MAHIGIT ISANG linggo na ang lumipas sa pananatili ng mag-anak sa misteryosong baryo na binansagan nilang Baryo Tahimik.
Napalipas nila ang isang linggo na hindi nasisilayan ang labas ng kanilang bahay. Wala silang ginawa kung ‘di ang kumubli rin sa mga tao na tulad nang gawi nila sa Tatlong Krus.
Iniingatan kasi nilang makasalamuha ang mga taong nanggugulo at nagkakalat ng kilabot sa munting baryo na kanilang dinayo. Ngunit sadyang ‘di maikakailang inip na inip na ang dalawang bata, bakas ang matinding kasabikan sa kanilang mga mukha na sa tuwing sisilip sa labas ay guguhit ang kuryusidad.
“Abel, nasasabik na akong muling magamit si Ben at ang aking mga iilan pang alaga, kay tagal na ring ‘di ko sila napaglalaruan,” malungkot na salita ni Elena.
Nakasilip ang dalawang bata sa siwang ng dingding. Wala ang mga magulang ni Elena kaya nakakulong na naman silang mabuti sa asin.
“Hmn… Kahit ako Elena, nasasabik na sa labas, gusto kong maligo sa ilog na naririnig nating umaagos nang malakas minsan,” malungkot ding turan ni Abel.
Sandaling nanahimik ang dalawa.
At…
“Labas tayo Abel!” Nakangiti pang yaya ni Elena.
“Talaga? Baka magalit sina tatay Rey!” agad na sagot naman ni Abel.
Tumayo si Elena sa pagkakaluhod at dumampot ng ilang butil ng asin na nakakalat palibot sa kanilang bahay.
“Hindi naman tayo magtatagal eh! Tatakbo lang tayo sandali sa mga damo Abel at pagtapos ay babalik na rito!”
Lumapad ang labi ni Abel sa sobrang ngiti. “Sige Elena! Masaya ‘yan!”
“Oo Abel! Kaya dumampot ka na agad ng maraming asin at ilagay sa bulsa mo para kung may panganib man ay malalaman natin agad!”
“Hah! Wala ka bang tiwala sa pang-amoy ko na gabi-gabi nating ginagamit Elena?” pagmamayabang ni Abel.
Bigla namang lumukot ang mukha ni Elena at… “Sa totoo lang— wala nga talaga eh, kapag kasi gumana iyan— ayon lang sa napapansin ko ha Abel,” kumamot pa muna sa kanyang ulo si Elena at saka muling nagsalita. “Napapansin kong— malapit na sila, bago mo pa ako mabigyan ng babala..”
Nawalan naman bigla ng gana ang mukha ni Abel dahil sa sinabi ni Elena.
Ngunit bumawi rin naman itong agad. Nilapitan ni Elena si Abel at tinulungang mag-ipon ng asin sa kanyang bulsa. “Huwag ka na malungkot Abel, bilisan na lang natin at baka dumating pa sila inay..”
Nagmadali naman ang Abel at kinalimutan na muna ang pagsesenti.
Nang makakuha na ng sapat ay agad nang nagtatakbo ang dalawa, nag-uunahan pa sa pagbukas ng pintuan.
At nang mabuksan na nga nila ang pinto ay…
“Ha? Sino ka naman?” mataray na tanong agad ni Elena.
Isang batang babaeng mas may edad sa kanya ang inabutan nilang nakatayo sa tapat ng pintuan.
“Si— Sino kayo? Nasaan si Mameng?” tanong ng bata.
Bumulong naman si Abel kay Elena, “Baka Mameng ang pangalan ng batang nakatira rito Elena..”
Nakasalubong naman ang kilay at masama ang tingin ni Elena sa batang babae. “Wala na sila! Umalis na sila dahil sa takot sa mga aso!” sabi nito.
“Aso? Nakita n’yo rin ang mga asong itim?” usisa ng bata. “Saka— kailan pa kayo nariyan?” pahabol pa nito.
Isinarado na ni Elena ang pinto at lumakad papalapit sa bata. “Bakit ba ang dami mong tanong? Umalis ka na nga at baka abutan ka pa ng inay at itay ko! Siguradong sasabuyan ka rin nila ng asin sa mukha!” taboy nito.
Sa tono ng kanyang mga salita ay tila pinaninindigan na ang kanyang pangako sa sariling ayaw niya na ng kaibigan.
“Asin?” sagot ng bata sabay dukot sa isang maliit na supot na nasa kanyang bulsa.
“Ano iyan?” muling tanong ni Elena.
“Asin!” sagot ng bata.
“Bakit ganyan ang kulay ng asin mo? Wala nang bisa ang bulong niyan dahil ‘di na siya maputi!”
