Book of Fate

Book of Fate (Chapter 19)

Huminto si Alexa sa pagsusulat dahil sa naiiyak siya sa eksena niya sa libro. “Tama bang maiyak sa sinusulat ko. Sa imahinasyon ko naman siya galing at ako ang nagsusulat pero bakit apektado ako.” Inipit niya ang ballpen sa libro at isinara niya ito. “Magkakape muna ko.” Tumayo na siya at lumabas na ng kwarto.

Samantala habang na sa isang restaurant si Jack dahil mayroon siyang kinausap na isang tao tungkol sa kompanya. At nang natapos na ito ay hindi muna siya umalis sa restaurant na iyon ng may isang tao na muling umupo sa upuan sa harapan niya at ang pagitan ay isang lamesa.

Nagtaka siya dahil hindi niya ito kilala. “Yes?”

Ngumiti ito sa kanya at sumandal sa upuan. “Magandang hapon sa iyo.” bati nito sa kanya.

Nag-aalinlangan siya pero nagtanong siya muli. “Excuse me. Do I know you?”

“Hindi. Gusto lang sana kitang kausapin.”

“Tungkol saan?” Naguguluhan pa rin siya sa biglaang pagka-usap nito sa kanya.

“Gusto mo na ba siyang makita?”

Kumunot ang noo niya. “Sino?”

“May hinahanap kang tao ‘di ba.”

Bigla siyang nagduda sa taong kaharap niya dahil sa sinabi nito. Hindi niya pina-alam kahit kanino ang paghahanap kay Alexa maliban kay Glen at sa team nito, kaya nakaramdam siya ng konting kaba dahil paano nito nalaman ang tungkol do’n. “Paano mo nalaman na mayroon akong hinahanap na tao?”

“Malapit mo na siyang makita,” sambit nito kaagad.

Siya naman ay hindi maunawaan ang pinagsasabi ng lalaki. “Anong malapit na? Kasali ka ba sa team ni Glen kaya mo alam ang mga information na sinasabi mo? Sa kanila ko lang sinabi ang mga ‘yon dahil sila ang kinuha ko para maghanap, pero bakit alam mo ang bagay na ‘yon.”

Tinitigan siya nito sa mata na parang binabasa ang buong pagkatao niya. Hindi man lang ito pumikit sa pagkakatitig sa kanya. “Mag-ingat ka sa mga susunod na mga araw dahil baka may mangyari na hindi mo inaasahan at tiyak akong pagsisisihan mo ‘yon.” Tumayo na ito at lumakad na parang walang nangyari at walang sinabi sa kanya na sobrang pinagtataka niya.

“Okay lang ba ang tao na ‘yon? Manghuhula ba siya?” sambit na lang niya pero kalaunan ay tumayo na rin siya at lumabas na ng restaurant at pamunta na sa parking lot.

Pero habang kinukuha niya ang susi sa bulsa ng coat niya ay napa-atras siya dahil sa lakas ng pagkaka-bangga ng tao sa harap niya. “Sorry, sorry,” hingi niya ng dispensa at yumuko. Pero nang balak na niyang humakbang paalis ay tinawag siya ng tao na ‘yon.

“Jack.”

Napahinto siya kaagad at lumingon dito ngunit hindi niya kilala ang tumawag sa kanya. “Bakit parang ang dami atang lumalapit sa akin ngayon na hindi ko kilala at parang kilala naman nila ako?” saad niya sa isip habang ina-aninag kung sino nga ba ang tao na malapit sa kinatatayuan niya.

“Kilala rin ba kita?” alinlangan pang tanong niya dahil sa mga weird na tao na lumalapit at nakakakilala sa kanya.

Kalaunan ay pumunta ang dalawa sa gilid ng parking lot para mag-usap.

“Bakit kilala mo ako?” tanong niya sa lalaki.

Ngumiti ito at nilingon siya. “Bilis mo naman makalimot. Kung pagbantaan mo ako noon parang close tayo tapos ngayon hindi mo na alam kung sino ako. Hindi mo ba ko namumukhaan?”

Pinakatitigan pa niya ang lalaki ng nakakunot ang noo pero hindi niya pa rin maalala kung sino ang na sa harap niya ngayon. “Hindi,” simpleng sagot lang niya.

“Sabagay ilang years na rin ang nakakalipas kaya baka hindi mo na rin ako matandaan. Saka hindi naman talaga tayo naging magkaibigan.” Tumawa pa ito. “Ako si Ryan ang kasabayan mo noong high school sigurado ako na maaalala mo ako dahil ako lang naman ang crush ng napupusuan mo noon na si Alexa.”

Lumapit pa siya ng konti kay Ryan at ng mapagtanto niya na ito nga ang crush noon ni Alexa. “Teka— ikaw nga!” Nakangiti na itinuturo niya ito.

Napa-iling na lang si Ryan sa kanya. “Sabi na basta pangalan na Alexa.”

“Kamusta, It’s been a while.”

“Okay naman may pamilya na at isang anak.”

“Talaga? Congrats kung ganon,” masayang saad niya.

