Bitter or Better 1: #FirstLoveSyndrome – Chapter 11: Jelousy

1 Message Received.

Lee

Gising ka pa?

Ngumiti ako dahil sa text message niyang iyon. Mula kasi ng nagkacellphone siya ay hindi nagmimintis ang text niya sa akin. Totoo nga ang sabi niya noong kapag nagkacellphone siya ay magtetext siya palagi sa akin. Nakakatuwa lang isiping until now solid ang relationship namin as bestfriends.

Tulog na.

Message sent.

1 Message Received.

Lee

Meron bang tulog na

nakakapagtext?

Meron. Ako hahaha!

Message sent.

Bumangon ako saglit upang kuhanin ang charger ko sa kabilang kama. Gabi na rin kasi at tulog na ang kapatid ko kaya hindi na ko nag-abalang gisingin pa siya para abutin iyon para sa akin.

1 Message Received.

Lee

Labas ka.

Hala! Gabi na e. Bakit?

Message sent.

Napakunot ang noo ko. Kasi naman palalabasin ako sa dis-oras ng gabi. Pasado alas onse na rin kasi kaya tiyak na pagagalitan din ako kapag lumabas pa ako ng bahay.

Bukas na lang.

Hindi na ako makakalabas.

Message sent.

Pero ewan ko ba, sadyang ang kulit niya.

1 Message Received.

Lee

Saglit lang naman.

Sa huli ay nanalo na naman siya. Dahan-dahan akong bumaba at nagbukas ng pinto at gate upang walang magising sa amin.

“O bakit?”

“Wala lang.” Tumawa ito nang nakakaloko kaya nairita ako. Inirapan ko siya at lalo namang tumawa ang magaling na bata.

“Nang-aasar ka ba?” tanong ko.

“Hindi mo ako natiis no?” Napangiti ako dahil tama naman siya.

“E ano ngayon?”

“Uy! Kinikilig.” Nakuha niya pa talagang mang-asar.

“Bwisit ka talaga. Papasok nan ga ako. Baka mamaya magising pa sila mama.” Akmang tatalikod na ako nang hawakan niya ako sa braso.

“Sandali lang.”

“Ano nga?” Deep inside kinikilig talaga ako. Kasi hindi ko akalaing may ganitong side pala si Lee.

“Peram ng cellphone mo?”

“At bakit? May cellphone ka naman.”

“Basta may titingnan lang ako.”

Kaagad ko namang inabot sa kaniya ang cellphone ko. Syempre dala ko iyon sa bulsa ko dahil ayokong nawawaglit ito sa tabi ko. Mulan ang magkaroon kasi ako ng cellphone ay ito na ang naging libangan ko bukod sa lagi naming pagtambay sa basketball court tuwing nandito sila Lee.

“Ano ba kasing tinitingnan mo?” tanong ko. Normal lang naman na ma-curious ako sa itinatakbo ng utak niya lalo pa at cellphone ko ang kinukutingting niya.

“May chinecheck lang ako.”

“Ano nga?” pangungulit ko sa kaniya. Ilang sandali pa ay ibinalik na rin naman niya ang cellphone ko. Kaagad kong tiningnan iyon dahil baka kung anong kalokohan ang ginawa nito sa cellphone ko pero mukhang normal pa naman ito at walang kakaibang nagbago.

“Chineck ko lang kung nagkaka-text pa kayo ng Kai na ‘yon.” Seryoso ba siya? Ano siya boyfriend ko? “May cellphone na ako kaya dapat ako na lang tinetext mo.”

Hindi ko alam kung ano bang mararamdaman ko. At some point kasi ay alam kong concern lang siya sa akin. Hindi ko pa rin pala naikukwento sa kaniya ang mga nangyari. Ayoko kasing lalo siyang magalit kay Kai sa oras na malaman niya. Kahit ganoon man naging ending ng love story namin ni Kai, hindi ko maitatangging naging malaking parte din naman siya ng buhay ko. He made me fall in love. Hinding-hindi ko pagsisisihang minsan sa buhay ko ay minahal at nakilala ko siya.

“M-matagal na kaming hindi nagkaka-text. Bago pa ako magpuntang Japan.”

“Then good. Gusto ko ako lang.” Sandali akong pinamulahan ng mukha kaya tumalikod kaagad ako sa kaniya. Ayokong makita niya iyon dahil baka mamaya ay bigyan niya pa ng ibang kahulugan. Sadyang hindi lang ako sanay marahil na ganito siya makitungo sa akin ngayon.

“Oo na. Masyado kang bossy at demanding. Umuwi ka na nga at gabi na. Papasok na rin ako.”

“Oo na, oo na. Uuwi na nga.” Humarap ako sa kaniya sa pag-aakalang tumalikod na siya ngunit nagulat ako na nakatayo pa rin siya sa harap ko. “Good night.”

Huling-huli niya ang biglang pamumula ko kaya kaagad na akong pumasok sa gate. “G-good night.”

Nagtatakbo ako pabalik sa loob ng bahay at dahan-dahang isinara ang pintuan. Halos maglulundag ako sa kilig sa epektong dulot ng mga salita at galaw niya. Pero bakit niya nga ba ginagawa iyon?

