagsasalaysay?” sabat ni heneral. Hindi sumagot ang hari. “Ano ang nangyari matapos no’n, Darang?”
Pautal-utal si Darang na nagpatuloy, “Pinahalagahan ng prinsesa ang kanyang lukbutan dahil naroroon ang putong niya na mula sa palasyo ng Nervada. Ikinakatakot namin na baka may ibang mata ang makakita noon at mas mabilis nilang matunton ang prinsesa. Hindi rin po siya nag-iisa mahal na hari, kasama niya si Esel, ang pinakamagaling sa labanan. Ngunit sa aking paghahanap, biglang may sumigaw na boses ng babae kaya’t kaagad akong tumakbo patungo sa pinanggalingan ng sigaw. Ang akala ko’y ang prinsesa ito ngunit naabutan ko si Dayang na nakahandusay na sa lupa. Inaalalayan siya ni Ciel at Ame. May malalim siyang tama sa kanyang hita”
“Hanggang sa nagsilabasan ang mga lalaking nakabalot ng itim. Hindi namin sila makilala dahil sa nakabalot na tela sa kanilang mukha. Napakarami nila at handa na silang atakihin kami. Nakipaglaban kami hanggang sa hindi namin nakayanan. Labis ang aking kaba dahil baka biglang pumunta si Cris–” Nahinto si Datang nang makita ang pagkunot ng noo ng hari.
“Aking nabatid na tinatawag niyo ang prinsesa sa kanyang pangalan lamang.”
“Mahal na hari, pitong taon na ang nakaraan mula nang ipinagbawal ko sa Manki ang pagkilala sa prinsesa. Ginamit ko ang kanyang pangalang ‘Cris’ upang hindi kaagad siya matunton ng mga kalaban.”
“Ibig mo bang sabihin na pumayag si Cristina na tawagin niyo siya sa kanyang pangalan?” nagtatakang puna ng hari. Labis na ipinagbabawal sa palasyo ng Nervada ang pagtawag sa kanila sa kanilang pangalan lamang.
Napangiti si heneral sa hari. “Kung naririto lang sana ang prinsesa, malamang ay sasabihin niya sa iyo na mas nais niyang tawagin namin siya sa kanyang pangalan kaysa prinsesa.”
Napahinga na lamang ng malalim ang hari. “Maaari ka nang magpatuloy,” utos niya kay Darang na saglit pang napakurap sa pagkabigla.
“Sa kabutihang palad, hindi dumating ang prinsesa. Marahil ay hindi nila batid na inaatake kami.”
Muling sumingit ang hari, “Paano ka nakasisiguro na hindi nadakip ng mga iyon ang aking anak?”
“Dinakip nila kami at nilagyan ng piring kung kaya’t hindj namin alam kung saan kami dinala. Doon kami binugbog at pinilit paaminin kung nasaan ang prinsesa… subalit hindi kami nagsalita kaya…” Natigilan si Darang sa kanyang naalala. “Hanggang sa makatakas kami roon sa tulong ng mga mangangakal na nagmumula sa Pilar. Nawalan na ako ng malay mula roon.. ngayon lamang ako nagkamalay.”
“Inihatid kayo rito ng mga taga-Pilar na sinabi mo. Labis akong nag-alala sapagkat hindi niyo kasama ang prinsesa kaya’t hiniling ng mga mamamayan na ibilanggo kayo dahil maaaring hindi niyo nagampanan at naprotektahan ang prinsesa,” pagpapaliwanag ng heneral kay Darang.
Napagtanto ng hari na iyon pala ang dahilan kung bakit nakabilanggo ang mga ito. “Heneral..” tawag-pansin niya kay Luna. Napatingin sa kanya ang huli. “Hindi ba’t kasama ng aking anak si Ciel at Ame? Nakabilanggo rin ba sila?”
Nagkatinginan ang heneral at si Dayang. Napayuko na lamang si Darang at hindi na nakasagot si Heneral Luna.
