Book of Fate

Book of Fate (Chapter 10)

Nang nakauwi na si Alexa sa bahay ay umupo muna siya sa sala at muling pumasok sa isip niya ang sinabi ni Ryan tungkol sa lalaking sinasabi nito. “Sino ba talaga ang tinutukoy niya sa mga sinabi niya kanina?” Bumuntong hininga na lamang siya at pumunta ng kwarto at nagpalit ng damit.

Umupo siya ulit sa harap ng mesa para simulan ulit magsulat. “Ipagpatuloy ko na lang ‘to kaysa isipin ko ang mga taong hindi ko na maalala.” Kinuha niya muli ang kanyang ballpen at nagsimula ulit isulat ang karugtong ng eksena nila Daniella sa bagong classmate nila.

Sa ilang lesson na itinuro sa kanila ng kanilang teacher, mukhang si Daniella ay wala sa lesson ang atensyon kung hindi sa babaeng nakaupo sa harap ng desk niya na si Charice. Nagtataka pa rin siya kung bakit ngumiti ito kay William gayong bagong estudyante pa lang siya sa kanilang eskwelahan at parang kilala na niya ito simula palang sa kung paano siya ngumiti kay William..

Habang hinihintay nila ang susunod nilang teacher may nagbaba ng isang papel sa desk ni Daniella na may nakasulat. Kumunot ang noo niya at tumingin kung sino ang naglagay ng papel at paglingon niya ay si Bree pala at sinenyas gamit ang kanyang mata na tingnan ang nakasulat sa papel.

Binasa niya ito gamit lang ang mata. “Halata ka Dan, apektado ka ba?”

Tiningnan niya muna si Bree bago nagsulat rin sa papel. “Saan?” At binigay muli kay Bree ang papel.

“Lutang ka na naman. Alam mo na ‘yon.” At naglagay pa ito ng drawing na nakakunot ang noo.

Binasa muli niya ang nakasulat. “Ang alin nga!”

Napapikit na lang si Bree sa sagot ni Daniella. “Ikaw! Konti na lang hihilahin ko na ‘yang buhok mo. Tungkol ‘to kay William at sa bagong estudyante na si Charice.”

Buti na lang si Charice at William ay busy sa ginagawa nila kaya hindi mapapansin kung ano ang ginawa ng dalawa. “Bakit naman ako magiging apektado sa kanila?”

“Sus kunwari ka pa. Halata naman dahil kanina ka pa hindi maka-focus sa lesson ng ibang teacher natin.”

Ibinalik muli ni Bree ang papel sa kanya, magsusulat na sana siya ng sagot ng lumingon si William sa gawi niya at sa mismong papel sa desk niya ito nakatingin, kaya naman dali-dali niya itong tinakpan at ngumiti kay William. Ilang segundo rin ang itinagal bago ilipat ni William ang paningin niya sa kanya mula sa papel. Ngumiti pa siya ng mas malaki, at sa ganong tagpo sila nakita ni Charice ng lumingon ito para sana tingnan si William pero hindi naman niya inaasahan na sa iba ito nakatingin. Tiningnan ni Charice kung saan nakatingin si William at nakita niya na sa isang kaklase nila na babae. Nagtaka siya dahil kilala niya si William na hindi tumitingin sa ibang tao lalo pa’t sa isang babae, lagi kasi itong nakatutok sa libro at walang oras para pansinin ang mga tao sa paligid niya.

Sa isip ni Daniella, ” Bakit ang tagal naman niyang alisin ang tingin niya sa akin. Ibig bang sabihin nito ay nagagandahan siya sa mukha ko.” Inayos pa niya ang buhok niya at dahan-dahan na inipit sa likod ng tenga niya.

Kumunot naman ang noo ni William sa ginawa niya. Umiling lang ito bago nagbasa muli ng libro. Si Charice naman ay umayos na ng upo at tila kay lalim ng iniisip.

Biglang hinablot ni Bree ang papel sa kanya at mabilis na nagsulat na mukhang konti na lang ay mabubutas na ang papel. “Alam mo ikaw Dan, huwag mo naman ipahalata kay William na patay na patay ka sa kanya. Ang resulta ay hindi ka rin niya napansin at naging mukhang tanga sa ginagawa mo.”

