ALA sais na ng hapon. Kasalukuyang nagpapaypay si Bernard sa iniihaw niyang karne. Si Necisto naman ay nagbubuhat ng isang gallon ng tubig palapit sa sinet-up ni Hannah na mesa. Si Hannah at Esel ang nagtatayo ng tents. Wala sina Cristina at Isko dahil nasa kakahuyan ang mga ito para manguha ng kahoy na gagamitin sa gagawin nilang bonfire.
Kitang-kita mula sa pwesto nila ang payapang dagat. Napakapresko sa pakiramdam ang maririnig na magkahalong tunog ng alon, malakas ngunit banayad na hangin at pagaspas ng mga dahon na nagmumula sa malawak na kakahuyan.
Tanging ang ilaw mula sa beach house lamang ang nagbibigay ng liwanag sa kanila. Hindi pa kasi nakakabalik sina Isko at Cristina sa pangangahoy. Nang matapos si Necisto sa ginagawa ay tinulungan niya si Bernard sa pag-ihaw.
“Okay, guys. Tapos na ang tents!” sigaw ni Hannah at pumalakpak pa ng dalawang beses. Gumaya si Esel kaya nakipaghigh-five si Hannah sa kanya.
“Malapit na ring maluto ang inihaw. Handa na ba ang kanin?” sigaw pabalik ni Bernard.
“Yup!”
Inayos-ayos ni Hannah ang hanay ng mga pagkain sa parihabang mesa na gawa sa kahoy. Nakaset-up ito sa gitna ng tatlong tents na nakapwestong pa-curve. “Oh my gosh! It’s so yum.” Kumikinang ang mga mata niya. May inihaw na bangus, pancit, chickenjoy, at afritada. May konting fried rice pa tapos isang kalderong kanin. Gumawa rin si Isko ng sawsawan bago pa man maluto ang mga ulam.
Lumapit si Esel sa kanya at nagtanong kung ano ang ibig-sabihin ng salitang ‘yum’.
“It means masarap.”
“Et means..?”
Hinila naman ni Hannah si Esel at magkatabi sila sa pahabang upuan. Nasa harapan nila ang mesa na puno ng mga pagkain.
“Gosh!” Umirap si Hannah at pinaypayan ang sarili. Gumaya si Esel sa kanya, pinapaypayan din nito ang sarili at panaka-nakang tumitingin sa kanya. Huminto si Hannah. “Are trying to copy me?”
“Kapi? Kape? Gusto mo ng kape?” naguguluhang sagot ni Esel.
“No! I mean, hindi. Ang ibig kong sabihin, ginagaya mo ba ako?”
Tumango si Esel.
Medyo nagulat si Hannah. Hindi niya akalaing aamin ito ng hindi nagdadalawang-isip. “Gosh, you’re so honest,” kalmadong sabi ni Hannah kahit na nakakunot ng bahagya ang noo.
“Napakaganda mo kasi, Hannah.” Na-flatter naman si Hannah sa sinabi ni Esel.
“Gosh, I know right.” Pinigilan niya an gang pagngiti ng malaki. Sinuklay-suklay pa niya ang buhok niyang hanggang balikat.
“Ngayon lang ako nakakita ng binibini na katulad mo. Kakaiba kang magsalita at may pilantik ang bawat galaw mo.” Mas lalong napangiti ni Hannah. Hinampas niya si Esel ng pabiro na kinagulat naman ng huli.
“Ano ba, stop it.” Tila ba kinikilig niyang ani. Napangiti na lang si Esel sa inasta ng babae.
“Well, hindi ka kailanman magiging ako. Alam mo naman ‘yan, diba?”
Tumangong muli si Esel. Napaisip si Hannah. First time niya na magkaroon ng babaeng tagahanga. Kadalasan kasi ang mga basher niya na naaartehan sa kanya.
“But, pwede kong ituro sa’yo kung paano dapat gumalaw ang isang mayuming babae.” Ngumiti ito na parang may pinaplano sa inosenteng si Esel.
