Bitter or Better 1: #FirstLoveSyndrome – Chapter 9: I’m Back

After 3 years and 8 months ng pananatili ko sa Japan, ni minsan ay hindi naalis sa isip ko si Kai. Syempre siya pa rin naman ang first love ko. Siya pa rin ang lalaking dahilan kung paano ako natutong magmahal iyon nga lang ay siya rin ang dahilan kung bakit ko naranasan ang mabigo. Nakakalungkot isipin na ganoon lang kadali para sa kaniya na basta iwanan ako. Siguro talagang hindi niya nga ako minahal gaya ng sabi niya. Siguro nga talagang hindi lang kami itinadhana para sa isa’t isa.

And now, I am back for good na ulit dito sa Pinas. Ang tagal din ng inilagi ko sa Japan. I even worked there for part time. Kahit paano ay natuto na rin akong magsalita ng lenggwahe nila at nasanay na rin akong makisalamuha sa kanila. Naaalala ko pa, I even wrote a letter for Kai para naman kamustahin siya and yet hindi ko na nilagyan ng address para naman hindi na niya maisipan pang sumagot sa sulat na ‘yon, kahit na alam ko naman na hindi naman na talaga niya gagawin iyon. Nakakatawang isiping nagpunta ako roon para kalimutan siya pero hindi ganoon ang nangyari.

Sa pagbabalik ko rito sa amin, ang dami ng nagbago. Ang tindahan ni mama sa Manila ay napagpasyahan niyang dito na lang sa bahay namin sa Cavite ipagpatuloy at buti naman kahit paano ay kumikita hindi nga lang katulad ng kita sa Manila. Unang-una kasi ay kaunti lang ang nakatira dito sa lugar namin kumpara sa Manila na marami talagang tao at halos dikit-dikit ang mga kabahayan. Idagdag pa na parang hindi uso ang matulog sa kanila.

Nandito ako ngayon sa tindahan syempre. Nakatambay. Dumudukot ng chichirya at kumakaen. Sakto namang may biglang bumili.

“Pabili,” sabi niya.

“Ano ‘yon?” tanong ko naman nang hindi agad nililingon ang bumibili.

“O nandito ka na kagad? Nakabalik ka na pala. Dapat ‘di ka na bumalik at doon ka na lang tumira,” sabi niya, ang aking pinakamagaling na bestfriend, si Lee. I was surprise to see him. Hindi ko kasi akalaing magkikita pa ulit kami. Akala ko kasi talaga ay sa Japan na ako titira pero sadyang hindi yata ukol ng tadhana.

“Na-miss mo lang ako,” panunukso ko naman sa kaniya sabay tawa.

“Asa ka naman. Pagbilhan mo na lang ako ng RC na malaki. Pahingi na rin ng plastic tatlo at straw,” sabi niya habang hindi matanggal sa kaniyang mukha ang lapad ng kaniyang pagkakangiti. Kaya sino ba namang maniniwala na hindi niya ako na-miss?

“O eto na. Mamaya, laro tayo basketball.”

“Oo na.” Hanggang sa tuluyan na nga itong umalis.

Kasalukuyan akong nasa kwarto nang tumunog ang cellphone ko.

1 Message Received.

Lee

Hi

Oo nga pala, naibigay ko na nga pala sa kaniya ang new cellphone number ko. Ilang araw na rin kasi ang nakakalipas at araw-araw kaming nagkikita. Sakto kasi na bakasyon din kaya nandito sila ngayon sa Cavite.

Hi

Message sent.

1 Message Received

Lee

Kumusta? Gawa mo?

Eto nasa kwarto nagsusulat.

Message sent.

1 Message Received.

Lee

May sasabihin ako sa’yo.

Ano na naman ‘yan?

Parang kalokohan na naman

‘yan ha?

Message sent.

Sa totoo lang nakaramdam ako ng kaba sa text niya. Parang ang seryoso niya kasi at hindi ako sanay na ganoon siya. Sa tagal kasi naming magkakilala, malimit ko lang siyang makitang magseryoso. Madalas kasi e nang-aasar siya at madalas mambwisit. Minsan naman puro laro lang nasa isip niya at kung anu-anong kalokohan kaya nararamdaman ko kaagad kapag may kakaiba sa kaniya.

1 Message Received.

Lee

Hindi ba crush mo ko?

Nag-aalangan pa akong sagutin ang tanong niya. Although alam naman na niya ang totoo noon pa. Iniisip ko kung sasabihin kong oo, hindi kaya magmukha akong katawa-tawa no’n? Isipin na lang niya hanggang ngayon siya pa rin ang crush ko, hindi lang maka-move te? Isa pa baka mamaya aasarin lang pala ako ng isang ‘to. Pero sa huli nanaig pa rin ang pagiging mabuting nilalang ko at nagsabi ng totoo.

Oo bakit? Crush mo na rin

ako no? Haha!

Message sent.

Natatawa pa ako habang tina-type ang reply ko. Minsan talaga ganoon kami mag-usap kahit sa actual.

1 Message received.

Lee

Oo e. Pa’no ‘yon?

Halos panggigilan ko ang phone ko para siguruhing tama ang binabasa ko. Baka kasi mamaya nagkamali lang ako ng basa at pagkakaintindi. I am speechless for a while. Puro ngiti lang ang rumerehistro sa mukha ko. Ewan ko ba ba’t ganoon. Pero at the other part of my brain tells me na, pwede ring pinagtitripan niya ako.