Nagtaka ang bata sa sinabi ni Elena. “Bulong? Bawang ang kasama nito kaya ganito ang kulay…”
Nagkatinginan sina Abel at Elena.
“Ba— Bawang? Bakit bawang?” usisa naman ng Abel.
Binuksan ng bata ang supot upang ipakita sa dalawa. “Takot ang mga aswang dito, kaya kahit pa maliwanag ang araw ay ‘di ako nagpapawala nito sa bulsa…”
Nagkasabay pa sa pagdukot ang dalawa para maipakita rin sa bata ang kanilang asin.
“Ito ang sa amin, maputi…” sabi ni Elena.
Sinilip ng bata ang nakalahad na palad ng dalawa. “Bakit walang bawang? Mas mainam ang mayroon…”
“Bulong ang kasama nito kaya siguradong mas mainam ito sa asin mo!” pagyayabang ni Elena.
Napapakunot ang noo ng bata. “Kanina mo pa binabanggit ang bulong, ngunit ‘di ko talaga maintindihan kung ano iyon, wala naman akong ibang makita sa inyong asin! Ano ba ang bulong na sinasabi mo bata?”
Nagkatinginan lamang ang dalawa.
“Hayaan mo na nga! Umuwi ka na lang at baka ipakain ko pa ang puso mo kay Ben!” Naiinis na wika ni Elena sabay ikot ng mga mata nito sa batang kausap.
Napaatras ang bata sa takot sa tinuran ni Elena . “Aswang din ba kayo?”
Mas lumapit pa si Elena sa kanya. Nakasalubong na ang mga kilay at nakakuyom ang mga kamay. Hahablutin na sana nito ang buhok ng bata nang bigla na lamang..
“Beng! Beng-beng asaan ka?” sigaw ng isang babae.
“Ang inay!” Ang batang babae pala ang tinatawag nito.
“Beng! Ikaw na bata ka talaga! Sinabing huwag kang lumalayo eh, baka abutan ka ng dilim sa labas! Sino ang mga iyan?” agad na tanong nito nang makita sina Elena.
“Ah, inay mga bago nating kapitbahay, dito po sila nakatira sa kubo nila Mameng…”
Lumapit ang babae at tiningnang mabuti ang dalawa.
“Na— Nasaan na sila Mameng? Hindi man lang natin namalayang lumisan na pala sila…” nauutal pang tanong ng babae.
Nakatingin lamang ang dalawang bata.
“Kaanak n’yo ba sila, ne? Nasaan ang mga magulang n’yo? Hindi kayo dapat nag-iisa sa bahay…” sunod-sunod na tanong ng babae. “Umuwi na tayo Beng at nag-aalala na ang tatay mo, baka dumating pa ang mga aso at abutan tayo, kayo rin mga bata, huwag lumayo at magkulong na lang sa bahay..” sabi ng babae matapos ay inakay na ang kanyang anak papaalis.
“Sige, magkita ulit tayo bukas, ako nga pala si Beng-beng, puwede tayo makapaglaro kahit sandali!” Nakangiting sabi nito kina Elena.
Hanggang sa makalayo nang tuluyan ang mag-ina ay nakatingin pa rin ang dalawang paslit. May ilang minuto rin ang kanilang pag-uusap kung kaya at nawalan na ng ganang gumala ang dalawa.
“Elena, ayoko na lumabas, nakakatakot…”
“Sus! Matakot ka eh may asin naman tayo!”
“May asin tayo? Hindi ba dapat ay ‘di nila tayo makikita kapag nasa katawan natin ito? Bakit nakausap pa nila tayo?”
Sumimangot si Elena at tiningnan nang matalim si Abel. “Ewan ko sa iyo Abel! Sayang! May mapaglalaruan na sana ako kung ‘di lang dumating ang nanay niya! Hmp!” Ismid pa ni Elena habang lumalakad na papaalis.
“Teka Elena! Aalis pa rin tayo?”
“Oo Abel, sayang ang labas natin!”
“Natatakot na ako eh…”
“Sandali lang tayo, tingnan lang natin kung saan nakatira iyong bata!”
Nang marinig ni Abel ang sinabi ni Elena ay ginanahan ito. Palakaibigan kasing talaga si Abel at gusto madalas ang may bagong makikilala. Gayundin naman si Elena dati na tinabangan na lamang sa mga sakit na kanyang pinagdaanan.
SA KUBO NG MGA BAGONG KAKILALA…
Nakapanungaw sa nakasaradong bintana si Beng-beng.
“Inay, sa tingin po ba ninyo— masama ang mga bagong nakatira sa kubo nila Mameng?”
“Bakit? Sa totoo lang anak, parang may problema sa pag-iisip ang dalawang batang iyon, nakita mo ba kung paano silang tumitig? Nakakatakot! Lalo na ‘yung babae!”