“Dito na kami!”
Napalingon sila sa paparating na Cris at Isko. May mga bitbit silang maninipis at mahahabang kahoy.
Kaagad na pinuntahan ni Esel si Cris at kinuha ang hawak nito. Tulad nang nangyari kanina, pinanlakihan ni Isko ng mata si Esel.
‘Hindi ba niya nakita na mas marami ang dala ko?’ isip ni Isko. Hindi na lang siya nagreklamo dahil baka asarin na naman siyang weak ng kanyang boss.
“Here, let’s make the bonfire there.” Tinuro ni Hannah ang lugar sa harap ng mesa at tents. Pinagsama nila ang mga kahoy sa iisang espasyo. May ilang ekstra pa naman sila dahil kanina pa naghahakot ng kahoy sina Cris at Isko. Ilang sandali pa ay sinindihan na nila iyon at kaagad na naglikha ng malaking apoy.
“Paano..” pagtataka ni Cris at Esel nang makita ang lighter na hawak ni Isko.
“Ang tawag dito ay lighter.” Itinaas ni Isko ang hawak at ipinakita sa dalawang babae.
“Paano iyan nakakalikha ng apoy?” Sa pagkakaalam ni Esel ay tanging pagkiskis ng kahoy at bato ang paraan ng paggawa ng apoy sa Manki.
Naririnig nila ang tunog ng pagtupok ng apoy sa kahoy. Ang malamig na paligid ay nahahaluan na ng init. Sinasayaw ng hangin ang anino ng malaking sindi ng apoy.
Pinapagitnaan ng tents at ng dagat ang bonfire na ginawa nila. Pumuwesto na ang mga babae sa mesa na puno ng pagkain. Natakam pa si Cris nang makita ang lahat ng ulam lalo na ang afritada. Talagang tinotoo ni Nes ang sinabi nitong ipagluluto siya ng afritada.
“Inihaw na karne ng baboy!” paghayag ni Bernard saka inilapag sa gitna ng mesa ang inihaw na karne. Katabi nito ang inihaw na bangus.
“Hugas muna ng kamay,” pagbibigay-alam ni Necisto sa mga kasama. Tila ba siya ang padre de pamilya ng kanyang munting pamilya. Nakapaghugas na kasi siya ng kamay kaya naman siya na ang nag-ayos sa mga pagkain. Siniguradong may sandok ang bawat ulam para hindi kaagad mapanis kung may matira man.
“What?” reklamo ni Hannah pero tiningnan lang siya saglit ni Nes.
“Anong what ka d’yan.” Tinuro ni Bernard ang dagat. “Masarap ang kain kapag sa dagat ka naghugas ng kamay kasi maalat-alat na,” sabi nito na may dagdag ngisi.
“I’m not talking to you.” Padabog na tumayo si Hannah dahil sa pang-aasar na naman ni Bernard. Isa pa, nag-unahan na sina Cris, Esel at Isko sa paghugas ng mga kamay sa dagat.
Nag-alay muna sila ng dasal na pinamunuhan ni Bernard bago nagsimulang kumain. Nagkukuwentuhan sila habang kumakain. Si Necisto, Bernard at Hannah ay magkakatabi sa kabilang bahagi ng parihabang mesa. Sa kabila naman sina Cris, Esel at Isko.
“Ang tahimik. May dumaang anghel?” komento ni Bernard. Napatingin si Isko sa kanya saka sa katabi niyang si Necisto na nagkibit-balikat lang. “Bakit ‘di kaya tayo mag-getting-to-know each other?” suhestiyon ni Bern.
“Maganda ‘yan, Ser Bernard!” segunda ni Isko.
“Bern na lang, Isko. ‘Di ka na iba sa’kin,” nakangiting sabi ni Bernard.
