LUMIPAS ang dalawang araw ng mag-anak na ‘di man lang lumabas ng bahay. Wala rin silang mga kakaibang narinig o naramdaman ng mga araw na iyon. Tanging nakabibinging katahimikan lamang bukod sa ilang huni ng mga hayop.
Sa isang madawag na lugar kasi nakatirik ang bahay na kanilang natagpuan. Mga matatayog na matatandang puno at mga damong ligaw lamang ang kanilang masisilayan. Lalakad ka pa muna nang ilang dipa rin bago matanaw ang mga saradong bahay.
Tunay na wala ngang ipinagkaiba sa katahimikan ng Tatlong Krus ang baryo, bukod nga lamang sa mga hampas ng alon na bumabasag sa payapang paligid ng kanilang dating lugar.
KATANGHALIANG TAPAT.
Payapa ang lahat nang may maulinigang ingay ang mag-anak na nagmumula sa kanilang mga karatig bahay.
“Ano kaya ‘yon Rey?” tanong ni Laura.
Sumilip si Rey sa bintana. “Parang may gulo sa bukana!”
Nagkatitigan naman ang dalawang paslit.
Tumakbong papalabas ang mag-asawa at agad ding nagsisunod ang dalawa.
Malayo pa lamang ay dinig nila ang mga nagsisigawan at nag-iiyakang mga kapitbahay.
Mas lumapit pa ang mga ito.
Kumubli sa madadawag na damo at tanging mga ulo lamang ang nakalitaw. Animo’y mga sundalong nag-aabang sa mga kalaban.
“Bakit po kaya kinukuha ng mga lalaking iyon ang mga alagang hayop ng mga kapitbahay?” tanong ni Abel.
Nakita kasi nila ang ilang kalalakihang binibitbit ang mga baboy, manok at ilang mga kambing. Ang ilan ay puwersahang kinukuha at ang ilan naman ay kusang ibinibigay.
“Tatay Rey, may kakaiba akong naaamoy… Hmm…” sabi ni Abel habang itinutulis pa ang ilong.
Ngunit ang hindi pala talaga nila alam ay…
May dalawang taong nakatayo sa kanilang likuran at pinagmamasdan lang sila. Isang magandang babaeng ‘di pa kaedaran at isang batang babaeng mga nasa tatlong taong gulang na. Akay-akay ang batang maliit habang marahang lumalakad papalapit sa kanila.
“Huh?”
Ngunit sadyang napakalakas ng kanilang mga pakiramdam.
At…
“Sino ka?” tanong ni Laura kahit nakatalikod pa ito.
“Huh?” Nagulat naman ang babae at kinargang agad ang kanyang anak.
Maamo ang mukha nito kung kaya at naging malumanay naman si Laura.
“Hi—Hindi kayo taga-rito ‘no?” tanong nito.
Nang mapansin na nababawasan na ang tao sa kaguluhan ay marahan na tumayo silang lahat sa pagkakaupo sa damuhan upang lumapit sa babae.
“Bago lang kami, diyan kami nakatira,” turo ni Laura sa bahay na nasa likod ng babae.
“Mukha naman eh, kung taga-rito kasi kayo ay ‘di kayo magkukubli na ganyan…”
Napakunot naman ng noo si Laura. “Bakit naman?”
Ibinaba ng babae ang kargang bata at hinayaan itong lumapit kina Elena. “Matatakot kasi kayo,” tugon nito.
“Bakit naman kami matatakot? Ano ba ang meron dito?” tanong ni Laura, sabay bato nang matalim na tingin sa kausap.
Sasagot na sana ang babae nang bigla itong mataranta. “Huh?” Napalingon ito sa gawing likuran ng bahay. “Sonia halika na!” Agad na hinatak ang bata at madaliang kinarga.
At bago pa man ito tuluyang lumayo ay…
“Mag-iingat kayo, huwag mo hayaang kumalat ang mga bata sa masusukal na lugar!” May kakaiba sa tema nang mga binitiwan niyang salita. Maging ang mga mata ay naglilikot pa.
Nilingon din nila ang tinatanaw ng babae at paglingon nila rito ay kaybilis nitong naglaho.
“Huh?” Tila muling nakaramdam ng presensya na may paparating ang Laura kung kaya at… “Dalian n’yo, pumasok na tayo.”
Pinauna sa paglalakad ang dalawang paslit at nagkatinginan pa ang mag-asawa bago nagtuloy.
PAGDATING sa loob ng bahay ay agad isinarado ang lahat nang nakabukas. Pinanatiling madilim ang loob nito na tanging liwanag lang ng araw ang sumisilay.