Nagtungo ako sa kusina upang uminom ng tubig at sandaling nag-isip. Pakiramdam ko kasi ay hindi ako makakatulog sa mokong na Lee na ‘yon. Kagagaling ko lang sa break-up namin ni Kai at alam kong hindi pa ako nakaka-move on ng lubusan sa kaniya. Pero bakit ba pinagugulo ni Lee ang lahat?

Pagkaakyat ko sa kwarto ay tiningnan kong muli ang cellphone ko. Dahan-dahan akong nahiga at nagtalukbong ng kumot. Sinipat ko ang picture message na sinned sa akin ni Kai noon at unti-unti na naman akong nakaramdam ng lungkot. Hinayaan ko na lang ang sarili kong ilabas ang mga luhang pilit kong ikinukubli at ang tangi ko na lang nagawa ay ibulong ang pangalan niya sa hangin bago ako tuluyang nilamon ng antok.

“Yuri…”

***

“Akala ko ba hindi na kayo nagkaka-text nang Kai na ‘yan?”

Halos mabitawan ko ang labis na pagkabigla nang biglang sumulpot si Lee sa likuran ko. Kasalukuyan kasi akong nasa bakanteng lote sa tabi ng bahay namin at doon nagpasyang magmuni-muni. Tumitipa-tipa lang ako ng ilang salita na nais kong sabihin kay Kai subalit wala naman akong balak pa na i-send iyon.

“L-Lee…” Tumingin ako sa kaniya at kita ko ang pagkairita sa itsura niya. “Hindi na nga. Ano kasi-“

“Ganoon mo ba kagusto ‘yang lalakeng ‘yan?” Hindi niya na pinatapos ang sasabihin ko at tumataas na rin ang boses niya.

“Oo!” Nasigawan ko siya sa labis na pagkairita ko. Kasi naman kung umasta siya ay para bang may relasyon kami. Na para bang bawal na akong makipag-usap o makipagkaibigan sa iba. “Pakealam mo ba?”

Tila nabigla naman siya sa naging sagot ko sa kaniya.

“Fine! Simula ngayon. Wala na akong pakealam sa ‘yo. Our friendship is over!”

Halos lumabas ang puso ko sa dibdib ko sa labis na pagkalabog nito. Biglang bumuhos ang luha ko nang makita ko ang pagtalikod niya sa akin. Patakbo siyang umalis palayo sa akin kaya mas lalong nanikip ang dibdib ko. Hindi ko akalaing mag-aaway kami ng ganito kalala. Simula kasi noon, simpleng tampuhan lang ang nagiging away namin at nagkakaayos din naman kami. Pero hindi sumagi sa isip kong magtatapos ang pagkakaibigan namin sa ganito.

Hinintay ko lang saglit na bumuti-buti ang pakiramdam ko at saka ako nagpasyang umuwi sa bahay. Kaagad akong dumiretso sa C.R. upang maghilamos para kahit paano naman ay mawala ang pamumugto ng mga mata ko. Tiyak kong kapag nakita iyon ng kapatid ko ay mag-uusisa ito.

Nang makapasok sa kwarto ay walang kabuhay-buhay akong nahiga sa kama. Sinubukan kong humugot ng lakas ng loob para i-text si Lee dahil ayoko namang magtapos kami sa ganito.

Lee…

Message sent.

Ilang minute rin akong naghintay ng reply niya subalit wala akong reply na natanggap.

Sorry na.

Message sent.

Muli akong nag-send ng text sa kaniya ngunit ganoon pa rin. Wala pa rin siyang reply sa akin. Inisip ko na lang na wala siyang load para kahit paano ay hindi naman masyadong sumama ang loob ko nang sobra.

Kinabukasan nakarinig ako ng palatak mula sa labas kaya sumilip ako sa bintana. Naroon si Ruther, Marco, at Lee. Si Ruther lang kasi ang nakakagawa ng malakas na palatak kaya naman alam ko na kaagad kapag siya ang nagtatawag. Pinag-iisipan ko pa kung lalabas ako dahil nga naroon din si Lee. Hindi ko alam kung kaya ko bang harapin siya. Sa huli ay minabuti ko pa ring lumabas upang kahit paano naman ay makapag-usap kami.

“Rei,” pagtawag ni Marco sa akin.

“Magkaaway raw kayo ni Lee?” tanong ni Ruther.

At talagang sinabi niya pa sa dalawang kabarkada namin.

“Uuwi na ako,” sabi ni Lee at tumayo na.

“Uy! Grabe mag-usap nga kayo.” Buti pa si Ruther may pagka-matured kahit paminsan-minsan. Ngunit parang hangin lang itong nagsalita. Dire-diretso lang si Lee na naglalakad palayo sa amin kaya naman hinabol ko na ito.

“Lee…”

Ngunit matigas talaga siya at hindi niya talaga ako pinapansin kaya naman niyakap ko na siya mula sa kaniyang likuran. Doon lang siya huminto sa paglalakad. Sa ginawa kong iyon parang napipi naman ako dahil hindi ko na alam kung anong sasabihin ko. Nakakahiya din kasi na ginawa ko iyon. But then, I think it would be better for us. It is better na ibaba ko ang pride ko kaysa mawala ang friendship na pinakaiingatan ko.



Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Bitter or Better 1: #FirstLoveSyndrome – Chapter 11: Jelousy

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.