Napangiti rin si Isko bago tumango. Nahinto naman si Hannah sa pagkuha ng tiyan ng bangus. “That’s so creepy. I hate heart to heart talks.” Sinubukan ni Hannah na ibahin ang topic pero hindi na siya nakaangal kay Necisto.
“Maganda ‘yan.” Mayumi itong kumakain habang nakakamay. Sanay na siyang magkamay lalo na’t lumaki siya na madalas kasama ang kanyang ina na simple lamang ang pamumuhay. “Mas masarap ang kain ‘pag may kuwentuhan.”
Si Cris at Esel ay ganadong kumain. Panay tanong din sila sa bagay na bago sa kanilang paningin at panlasa. Nasanay sila noon na kamay ang ginagamit sa pagkain dahil mga prutas at gulay ang madalas nilang kainin.
Ngunit dahil may sabaw ang afritada, sinusubukan ni Cristina at Esel na gamitin ang kutsara sa tulong ng kanilang role model na si Hannah.
“Magkukuwentuhan tayo?” pagkaklaro ni Cristina habang tumutusok ng hotdog gamit ang kanyang tinidor. “Anong tawag dito?” Itinaas niya ang tinidor para ipakita sa mga kasama. “Kakaiba ang kulay niya.” Inamoy pa niya ito bago tinikman. “Masarap.”
Napangisi sina Bernard at Necisto. “Hotdog ang tawag d’yan,” sagot ni Isko habang pinapapak ang isang chickenjoy. Siya lang ang mag-isang kumain sa pritong manok. Inihaw na isda at karne naman ang kinakain ng mga kasama niya.
“Hatdog?” paggaya ni Cris. Si Esel ay tahimik na ginagaya ang bibig ni Isko habang sinasabi ang ‘hotdog’. “Maganda ang pangalan na ‘yon.”
Nagkatinginan naman si Bernard at Necisto saka lihim na natawa. “Ha? Anong maganda ro’n?” segunda pa ni Isko na natatawa na rin. Umirap na lang si Hannah sa kawalan dahil hindi niya mapaniwalaan na ibinababa ng dalawang babae ang bandera ng mga pilipina sa taong 2025. In short, pinapahiya nila ang kababaihan.
Kumunot ang noo ni Cris. “Oo. Maganda ang pangalan ng mga kagamitan niyo rito. Kung ako ay magkakasupling, nais kong ipangalan ang Hatdog sa kanya.”
Nabilaukan naman si Necisto sa narinig. Iniluwa na lang niya sa buhangin ang laman ng bibig saka uminom ng beer.
“Hotdog ang ipapangalan mo sa anak mo?” tanong ni Necisto nang maka-move on sa pag-ubo. Naisip niya tuloy kung magiging anak niya ‘yon, tatawagin siya ng ng mga tao bilang Hotdog Sy. ‘Ang weird ng pangalan ko pero Hotdog Sy as a name is insane!’ isip niya.
Si Isko naman ay maluha-luha na sa tawa kahit puno ang bibig. Si Bernard ay natatawang napasambit ng, “It feels good to laugh at somebody’s innocence. Sa panahong ito, wala nang kagaya mo, Cris. Lahat ay all-knowing na dahil sa mga gadgets at leveled-up na internet.”
Si Esel ay palipat-lipat ng tingin sa mga kasamang natatawa. Hindi niya maunawan kung bakit nagtatawanan ang mga ito dahil sang-ayon naman siya kay Cris na maganda nga ang pangalang Hotdog.
Sa kabilang banda, ibinalik naman ni Hannah ang isang piraso ng hotdog na nasa plato niya. Mukhang na-trauma siya sa sinabi ni Cris na magandang ipangalan sa tao ang Hotdog.
“Sige na, sige na! Kwentuhan na,” pag-aya ni Bernard dahil napansin niya na nahihiya na si Cristina. Kumuha siya ng isang canned beer mula sa maliit na cooler. Inabutan niya ang mga kasama.