“Inay, bakit po? At, bakit po kaya ganoon magsalita ang babae?” pabulong na tanong ni Elena.
Ngunit ‘di kumibo ang kanyang ina at patuloy lamang sa pagsilip sa mga siwang ng bahay.
Ang kanyang ama naman ay maagap at agad dinampot ang garapong may asin nang mamataan ang pinakamalapit sa kanya. Mabilis na binuksan ang garapon at dinakot ang lamang asin at saka… “Dumito kayong lahat sa gitna,” sabi nito.
Madaling inipon ni Laura ang dalawang paslit at matapos ay binudburan naman ni Rey pabilog ng asin na tila ikinulong ang kanilang mga sarili.
“Panandalian lamang ito hanggang sa makaalis lamang sila,” bulong nito.
Bakas sa mukha ng dalawang paslit ang pagtataka ngunit ‘di ang takot.
At maya-maya pa ay…
HAR!HAR!
Ingay ng isang aso ang kanilang naririnig malapit sa kanilang likod bahay.
Kinapitan ni Laura nang mahigpit ang dalawang paslit at pinayuko na lamang. At pagtapos ay ipinikit ang kanyang mga mata at bumulong nang bumulong.
Isang bulong na pamproteksyon ang kanyang inuusal, gamit ang mga asing nagkulong sa kanila.
At sandali pa at…
“Wala na Rey…”
Napatingin ang dalawang paslit.
Nagkatinginan din ang mag-asawa.
At alam na nila ang ibig ipabatid ng babaeng nakausap nila kanina.
HATINGGABI.
Nang oras na para magsitulog ang dalawang paslit ay kinausap nang masinsinan ni Laura ang dalawang makulit na bata.
“Inay Laura ‘di ko po talaga maintindihan, bakit kailangan naming matulog sa gitna ng pabilog na asin?” usisa ni Abel.
“Basta, walang mawawala Abel kung susunod kayo,” sagot ng Laura.
Habang inuusisa ni Abel ang kanyang inay Laura ay tahimik namang pinagmamasdan ni Elena ang kanyang ama na panay ang guhit mula sa mga asing dakot-dakot nito.
Pilit niyang binabasa ang bibig nitong tahimik na bumubuka nang mabilis. Alam niyang habang inililibot nito ang asin sa buong paligid ng bahay ay may inuusal ito. At nagulat na lamang siya nang biglang tapikin ng kanyang ina.
“Elena…”
“Huh? Ba—Bakit po ‘nay?”
Hinawakan siya ng kanyang ina sa magkabilang balikat at tiningnan sa mga mata. “Alam kong sa buong buhay natin ay ‘di mo narinig ang salitang ingat, ngunit, maari bang kahit ngayon lang ay sumunod ka?” malumanay na wika nito.
Nakatingin lamang si Elena.
“Mahigpit na ipinagbibilin ko sa iyo na huwag na huwag kang lalabas ng tanda,” seryosong salita ng kanyang ina. “Kailangan mong sumunod sa akin upang hindi mapahamak.”
Kahit ‘di maintindihan ay tumango lamang ito.
“Pasok na…” sabi naman ng kanyang ama.
Pumasok na ang dalawa sa asin na ipinalibot nang pabilog. Sukat ng bilog na sapat lamang para sa dalawang paslit. At pagtapos ay…
PAK!
Ipinalakpak ng kanyang ina ang kanyang dalawang kamay na tila may isinara.
“Huwag kayong mag-alala, kung ano man sila ay ‘di nila kayo makakayang abutin,” turan niya.
Nahiga na ang dalawang paslit. Habang ang mag-asawa naman ay nakaupo lamang sa tapat ng lamesa harap ang isang gasera.
Nakabibinging katahimikan ang namamayani sa buong lugar kung nasaan sila ngayon.
Nang biglang…
“Inay Laura, paano po kung naiihi ako?” makulit na tanong ni Abel.
Hindi naman kumibo si Laura at sa halip ay si Elena na lamang ang sumagot.
“Mamili ka na lang Abel, iihi ka sa salawal o doon ka sa labas matulog kasama ng narinig nating aso? Hikhik!” Napapahagikgik pang sagot ni Elena.
Napabuntong hininga na lamang si Abel.
Ang mag-asawa nama’y magkatutok ang dalawang mata at nag-uusap.
“Masama ang lagay natin Rey…”
Naghawak na lamang sila ng kamay at…
“Hindi nila tayo kayang pasukin Laura, alam mo iyan…”
Tila nababagabag ang dalawa na bibihira mangyari sa buong buhay nila.
At mukhang magiging mahaba madalas ang mga gabing haharapin nila.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Mga aswang ba? Hahaha