“Saka inay, panay ang sabi niya ng salitang bulong. Ang asin daw na gamit nila ay bulong ang kasama at ‘di bawang…”
Lumapit sa kanya ang kanyang ina upang isikreto ang susunod na sasabihin. “Beng anak, mga bago lamang sila rito, bakit tila may alam na sila tungkol sa mga aso? Nabanggit mo ba sa kanila?”
“Hindi po inay, sila mismo ang nagsabing kaya umalis sila Mameng ay dahil sa takot sa mga aso…”
“Huwag kang magtitiwala sa kanila, alam mo namang ang ginagamit na panilo ng mga aswang na iyon ay mga batang tulad nila, baka isa sila sa mga iyon na nagpapanggap lamang…”
Napaisip bigla si Beng-beng.
“Sa mga itsura nilang kakaiba ay ‘di malayo ang aking sinasabi…”
Napapaghinalaan nilang mga aswang din ang dalawang paslit.
“Pero inay, kung aswang po sila ay dapat na wala silang asin sa katawan…”
Tumingin sa kanya ang ina at…
“Mas mabuti na ang nag-iingat, ‘di nga natin alam kung paano sila nakarating dito at saan sila nanggaling, matagal na tayong nananahan dito at kahit pa balot sa takot ay alam natin kung sino ang mga nakakasama.”
Hindi na muling sumagot pa si Beng-beng. Hindi kasi siya sang-ayon sa mga sinasabi ng ina. Magaan kasi ang loob niya sa dalawang bata kahit pa ‘di maganda ang una nilang pagkikita.
“Hindi naman po siguro sila tulad ng iniisip natin inay,” bulong nito.
SAMANTALA…
Kung saan na nakarating ang dalawang paslit kahahanap sa bahay ng kanilang bagong nakilala.
“Elena, ang layo na natin, tanda mo pa ba ang daan pabalik?” nag-aalalang tanong ni Abel.
Sa isang mataong lugar na sila napadpad.
“Abel tingnan mo, ‘di naman pala tulad ng akala natin ang baryong ito, may pamilihan at sambahan din…”
Isang pamilihang bayan ang ngayo’y kanilang tinatanaw. Iba’t ibang klase ng paninda ang makikita at may isang maliit na simbahan din.
Lumapit si Abel kay Elena at tinanaw din ang tinutukoy nito, sa talahiban kasi sila biglang sumulpot.
“Simbahan ang tawag diyan Elena at hindi sambahan, ‘di iyan katulad ng sa inyo…”
“Pareho lang naman sila ng itsura Abel, may krus nga lang iyan at ‘di manikang pambugaw ang nakarebulto.”
Sa baryo kasi nila sa Tatlong Krus ay mga dayami ang sinasamba. Ang mga dayaming ito ay replika ng mga yumaong mga ninuno na pinakamagagaling sa lahat na nagmula pa sa sari-saring sangay ng kanilang larangan. Kada ikalawang linggo ng buwan sila dumadalaw dito upang magbigay pugay at mag-alay ng isang kaluluwang kanilang naikulong sa bulong.
Sinasabi rin nilang patay na nga ang mga ito ngunit patuloy pa rin sila sa pagpapatnubay sa kanilang mga kalahi kung kaya at ang pag-aalay nila ng kaluluwa ay nagsisilbing pagkain ng mga ito at pasasalamat na rin para sa mga natitira pa.
“Nakapasok ka na ba ng sambahan ninyo Elena? Ano ang itsura nito?”
“Hindi maganda Abel, bukod dito ay ‘di ko rin gusto ang amoy, amoy bulok na pagkatao ang malalanghap mo roon, maninindig ang iyong balahibo dahil sa mararamdaman mong may tila nakamasid sa ‘yo. Isang beses lamang ako sumama kina inay ngunit ‘di ko na inulit…”
Seryoso ang mga titig ni Abel, dahil seryoso rin ang mukha ni Elena.
“Halika Abel, gusto kong makita ang itsura ng sambahan nila…”
Hindi naman nagpapilit si Abel dahil tila nakaramdam siya ng habag kay Elena na maging itsura ng simbahan ay ‘di alam.
Agad silang lumukso palabas sa mga talahib na kanilang kinalalagyan. Paglabas pa lamang nila ay agaw-atensyon na.
“Elena, bakit parang ang sama makatingin ng mga tao na ito? Mga tao ba talaga sila?”
Hindi sumagot si Elena bagkus ay lumakad itong mas papalapit pa sa mga nagkakasala-salabat na mga taong naglalakad.
May nakita kasi siyang kilala nila. “Abel, maghanda ka.”
Nagulat naman si Abel. “Bakit Elena?”
“Nakakita na ako ng laruan.. hehe..” napapangisi pang sabi ni Elena.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Haha napakaloko ni elena