Anong nakain mo?

Message sent.

1 Message received

Lee

Seryoso ko. Crush na rin kita.

Ang ngiti ko ay kulang na lang umabot hanggang tenga ko sa kilig. So, tama nga ako ng pagkakaintindi. I am not dreaming. Siya na mismo ang may sabi. Once na sinabi niyang seryoso siya, for sure he mean it.

Hindi ko alam ang sasabihin ko.

Message sent.

1 Message received.

Lee

Pa’no na? Crush mo ‘ko,

crush kita. Dapat ba tayo na?

Kahit kinikilig ako at natutuwa, syempre hindi pa rin ako agree na maging kami. Una sa lahat, kaibigan ko siya at ayokong masira ‘yon. Pangalawa, crush ko lang siya, hindi ko siya mahal, magkaiba ‘yon at pangatlo, masyado siyang bata para sa akin.

Mas okay na friends lang tayo.

Tingin ko kasi na-miss mo

lang ako. Syempre matagal

din tayong hindi nagkita.

Kaya akala mo ‘yong

pagka-miss mo sa akin ay

crush na. Mas okay pa rin

na friends na lang tayo at least

walang break up ‘di ba?

Message sent.

Hindi na rin naman siya kumontra sa sinabi ko. Kilala ko siya at alam kong malawak ang pang-unawa niya hindi gaya ng iba. Alam kong maiintindihan niya ang ibig kong sabihin. Hindi sa nagmamaganda ako pero kasi talagang iyon lang ang kaya kong ibigay at iyon lang ang gusto ko, ang magtagal kami bilang magkaibigan.

Dating gawi, tuwing nandito sila Lee sa Cavite ay nagkikita-kita kaming magbabarkada sa nakasanayang tagpuan – sa basketball court. Tamang laro lang ng kung anu-ano. Oo, sa edad kong ito ay naglalaro pa ako iyon nga lang hindi na gaya ng dati na parang nakawala sa koral. Siguro iyon na rin ang bonding naming magkakaibigan. Lahat na yata ng laro sa lansangan na-try na namin, taguan, bangsak, tumbang preso, patintero, agawan base, minsan pa nga ay pati piko at chinese garter ay nilalaro namin at ang masaya pa roon kasama rin namin minsan ang mga pinsan ko maglaro.

“Kumusta sa Japan?” tanong ni Lee matapos sumalampak ng upo sa sahig.

“Ayon, ayos naman. Ang saya nga e. First time ko makakita ng snow. Dream come true.” Ngumiti ako sa kaniya at nakita ko rin naman ang pagngiti niya. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng pagkailang. Siguro dahil na rin sa sinabi niya.

“Akala namin doon ka na titira,” sabi naman ni Marco.

Tumawa naman ako sa sinabi niya. “Parang ayaw n’yo na akong bumalik dito ha?”

“Oo ayaw na talaga namin,” sagot naman ni Ruther.

Sabay-sabay naman kaming nagtawanan dahil sa mga hirit nila. Kahit kasi hindi nila aminin o sabihin sa akin ang totoo, alam ko naman na na-miss talaga nila ako. Kung gaano nila ako na-miss, ganoon din ako sa kanila.

Matapos magpakapagod ay nagpasya na kaming umuwi sa aming mga bahay. Dinner time na kasi at syempre pahinga-pahinga rin kapag may time. Pagpasok ko sa loob ng bahay namin ay sakto namang nakahain na ang pinsan ko. Paborito ko pa ang ulam.

“Tara, kaen na,” yaya niya sa akin.

“Sige.” Nagpasya akong umakyat muna at mahiga sandali para makapagpahinga ng kaunti. Dinampot ko ang cellphone ko at tiningnan ang picture messages. May isang picture doon na pumukaw ng atensyon ko, isang picture ng rose na may nakalagay pang I love you in script font. Ang tagal na rin sa akin ng picture message na ito. Nagpapalit-palit ako ng cellphone pero ewan ko ba kung bakit isinasalin-salin ko rin ito sa mga nagiging new cellphone ko. Siguro dahil ito ang unang picture na sinend sa akin ni Yuri. Kaya nga hindi ko matanggap noon na talagang ginamit niya lang ako gaya ng sinabi niya. Pakiramdam ko kasi minahal niya rin naman ako kahit paano.

“Kumusta ka na kaya?” bulong ko sabay ngiti. Tanggap ko na rin naman na talagang walang forever sa amin, na talagang hindi nakatadhanang magkita kami. Masaya na ako na naging bahagi siya ng buhay ko kahit na sa text lang ang lahat. Ang saklap hindi ba? Dahil hanggang sa huli, nauwi rin sa wala ang lahat sa amin. Hindi talaga totoo ang kasabihang kapag mahal mo ipaglaban mo, dahil kahit gaano mo pala kamahal ang isang tao, kapag ayaw niya na at gusto niya ng maging malaya, wala ka ng magagawa pa.

“Ate, bahala ka riyan maubusan ka ng ulam!” Narinig ko pa ang sigaw ng pinsan ko mula sa ibaba. Kasi naman nakalimutan kong kakain na nga pala kami dapat. Kaya bumangon na lang ako at bumaba na upang maghapunan.



Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Bitter or Better 1: #FirstLoveSyndrome – Chapter 9: I’m Back

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.