Medyo malakas ang pagkakalagay ni Bree ng papel sa desk niya. “Malay ko ba. Akala ko nagagandahan siya sa akin eh.”

Nang nabasa ito ni Bree ay isang irap na lang ang sinagot niya sa kanya dahil pumasok na ang sunod nilang teacher.

Break time at napag-desisyunan ng dalawa na si Bree at Daniella na sa garden na lang magmiryenda. “Dan, ako na lang bibili ng snacks at drinks nating dalawa, dito ka na lang baka may umupo pang iba eh,” saad ni Bree.

“Okay sige.” At lumakad na nga palayo si Bree.

Siya naman ay umupo na at ginamit na lang ang kanyang cellphone habang hinihintay niya si Bree, pero hindi pa man nagtatagal ang pag-scroll niya sa phone niya ay napansin niyang may umupo sa kabilang upuan ng lamesa nila na nakaharap sa kanya.

Bahagyang kumunot ang noo ni Daniella at dahan-dahan na itinaas ang ulo upang makita kung sino ang tao na ‘yon, at ng makita niya ito ay lalong pang lumukot ang noo niya dahil ang nasa harap niya ngayon ay ang bago nilang kaklase.

Sa paraan ng pagkakatitig ni Daniella kay Charice ay parang sinasabing bakit siya naroon. “Sino ka?” tanong ni Charice sa kanya.

Nalito siya sa tanong nito. “Paanong sino ako. Ang pangalan ko ba?”

“Hindi ako interesado sa pangalan mo. Ang tanong ko kung sino ka sa buhay ni William.”

Sa isip niya, “Ang tapang naman nito. At tama ang hinala ko kilala niya nga si William kaya ganon na lang ang ngiti niya ng makita niya si William kanina.”

Humalukipkip siya at matapang rin na tiningnan si Charice. “Daniella ang pangalan ko kahit hindi ka interesadong malaman, at bakit mo na tanong kung sino ako sa buhay ni William?” Tinaasan pa niya ito ng kilay.

“Nakita ko kung paano ka tingnan ni William kanina sa classroom. May relasyon ba kayong dalawa?”

“Wish ko lang na meron kaso wala,” bulong niya.

“Anong binubulong mo diyan?”

“Yes, meron kaming relasyon ni William,” biglang sambit niya.

Gulat ang makikita sa mukha ni Charice sa sinabi niya. “Imposible!” tila nagtitimpi pa nitong isigaw.

“Posible ‘yon.”

Tiningnan siya ng masama nito. “Imposible talaga ‘yon dahil wala naman akong nabalitaan na meron ng girlfriend si William!”

“Baka hindi umabot sayo kaya hindi mo alam. Wala ka bang cellphone o kaya television para makanood ng balita?” simpleng sagot lang niya.

Biglang itong tumayo at nagulat siya sa kinilos nito dahil lumapit pa ito kung saan siya nakaupo. “Hindi ‘yan totoo, maniniwala lang ako pag si William na ang nagsabi!” Makikita sa mukha ni Charice ang sakit.

Sa ganong eksena sila nadatnan ni Bree. “Anong nangyayari rito?” Tumingin lang sa kanya si Charice at tinalikuran na sila at umalis.

Habang umuupo na si Bree ay nagtataka siya. “Bakit narito ‘yon?”

Kinuha niya ang snack na binili ni Bree. “Ewan ko do’n bigla na lang umupo rito.”

“Bakit parang nag-aaway ata kayo bago ako dumating?”

“Hindi, imagination mo lang ‘yon,” inosenteng saad niya.

“Sigurado ka?”

“Kumain ka na lang diyan at baka biglang tumunog ang bell hindi ka pa kumakain.”

Habang kumakain sila ay nagtataka pa rin talaga si Bree kung bakit kausap ni Daniella ang bago nilang kaklase at kung bakit ganon ang itsura nito bago umalis.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Book of Fate (Chapter 10)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.