“Ano ito?” tanong ni Esel habang sinisipat ng tingin ang lata ng beer. “Napakalamig.”
“Esel,” tawag ni Cristina na katabi niya lang. “Mayroon silang tinatawag na refredjereytor dito. Nakita mo ba ang malaking pilak na pinto sa tinatawag nilang kusina na kumikintab sa kinang? Doon nilalagay ang mga pagkaing nais nating palamigin!”
Tila ba proud pa si Cris na naglalahad ng nalalaman kay Esel. Tuluyan na niyang nakalimutan na pinagtawanan ng mga bagong kakilala ang nais niyang pangalan ng kanyang magiging supling.
“Napakatalino mo talaga, Cris!” Todo ngiti pa si Esel na ikinasimangot ni Isko. Napailing na lang si Necisto samantalang napakamot naman ng noo si Bernard dahil parang mga batang walang muwang kung umasta ang dalawa.
“Okay, enough of that kind of chitchats,” sabat ni Hannah at pumilantik pa ang isang kamay na nasa ere. “Mas gusto ko pang magkuwentuhan tayo kaysa makinig sa cringey conversation ng dalawang ‘to.”
“Okay, game!” agad na segunda ni Bernard na sang-ayon kay Hannah. “Sino mauuna?”
“Should we do the spin the bottle ba?”
“Nice idea, Han. Spin the bottle na lang tayo para naman fair at walang makaka-hindi,” sabi ni Bern.
Kumuha ng bote si Bern sa cooler at hinahawi naman ni Hannah ang ilang pagkain para may space ang bote sa mesa. Si Isko naman ay sinipsip pa ang buto ng huling chickenjoy. Hindi niya namalayan na naubos niya na ito.
Si Esel na katabi ni Isko ay naaaliw sa pagyupi ng latang hawak niya. Hindi rin niya alam kung paano ito buksan ngunit namangha siya sa klase ng balat ng lata.
Nagpunas ng bibig si Necisto saka binuksan ang lata ng beer. Napansin niya si Cristina na kunot-noong nakatingin sa hawak niya. Mukhang nahihirapan itong buksan ang sariling beer. Napatanong tuloy siya kung nasubukan na ba nitong uminom ng alak.
“Nakainom ka na ba nito?” tanong ni Nes. Nagkatinginan sila ni Cris. Umiling naman ang huli bilang sagot. “Baka masuka ka mamaya,” nakangising sabi ni Nes. “Here.” Inabot nito ang nakabukas nang beer at kinuha niya beer nitong hindi pa nabubuksan.
“Okay. Let’s start!” hiyaw ni Hannah na pumalakpak pa.
“Mas excited ka pa yata sa’kin ah. Nasa’n na ‘yong ‘I hate heart to heart talks’ mo?” pang-aasar ni Bernard na inikutan ng tingin ni Hannah.
“Shut up, Bernardo!”
Si Hannah ang nag-ikot ng bote. Abang na abang sila kung kanino ito tuturo dahil ito ang mauunang magkukuwento sa kanila.
Nagtawanan sila sabay hiyaw nang si Isko ang matiyempuhan ng bote.
“Oh, Isko! Ikaw mauuna,” nakatawang pahayag ni Necisto saka napatingala.
Kasabay ng tawanan nila ang pagdaan ng bulalakaw sa langit. Si Cris at Necisto lamang ang nakakita niyon ngunit hindi nila batid na nagkasabay silang dalawa.
Ipinikit ni Cristina ang kanyang mga mata at kinausap ang kanyang ina sa kanyang isipan. Nais niyang ipaalam na nabatid niya na ang misyong sinabi ng kanyang ina na nararapat niyang gampanan.
Samantala, ngayon lang naramdaman ni Necisto ang tunay na payapa at saya. Kasama niya ang dating mga kaibigan, si Isko na tauhan ng pamilya nila at ang dalawang binibining pinatuloy niya kaagad sa bahay nila.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