Pero mukhang may naisip na kalokohan si Ryan. Titingnan niya kung meron pang feelings ito kay Alexa hanggang ngayon o meron na rin itong girlfriend o asawa. “Oo Jack, may isang anak na kami ni Alexa,” walang preno nitong sagot. Pero hindi niya inaasahan na ang ngiti ni Jack kanina ngayon ay unti-unti ng nawawala sa pagkaka-banggit niya kay Alexa.

Si Jack naman ay parang piniga ang puso sa sinabi sa kanya ni Ryan dahil hindi niya inaasahan ito. “Si Alexa na batch mate natin nung high school?” Paninigurado pa niya.

Tumango ito bilang sagot. “Congrats kung ganon. Kayo rin pala ang magkakatuluyan sa huli.” Pinipigilan niya na huwag maapektuhan habang nagsasalita.

Inobserbahan ito ni Ryan at nakita niya kung ano ang reaksyon nito at tila hindi ito masaya na ang pangalan ng asawa niya ay Alexa. “Bakit parang hindi ka naman masaya? Kilala mo ba ang Alexa na tinutukoy ko?”

Kunot noo niyang tiningnan si Ryan. “Si Alexa yung pinagbantaan pa kita huwag ka lang lumapit sa kanya. May iba pa ba?”

Tumawa ng mahina si Ryan. “Syempre meron. Ang Alexa na tinutukoy ko ay hindi si Alexa Larson na gusto mo, may batch mate tayo na parehas ang pangalan kay Alexa pero hindi siya.”

Nakahinga naman ng maluwag si Jack. “Akala ko—” Biglang nagsalita si Ryan.

“Na si Alexa Larson?”

Tumango siya. “Hindi, magka-iba sila at saka sinunod ko naman ang sinabi mo noon hanggang maka-graduate tayo pero mukhang ikaw ang hindi nakapagtapat sa kanya ng panahon na ‘yon. Ano nga ba ang nangyari at hindi mo nasabi?”

Maliit siyang ngumiti. “Natakot ako dahil baka hindi niya rin ako tanggapin kung sakali.”

“Ang lakas ng loob mong pagbantaan ako pero pag kay Alexa para kang maamong tupa, siya nga pala ikaw kumusta ka na yung buhay mo ngayon?”

“I’m a Ceo of my own company.”

“Galing, akala ko hindi ka ba magseseryoso sa buhay, tingnan mo ngayon isa ka ng Ceo.”

Masama niya itong tiningnan. “Mas matalino pa ko sayo noon tamad lang ako, pero mas mataas ang IQ ko sayo,” pagmamayabang pa niyang saad.

“Sus hindi rin.” Nakangiti saad ni Jack. “Pero maiba tayo, ikaw may pamilya ka na ba o girlfriend?”

“Wala pa,” maikling sagot niya.

Humalukipkip si Ryan. “Sa palagay ko ay hindi ka pa nakakamove-on kay Alexa. Nagkita na ba kayo ulit?”

“Hindi pa.”

“Talaga? Nakita ko siya nung isang araw sa isang mall namimili.”

Naging alerto si Jack. “Saang lugar?” kinakabahan niyang tanong.

“Malapit lang din dito sa isang mall.”

“Alam mo ba kung saan siya lugar nakatira?” Makikita sa mukha niya na gustong-gusto na niyang malaman kung saan talaga naroon si Alexa.

Umiling si Ryan. “Hindi, nagkataon lang na nakita ko siya ng araw na ‘yon at nag-usap lang. Pero kung saan lugar siya nakatira ay hindi ko alam.”

Bumuntong-hininga siya. “Ganon ba.”

“Pero baka sakali na malapit lang sa mall kung saan kami nagkita ang lugar kung saan siya nakatira.”

Ibinigay ni Ryan ang address ng mall kay Jack at baka makita nito si Alexa malapit lang roon.

“Diyan sa mall na ‘yan ko siya nakita, kung gusto mo puntahan mo ‘yan, pero hindi ko sigurado kung magtatagpo kayo, pero sigurado ako na babalik siya riyan, hinala ko kasi ay doon siya namimili ng grocery niya. Ang hindi ko lang alam kung kailan siya ulit pupunta roon.”

Tiningnan niya ang papel na may address na bigay ni Ryan. “Pero salamat pa rin dito kahit paano may alam ako kung nasaan siya at madali na lang na hanapin kung sakali.”

Inangat ni Ryan ang kamay niya para tingnan ang oras sa suot niyang relo. “Paano alis na ako baka mamaya naiinip na ang misis ko sa akin.”

Tumango lang siya kay Ryan at nagsimula na itong lumakad paalis. Mabilis na rin siyang tumungo sa kanyang kotse at umalis.

Habang naglalakad si Ryan ay may nakalimutan siyang ibigay kay Jack, kaya nagmamadali siyang bumalik sa puwesto nila kanina pero wala na si Jack doon at kahit libutin niya ng tingin ang paligid ay tuluyan ng naka-alis ito. “Sayang nakalimutan ko na may number nga pala ko ni Alexa. Kung naisip ko agad baka number na lang ni Alexa ang binigay ko hindi na ‘yong address kung nasaan ang mall. Di bale kung magtatagpo ulit kami at hindi pa niya nakikita si Alexa ay saka ko na lang ibibigay ang phone number,” saad niya sa sarili. Umalis na lang si Ryan ulit sa parking lot.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Book of Fate (Chapter 19)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.