NAGTAKA ang hari kung bakit hindi nakasagot si Luna at Darang. Batid niyang may nangyaring hindi maganda dahil sa makahulugang tinginan ng dalawa. Tila nawala naman ang sakit na iniinda ni Darang nang maalala ang nangyari kay Ciel at Ame.
“Malubha ang kalagayan ng aking pamangkin na si Amelsito, mahal na hari. Hindi na nakayanan ng katawan niya ang bugbog at bali na natamo niya. Kahapon ay tuluyan na siyang naging baldado.” Bakas sa mukha ng hari na nagulat ito sa narinig. “A-Ang aking anak na si Ciel ay pumanaw na bago pa sila makarating dito..”
Napayuko si Darang at ‘di na napigilan ang pagtulo ng luha. Habang naglalakbay sila pabalik sa Manki ay hindi nakayanan ni Ciel ang gutom at pananakit ng tiyan. Nakatusok pa sa gilid ng tiyan ni Ciel ang panang may lason na siyang naging dahilan ng pagkamatay nito.
“Luna..” sambit ng hari na may bakas ng awa sa mga mata. Lumamlam ang mata ng heneral ngunit tumango lang siya ng isang beses sa hari na may malungkot na ngiti sa labi.
“Nakakayanan ko pa ang suliranin kong ito, mahal na hari.”
“Marapat lamang na bigyan natin ng maayos na libing ang iyong bunsong anak na si Ciel, Luna.” Sa sinabi ng hari ay hindi napigilan ni Darang na pumainlang.
“Mahal na hari, heneral, halos tatlong araw na po ang makalipas nang aming idaan sa tubig ilog ng Pilar ang labi ni Ciel,” mahina at mabagal na paliwanag niya. “Nag-alay rin po kami ng pagkain para sa mga bantay ng mundo upang dalhin sa payapang lugar ang kanyang katawan.”
Malayo ang tingin ni Heneral Luna habang nakikinig sa paliwanag ni Darang. Ito rin ang dahilan kung bakit sabik siyang makausap si Darang at Dayang. Si Ame ang nagsabi sa kanya na wala na si Ciel ngunit nang magtanong siya ng paliwanag mula rito ay hindi na nito nakayanan pang magsalita. Si Darang at Dayang naman ay tatlong araw na tulog dahil sa sobrang pagod at gutom na kanilang tinamo.
“Ikinalulungkot ko ang sinapit ng iyong bunso, Luna,” buong pusong pagdamay ng hari sa heneral. Dumaan ang ilang minutong katahimikan. “Bukas, sa paglubog ng araw, sasama kayo sa akin sa palasyo.”
Gulat na napatingin si Heneral Luna at Darang sa hari. Seryoso lamang itong nagpapalit-palit ng tingin sa kanila. “Maraming magagaling na manggagamot sa Nervada ang maaaring makatulong sa kalagayan ni Ame.”
“Mainam para sa akin na dalhin mo sila sa palasyo mahal na hari ngunit kailangan ako ng bayan na ito. Hindi ko maaaring hayaang walang pinuno muli ang Manki.”
“H’wag kang mag-alala, Luna. Iiwanan ko ang aking kanang kamay na si Jimen dito sa Manki. Siya muna ang magpapanatili ng kaayusan sa bayan na ito. Hayaan mo at gagawa ako ng pagpupulong ukol sa bayan na ito.”
Napatango na lamang si Heneral Luna sapagkat wala na rin naman siyang magagawa sa desisyon ng hari. Bakas ang pagod at puyat sa mukha ng heneral at nahahabag ang hari sa sinapit ng kanyang matalik na kaibigan.
Sa labas ng kuweba ay naririnig ng isang lalaki ang usapan sa loob. Lihim siyang napangiti sa tinuran ng hari. Akala niya ay mahihirapan siyang makasagap ng impormasyon sa nawawalang Prinsesa Cristina ngunit ngayon ay ang hari na mismo ang nagbigay ng patnugot sa kanya.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





